“TAGA-SAAN ka talaga, Jenna?” kaswal na tanong ni Jaime habang kumakain sila. Kahit maraming putahe ay hindi na nangangamba si Jenna na maaksaya ang inorder nilang pagkain. Hindi naman pala ganoon kadami ang serving. Tama lang para sa kanilang dalawa ang mga iyon lalo na at ganitong ganado silang kumain.
“Sa Batac, Ilocos Norte ako ipinanganak pero palaki ako ng lola ko sa ina. Sa Laoag na ako lumaki at nagkaisip.”
“Ilokana ka pala?”
“Oo. Kaya likas na rin ang pagkakuripot. Doon naman kami sa trait na iyon kilala. Hindi naman kuripot talaga. Sabihin nang masinop lang kami at hindi basta-basta gumagasta kung hindi naman mahalaga.”
“Well, wala namang masama basta nasa lugar ang pagkakuripot. Pero mas maganda yatang pakinggan iyong terminong matipid.”
Napangiti siya. “Eksaherado naman ang iba. Makunat pa nga terminong gamit nila. Ako naman, hindi nao-offend. Mahirap na buhay ang nagisnan ko kaya alam kong dapat lang talaga na hindi maging bulagsak sa pera. Ang lola ko, hindi magbibitaw ng pera kung hindi rin lang kailangan. Lumaki ako na ang palaging nakahain sa mesa, malunggay. Masustansya daw iyon. Libre pa. Lima yata ang punong-malunggay na nakatanim sa bakuran namin. Paminsan-minsan lang kami makatikim ng karne.
“Karaniwan, gulay na ani sa likod-bahay o kaya’y huling isda ng lolo kong mangingisda. Sa akin naman, balewala kung ano ang nakahain sa mesa. Siguro, dahil pinalaki ako ng lola ko na grasya ng Diyos ang pagkaing nasa mesa kaya dapat na ipagpasalamat at kainin. Hindi ako nasanay na karne ang ulam. Minsan nga, kahit karne na ang nakahain, gulay pa rin ang pinipili kong kainin.” Tumigil siya sa pagsasalita at pinitpit ang sipit ng alimango. Nang lumabas ang laman niyon, isinawsaw niya sa patis at kalamansi saka isinubo.
“Fiesta para sa akin ang mag-ulam kami ng alimango. Minsan, talangka o alimasag ang nakahain. Noong bata ako, alimango lahat ng iyan para sa akin. Basta may patis at kalamansi na sawsawan, kakain na ako hangga’t may kanin.”
“Kagaya ngayon,” amused na sabi ni Jaime.
“Masarap itong alimango,” nakangiting sabi niya bagaman may kaunti pang laman ang bibig. “Dito sa Maynila, bihira akong kumain ng alimango. Kadalasan kasing nabibili ko, ang tigas ng aligi kundi man wala talagang aligi. Sa probinsya, masarap ang alimango. Kung hindi nga lang malakas maka-high blood ang alimango, aaraw-arawin ko ang pagkain kapag nagbabakasyon ako.”
“Wala ka bang mga kapatid?”
“Meron. Nasa Batac pa rin sila, sa mama ko. Maaga kaming naulila sa ama kaya mag-isang itinaguyod ng mama ko ang mga kapatid ako. Ako, lolo at lola ko na ang nagpaaral sa akin. Pero tumutulong din ako sa mga kapatid ko. Sagot ko ang tuition fee nila at pambili ng mga libro. Ang mama ko, pinapadalhan ko rin. Hindi naman kasi ganoon kalaki ang pagtitinda ng puto sa palengke. Dati, nagpapadala din ako sa lolo at lola ko. Siyempre, dapat lang iyon dahil sila ang nagpalaki sa akin. Pero nagagalit sila. Imbes daw na intindihin ko sila, sina Mama na lang daw ang isipin ko.
“Sabagay, tama din naman sila. Hindi sila mayaman pero nabubuhay naman sila nang maayos. Pagkain sa araw-araw lang naman ang kailangan nila. Eh, hanggang ngayon naman, sa tanim pa lang na bakuran, may uulamin na sila. Until now, all-time favorite ng mga lolo ko ang malunggay. Saka may pension sila galing sa PVAO. Hindi naman nila ginagasta, sa bangko din naka-impok ang perang iyon.
“Nasa culture na namin siguro. Iyon bang kahit may gagastahin, since nakasanayan nang hindi naman gumagasta palagi, balewala na kung may pera man silang dumarating. Ang kuwento nga ni Mama, malalabas lang daw ang pera ng mga matatanda kung kailangan ng mga kapatid ko sa pag-aaral. Kahit naman kasi naturingan silang kuripot, basta sa pag-aaral gagamitin ang pera, hindi sila nagkakait.”
At napansin na lang niyang hindi na kumakain si Jaime at nakatitig na lang sa kanya.
“Nakaka-bored na ba ang kuwento ko?” may pag-aalalang sabi niya. “Ikaw naman kasi, sukat magtanong ka kung taga-saan ako. Eh, ako pa naman ang taong walang kiyeme sa katawan. Hindi ko ikinakahiya kung saan ako galing. Kahit ba mahirap lang kami, hindi naman nakakahiyang maging mahirap, di ba? Marangal naman ang pagkatao namin.”
Tumango ito. “You’re right, Jenna. And I’m proud of you,” seryosong sabi nito. “Maganda ang pagpapalaki sa iyo. Sa hirap ng buhay na kinagisnan mo, natural lang siguro na sunggaban mo ang malaking perang inaalok ko noon. But you stood by your principle. Tama ka, hindi komo mahirap ay kayang tapatan ng pera. Mayroon ding mga laki sa hirap na may dignidad. Parang gusto kong mapahiya ngayon na inalok kita ng malaking halaga.”
“Ibig sabihin ba niyan, hindi ka na mangungulit na kampihan kita? Hindi mo na rin hahadlangan ang kasal nina Mary Grace at Jason?”
Umiling ito. “Ibang usapan na iyon. I have my reasons, Jenna. I wish I could show you the proof as soon as possible para malaman mo kung bakit ganito na lang ang pagtutol ko sa lalaking iyon para sa kapatid ko. But soon, kapag hawak ko na, ipapakita ko talaga iyon sa iyo. Hindi naman ako mababaw na tao na basta lang ayaw ko ay hahadlangan ko na ang plano nila.”
Nagtaka siya pero pinili niyang huwag nang magtanong. Sa tono ni Jaime, parang naiintindihan na niyang hindi ito basta umaayaw lang sa lalaking pakakasalan ni Mary Grace.
“Masyado tayong serious sa usapan natin,” sabi nitong ngumiti nang maluwang at pinasigla ang tinig. “Tingnan mo, hindi na natin masyadong nagagalaw itong pagkain. And because I felt that I got to know you better this time, sa iyo na itong isa pang alimango.” Inilagay nito sa plato niya ang malaking alimango. Dalawang piraso ang serving niyon. At sipit pa lang ang nagagalaw ni Jaime sa parte sana nito.
“Hindi ka na kakain? No, dapat ay tig-isa tayo.”
“It’s alright,” sabi nito. “Isa pa, nakakatuwa kang tingnan habang naghihimay ng alimango. Talagang walang nakakaligtas na aligi at laman sa iyo. Ultimo kaliit-litang parte nasusungkit mo,” tudyo nito.
HABANG nagde-dessert ay umorder na rin si Jaime ng kape. Iyon daw ang kailangan nito upang hindi masyadong maramdaman ang tila biglang pagpuno ng tiyan. Naganyak naman si Jenna na umorder na rin ng tsaa lalo at ramdam niyang nabusog din siya nang husto.
“Mayroon ding bar sa resort na ito,” ani Jaime. “Gusto mong dumaan tayo doon bago tayo umuwi?”
“Ano ang gagawin natin doon? Hindi naman ako marunong uminom. Kahit nga beer, hindi nakasanayan ng panlasa ko.”
“Puwede ring uminom ng tsaa doon. Iced tea kung gusto mo.”
“Huh? Eto nga’t hindi ko pa napapangalahati itong tsaa na ito, eh. Huwag na lang tayong pumunta doon. Umuwi na lang tayo tutal malayo pa uli ang ibibiyahe natin.”
“May lakad ka ba bukas?” tanong nito.
“Pupunta ako sa inyo. Ihahatid ko ang invitation ni Mary Grace. Tapos na iyong maimprenta. May ilang linggo pa para personal iyong ipamigay ni Mary Grace o kung kailangan ipadala sa koreo ay mayroon pa ring sapat na panahon.”
Naglapat ang mga labi ni Jaime. Talagang ipinakita nitong hindi nito nagustuhan ang narinig.
“Let’s face it,” seryosong sabi niya. “Alam kong hindi mo talaga ito magugustuhan pero alam mo ring ito ang stand ko. Ginagawa ko ang trabaho ko ayon na rin sa pinirmahan kong kontrata. How I wish na magbago ka na lang ng isip, Jaime. Mas magiging masaya si Mary Grace kung ipapakita mo sa kanyang tanggap mo na rin ang desisyon niya.”
“I told you, I have my reasons. And it’s not just a petty reason.”
Napahinga na lamang siya.
Ilang sandali na nagdaan ang katahimikan sa paligid nila. Nang minsang magtama ang paningin nila ni Jaime, nagdesisyon siyang mag-aya nang umuwi.
“Sana’y hindi nakasira sa gabing ito ang huli nating pinag-usapan,” sabi nito.
“Hindi naman siguro,” nakangiting sabi niya. “Hindi naman tayo nag-aaway, di ba? Nagkataon lang na mayroong mga bagay na magkataliwas tayo ng paniniwala.”
“Yeah, right.” Kumilos na ito at sa munting lababo doon ay muli itong naghugas ng kamay.
Tumindig siya at gumaya na rin dito. Pagpihit niya ay nagulat pa siya. Nakapagsuot na ito ng sapatos at bitbit muli ang sandals niya.
“Bitbit mo na naman iyan?” natatawa-nahihiyang sabi niya.
“Delikado namang isuot mo agad ito at saka ka bababa. Mamaya mo na ito isuot pag nakababa na tayo. Come on, doon na tayo magbabayad sa kahera.”
Ito ang naunang bumaba pero nakaalalay din ito sa kanya. Hawak nito ang kamay niya habang bumababa sila. Nang makababa ito, mas lalo itong nagbigay ng atensyon sa kanya. Nasa huling baitang na siya nang pigilin siya nito at isuot sa paa niya ang sandals niya.
“Jaime, hindi mo kailangang gawin iyan,” asiwang sabi niya. “Sanay naman akong tumapak sa lupa kung kinakailangan.
“Bakit pa kung puwede namang hindi marumihan ng lupa ang paa mo?’ anito. “There, Cinderella,” tudyo pa nito nang matapos isuot ang sandals niya.
“Nagugulat naman ako sa mga ginagawa mo, Jaime,” nasabi niya.
Napangiti ito. “Really? Mabuti naman ay may surprise element pala ako sa iyo.” Inabot na nito ang kamay niya at tinungo na nila ang mismong restaurant. Pagkatapos nitong magbayad, kapwa sila sumaglit sa CR at sumakay na rin sa sasakyan nito para umuwi na.