3

1525 Words
PADASKOL na sumakay ng kotse si Jaime. Kulang na lang ay mabasag ang bagang niya sa labis na pagtatagis niyon. Ramdam pa niya ang pamamanhid ng pisngi bunga ng ginawang pagsampal sa kanya ng babae. At dahil doon ay lalong nag-uumigting ang galit niya. Hindi lang siya ngayon galit sa kapatid at sa ina. Galit na rin siya ngayon kay Jenna, ang lumalabas na kakampi pa ng mga iyon para sa walang kuwentang kasalang iyon. Hinimas-himas niya ang pisngi. Tila ngayon lang niya nararamdaman ang sakit ng pagsampal nito sa kanya. At hindi pa siya nasampal ng kahit na sino sa tanang buhay niya. Kumibot-kibot ang facial muscles niya sa galit. Bigla ay tumunog ang cellphone niya. “Yes?” paangil na sagot niya. “Sir, ire-remind ko lang po kayo sa luncheon meeting ninyo—” “Cancel all my appointments for today, Rico. May aasikasuhin akong importante. At huwag mo na akong tatawagan uli. Ikaw na muna ang bahala riyan,” malinaw ang instruction na sabi niya sa sekretaryo at pinatay na ang linya. Dumiretso siya sa mansyon ng mga dela Merced sa Greenhills. Ang mansyong iyon at ang lahat ng kasaganaang tinatamasa nila ngayon ay bunga ng pagsisikap ng kanyang ama. His father came from the old rich. Malas lamang na namatay ito agad. Nang mabiyuda ang kanyang ina, natural na dinagsa ito ng manliligaw palibhasa ay mahigit lamang itong treinta noon. Pero nagkamali ng pagpili ang kanyang ina nang ang pakasalan nito ay si Martin Plamenco na siyang ama ni Mary Grace. His stepfather was nothing but a gold-digger and an opportunist. Mabuti na lamang at nasa high school na siya noon at unti-unti nang namumulat sa pamamalakad ng negosyo ng kanyang papa. Mismong mga pinagkakatiwalaang abogado ng nasira niyang papa ang nagsabi sa kanya na kailangan niyang matutuhan agad ang pagpapatakbo ng naiwan nitong negosyo kung ayaw niyang malusaw iyon sa isang kisap-mata. Habang nasa kolehiyo ay abala na rin siya sa pagtulong sa negosyo. Ang kanyang mama ay nanatili sa bahay at mayroong monthly allowance buhat sa kita ng mga kumpanya ng kanyang papa. Si Martin ay kunwaring interesado sa pagsalo sa responsibilidad na naiwan ng kanyang papa pero ang totoo ay pinasok lamang nito ang kumpanya upang mapag-aralan kung paano makakadispalko ng pera. Pero bago tuluyang nagtagumpay si Martin ay ganap na ang kaalaman niya sa kanilang kumpanya. Eksaktong natapos siya ng kolehiyo ay iginawad sa kanya ng mismong board ang pagiging chairman of the board and president ng DLMC o ang dela Merced Group of Companies. Nasa kanya naman ang lahat ng karapatan dahil majority ng stocks ay minana niya buhat sa kanyang ama at syempre pa ay maroon siyang isang ekstrang boto mula naman sa kanyang ina. Malaking responsibilidad iyon sa bata niyang edad at kapos sa karanasan pero nagsikap siya. Hindi siya papayag na maglahong parang bula ang mga negosyong naiwan ng kanyang ama. Years later, namatay din si Martin. Naaksidente ito dahil sa pagmamaneho ng lasing. Alam niyang nasaktan ang kanyang ina dahil mahal din nito ang pangalawang asawa pero lihim din na nagdiwang siya sa pangyayaring iyon. Hindi nila kailangan sa bahay ng isang taong matatawag lang na haligi ng tahanan—kunwari. Mas naging maayos ang buhay nila pagkatapos niyon. Isa pa, bagaman hindi siya nagkaroon ng amor kay Martin, mahal na mahal naman niya ang kapatid na si Mary Grace. At sa laki ng agwat nila sa isa’t isa, itinalaga na rin niya ang kanyang sarili na parang ama na rin nito. Kaya hindi siya ngayon dapat kuwestyunin kung gagawin niya ang lahat ng paraan para lang mapigilan ang kasal nito. Ngayon pa lang ay parang nakikita na niya ang magiging buhay ng kapatid kapag nag-asawa ito. Dahil higit kaninuman, siya ang nakakaalam na hindi karapat-dapat si Jason para sa kapatid niya. “Hijo, you’re here,” salubong sa kanya ng kanyang mama, si Divina. “Halos sabay lang tayong dumating. Ibinababa pa nga ng maids ang mga bagahe ko. Na-delayed kasi ang paglabas ko sa airport. Dapat nga sana ay kanina pa ako dumating pero alam mo na, ang tagal pa bago ko nakuha mga check-in baggages ko. Ayan at naantala tuloy ang pag-uwi ko. Kumusta ka na, anak? I missed you.” “I’m fine.” Matabang na tinanggap niya ang paghalik ng kanyang mama. “Si Mary Grace?” “Oh, nagpunta siya sa couturier. Pina-follow up niya ang kanyang gown. Sabi niya sa akin sa telepono kagabi ay inuumpisahan na raw ang beadworks. Papasyalan nga daw niya ulit ngayon para matiyak niyang perpekto ang pagkakagawa niyon. How about you, hijo? Nasukatan ka na ba ng tuxedo? Ilang buwan na lang at kasal na ng kapatid mo. Don’t tell me, basta ka na lang kukuha ng damit sa closet mo? Alam mo namang espesyal na okasyon iyon.” Nagtagis ang bagang niya. “Alam ninyong tutol na tutol ako sa kasalang iyan,” tila asidong wika niya. Nalungkot ang kanyang mama. “Jaime, hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin matanggap ang desisyon ng kapatid mo? Bakit hindi ka na lang maging masaya para sa kanya? Can’t you see, desidido si Mary Grace sa ginagawa niya. Suportahan natin siya sa gusto niya. Wala naman akong mali na nakikita doon.” “Hindi siya nag-iisip!” nanggagalaiting sagot niya. “Akala niya, kagaya lang ng pag-aaral ng nakasulat sa libro ang pag-aasawa. Ang lalaking iyon, ni hindi niya lubos na kilala. Ni wala pa silang isang taon na magkakilala.” “Anak si Jason ng kaibigan ni Martin. Hindi nga sila matagal nang magkakilala pero matagal nang magkakilala ang pamilya. Nagkataon lang na sa ibang bansa nagtrabaho si Jason nang magtapos ito ng college. Pero noon pa man ay nagkakausap na sila. Alam mo namang modern technology na ngayon. Uso na ang video call.” “Na para bang makikilala niya ng lubusan ang isang tao sa ganoong paraan,” ungol niya. “Mama, ako ang nakikiusap sa iyo ngayon. Kausapin mo si Mary Grace. Hindi pa ito ang tamang panahon para siya magpakasal.” “The wedding is set, hijo. Kumpleto na ang lineup ng principal at secondary sponsors. Ako mismo ang kumausap sa ibang ninong at ninang nila. Ang totoo, ang hinihintay na lang ay maimprenta ang imbitasyon at ipapamudmod na iyon.” Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi. “Ayoko lang na magsisi at masaktan si Mary Grace sa bandang huli.” “I understand you for being her protective brother, hijo. Natutuwa ako na kahit iba ang ama niya ay hindi mo siya itinuring na ibang tao kahit kailan. Mahal nating pareho si Mary Grace kaya ayaw natin na mapunta siya sa hindi maganda. But I assure you, hindi padalos-dalos ang desisyong ito. I even suggested na mag-undergo silang dalawa ng counselling bago talaga tuluyang magplano ng kasal nila. At kausap ko rin ang counsellor nila. Tiniyak niya sa akin na emotionally stable si Mary Grace para magpakasal kahit na sabihin pang nineteen years old lamang ang kapatid mo.” Napailing-iling siya. “Ewan ko, Mama. Hindi ako psychologist o psychiatrist pero kapatid ko si Mary Grace. Mas kilala ko ang kapatid ko kaysa sa sinumang propesyunal diyan na magbibigay sa kanya ng counselling sa loob lamang ng ilang oras o ilang araw.” “Jaime, sa lahat ng oras ay nasa tabi tayo ng kapatid mo,” malumanay na wika ng kanyang mama. “Huwag naman sana sa ganitong pagkakataon saka ka lalayo sa kanya. Mas kailangan niya tayo sa oras na iyon. Sino ang gusto mong maghatid sa kanya sa altar? Isang malayong tiyo? Buhat nang mamatay si Martin, ikaw na rin ang nagsilbing ama sa kanya bukod pa sa pagiging mapagmahal na kuya. Hijo, please, be supportive of her especially at the most important ocassion of her life.” Isang buntong-hininga ang ginawa niya. “Ayokong mangako, Mama.” At tumalikod na siya. “Aalis ka na naman?” habol ni Divina. “May mga aasikasuhin pa ako, Mama.” “Please come back for dinner, anak.” “I don’t know, Mama. Kung gagabihin akong masyado ay sa condo na ako tutuloy.” Minsan pa ay gumuhit ang lungkot sa magandang anyo ng may-edad nang babae. “Ang laki-laki nitong bahay pero hindi na natin makuhang magsama-sama dito,” himutok nito. “Si Mary Grace, buhat nang payagan kong magkaroon ng sariling condo, halos hindi na rin pumipirmi dito.” Bumalik siya sa ina at inalo ito. “Mama, alam ninyo namang hindi ko ugaling iuwi dito ang mga trabaho. Extension ng office ko ang condo kaya huwag na kayong magdamdam. Hayaan ninyo, kapag natapos ko ang mga inaasikaso ko, dadalasan ko ang pagpunta ko rito.” “May kuwarto ka pa rin dito, Jaime. Why don’t you spend at least a night each week here?” “Sige, Mama, pagbibigyan ko kayo.” “Mamayang gabi?” tila batang sabi nito. “Huwag naman, mamaya.” Hinalikan niya ito sa gilid ng noo. “Sa mga susunod na araw, I make sure to have more time with you, Ma. Mayroon lang talaga akong dapat na asikasuhin ngayon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD