18 - Ending

2418 Words
MABILIS lang ang naging meeting niya. Maging ang sumunod na kliyente ay mabilis lang din ang naging pag-uusap nila. Sa isang taon pa ang balak na pagpapakasal ng mga kliyente niya. Binigyan lang niya ang mga ito ng overview sa mga preparasyon na dapat gawin ganoon din sa kung ano ang wedding trend ngayon. Naalala niyang muli si Mary Grace. Hindi pa rin ito tumatawag. Imposibleng hindi siya tawagan nito kung halimbawang nabalitaan na nito ang tungkol sa pagkasunog sa hotel. Five-star hotel iyon kaya natural lang na maging laman agad ng mga balita. Isa pa, malamang sa circle of friends nito ay mayroon nang nakabalita at baka naitawag na kay Mary Grace. Nagdesisyon siyang tawagan na si Mary Grace. Iisantabi na lang niya ang nalaman niya tungkol kay Jason. Diskarte ni Jaime ang tungkol doon at hindi siya dapat na makisawsaw. Ang dapat niyang pagtuunan ng pansin ay ang sakop ng trabaho niya. Pero dadamputin pa lang niya ang telepono nang walang abog na pumasok sa kanyang opisina si Mary Grace. Mugto ang mga mata nito at tila hanggang sa ngayon ay basa pa rin ng luha ang mga mata. “AYOKO nang matuloy ang kasal,” basag subalit tila determinadong deklara nito. Napanganga si Jenna. Hindi niya alam kung matutuwa siya sa narinig. Iyon ang pinakamadaling solusyon sa pinoproblema niya ngayon. Pero sa halip na matuwa, mas nanaig sa kanya ang concern para sa kaharap. “Maupo ka, Mary Grace,” malumanay na sabi niya. Nilapitan niya ang kanyang personal ref at ikinuha ito ng isang bote ng mineral water. “Calm down.” Tila tumalima naman ito. Tinuyo nito ang luha sa mga mata at uminom ng tubig. Mayamaya ay tumingin lamang ito sa kanya. “What do you mean ayaw mo nang ituloy ang kasal? Baka naman maliit na problema lang iyan,” kaswal na sabi niya. Umiling ito. “It’s Jason. Hanggang ngayon, nakikipag-ugnayan pa rin siya sa ex-girlfriend niya!” Tinig ng nasaktang babae ang umapaw sa boses nito. “Desidido na ako. Sinunog ko na ang imbitasyong dinala mo kanina.” Shocked siya sa narinig pero hindi iyon ipinahalata. “Hindi ka kaya nabibigla lang?” maingat na tanong niya. Mas mariin ang naging iling nito. “Tinawagan ako ng best friend ko. Nakita daw niya kahapon sa isang mall si Jason kasama ang babaeng iyon at mayroon pang bata. Matunog na Daddy daw ang tawag kay Jason. Of course, hindi naman ako naniwala kaagad. Kaninang umaga ay pasimple kong tinanong si Jason kung nasaan siya kahapon. Hindi naman daw siya umalis ng bahay.” “Baka si Jason ang nagsasabi ng totoo,” pasubali niya. “Kagagaling ko lang sa isang apartment sa Makati. Nakita ko mismo ang babaeng iyon at ang bata. Ang masaya pa, nandoon din si Jason. Tatay na tatay na nakikipaglaro ng kaba-kabayuhan doon sa bata! Hindi na siya nakapagkaila. Mabuti na lang at mayroon pa akong isang kaibigan na concerned sa akin. Siya naman ang nagsabi kung saan niya nakitang ibinabahay ni Jason ang babaeng iyon. Napakawalanghiya ng lalaking iyon! Ang kapal ng mukha niya. Ako na nga ang gumagastos para sa kasal namin, niloloko pa niya ako. My God, pinagtatakpan ko pa yun sa kuya ko. Puwes, wala nang kasalang mangyayari!” “Sigurado ka na bang talaga?” kaswal na tanong niya. Sa loob niya ay nais niyang magdiwang. Magandang balita ito para kay Jaime. But of course, hindi niya ito pangungunahan sa balak nito. “Siguradong-sigurado na ako. Si Mama man ay galit na galit din sa nalaman. Ewan ko pero sabi niya kaninang tumawag ako ay pupuntahan niya si Kuya Jaime. Tama nga si Kuya kung bakit ganoon na lang ang pagtutol niya sa pagpapakasal ko sa lalaking iyon. Wala nga palang kuwentang tao ang Jason na iyon.” Halos umapoy ang bibig nito sa mga salitang sinasabi nito. Sa isang saglit ay tila lumipad sa bintana ang lahat ng pag-ibig nito sa lalaki. Puro galit ang nababasa niya sa mukha nito. At wala na ring pagdududa si Jenna na desidido na nga itong hindi na magpapakasal. Wala sa loob na napangiti siya. “Bakit ka nakangiti?” kunot ang noo at nagtatakang tila sita nito sa kanya. “Huwag mong sabihin sa aking ikaw man ay kontra din kay Jason? Hindi ba’t kakampi pa nga kita dati?” “Hindi naman sa ganoon. Busy ka pala ngayong araw na ito kaya wala kang nababalitaan. Well, kanina pa ay problematic na ako sa kasal mo. Nasunog ang Royal Hotel. Apektado ang function room na pina-reserve natin para pagdausan sana ng reception ng kasal mo. Nag-iisip ako ng ibang venue pero mas dapat na mag-usap muna tayo, di ba? But now that you changed your mind, I guess wala na rin akong poproblemahin.” Tila in-absorb pa muna ni Mary Grace ang mga sinabi niya bago ito unti-unting napangiti. “You’re right. Wala ka na ngang problema. Of course, magiging busy ka pa rin. Magpapa-cancel ka ng kung anu-ano pang reservation. Kung mayroong mga damages for canceling, ipaalam mo na lang sa akin.” “Madali lang iyon kumpara sa paghahanap ng bagong venue ng reception. Iyon namang sa mga damages, palagay ko’y hindi naman masyadong malaki kung mayroon man. In fact, iyong hotel nga ay magre-refund pa ng downpayment natin dahil sa nangyari sa hotel. Usually, reservation fee ang nun-refundable. Maliit na halaga lang naman ang mga iyon.” Isang maluwag na buntong-hininga ang narinig niya mula sa babae. “Malaking pera din ang lumabas sa akin dahil sa wedding preparation bukod pa sa nagastos ko noong engagement party. But it’s okay. Maliit na rin iyon kumpara sa mas malaking eskandalo kung hindi ko pa agad nalaman. At least, I haven’t distributed the invitations yet. At saka kung halimbawang nalaman ang panloloko niya kung kailan kasal na kami, hindi ako magdadalawang-isip na ipa-annul ang kasal na iyon. Baka nga mas malaking gastos pa at abala pang malaki ang pagpunta sa korte.” “Mukhang madali kang makaka-recover sa nangyari sa iyo, Mary Grace. Sa tingin ko’y mas galit ka kaysa nasaktan.” “Sino ba naman ang hindi magagalit? I guess, nabuksan na rin ang isip ko. I’m only nineteen. Marami pa talagang maaaring gawin kaysa sumuong sa buhay-may-asawa. I think kailangan ko lang talagang pigilan ang sarili ko na ma-in love nang todo-todo para naman hindi ako malokong muli. I’ll have a resting period. Let’s say ten years.” “Ten years! Twenty-nine ka na by that time, Mary Grace.” “Ikaw ba, ilang taon ka na ngayon?” tanong nito. “Thirty.” “See? Kung sakali, one year younger pa rin ako sa iyo if I decided to marry ten years from now. Wala ka bang love life until now, Jenna?” Muntik na siyang masamid. “W-wala, bakit?” Napalitan ng nanunuksong ngiti ang ekspresyon nito. “Nothing. Naisip ko lang, wala ding love life ang kuya ko. Nagkakilala na ba kayong dalawa? I’ll set a dinner at home one night para magkakilala kayo.” Tinitigan siya nito. “Unattached ka, di ba? Don’t tell me, you’re in a relationship? I think, bagay kayo ng kuya ko. I’ll introduce you to each other.” “We’ve already met,” tipid na sabi niya. “Really? Saan? How did you find him?” sunud-sunod at tila excited na sabi nito. “Sa bahay ninyo mismo,” natatawang sagot niya. Bata pa nga si Mary Grace. Ang dali-daling malipat ng focus nito sa pagrereto sa kanya ganoong kanina lang ay umiiyak pa ito sa galit. “The morning after your engagement party. Magkakasalo kami ng mama ninyo sa almusal.” “Ah. Tapos? Ano ang masasabi mo sa kanya? Mukha lang suplado iyon pero mabait din. Ewan ko nga lang kung bakit lately, wala siyang love life. Dati naman, hindi iyon nawawalan ng babae sa tabi niya.” At pagkuwan ay tiningnan siya nito ng may panunukso. “I guess, he’s now serious about having a lifetime partner. Ayaw na niya siguro na puro fling na lang. What if you’re the right woman for him?” “Tumigil ka nga, Mary Grace!” asiwang saway niya. “You’re playing cupid. At hindi bagay sa iyo.” “She’s right, kid sister,” bigla na lamang sabad ng isang tinig na kilalang-kilala na niya. “Kuya!” “Jaime!” sabay na react nilang dalawa. “Get out, kiddo. I don’t need a cupid kahit na ikaw pa iyon.” Para namang may spring ang pang-upo na mabilis na tumayo si Mary Grace. “Alam mo, Jenna, if there’s one good thing in getting you as my wedding planner, iyon ay ang posibilidad na maging hipag kita.” Kinindatan siya nito bago tuluyang umalis. “HINDI ko kayo maintindihang magkapatid. Bigla na lang kayong sumusulpot dito sa opisina ko. May lahi ba kayong invisible?” kaswal na sabi ni Jenna kay Jaime. Ayaw niyang magpadala sa tensyong hatid na silang dalawa na lamang doon sa kanyang opisina. “Wala akong supernatural element sa katawan. Nagkataon lang na wala akong balak na mag-aksaya ng oras kaya bumalik ako agad dito.” “Why?” kunwa ay walang ideyang tanong niya. “Para hindi na mag-aksaya ng pagod ang kapatid ko na mag-ala Kupido pa sa harap mo,” nakangiting sabi nito at lumapit sa kanya. “It’s about time we focus ourselves for each other, Jenna.” “Bakit?” “Why, bakit? Hindi ba’t pareho lang iyan? Baka mamaya Spanish na ng bakit ang sasabihin mo sa akin?” “Jaime, ano talaga ang ipinunta mo rito?” inip na tanong niya. “Gusto kong maging malinaw ang lahat sa atin. I like you. I guess I’m falling in love with you. I’m very much attracted to you. When I’m kissing you, I want our kiss to go on forever. Ayaw ko nang tumigil.” Isang paghinga ang ginawa nito. “You know what? Hindi ko kayang sabihin ang eksaktong nararamdaman ko.” “Paano magiging malinaw kung hindi mo naman pala magagawang sabihin?” nagpipigil ng ngiti na sabi niya. Deep inside her, halos alam na niya kung saan papunta ang pag-uusap nilang iyon. “What I really want to say is that I love you. Kaya lang ay baka hindi ka maniwala sa akin. I know this is too soon. But I felt it the first time we kiss.” “Talaga?” Tumango ito. “How about you, Jenna? I hope the feeling between us is mutual.” “Kailangan ko bang sumagot agad?” bahagyang nagpapakipot na wika niya. “Oo nga pala. Ang babae nga pala ay nililigawan muna at saka pa lang pasasagutin. Can we be a bit different, sweetheart? Puwede bang sagutin mo na muna ako at saka na lang kita liligawan? Isang taong panliligaw, puwede na kaya?” “Isang taon, bakit?” “One whole year kasabay ng engagement period. We’re not getting any younger, sweetheart. Siguro naman ay mahabang panahon na rin ang isang taon bago tayo magpakasal. We’ll get to know each other better. At sa loob ng panahong iyon, sana ay isama mo ako sa pag-uwi mo sa Ilocos. Pakainin mo ako ng ipinagmamalaki mong malunggay at alimango. Gusto kong makilala ko ang pamilya mo at makilala din nila ako.” Natawa siya. “Everything is really too soon. Sumasama ka na sa aking magbakasyon, ni wala pa nga akong plano tungkol doon!” Niyakap siya nito. “Para alam mo na agad na mula ngayon, I’ll be a constant sight beside you. Gusto ko palagi tayong magkasama. Gusto kitang tulungan basta kinailangan mo ang tulong ko. Gusto ko ring makilala ang pamilya mo. At gusto kong makilala rin nila ako.” “I can’t believe this,” nasabi na lang niya. “I love you. Iyan, paniwalaan mo. Kung hindi ka makapaniwala sa ibang narinig mo, sa ibang araw, papatunayan ko sa iyong dapat ka lang talaga na maniwala. Pero mula ngayon, gusto kong maniwala ka na mahal kita. Ako man, I can’t believe this is happening too soon. Pero kilala ko ang sarili ko. Alam ko kung ano ang talagang nararamdaman ko. Let’s make it clear. Tayo na, ha?” Gumanti siya ng yakap dito. “Alam mo, attracted din naman ako sa iyo, eh. I guess, I love you too.” “Wow, sinasagot mo na nga ako!” tuwang sabi nito. Lumabi siya na kunwa ay nagtatampo. “Hmp, kunwari ka pa, pumapayag na nga akong magpahalik sa iyo, eh.” Naging ngisi ang ngiting nakapamilaylay sa mga labi nito. “Now, can we kiss again?” Tumango siya. “Always?” “Depende. Kung may ibang nakakakita, nakakahiya naman!” Tumikhim ito. “Ngayon walang nakakakita. We can now kiss!” tila batang sabi nito at niyuko na ang kanyang mga labi. Long moments later, magkatabi na silang nakaupo sa sofa habang nakakawit naman ang kamay nito sa kanyang bewang. “Ipaliwanag mo nga sa akin kung paanong bigla ka na lang sumulpot dito ngayon?” malambing na tanong niya at humilig sa balikat nito. “Simple lang. Nagpunta si Mama sa office. Sinabi niya ang nalaman ni Mary Grace. Galit na galit nga, eh, pinakalma ko lang. One thing I knew, wala nang kasalang magaganap. Call me brutal pero para gatungan ang galit niya sa lalaking iyon ay ipinakita ko sa kanya ang report ng inupahan kong imbestigador. Knowing her, mas lalo na siyang hindi makakapayag na makasal pa ang kapatid ko sa lalaking iyon. “Then she told me na sa iyo nga daw nagpunta si Mary Grace. To cancel all the wedding preparations, she emphasized. Since hindi ko na pala kailangang maghintay ng dinner para kausapin sila, hindi na rin ako naghintay pa para ikaw naman ang kausapin ko. Balak ko naman talagang ibukas sa iyo itong tungkol sa atin kaya lang naisip kong unahin sandali ang tungkol sa pagpapakita sa kanila ng report na iyon.” “Paano ngayon, ipapakita mo pa rin ba kay Mary Grace ang report?” “Bahala na si Mama doon. Ibinigay ko na sa kanya ang folder. Sa kanya ko na rin ibinibigay ang desisyon kung ipapakita niya pa iyon sa kapatid ko.” At humigpit ang hawak nito sa bewang niya. “Enough of that topic. Let’s kiss again, sweetheart.” Nang tawirin nito ang distansya ng kanilang mga labi, buong-puso naman siyang nagpaunlak. --- w a k a s ---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD