4

1395 Words
IPINAGPASALAMAT ni Jenna na wala siyang naka-schedule na meeting sa kanyang kliyente nang araw na iyon. Kahit walk-in client ay wala ring dumating kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataon na mapag-isa. Matapos makumpleto ang bagong theme ng kanyang showroom, bumalik siya sa kanyang private office at nagbilin kay Noemi na huwag siyang gambalain kung hindi rin lang importante. Aaminin niyang nakaapekto sa kanya nang malaki ang paghaharap nila ng Jaime dela Merced na iyon. Iba’t iba ang emosyong naantig ng lalaki sa kanya. And worst, nagawa ng lalaking mapatid ang kanyang hinahon. Kung hindi lang siya aware na ginawa niya iyon, parang hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa niyang manampal ng tao. Hindi niya sukat-akalain subalit hindi niya magawang magsisi. Sumagad na ang pagtitimpi niy dahil na rin sa inasal ng kaharap. At bagaman may paghanga sana siyang naramdaman sa lalaki, tila isang diablo naman ang naging tingin niya dito nang marinig ang pagbabanta nito. Anong akala nito sa sarili? Diyos? And of course, hindi niya puwedeng balewalain ang pagbabanta nito. Kaya naman hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at tinawagan niya ang lahat ng dapat tawagan. Totoong areglado na ang mga detalye sa kasal ni Mary Grace Plamenco. Nang magpirmahan sila ng kontrata, kasabay niyon ay ang pagbibigay nito nang panggastos para sa kasal. Nagpa-reserve na siya sa simbahan at hotel. Nagbayad na siya ng sobra pa sa nire-require na reservation fee. Na-contact na niya ang photo and video services na magko-cover ng nasabing okasyon. At nakapagpadala na rin siya ng order sa gagawa ng cake at bulaklak. Natapos na niyang tawagan ang lahat ng iyon. At kinumpirma sa kanya ang kanilang reserbasyon. Magse-set langs iya ng meeting para sa mga kailangang detalye. Pero hindi pa rin niya magawang makahinga nang maluwag. Mahirap na ipagwalang-bahala ang bantang binitiwan ni Jaime. A demolition team. Kung siya ay inaalok nito ng milyong halaga, natural na mayroon talaga itong pambayad para lang mangyari ang gusto nito. At nag-iisip siya ngayon ng paraan upang mangyari naman nang walang anumang aberya ang pinagkasunduan nila ni Mary Grace sa pinirmahan nilang kontrata. Nang tumunog ang telepono ay sandali siyang nagambala sa kanyang pag-iisip. “Jenna?” wika agad nang tumawag. “This is Veronica. Siyempre, alam mo naman agad na ako ito.” Binuntutan nito iyon ng tawang pamilyar sa kanya. “Roni, napatawag ka?” Siniglahan niya ang tinig nang mabosesan ang babae. Sa ngayon ay ito na ang contact niya bilang couturier. Ang original na wedding girl na si Julianne bilang gown designer ay naging busy na sa married life nito at limitado na lamang ang kliyente na tinatanggap nito kaya naman kumuha na rin siya ng iba. Nakilala niya si Veronica sa isang wedding suppliers exhibit. Kagaya ng ibang wedding girls, nagustuhan niya ang trabaho nito kaya lahat ng kliyente na lumalapit sa kanya at naisasara niya ang kontrata ay kay Veronica na niya nirerekomenda pagdating sa paggawa ng wedding gown. “Wala lang. Busy ka?” “No. May time kang makitsika?” nakangiting sabi niya. Naisip niyang kailangan niya rin siguro ng ibang makakausap para naman hindi mauwi sa pagiging paranoid ang tinatakbo ng isip niya kanina. “Kaunti. Gusto ko lang banggitin sa iyo na galing dito si Mary Grace. You know, iyong client natin for October wedding.” Oh, about Mary Grace pa rin, saloob-loob niya. “Of course, so what about her? May problema ba?” “Wala naman. Medyo madalas nga lang pumunta dito. Makulit, eh. Kahapon, tumawag para magtanong ng progress ng gown niya. I told her exactly kung ano na ang natatapos namin. Then, galing nga dito kanina, tiningnan iyong gown. Wala pang twenty-four hours ha. As if, napakalaki ng pagbabagong mangyayari sa handwork details sa gown niya.” “Bata pa kasi iyon, eh,” tila depensa niya. “Hindi natin siya masisisi kung ma-excite nang husto para sa kasal niya.” “Hindi na nga excited ang tingin ko sa kanya. Para bang obsessed sa kasal niya. Look, ang dami ko na ring naging customer. Pero siya ang halos bantayan na ang paggawa sa gown niya. Pati nga mga mananahi ko, tinatanong pa kung naghugas ng kamay bago hawakan ang gown niya.” “Perfectionist lang talaga siguro iyong tao,” aniya. Subalit natigilan din siya. Sa araw na iyon ay dalawang beses na niyang narinig mula sa magkaibang tao ang salitang iyon. Obsessed. Nagkataon lang kaya iyon? “Sa iyo ba, madalas ding pumunta si Mary Grace?” “Noong isang araw ay nandito. Madalas ding tumawag. Okay lang naman sa akin iyon. Mas mahirap naman kasi sa kliyente iyong halos hindi nakikipag-usap tapos kapag mismong kasal na, ang daming nagiging rekamo. At least, iyong kagaya ni Mary Grace, aware siya sa lahat ng detalye ng kasal niya.” “Kungsabagay, wala din namang problema sa kanya pagdating sa pagbabayad.” At tumawa ito. “Ay, babay na, may dumating akong ibang client. Schedule ito for fitting today, eh. Asikasuhin ko na.” Nang ibaba ni Jenna ang telepono, napag-isip uli siya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang nakaharap si Mary Grace. And personally, gusto niya ang character nito. Kahit pa ano ang sabihin ni Jaime tungkol sa kapatid, iba naman ang nakikita niya. She fell in love once. At nineteen years old lang din siya noon kagaya ni Mary Grace. The feeling was so intense. Marami ang nagsabi na dala lang ng kabataan ang damdaming iyon but her heart knew better. Marami silang pangarap ni Bernard—her first love. Pareho silang nasa dean’s list dahil kapwa matalino. Plano nilang magkaroon ng matatag na trabaho at tatlong taon pagkatapos kung kailan naniniwala silang stable na ang estado nila ay magpapakasal na sila. Sa tingin nila ay sapat na ang panahong iyon upang makaipon at magkaroon sila ng panimula kapag nagpakasal sila. But they also both knew that it was a long wait. Kung hindi lang nila iniisip ang magiging kinabukasan nila, nais na rin nilang magpakasal sa oras na iyon. They were so in love with each other, masisisi ba sila? But the tragedy happened. Inabot ng gabi si Bernard sa pagre-research nito para sa tinatapos na thesis ay naholdap ang sinasakyan nitong jeep. Ang masaklap doon, bago bumaba ang mga holdaper ay sinaksak pa sa dibdib si Bernard gayong sabi ng mga nakasaksing pasahero din ay hindi na nga ito umangal at ibinigay na ang lahat ng pera. Dalawang linggo ring na-confine sa ospital si Bernard. Inoperahan ito dahil sa nagurlisan ng patalim ang puso nito. Binantayan niya ito sa ospital kahit pa sabihin maaapektuhan ang grades niya. Para sa kanya, si Bernard ang mahalaga. Kahit na may pamilya itong nag-aasikaso dito, personal pa rin siyang nag-alaga dito. But he didn’t survive. Sa kabila ng pagsisikap ng doktor na mailigtas ito ay sumuko ang puso nito. Nang mamatay si Bernard, pakiramdam niya ay nawalan na rin ng kahulugan ang buhay niya. At maraming pagkakataon na gusto niyang magsisisi. Sana ay nagpakasal na sila noon ni Bernard. Ilang taon din ang lumipas bago niya hinarap ang reyalidad. Sa puso niya ay mayroon pa ring espesyal na puwang si Bernard. She had started dating. Nagkaroon din naman siya ng boyfriend subalit hindi nagtagal ang kanilang relasyon. Sa palagay niya ay mas handa na siya ngayon. Gusto na rin niyang magkaroon ng sariling pamilya. Nasa edad na siya at mayroon na ring ipon. Ang hinihintay lang niya ay dumating ang lalaking mamahalin siya at mamahalin din niya. Parang therapy na rin niya ang pagkakapasok niya noon sa Romantic Events. Nasanay siyang mga parehang nagbabalak magpakasal ang nasa paligid niya. Mas bumukas ang mga mata niya sa realidad. Hindi na siya nakakaramdam ng bitterness kapag may taong masasaya sa paligid niya. She was always supportive of her client. Hindi dahil nagbabayad ito sa kanya kundi gusto niyang maging bahagi sa materyalisasyon ng plano ng mga ito. At si Mary Grace, sabihin mang ito ang pinakabata sa lahat ng naging kliyente niya, dito naman niya nakikita ang kanyang sarili noon. Napukaw siya ng pagkatok ni Noemi. “Ma’am, nandiyan po si Ma’am Imee. Dala po iyong pictures ng latest designs ng cake niya.” Si Imee ang counterpart ni Geraldine sa mga wedding girls niya. Kagaya ni Geraldine ay pulido rin ang mga wedding cake na trabaho nito. “Sige, papasukin mo,” aniya kay Noemi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD