Present-day.
Tori’s POV
Masaya akong nakangiti dahil tapos na ang oras ng trabaho ko. Kahit nakaupo lang halos ako sa trabaho at nakaharap sa computer ay nakakapagod pa rin ang buong maghapon dahil na rin sa talagang abala ang isip ko sa staff auditing na inasikaso ko buong maghapon. Buong staff ba naman ng mall ang inayos ko at ilang-araw ko na iyon tinatrabaho para masiguradong maayos ang mga data ng mga tauhan sa mall na pinagtatrabuhan ko lalong-lalo na ang mga na-end of contract at hindi na nagtatrabaho sa mall na isa sa mga inayos ko.
Nasa labas na ako ng mall nang magulat ako dahil sa malakas na pagtunong ng kotse na dumaan sa harapan ko at matapos niyon ay malakas na halakhak ng driver na nasa loob ng sasakyan.
“Sakay ka na Tori-kong! May pupuntahan tayo,” nakangising aya sa akin ng driver ng sasakyan na ikinairap ko.
“Sira-ulo ka! Ginulat mo na ako tapos tinawag mo pa akong Tori-kong! Pinapapangit mo ang maganda kong pangalan, eh!” reklamo ko sa kaniya.
Tumawa lang ang gwapong lalaking kaharap ko ngayon na hindi bumababa ng kotse saka binuksan ang pinto ng sasakyan na nasa kabila.
“Sumakay ka na at baka ma-late tayo sa pupuntahan natin,” utos niya sa akin.
Wala naman akong nagawa kundi sumakay na rin saka niya pinaandar ang sasakyan. Si Alijah Jimenez ang lalaking sumundo sa akin at dadalhin ako kung saan, ang kinakapatid ko at ang anak ni Papa Sebastian na nag-iisang tumanggap sa akin noon at naging mabait.
Naging malapit kaming magkaibigan at sa tuwing dumadalaw ako sa bahay nila ay silang dalawa ni Papa Sebastian ay nag-aasikaso sa akin at dinadalaw rin nila ako sa bahay. Si Papa Sebastian ang lalaking dumating at napagkamalan kong tunay kong Papa noong twelve-years old ako. Naniwala ako noon na mag-ama talaga kami, magkadugo subalit nang nasa tamang edad na ako at malawak na ang pag-iisip ay ipinagtapat sa akin nila Nanay Amaya at Nanay Isabella, na hindi ko talaga kadugo si Papa Sebastian.
Fifteen-years old ako noon at sobra akong nalungkot sa nalaman ko pero hindi naman ako nagdamdam kasi naging mabuti naman sa akin si Papa Sebastian at dama ko na parang tunay niya akong anak. Nakakapanghinayang lang dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kilala ang tunay kong ama at hindi alam kung buhay pa ba siya hanggang ngayon.
Dating naging kasintahan ni Papa Sebastian ang kapatid ni Mama na si Tita Victoria, kung saan kinuha ang tunay kong pangalan subalit bigla na lang nawala si Tita Victoria, ang sabi ay matapos mabigo raw kay Papa Sebastian dahil nagpakasal sa ibang babae, sa Mama nga ni Alijah na kaibigan din pala nila Mama at Nanay Isabella at Nanay Amaya ay parang nawala sa sarili si Tita Victoria pero nang bumalik sa tamang pag-iisip ay umalis ito para magpunta ng probinsiya para makalimot kaya lang lumubog daw ang sinasakyan barko ni Tita Victoria at nakasama siya sa mga hindi pinalad na namatay.
Nakakalungkot ang nangyari sa pamilya namin lalo na sigurado kay Mama na si Tita Victoria na lang ang nag-iisang kapatid at bunso sa kanilang dalawa pagtapos ay maaga pang nawala sa mundo. Sinisi noon nila Mama at Nanay Isabella at Nanay Amaya si Papa Sebastian kaya nilayuan nila si Papa at nagalit sila na pinagsisihan din naman ni Papa.
Kaya gustong bumawi rin sa akin ni Papa dahil sa inisip niyang may kasalanan siya kaya nawalan ng kapatid si Mama at nawala pa si Mama kaya naging ulilang lubos ako. Itinuring akong anak ni Papa kagaya ng mga kaibigan ni Mama at hindi nila ako pinabayaan. Dahil din sa kanila ay nakapagtapos ako ng pag-aaral at ngayon ay maganda ng trabaho sa malaking mall bilang admin staff.
Ang gusto ni Papa ay magtrabaho ako sa pag-aari niyang beach resort, magandang posisyon ang gusto niyang ibigay sa akin pero tumanggi na ako dahil alam kong pag-aawayan lang nilang mag-asawa kapag pati sa negosyo ni Papa ay magtrabaho ako. Alam ko naman na hindi ako gusto ni Tita Estella, kahit noong bata pa ako pati ang dalawa niyang anak na sina Israfel at Apollo.
Sa tuwing nagbabakasyon o dumadalaw ako sa bahay nila ay palaging masama ang tingin sa akin ni Tita Estella at minsan ipinaparinig pa sa akin kung gaano niya hindi kagusto na nandoon ako sa bahay nila pero wala lang siyang magawa kapag si Papa na ang nagdesisyon na pabakasyunin ako doon o hindi kaya ay padalawin ako. Si Apollo ay naiinis lang kapag nakikita ako hindi katulad ni Isarafel na talagang hayagan din na ipakita na hindi niya ako gusto.
Natatakot nga ako noon kay Israfel dahil sa pananaboy niya sa akin noon nang una akong makapunta sa bahay nila at noong teenager na ako kapag nakakasalubong ko siya sa school na pinag-aaralan namin pareho. College siya habang ako ay high school ay talagang sasamaan niya ako ng tingin at minsan pa ay lalapitan niya ako para pagbantaan at huwag nang pumunta pa sa bahay nila para hindi mag-away mga magulang niya.
Dahil din kay Israfel naging madalang ang pagdalaw ko sa bahay nila Papa. Ayoko rin kasi ng gulo sa pagitan ng mga magulang ni Israfel at hindi rin ako komportable kina Isarfel at Apollo. Si Alijah naman ay naging mabait sa akin sa umpisa pa lang hanggang sa kahit sa school ay nakakasama ko na siya at kahit noong College. Nauna lang naka-graduate sa akin si Alijah dahil matanda siya ng dalawang-taon pero patuloy pa rin ang pagkakaibigan namin kahit pa nagtatrabaho na siya sa negosyo nila.
Matapos makapagtapos ng College ni Israfel ay nagpunta na siya ng ibang bansa at doon na nagtrabaho kaya kahit paano nabawasan ang mga taong iniiwasan ko sa pamilya ni Papa Sebastian at nabalitaan na lang namin naging successful si Israfel sa negosyo niyang itinayo sa ibang bansa na ecommerce platform na kahit dito sa Pilipinas ay mayroon na.
Matagal nang hindi umuuwi sa Pilipinas si Israfel at minsan nababanggit ni Alijah ang kapatid na may sama siya ng loob sa Kuya niya dahil parang nakalimutan na raw sila ni Israfel at tanging pagpapadala na lang ng pera ang ginagawa at ang tanging palaging kinakausap ng nakakatandang kapatid ay ang ina nila.
Nakakaramdam din ako ng konsensiya dahil naiisip kong may kasalanan din ako kung bakit pinili ni Israfel na umalis at iwanan sa bansang ito ang pamilya. Dahil na rin sa hindi pagkakasundo ng mga magulang niya kabahagi na ako at dahil na rin sa alam kong galit ni Israfel noon pa mang mga bata pa kami.
“Magpalit ka na muna ng damit, ha. Mag-dress ka dahil formal party ang pupuntahan natin,” untag sa akin ni Alijah dahilan para mapalingon ako sa kaniya.
“Ano bang klaseng party ang pupuntahan natin?” takang tanong ko.
“Binyagan. Naimbitahan akong maging ninong ng isa sa kaibigan ko at kaya kita dinala para ipakilalang girlfriend ko kasi aasarin na naman nila akong hanggang ngayon wala pa ring asawa samantalang sila ay may anak na.
“Isa pa, inimbitahan din isa sa mga ex-girlfriend ko. Nasisigurado ko na kapag nalaman niyang wala akong girlfriend ngayon ay baka guluhin na naman niya ako,” tugon ni Alijah sa akin.
“Palagi mo na lang akong ginagamit para magpanggap na girlfriend mo! Last year may nanabunot sa akin dalawa pa silang babae dahil sa’yo at inagaw raw kita!” sita ko kay Alijah.
“Gusto mo totiohanin na natin, eh!” natatawang biro ni Alijah sa akin. “Oo nga pala. Hindi mo tipo ang katulad ko at ang tipo mo ay ang kagaya ni Kuya Israfel, matalino at responsible,” nang-aasar na sabi pa niya sa akin.
Nakadama ako ng hiya sa sinabi ni Alijah at hinampas siya sa braso.
“Aray naman!” reklamo niya.
“Bakit ba hindi ka maka-move-on? Bata pa ako nang naging crush ko ang kapatid mong napakasungit! Isa pa, hindi ko na magugustuhan ang Kuya mong naging dahilan ng traumatic first crush ko noong teenager ako!” inis na tugon ko kay Alijah.
Bumalik tuloy sa alaala ko nang abangan ako ni Israfel sa school noon at fifteen years old pa lang ako noon. Third year high school at kasama ko ang mga kaibigan ko na sina Jade at Alona nang abangan ako ni Isarfel na nineteen years old naman nang panahon na iyon at kasama ang apat na kaibigan saka hinarangan kami sa dadaanan kami.
Flashback
“Hello, Tori,” nakangising bati ni Israfel sa akin at nagulat ako nang akbayan niya ako saka hinila na.
Sasaklolohan sana ako nina Jade at Alana dahil kilala na nila si Israfel na galit nga sa akin at hindi maganda ang pakikitungo subalit naharang ng mga kaibigan niya.
“Balita ko crush mo raw ako, ah?” tanong ni Israfel sa akin dahilan para makadama ako ng sobrang hiya.
“Hindi na rin masama. Cute ka naman, eh, kaya p’wede kitang patulan kaya lang siguradong magagalit si Dad kapag nalaman niya at saka wala akong planong seryosohin ang katulad mo.
“Magiging laruan lang kita kasi nakakahiya naman na maging girlfriend ko ang katulad mo. Hampas-lupang nagpapaawa kay Dad para makisiksik sa pamilya namin!” puno ng talim na sabi ni Israfel sa akin.
“B-bitawan mo ako!” palag na sabi ko pero dumiin ang braso niya sa leeg ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang haplusin ni Israfel ang bewang ko at hihimasin din sana niya ang dibdib ko nang magpapalag na ako at natapakan ko ang paa niya. Tatakbo na sana ako palayo kay Israfel pero nahila niya ang mahaba kong buhok na bigla rin niyang binitawan at napaupo ako sa sementadong daanan.
“Tori!” sigaw na tawag ni Jade at lumapit na silang dalawa sa akin.
“Pre, bakit sinaktan mo? Akala ko aasarin mo lang?” tanong ng kaibigan ni Israfel sa kaniya.
“Pumalag, eh, nahila ko tuloy ang buhok,” tugon ni Israfel sa kaibigan.
“Gago ka!” galit na sigaw ni Alana saka tinulak si Israfel.
Sa aming tatlong magkakaibigan ay si Alona ang matapang at boyish kung kumilos siya ang palaging tagapagtanggol namin ni Jade.
“Hindi naman kayo high school kaya bakit kayo nandito? Doon kayo sa building niyo huwag kayong nanggugulo rito!” galit pa ring sabi ni Alana.
“One of the shareholders of this school is my Dad, so I have the right to go here whenever I want. We also own your friend because my Dad pays for her education!” galit na tugon ni Israfel kay Alana.
“Ang kapal ng mukha mo! Anong palagay mo kay Tori laruan na may pag-aari—“
“Eh, ano bang dapat tingin sa kaniya? Totoo naman na ginagastusan siya ng Dad ko para paaralin sa prestihiyusong eskwelahan namin!” putol na tugon ni Israfel sa sasabihin sana ni Alana.
Masamang tumingin sa akin si Israfel. “Hinding-hindi ko magugustuhan ang katulad mo dahil nakakadiri ka kagaya ka lang ng dalawa mong ina-inahan na nagsasama kahit parehong babae, mga kadiri!” galit na sabi niya sa akin.
“Gago ka talaga—“
Hindi na nasabi pa ni Alana ang lahat nang dapat sasabihin niya dahil mabilis akong tumayo at malakas na sinampal ang pisngi ni Israfel. Sobra-sobra na ang pang-iinsulto niya na pati sina Tita Isabella at Tita Amaya ay dinamay niya! Matatanggap ko ang pang-iinsulto niya sa akin dahil sag alit niya sa palaging pag-aaway ng mga magulang niya dahil sa akin pero ang idamay ang dalawa kong Nanay na nag-aalaga sa akin at napakabuting-tao ay hindi ko na mapapalampas pa.
“Bullsh-t!” galit na tungayaw ni Israfel saka mabilis na nilapitan ako at kenwelyuhan.
Iniangat na ni Israfel ang kamao niya para suntukin ako pero nahiwalay siya sa akin at mabilis naman akong hinila nila Jade at Alana palayo sa kaniya. Inawat si Israfel ng mga kaibigan niya at gusto man niya akong habulin ay hindi pinapayagan ng mga kaibigan niya saka mabilis na kaming sumakay sa jeep ng mga kaibigan ko.
End of flashback
“Ang tagal naman na niyon saka hindi ba sinuntok ni Dad si Kuya dahil sinumbong ko ang ginawa niya kaya ibig sabihin nakaganti ka na sa kaniya at hindi naman na inulit ni Kuya ang ginawa niya. Natakot na talaga siya kay Papa,” natatawang tugon ni Alijah, na nagpabalik sa akin sa reyalidad.
Napatingin ako kay Alijah subalit hindi nagsalita.
“Iyon ang akala mo, Alijah. Mas matindi ang ginawa niya sa akin nang saktan siya ni Papa Sebastian at isa iyon sa hindi ko makakalimutan,” sabi ko kay Alijah subalit hindi ko iyon inilabas sa bibig ko at tanging nasa isip ko lang iyon.
Wala akong ibang pinagsabihan ng nangyaring iyon sa akin at tanging kami lang ni Israfel ang nakakaalam nang nakaraan na iyon.