17

1966 Words
“SINUHULAN ko ang sekretarya mo para makapasok na ako dito,” halos nakatawang sabi nito at diretsong lumapit sa kanya. “For you.” Ibinigay nito sa kanya ang bulaklak at tila awtomatiko na ring niyuko ang kanyang mga labi at kinintalan iyon ng halik. Nagulat siya sa pangangahas na iyon pero sa halip na makadama ng galit ay pag-apaw ng tuwa ang naramdaman niyang pumuno sa kanyang dibdib. “Natuloy ka din pala sa bahay kaninang umaga. I’m sorry I wasn’t there. Sa condo ako tumuloy kagabi.” “Sabi nga ng mama ninyo,” kaswal na sabi niya. “Thank you for these flowers. Bakit ba mayroon pa nito?” Isang mahinang tawa ang ginawa nito. “Anong bakit? Gusto kitang bigyan, that’s it.” “Wala nang iba pa?” hindi napigil na tanong niya. At pagkuwan ay nag-alala din siyang marinig ang isasagot ni Jaime. Paano kung ang isasagot nito ay isang bagay na taliwas naman pala sa inaasahan niya? “Let’s say I’m fond of you at gusto kitang bigyan ng bulaklak.” Parang nais niyang malungkot. I’m fond of you. Hindi I like you or I’m attracted to you. I’m fond of you, tila itinanim niya iyon sa kanyang isip. I’m fond ofyou at saka may halik din, tila tudyo naman ng kanyang isip. “Salamat uli.” “Welcome. I came here for another reason.” At ibinaba nito sa kanyang mesa ang folder. “Tingnan mo,” sabi pa nito na medyo pormal ang tono. Nagtataka man ay dinampot niya iyon at binuklat. Marami ang mga pahina pero sa unang dalawang papel pa lang na pinasadahan niya ng tingin ay naunawaan na rin niya ang nilalaman niyon. Background investigation tungkol sa pagkatao ni Jason Nuñez, ang lalaking pakakasalan ni Mary Grace. Nakasaad doon ang naging buhay nito sa America partikular ang mga kaso na kinasangkutan nito. Karamihan ay mga asunto sa bangko kung saan hinahabol ito sa hindi pagbabayad ng mga credit card dues. Mayroon ding mga personal na kaso—na tungkol din sa pera ang ugat. May mga record din sa mga casino sa Las Vegas kung saan nangahas itong magsugal na wala palang sapat na puhunan. Sa Pilipinas ay hindi rin naiiba ang istorya. Hindi nga lang sa Maynila naka-file ang kaso nito kundi sa iba’t ibang probinsya na mayroon ding mga casino. Pawang mga estafa cases. At hindi lang ito kundi pati ama nito ay involved. Sa nilalaman ay parehong sugapa sa sugal ang mag-ama. At ang isa pang ikinagulat niya ay ang pagkakaroon ni Jason ng involvement sa ibang babae. May anak na rin ito sa naturang babae kahit na hindi pa naman ito kasal. Ang mga sumunod na pahina ay xerox copies ng mga kasong kinasasangkutan nito bilang ebidensya sa naturang report. Mayroon din itong candid shots kung saan mukhang isang pamilya sina Jason, ang babae at ang naturang bata. “Iyan ang dahilan kung bakit napakalaki ng pagtutol ko sa pagpapakasal ni Mary Grace sa lalaking iyon,” seryosong sabi nito. “Lolokohin lang niya ang kapatid ko. Actually, niloloko na nga niya si Mary Grace. Walang kamalay-malay ang kapatid ko na may anak na siya. Wala namang kaso doon kung ipinagtapat niya. Hindi lang naman siya nag bianatang-ama sa mundo. Pero base sa report, ka-relasyon pa rin niya ang ina ng bata. Ano sa palagay mo ang iisipin ko?” Isinara niya ang folder at nag-isip kung ano ba ang sasabihin niya. Naiintindihan na niya ngayon ang punto ni Jaime. “Lahat ng ibinayad sa iyo ni Mary Grace sa serbisyo mo maging sa ginastos sa engagement party nila ay puro pera ng kapatid ko. Siguro wala kang idea tungkol doon but I’m telling you now. Walang ginasta ang lalaking iyon kahit isang sentimo. Buhat nang magplano silang magpakasal, alarming ang paglabas ng pera ni Mary Grace sa bangko. I should know. I have means to find that out. Nang malaman ko iyon ay nagtaka ako. Oo at namanhikan sila. At sa kultura natin, partido ng lalaki ang mas higit na gumagasta kund hindi man akuin ang lahat ng gastusin pero bakit parang si Mary Grace ang malaki ang ginagasta sa preparasyon? Lalo na akong nagduda sa pagkatao ni Jason kaya nagpaimbestiga na ako. Medyo natagalan lang ang resulta kaya hindi ako makapagpakita ng pruweba sa inyo.” “Alam na ba ito ng mama mo at ni Mary Grace?” Umiling ito. “Tumawag ako sa bahay. Umalis daw ang mama at si Mary Grace naman ay nakamukmok daw sa kuwarto. Siguro ay nag-away sila ng lalaking iyon. Mabuti nga para kung sakali ay mauntog na siya at umatras sa kanilang kasal. Pero desidido din akong ipakita sa kanya ang resulta ng report na iyan. Hindi iyan fabricated. She could do her own investigation kung duda siya sa report na iyan. Huwag na iyong pagkakalubog ni Jason sa utang. Iyon na lang pagkakaroon niya ng kinakasamang babae at mayroon pa siyang anak doon ay sapat na para naman mag-isip-isip si Mary Grace kung pakakasalan nga ba niya ang lalaking iyon.” Kinuha na nitong muli ang folder. “Bukod diyan, nagpunta rin ako dito para imbitahin kang mag-lunch. Hahabol talaga ako kanina na makasalo ka sa almusal kanina kaso nga lang ay kanina ring umaga ibinigay sa akin ang report na iyan. Medyo natagalan din kaming mag-usap nung imbestigador.” At bumalik ang ngiti nito sa mga labi. “Puwede naman sigurong bumawi ngayong lunch?” “Masarap sanang paunlakan kaya lang ay marami akong problema dapat na harapin dito sa opisina ko. Some other time na lang, Jaime.” “Wala ka bang balak mag-lunch?” tanong nito. “Of course, meron. Dito na lang sa office. Magpapabili na lang ako sa Jollibee diyan sa malapit.” “Di tayong dalawa ang mag-Jollibee. Jenna, it doesn’t matter to me kung hamburger o steak ang pagkain. Ang gusto ko lang makasalo ka sa tanghalian.” Napangiti siya. Nakakataba ng puso ang ganoong pangungusap. “Sa Jollibee, meron din namang steak. Burger steak,” biro na lang niya. “Whatever. Ano, magpapa-deliver tayo dito or pupunta na lang tayo doon?” “Uutusan ko na lang si Noemi na bumili.” At sinulyapan niya ang relo. “Past eleven na pala. Kung magpabili na kaya tayo? Pag mamaya pa, tiyak mahaba na ang pila doon?” “Ikaw ang bahala.” At mabilis nitong dinukot ang wallet. “Ako na,” maagap na sabi niya at pinindot ang intercom upang tawagin si Noemi. “No, ako na,” pilit ni Jaime at naglabas ng dalawang limandaang piso. “Si Noemi lang ba ang staff mo sa labas? Idamay mo na siya sa ibibili. Burger steak ang sa akin saka spaghetti at chicken. Choco fudge for dessert and large Coke.” “Hindi ka yata nag-almusal?” tudyo niya dito. “Hindi nga,” nakatawa namang amin nito. Nang lumapit si Noemi, inilista na lang niya ang order nila. “Nandiyan si Gardo at Boyet, hindi ba? Idamay mo na rin sila. Kayo na ang bahalang pumili ng sa inyo.” Bago pa siya nakapaglabas ng dagdag na pera ay mas maagap si Jaime na dagdagan pa ang pambayad nila. “ANO IYONG problema na nabanggit mo kanina?” tanong ni Jaime habang patapos na sila sa tanghalian. Dessert na lang ang inuubos nila. Magkatabi sila sa mahabang sofa at ang mesita sa harap niyon ang nagsilbing mesa sa pagkain nila. Nahihiyang sumalo sa kanila ang staff niya kaya silang dalawa lang din ang magkaharap doon sa pagkain. “Problema? May sinabi ba ako?” kaila ni Jenna. “May sinabi ka. Iyan nga ang dinadahilan mo kaya ayaw mo nga sanang sumamang mag-lunch sa akin, di ba?” Napatango na lang siya. Naisip na hindi rin naman niya maitatago dito ang isa sa mga iyon. “For one thing, nasunod ang Royal Hotel. In case you don’t know, doon dapat idadaos ang reception ng kasal ni Mary Grace.” Nagpakita ito ng pagkagulat pero mabilis lamang iyon at kagyat na napalitan nang maluwang na ngiti. “Sounds good to me,” nakangising sabi nito. “Hindi ko pa nasasabi kay Mary Grace. Kaninang dumating ka ay tatawagan ko nga sana siya. I guess, until now ay hindi pa rin siya aware sa nangyari though posibleng nabanggit na sa mga newsbreak ang tungkol sa pagkasunog niyon. Nakausap ko na ang manager. They will refund our downpayment. Pero ang mas mabigat na problema, iyong paghahanap ng panibagong venue lalo at naimprenta na ang imbitasyon.” “Lumiliit ang subo mo, Jenna. Kumain ka nang kumain diyan at huwag mo iyong problemahin. Alam kong kapag naipakita ko kina Mama at Mary Grace ang tungkol sa imbestigasyon kay jason, mawawalan na sila ng gana sa lalaking iyon. Bulag lang sa pag-ibig ang kapatid ko pero hindi siya bobo. At sa oras na umatras siya ng kasal, wala ka na ring problema.” “Pero paano kung gusto pa rin niyang magpakabulag sa pag-ibig? Hindi ako puwedeng basta na lang mag-relax. Sa trabaho kong ito, kailangang may contingency plans. Minsan, hanggang Plan C.” Ibinaba nito ang basyong cup ng choco fudge at uminom ng Coke. “Ako din naman may ibang plano nang magpunta ako dito ngayon.” “What?” “Ito.” Kinabig nito ang batok niya at siniil siya ng halik sa mga labi. Gulat na gulat si Jenna. Bagaman hindi unang pagkakataon iyon ay ikinagugulat pa rin niya ang basta na lamang pangangahas nito. At ang isa pang ikinagugulat niya, kailan man ay hindi naman siya nakakadama ng disgusto. Sa halip, kilig at tuwa ang dulot sa kanya ng bawat halik nito. Hindi niya alam kung kaninong bibig natunaw ang huling subo niya ng choco fudge. Kagyat na naglaho ang lamig na pumupuno sa kanyang bibig kanina at napalitan iyon ng mainit na halik nito. Nangunyapit din ang mga kamay niya sa leeg nito dahilan upang lumalim pa ang halik. Halos maliyo siya sa masarap na sensasyong gumapang sa kanyang likod. Napag-aralan na niyang tugunin ang paraan ng halik nito. At dahil doon ay tila lalo pang nag-alab ang halik sa pagitan nila. “I like kissing you, Jenna. And I like it better when you’re kissing me back,” sabi sa kanya ni Jaime nang matapos ang kanilang halik. Nag-isip siya ng isasagot sa pangungusap na iyon pero bago siya nakapagbuka ng mga labi ay nakarinig siya ng warning knock. Isang saglit lang at sumungaw doon si Noemi. “Ma’am, nandiyan na po iyong client ninyo schedule for one o’clock.” Mabilis siyang tumango. “Sige, entertain-in mo muna at ililigpit ko lang itong pinagkainan namin.” At sinimulan na niyang samsamin ang mga ponagkainan nila. “Can I see you tonight, Jenna?” tanong sa kanya ni Jaime mayamaya. Napatingin siya dito. “Hindi ba’t kakausapin mo ang mama mo at si Mary Grace?” “Yes. Gusto rin sana kitang imbitahin sa bahay. Let’s have dinner there at pagkatapos kitang maihatid ay saka ko sila kakausapin. I’m sure, matutuwa si Mama na doon ka rin kakain.” Napatawa siya. “Kanina lang ay doon na ako nag-almusal.” “And so?” “Huwag na lang mamaya, Jaime. Mas mabuting nakatuon ang atensyon mo sa kanila.” “How about tomorrow?” tila pangungulit nito. “Nandito lang naman ako sa opisina maghapon. May mga appointment ako dito.” “I’ll call you.” “Ikaw, bahala ka.” Tumindig na ito. “Aalis na rin ako para hindi ako makaabal sa meeting mo.” “Sige, ingat ka. Salamat sa lunch.” Yumuko ito upang halikan siya nang magaan. “I’m going to miss you.” Nagtaka siya sa narinig pero pinili niyang hindi magtanong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD