HINDI niya alam kung sa kabusugan o dahil sa marami na rin silang napagkuwentuhan kanina kaya naman habang naglalakbay pauwi ay tahimik lamang sila. Nakatuon ang pansin ni Jaime sa pagmamaneho habang siya naman ay nilibang na lamang ang sarili sa pagmamasid sa dinadaanan nila.
Kung hindi pa sa malamyos na musikang nanggagaling sa sound system ng sasakyan nito, lalo nang tahimik ang pagitan nila. But it was a comfortable silence. Kaunti man ay wala siyang naramdamang tensyon sa katahimikang iyon, bagay na ikinasiya niya.
Malayo na nga siguro agad ang nagawa ng pagtanggap niya sa pagkakaibigang inalok ni Jaime. Kung dati-rati, hindi niya magagawang isiping makipag-usap man lang dito lalo na ang sumama dito sa isang dinner date. Subalit heto siya ngayon, sa kabila ng tahimik nilang biyahe ay panatag na panatag naman ang kalooban niya. Parang nakalimutan na rin niya ang pangit na impresyong ibinabato niya sa pagkatao ng binata kailan lang.
Mangilan-ngilan lamang ang sasakyan sa kalsada kaya naging mabilis ang biyahe nila pauwi.
“Saan ka sa Commonwealth?” tanong nito sa kanya na sa wakas ay bumasag sa katahimikang namamayani.
Itinuro niya ang direksyon. “Pero hindi mo na ako kailangang ihatid sa mismong inuupahan ko,” sabi niya mayamaya. “Masikip ang kalye papasok doon. Karaniwan pang may mga nag-iinuman sa tabi ng kalsada. Baka makursunadahan pa itong sasakyan mo lalo at bago pa naman. May kalokohan din ang mga nakatira doon. Baka pagdaan mo, gurlisan na lang nila ang body.”
“Hindi naman siguro. Dadaan lang naman tayo sa kalye. Isa pa, kung mangyari man iyon, madali lang namang ayusin ang kaunting gasgas. Para ano at may insurance itong kotse?” balewalang sagot nito.
“Pero nakakahiya naman sa iyo.”
Luminga ito sa kanya at ngumiti. “Kanina lang ay nabanggit mong hindi mo ikinakahiya ang pinanggalingan mo. Bakit ngayon, nahihiya ka?”
“Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. Naisip ko lang na kung mapeperhuwisyo ka ng mga taga-roon sa lugar na inuupahan ko, malaking abala iyon sa iyo. Puwede mo na akong ibaba sa kanto papasok doon. Maglalakad na lang ako.”
“Pagkatapos mong sabihin sa akin na karaniwan nang may nag-iinuman sa tabi ng kalsada? Hindi kita papayagang maglakad. No way,” may diing sabi nito.
At alam ni Jenna, magpilit man siya ay wala ring mangyayari. Naisip niyang kung sa mismong village na tinitirhan ng mga ito at walang mga basagulerong tambay ay sinundan siya nito upang hindi siya maglakad, yaon pa kayang mamemeligro sa mga tambay sa kanto ang kaligtasan niya?
“Iliko mo na sa kantong daratnan natin. Sa kanan,” sabi na lang niya nang makitang malapit na sila.
Kahit gabi na ay nagkalat pa rin ang mga bata sa kalye. At hindi lang isa o dalawa ang tumpok ng mga tambay na nag-iinuman na natanaw niya. Nang mapadaan sila sa mga ito, natural na mapatitig ang mga ito sa magarang sasakyang tila humawi sa mga batang naglalaro sa kalye.
Sandaling kinabahan si Jenna. Nasa itsura ng ilang nagsisiga-sigaan sa kalyeng iyon ang pagsino sa nakalulan sa magarang sasakyan. Pero nakahinga na rin siya nang maluwag nang makalampas sila roon na walang aberyang nangyayari.
Bago ang dulo ng kalye ay ang mga compound ng apartment buildings. Isa sa mga iyon ang tinutuluyan niya. At least, sa gawing iyon ay tahimik na ang kalye. Secured din ang bawat compound sapagkat nababakuran ng mataas na bakod at bawat tenant ay may sariling susi. Hindi uubrang makapasok ang kahit na sino—kahit na tenant pa kung wala rin lang sariling susi.
“Diyan ako sa gate na asul,” sabi niya.
“Medyo okay na rin pala dito. Iyon lang dinadaanan ang mukhang magulo,” komento ni Jaime.
“Oo nga, eh. Nasanay na rin naman ako. Isa pa, kaya ko kasi ang upa sa lugar na ito. May parking space pa para sa kotse ko.” Nang itabi ni Jaime ang sasakyan ay inabot na rin niya ang latch ng pinto. Nang bumaba siya ay mabilis ding bumaba ng sasakyan si Jaime at inihatid siya sa gate. “Gusto mo bang magkape muna?” anyaya niya dito.
“Masarap sana pero sa ibang pagkakataon na lang. Gabi na. Para makapagpahinga ka rin. Pupunta ka rin naman sa bahay bukas, hindi ba?”
Tumango siya. “Yup. Ihahatid ko ang invitation.”
“Baka nasa bahay din naman ako bukas. See you then.”
Tumango siya uli. “See you. At salamat uli sa dinner. Hanggang ngayon busog pa ako.”
“Babalik tayo doon kung gusto mo. Marami pa tayong hindi naoorder sa mga pagkain nila.”
“Talaga? Sulit namang balikan ang lugar na iyon. Sige, sa susunod, ako naman ang taya.”
“Kahit ako uli,” anito at pagkuwa ay napatitig sa kanya.
Tila naman inalinsangan ang pakiramdam niya bagaman may kaunting lamig ang hangin sa paligid. Naiilang siya sa titig na iyon ni Jaime subalit hindi rin naman niya magawang bumitaw ng titig dito.
Ibinuka niya ang mga labi sa pag-aapuhap ng sasabihin subalit hanggang sa umawang ang kanyang mga labi, ga-pantig man ay walang nanulas sa kanyang bibig.
“Jenna…”
“G-good night,” nagawa niyang sabihin.
Isang mabilis na paghinga ang ginawa ni Jaime at kagyat itong tumango. “Good night. I enjoy spending time with you.”
“Same here.”
At muli ay bumalik ang katahimikan sa pagitan nila. Iba ang katahimikang iyon kaysa sa mga nauna. Hinahanap niya ang kapanatagan ng loob pero sa halip ang tila buhay na buhay sa hangin ay ang makapal na tensyon.
Their eyes met again. Tila mga mata na lamang nila ang nagpadala ng mensahe sa isa’t isa para sa mga salitang hindi nila magawang sabihin ng mga labi.
Nang unti-unting tawirin ni Jaime ang pagitan ng kanilang mga mukha, wala siyang ginawang anumang pagtutol. Sa halip, sinundan lamang niya ng tingin ang unti-unti pagkaubos ng distansya sa pagitan nila.
Malamig kaysa karaniwan ang kanyang mga labi. Hindi niya alam kung dahil iyon sa bumangong nerbiyos o dahil sa lamig ng hangin sa paligid. Taliwas naman iyon sa mga labi ni Jaime na dumampi sa kanya. Mainit ang mga labing iyon na humalik ng maliliit sa bawat sulok ng kanyang bibig.
Napalunok siya. Maliliit din subalit sunod-sunod ang paggapang ng mumunting kuryente sa sistema niya. Her knees weakened. At nang magkaroon ng diin ang halik nito, tila sumipa pataas ang boltahe ng kuryenteng gumagapang sa kanya at halos manginig siya. Halos awtomatikong napakapit siya sa binata. At sa mas mapangahas na halik nito, kinabig naman nito ang kanyang bewang at hinapit siya.
The kiss was sizzling and intoxicating. Parang nagpapawala ng huwisyo ang alab na dulot ng halik na iyon. Wala siyang ideya kung gaano katagal ang halik na iyon. The motion seemed to go on forever. Nang mamalayan niyang tumigil na sa paghalik si Jaime ay nakadama siya ng pamamanhid sa kanyang mga labi. Subalit higit pa roon ay ang malaking pagtutol buhat sa ubod ng kanyang dibdib.
“May paparating na sasakyan,” tila paliwanag ni Jaime sa mahinang tinig.
Noon naman siya nakadama ng pagkapahiya. Sa wari ay alam na alam nitong hindi pa niya gustong matapos ang halik na iyon. Ibinaling niya ang tingin sa kalye. Mayroong ngang paparating na sasakyan. Isang mabilis na paghinga ang ginawa niya at pumihit na. Isinuksok niya ang susi sa gate at ibinukas iyon.
“Sige,” halos walang tinig na sabi niya at bahagya lamang itong nilingon.
Subalit hindi pumayag si Jaime na ganoon lang. Inabot nito ang kanyang braso at banayad siyang hinaltak. “Good night, Jenna.” At bago pa siya nakahuma, mabilis nitong niyuko ang kanyang mga labi at dinampian ng halik ang sulok ng kanyang bibig.