KULANG na kulang sa tulog ang pakiramdam ni Jenna subalit magaan pa rin ang katawan niya nang gumayak kinabukasan. Maaga pa ay bitbit na niya ang invitation na dadalhin kina Mary Grace. Sakay ng taxi, tinawagan niya ang babae para tawagan naman ang guwardiya sa gate ng village. Alam niyang hindi siya basta makakapasok doon kung walang abiso ang mismong pupuntahan niya.
Punong-puno siya ng isipin ng nagdaang gabi. Napuyat siya sa pagbabalik-tanaw sa dinner date nila ni Jaime. At siyempre pa, inokupa rin ng alaala niya ang halik na pinagsaluhan nila ng binata.
Ayaw na niyang isipin kung bakit nangyari iyon. Alam niyang hindi rin naman niya matutukoy ang tumpak na kasagutan. Ang mahalaga at nakatitiyak siya, hindi siya pinilit nito sa halik na iyon. At sapat na sa kanyang sa halik na iyon ay nakadama siya ng labis na kaligayahan.
Papasok sa village ay lalo siyang nakadama ng excitement. Hindi niya nakakalimutan ang sinabi ni Jaime na posible ring nasa bahay ito ngayon. At isipin pa lang na muli niya itong makikita, ibayong kilig na ang nararamdaman niya.
Napailing siya. Alam niya, wala siyang iniwan sa isang high school student na sisilayan ang kanyang crush. Pero maano ba? Sa ito ang nararamdaman niya. At walang makakabura sa tamis ng ngiting nakapamilaylay sa kanyang mga labi.
“Good morning, Jenna. Mabuti at maaga kang dumating. Halika, saluhan mo na kami sa almusal,” salubong sa kanya ni Mrs. Plamenco.
“Good morning din ho. Si Mary Grace?”
“Kanina’y bumaba na. Nang tumawag si Jason, umakyat uli at doon sigruo sa extension line nag-usap ang dalawa. Malamang ay hindi pa tapos mag-usap ang dalawang iyon. Ah, alam mo naman nag mga love birds. Mientras papalapit ang araw ng kasal mas lalong napakahaba kung mag-usap sa telepono. Ewan ko ba sa kanila. Ipapatawag ko na nga at nang makapag-almusal na tayo.” Dinala na siya ng babae sa dining room.
Napansin niya agad na tatlong plato lamang ang nakahanda roon. Hindi niya alam kung para kanino ang ikatlo. Kung talagang para sa kanya o kay Jaime kaya. Hindi siya nagtanong. Sa halip, hinintay niya si Mrs. Plamenco na mag-utos sa katulong na dagdagan ang plato sa mesa. Ngunit ang utos nito upang akyatin si Mary Grace ang narinig niya.
“Halika na, hija. Tiyak namang bababa na rin si Mary Grace. Ano nga pala ang gusto mo, juice o kape?”
“Kape na lang po.” At nang hindi na makatiis ay nagtanong na rin siya. “Si Jaime po?” tanong niya sa kaswal na tinig.
“Hindi naman umuwi ang lalaking iyon,” wika nito na sa tono ay nakasanayan na ang ganoon. “Malamang ay nandoon iyon sa pad niya.”
Napatango lang siya pero sa loob niya ay labis ang panghihinayang na naramdaman niya.
“Ma’am, mamaya na raw po bababa si Mary Grace,” balik ng katulong.
Napailing na lang ang ginang. “Siya, Jenna, tayo na lang ang mag-almusal. Alin sa dalawa, kung hindi mabitawan ni Mary Grace ang telepono ay malamang na nagkakatampuhan na naman ang dalawang iyon. Ewan ko ba, kung kailan malapit na ang kanilang kasal saka ko napapansing dumadalas ang misunderstanding nila.O baka naman sinasadya lang? Pag naman bati na, halos langgamin sila.”
Pinili niyang ngumiti na lang ng tipid at hindi na nagkomento pa. Tahimik silang nagsalo ni Mrs. Plamenco sa almusal. Nang matatapos na ay saka lang ito nagsalita uli. “Dala mo na ang invitation, hindi ba? Puwede bang makita? I’m sure, hindi naman big deal kay Mary Grace kung ako ang unang makakita.”
“Sure, Ma’am.” At buhat sa katabing upuan na pinagpatungan ay kinuha niya iyon at inabot dito.
“Maganda, pulidong-pulido ang pagkakagawa,” puri nito matapos iyong tunghayan. “Tina!” malakas na tawag nito sa katulong. “Pababain mo si Mary Grace. Kailangang makita niya agad ito,” excited na sabi pa nito at bumaling sa kanya. “Ang galing ng printer mo, Jenna., to think na malaki ang kamurahan ng singil niya dito kumpara sa ibang printers samantalang ganito din naman ang kalidad.”
Ngumiti lang siya. Isa naman iyon sa ipinagmamalaki niya sa wedding shop niya. Kaya nilang magbigay ng kalidad na serbisyo at produkto na hindi sila sisingil ng abot hanggang langit.
“Ma’am, ayaw pong bumaba ni Mary Grace. Nasigawan pa nga po ako,” lapit ng katulong na inutusan nito.
Napabuntong-hininga ang ginang. “Jenna, may appointment ka bang iba?” may lungkot sa tinig na tanong nito.
Tumango siya nang maalala ang iba pang kliyente na naka-schedule niyang kausapin sa araw ding iyon.
“I guess, iwan mo na lang muna itong invitation at ako na lang ang magpapakita sa kanya mamaya. Magkano pa ba ang balanse para sa mga invitation na ito?”
Sinabi niya ang halaga. “Okay lang naman, ma’am na hindi ko pa makuha ang balance ngayon. Walang problema doon. Sa susunod na lang na pagkikita namin.”
“Of course not. Ako nang bahala. Just wait here.” Tumayo si Mrs. Plamenco at iniwan siya sandali. Nang bumalik ito, nakalagay na sa sobre ang pera.
“Sige na, Jenna, baka mahuli ka sa ibang appointment mo. Pasensya ka na at nakasumpong na naman ang batang iyon. We’ll call you later. Sigurado naman akong kapag nakita ni Mary Grace ang imbitasyon ay mababawasan na ang sumpong niyon kundi man talagang babalik na ang masiglang mood.”
Tumindig na rin siya. “Sige po, salamat po.”
“ANO ANG problema?” sita niya agad kay Noemi nang makita ito pagdating niya sa Perfect Weddings. Kilala niya ang assistant. Kayang-kaya niyang basahin sa mukha nito kung mayroong problemang hindi magawang sabihin sa kanya.
“B-bad news, Ma’am,” tila magkahalo ang takot at lungkot sa tono nito.
“Ang alin?”
“Katatawag lang po dito ng hotel manager ng hotel na pagdadausan ng reception ni Mary Grace. Nasunog ang hotel ngayon lang umaga. Sa kitchen nagsimula ang apoy kaya ang nasali sa damage ay iyong kalapit na function hall. Iyong mismong pina-reserved natin na pagdadausan ng reception.”
“What?!” hindi makapaniwalang bulalas niya. Nilapitan niya ang kalapit na silya at naupo doon. Damang-dama niya ang tila panlalambot ng tuhod. Ilang sandali na hindi siya kumibo. Parang bigla siyang dinagsa ng problema. Hindi niya alam kung alin ang una niyang iisipin. Mayamaya ay tumayo na rin siya at tumuloy sa private office. Doon niya itinuloy ang pag-iisip. “Noemi, kontakin mo ang hotel. Kakausapin ko ang manager nila,” utos niya pagkaraan.
Habang naghihintay siyang makonekta ang tawag ay pinag-aaralan naman niya ang gagawing pakikipag-usap.
“Ma’am, willing kaming ibalik sa inyo ang downpayment ninyo,” malumanay na wika ng manager matapos itong manghingi ng paumanhin.
“Kung sana ay iyon lang ang problema,” sagot niya. “Ilang linggo na lang at araw na ng kasal. Hindi madaling magpalit ng venue. Na-imprenta na rin ang mga imbitasyon.”
“Ma’am, iso-shoulder na lang namin ang ginastos sa invitation kung kailangang magpaimprenta uli. Tumawag na rin kami sa hotel association. Kami na rin ang nagkusa na magtanong kung puwedeng mailipat namin sa kanila ang mga reservation na hawak namin. Unfortunately, fully-booked din sila dahil peak season ngayon ng mga nagpapakasal.”
“We all know that,” nagpipigil ng inis na sabi niya.
“We are very sorry, Ma’am,” mapagkumbabang sabi nito. “Ipinapahanda na po namin sa Accounting ang refund check ng mga reservation. Iyon pong ibang danyos, pag-usapan na lang po natin uli. Magpapatawag po kami ng meeting para sa mga event planners at client na nagpa-reserve. Sorry po uli. I know napakalaking hassle nito sa ating lahat. Hindi naman po natin gustong mangyari ang ganito.”
Natapos ang kanilang pag-uusap na hindi man lang nakagaan sa problema niya ang pangakong pagsosoli ng downpayment nila sa hotel. Mabilis siyang nag-isip. Ano ang uunahin niya, ang ipaalam kay Mary Grace ang tungkol sa pagkasunog ng hotel o ang paghahanap ng alternative venues?
Nang maisip niyang dapat niyang ipaalam na muna dito upang maagapan din ang pamimigay ng imbitasyon ay dinampot na niya ang telepono. Pero bago pa man siya makapag-dial, tila bigla na lamang sumulpot sa kanyang opisina si Jaime. Preskong-presko ang itsura at lalong nagmukhang simpatiko sa matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Sa kamay nito ay isang bouquet ng mapupulang rosas at sa isang kamay ay isang long folder.