XVIII

2454 Words
CHAPTER EIGHTEEN SUMILAY ang mga ngiti sa labi ni Carson. Hinawakan niya ang mukha ko at bahagyang inilapit ang mukha niya sa `kin. “Gusto mong umiyak, Misis?” I roll my eyeballs ceilingwards. “Ayoko. Hormones lang siguro `to.” Nagkatawanan pa kaming dalawa. “Huwag ka nang malungkot,” sabi pa niya. “Hindi naman kita hahayaang mag-isa, eh.” Kinintalan niya ng malutong na halik ang noo ko. “Nagugutom uli ako. Gusto kong kumain ng sandwich. Tara, baba tayo.” Hindi raw niya ako hahayaang mag-isa. Hindi niya sinabi kung hanggang kailan. Pero sabi ko nga, ang ngayon ang mahalaga. Nakangiting tumango ako. Nararamdaman ko nang unti-unti na uling gumagaan ang loob ko. “Ano’ng kinain n’yo habang nanonood ng movie kanina?” “Popcorn,” parang batang sagot ko. “I-remind mo ako bukas. Kakain tayo ng mais.” Naunang tumayo si Carson at inalalayan ako. Then he wraps his arm around me. Iniyakap ko naman ang isang braso ko sa baywang niya. We walk out of the room. “Marami ka pa bang kailangang tapusin, Mister?” “Marami-rami pa, Misis. Bakit? Tutulungan mo `ko?” “Hindi. Sasamahan lang kitang magpuyat. Siyangapala, pwede ko bang makita ang picture ng dad mo? Napapaisip pa rin talaga ako. Baka magkapatid talaga tayo.” “Ayan ka na naman, eh,” umasim ang mukhang reklamo naman niya. Napabungisngis na lang ako. Gising pa ang kusinera nang mga sandaling iyon. Hinayaan naman niya kami ni Carson na makialam sa kusina. Nagprito kami ng itlog para sa egg sandwich at nagtimpla ng kape. Isa raw iyon sa produktong ipinagmamalaki ng coffee farm ng mga kaibigan niya. Niyaya niya `kong pumunta ro’n sa bakasyon. Ang dami talaga niyang naiisip. Na-excite naman tuloy ako. “Wala pa bang laman `to?” Napaigtad ako nang yakapin niya `ko mula sa likuran at hinawakan niya ang tiyan ko. Kasalukuyan kong nilalagyan ng mayonaise ang tinapay. “Excited na `ko, eh.” “Palibhasa, hindi ikaw ang magbubuntis,” nakangiting pakli ko. “Sa `kin naman siya galing.” Napahagikhik ako nang pupugin niya ng halik ang leeg ko. “Huwag mo nga `kong guluhin,” saway ko sa kanya. “Isusunod ko `yang ano mo, sige ka.” “Now you’re talking dirty to me,” he says with a laugh. Pinanlakihan ko naman siya ng mga mata. “Wala akong alam sa mga talk-talk na `yan. Ang alam ko lang, kung paano ka tuktukan.” Ibinigay ko na ang ginawa kong sandwich sa kanya. “Magsing-irog,” si Aling Virgie, ang cook. Iniwan niya kami kanina para magbanyo. “Matutulog na `ko, ha? Kayo na ang bahala sa isa’t isa. Mukhang hindi n’yo naman na ako kailangan.” Makahulugan pa ang ngiting ibinigay niya sa `min. “Good night po, Aling Virgie,” nakangiting tugon ko. “`Night, Aling Virgie. Ipagdasal n’yong may laman na agad ang tiyan ng misis ko.” Napahagikhik pa si Aling Virgie. “Oo naman. Sigurado `yan.” At iniwan na kami ni Aling Virgie. Hinalikan naman ako ni Carson sa gilid ng noo ko. “Narinig mo `yon, Misis.” Pinisil ko naman ang pisngi niya. BUONG umaga ay busy ako. Hiniram ko muna kay Carson si Attorney Legaspi para tulungan ako sa plano kong pag-o-organize ng simpleng party para sa mga lolo at lola sa home for the aged. Ang dami kong gustong mangyari. Nahihiya nga ako kay Attorney Legaspi kasi hindi naman ako ang boss niya. Lahat ng detalyeng sinabi ko ay tinandaan niya. Pagkatapos ng discussion namin ay maghahanap siya ng mga event organizer para makapag-set na agad ng appointment. “Salamat po uli, Attorney,” sabi ko. “Walang ano man, Ma’am. Ang boss ni Sir Carson ay boss ko na rin.” “Narinig ko `yon, ha,” si Carson. Natawa naman ako. “Maiwan ko na muna kayo.” Lumabas na si Attorney Legaspi. Tumayo naman si Carson at tinabihan ako sa sofa. “Tinamad ka nang magtrabaho?” tanong ko. In-extend niya ang braso niya sa kinasasandalan ko. “Nawala na `ko sa concentration kasi mas gusto kong pinapanood kang magsalita rito kanina.” Sinundot ko ang pisngi niya. “Gutom ka na, `no? Gutom na rin ako. Kain tayo, Mister. Gusto ko ng spaghetti na maraming sauce saka hotdog. At saka cheese burger. Mister, tingin mo, naglilihi na `ko?” Nakita kong namilog ang mga mata ni Carson. He leans closer to me with that silly smile on his face. “At ano pang gusto mong kainin, Misis? Dessert, may gusto ka?” “`Yong halo-halo sa Selina’s.” “Okay. Sabi mo, eh.” Hinawakan niya ang likuran ng ulo ko at hinalikan ako sa noo. MAAGA kaming umalis ng opisina nang dumating ang hapon. Tinotoo nga ni Carson na kakain kami ng mais. Pumunta kami sa park. Wala lang. Gusto lang daw niyang maglakad-lakad. Bukas, hindi raw siya papasok ng opisina kasi nga meron kaming pupuntahang party at gusto niyang mag-beauty rest kami pareho. Magkahawak kami ng kamay habang naglalakad. Kahit saan ako tumingin ay meron akong nakikitang magkapareha. Ang iba sa kanila, naka-school uniform pa. “Naranasan mo nang makipag-date sa park, Misis?” tanong sa `kin ni Carson. “Oo kaya. Sa park kami madalas na mag-date ni Ruden noon no’ng mga estudyante pa lang kami. `Lam mo na, sakto lang ang budget pang-allowance. Magkasama lang kami, okay na `yon,” sagot ko. Kinukwento ko na lang ngayon ang nakaraan namin ni Ruden na parang ordinaryong alaala na lang. “Ikaw, Mister?” Nang tumingala ako sa mukha niya ay sambakol iyon. Napakunot-noo ako. Ano ang problema ni Carson? “So na-miss mo `yong mga panahon na nagde-date kayo rito?” walang kangit-ngiti niyang tanong. “Nagtanong ka, sinagot ko lang. At hindi ko `yon nami-miss. Hindi ko lang nakalimutan.” “Bakit ko pa kasi `yon tinanong?” mahinang sabi niya. “Sa susunod, kapag naririnig mo `yong salitang ‘park’, `yong date lang natin ang maiisip mo, ha? Huwag na `yong date n’yo ng ex mo. Mas gwapo naman ako ro’n, eh.” “Que gwapo o mas gwapo, `pag babaero, babaero. Que maganda o mas maganda, kapag niloko ka, pareho lang ding masakit `yon.” “Ang witty talaga ng Misis ko!” Pabiro pa niyang kinurot ang pisngi ko. Napabungisngis na nag-iwas ako ng mukha at hindi sinasadyang mapadako ang tingin ko sa isang matandang babaeng nasa wheelchair habang tinutulak ng babaeng nurse at isang matandang lalaki na sinasabayan ito habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanila. Masaya ang mga mukha nila habang nagkukwentuhan ng kung ano. Hindi ko mapigilang mamangha. `Yong tinginan nilang dalawa, parang may magic doon. Pwede pala. Meron pa pala. “Sana pagtanda natin, ganyan din tayo, `no?” Natauhan ako sa sinabing `yon ni Carson kaya sandaling nawala ang atensiyon ko sa mag-asawa. Hindi makapaniwalang napatingin ako sa mukha niya. Nakangiti siya habang nakatingin din sa direksiyon ng mag-asawa. Kumabog ang dibdib ko. Ano ang ibig niyang sabihin sa sinabi niyang `yon? Sinasabi ba ni Carson na gusto niya `kong makasamang tumanda? “Ang sweet nila, `no? Ikukwento ko `to kay Camya para magkaroon siya ng inspirasyon sa mga nobela niya.” Pinisil niya nang mahigpit ang kamay ko. Nanlaki pa ang mga mata niya at merong itinuro sa likuran ko. “Sakto! Nagtitinda ng mais. Alam mo na `yan, Misis.” Nakangiting nagpatianod na lang ako nang hilahin niya ako. “MAAGA pa, Misis. Meron ka bang naiisip na gustong puntahan?” Nakaupo kami sa swing habang kumakain ng nilagang mais na binudburan ng cheese powder. Maraming binili si Carson para meron daw kaming kainin habang nasa biyahe. “Hmmm...” I roll my eyeballs heavenwards. “Speaking of maaga, dahil maaga pa naman, meron akong time para magluto ng hapunan mamaya. Tapos habang nagluluto ako, meron din tayong time para magkape. Ayos na `yon, Mister.” Brilliant idea, right? Magkakaroon na rin ako ng pagkakataon na ipagluto ang pamilya ng asawa ko. Kailangang ma-impress sina Chamomile at Calla. Para hindi na nila ako pakawalan bilang sister-in-law nila. Mga kalokohan ko rin talaga. “Wow, parang mas gusto ko `yon, ah.” Nahimigan ko ang excitement sa boses ni Carson “Ano bang paboritong pagkain ng mga kapatid mo? Saka pwede ba nating imbitahan si Camya? Kung hindi lang naman siya busy.” “Nice idea.” Kinuha ni Carson sa loob ng coat niya ang cellphone niya. “Nagkukulong lang naman sa lungga niya `yong kapatid ko. Wala naman sigurong masama kung masisikatan siya ng araw.” Ang akala ko ay ida-dial na niya ang number ni Camya pero nagulat ako nang ibigay niya sa `kin ang cellphone niya. “Ikaw na ang tumawag para mapapayag mo siya.” “Cellphone mo `to, eh,” sabi ko. “Kaya nga ibinibigay ko sa`yo. Tawagan mo na. Hindi ka n’on matatanggihan,” he says with a smile. Matapos ang sandaling pag-aalangan ay tinanggap ko na rin ang cellphone niya. Pero nanghihingi iyon ng PIN. Noong nakaraan naman, isang swipe lang at nabubuksan na ang phone niya. “Ano’ng PIN nito?” “Date ng kasal natin.” Nakagat ko ang ibabang labi ko sa sagot niya. Sinikap kong huwag tumingin sa mukha niya kasi baka mahalata niyang nag-init ang buong mukha ko. Significant ba para sa kanya ang araw ng kasal namin kaya ginawa niyang password sa cellphone niya o ginagalingan lang niya masyado? Pero hindi ko talaga mapigilang kiligin. Gagawin ko rin `to sa cellphone ko. Napatikhim pa ako nang mabuksan ko rin sa wakas ang phone niya. Tinawagan ko si Camya. She’s surprise to hear my voice and not Carson’s. And my husband’s right. Hindi nga ako natanggihan ni Camya. “Okay na, Mister,” sabi ko nang ibalik ko ang cellphone niya. “Pwede na siguro tayong umuwi.” “Okay. Pero meron tayong dadaanan mamaya.” Tumango naman ako. AKALA ko kung ano na `yong sinasabi ni Carson na dadaanan namin. Nagulat ako na `yong matandang babae raw na binilhan niya ng pinapasalubong niya sa akin. Huminto kasi ang sasakyan sa harap ng isang maliit at makeshift na kapehan. Naunang bumaba ng kotse si Carson at inalalayan akong bumaba. Hindi man niya sabihin, halata ko naman sa mukha niyang excited siya. “Sabi kasi ni Lola Ganda, magpapatayo siya ng maliit na tindahan kapag nakaipon na siya. Tinanong ko nga siya kung wala siyang pa-ribbon-cutting.” “Ribbon-cutting?” natawang ulit ko. Merong dalawang nagkakape sa tindahan nang datnan namin. “Lola Ganda, nandito na ho ako!” masiglang bati ni Carson sa matandang babaeng abala sa pagpindot sa calculator nito. Hawak-hawak niya ako sa kamay pero mas pinili kong magtago muna sa likuran niya. Merong suot na salamin si Lola at sa tantiya ko ay nasa late sixties na niya siya. Mukha rin siyang mabait. Hindi nakapagtatakang makasundo siya ni Carson. “O, akala ko, hindi ka na darating. Malapit na akong magsara, eh,” sabi naman ni Lola Ganda nang mag-angat siya ng tingin. Magiliw ang ngiti niya kay Carson. At oo, ‘Ganda’ talaga ang pangalan niya at hindi lang basta pambobola ni Carson. “Ipinagtabi na kita ng pasalubong para sa asawa mo. Sana nga, maglihi na siya.” “Kasama ko nga ho siya ngayon.” Kinabig ako ni Carson sa balikat at iniharap kay Lola Ganda. “Misis, si Lola Ganda. Lola, si Mary Cris po, ang astig kong asawa.” “Magandang hapon po, Lola. Kumusta ho kayo?” nakangiting bati ko kay Lola Ganda. Tinitigan pa ni Lola ang mukha ko. “Aba, tama naman pala ang pagbibida nitong si Carson sa asawa niya. Maganda naman kasi talaga.” Iniabot niya sa akin ang kamay niya. Tinanggap ko naman iyon at nagmano. “Ang akala ko, likas lang siyang bolero. Mukhang mahal na mahal ka nga talaga ng asawa mo. Sana ay biyayaan kayo ng maraming-maraming anak.” Gusto kong itama si Lola Ganda sa sinabi niyang mahal na mahal ako ni Carson. Hindi ko nakakalimutan ang pinag-usapan naming aasikasuhin ang annulment namin as soon as magkaroon ng pagkakataon. Pero paano magiging madali sa akin na tanggapin ang katotohanang iyon kung ganitong ibinibida pala niya ako kay Lola Ganda? Gusto pa yata akong paasahin ng mokong na `to, eh. “Sana nga po,” sincere na tugon ko. Sana nga magbago ang isip ni Carson at magdesisyon siyang huwag na lang akong pakawalan. Sige lang, Cris. Mangarap ka. Libre lang naman, eh. “Kayo lang pong mag-isang nagbabantay rito?” tanong ko pa. “Oo. Susunduin pa kasi ng isang anak ko `yong mga apo ko sa eskwelahan. Dadaanan na lang nila ako rito para magsara at makauwi. Malapit lang din ang bahay namin dito. Hindi ko na rin kailangang maglako. Salamat dito sa pinansiyal na tulong ng asawa mo. Hulog talaga siya ng langit.” “Ayaw nga sana niyang tanggapin,” dugtong ni Carson. “Pero parang katulad mo lang din si Lola Ganda. Kaya nagkasundo kami na libre na lang ang butterscotch at brownies ko sa kanya.” “Heto na, o. Hindi ko talaga ibinenta `to sa suki ko kasi alam kong dadaan ka.” Ngayon naman ay iniaabot na ni Lola Ganda ang ilang pack ng butterscotch at brownies kay Carson. “Salamat, Lola Ganda! Meron na kaming kakainin ng misis ko habang nagkakape. Palakihin na natin ang negosyo n’yo,” hirit pa ni Carson. “Tumigil ka ngang bata ka,” pakli ni Lola Ganda. “Tama na itong naitulong mo sa `kin. Kontento na ako sa ganito. Ayoko nang humiling ng mas malaki pa rito dahil baka hindi ko kaya. Maraming salamat sa pagpapakilala mo sa `kin sa asawa mo. Dumaan kayo uli kung merong pagkakataon.” “Masaya rin po akong makilala kayo, Lola Ganda,” sabi ko naman. “Mukhang malapit ko na pong paglihian `tong butterscotch at brownies n’yo. Ang sarap ho, eh.” “Salamat, salamat. Magkatulong kami ng apo ko sa paggawa niyan. Pangarap kasi n’ong maging pastry chef kapag nag-college na siya. At mukhang matutupad na `yon dahil gagawin siyang scholar ng kompanya ni Carson.” “Ginawa mo rin `yon, Mister?” manghang tanong ko kahit hindi naman na nakakagulat. “Gagawin na talaga kitang santo kahit buhay ka pa. Makikita mo.” “Parang nakakatakot ang dating, Misis, ah.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD