Chapter 6

2164 Words
IBANG Teodicio Valdesco III na ang humarap kay Krystinia nang dalawin niya sa kulungan. Hindi na niya nakilala ang Kuya Thirdy niya. Isang linggo pa lang itong nakakulong pero haggard na haggard na ang itsura nito. Hindi ito mukhang thirty-four years old kundi forty years old na. Hindi na ito nag-aahit man lang. Parang di nga rin ito naliligo samantalang mas banidoso pa ito sa kanya. “Kuya, kumusta ka na?” tanong niya dito. “I am obviously not okay. This place is ghastly. Pakiramdam ko tuloy nasa impyerno na ako kahit na nasa lupa pa ako,” anito at umasim ang mukha. “Kumakain ka ba dito, anak?” tanong ni Serafina. “Ipinag-take out kita ng risotto at paborito mong steak.” Niyakap nito si Serafina. “Thanks, Ma. The food is awful. At hindi rin ako makatulog dahil marami akong kasama sa kulungan.” Ganado itong kumain. Habang siya ay walang ganang kumain ng kahit ano. Terible ang mga nangyari sa dumaang mga oras. Hindi mapipiyansahan si Thirdy dahil large-scale estafa ang kaso nito. Naka-freeze ang account nila. Pati ang stocks nila sa Ageless Beauty ay namemeligro dahil galit na galit sa kanila ang board of directors at mga stockholder. Mahal ang bayad sa abogado at di nila alam kung paano pa susuling dahil namemeligro ang kabuhayan nila. Walang sinuman sa mga kaibigan ng pamilya nila ang gustong mag-abot ng tulong sa kanila. They were suddenly persona non grata. Nasayang ang ilang taong pakikisama ng pamilya niya sa mga ito. Parang nabura na lang ang lahat dahil ayaw ng mga ito na ma-associate sa kanila. Estafador daw sila. “Nagdala ako ng mga toiletries mo, anak,” anang si Serafina. Branded stuffs, of course. Ayaw daw iparamdam nito kay Thirdy ang hirap ng buhay. Sa ngayon ay ipinapa-problema na nito sa kanya ang lahat ng gastusin nila sa pampagamot ng Papa niya, pambayad sa ospital, pakikipag-usap sa abogado ni Thirdy pati ang pampiyansa nito. Pakiramdam niya ay hinuhubaran na siya sa dami ng gastusin. Wala silang laban sa dami ng mga nagrereklamo sa kapatid niya. Naitakbo na ng mga kasabwat nito sa scheme ang pera sa Carribean kung saan walang extradition treaty ang Pilipinas. Ayon sa abogado ay out of court settlement na lang ang magagawa nila at mukhang mauubos ang lahat ng assets nila para lang maibalik ang lahat ng iyon. Matiim siyang tiningnan ni Thirdy. “Hindi mo pa ba ako mailalabas dito?” Marahan siyang umiling. “Naka-freeze ang mga account natin at wala akong maharapang mahihiraman ng pera.” Problema pa niya ang pagpapagamot sa Papa niya. Kailangan itong maoperahan sa lalong madaling panahon. Hindi na niya alam kung saan hahanap ng pera para sa bypass operation nito. Tumataas pa ang bills sa ospital. Sa ngayon ay pwede niyang ilabas ang savings niya pero di niya alam kung hanggang kailan iyon tatagal. Hindi niya masabi sa Kuya Thirdy ang mga problemang iyon dahil madadagdagan pa ang alalahanin nito. “Paano ang mga kaibigan ng pamilya natin? Maraming natulungan si Papa noon nang nalugi sila sa negosyo. Nang nakaraang buwan nga lang may humihiram pa ng pera sa kanya dahil di na mapauwi ang anak na na-stranded sa London dahil wala nang pera. Ultimo pampa-spa ipinapa-libre pa kay Mama ng ibang amiga niya. Nasaan na sila?” Yumuko lang si Serafina. Alam niyang pinipigilan lang nitong mapaiyak dahil sa sama ng loob. Masakit mang tanggapin ay wala na silang kaibigan kapag oras ng kagipitan. Parang hindi na sila kilala ng mga ito. “Kuya, hindi sa ayaw nila tayong tulungan. Gusto naman daw nilang tumulong kundi ka lang na-involve sa pyramiding scam. Ayaw daw niyang madamay sa kahihiyan ng pamilya natin.” Tumayo si Thirdy at pinukpok ang mesa. “Damn them! Damn them all! Hindi sila mga tunay na kaibigan. Kapag nakalabas lang ako dito, paluluhurin ko silang lahat.” “Kuya, bakit ka naman kasi pumasok sa pyramiding na iyan. Marami nang nabiktima iyan dati. Tapos ikaw pa ang nagpasimuno.” Mariin siyang pumikit. “Alam mo bang masamang-masama ang loob ni Papa dahil diyan?” “Gusto ko lang iangat ang kompanya. Mahirap ang kompetisyon ngayon. I need to invest it wisely. Mabilis ang pasok ng pera noong una. At hindi ko narinig na nag-complain ang mga investors nang mag-report ako sa kanila. Malay ko bang mangyayari ito. Sino ba ang may gusto na makulong?” Humalukipkip ito. “Ginagawa ko lang naman ito para pasayahin si Papa.” Sasagot pa sana siya subalit umiling na si Serafina. May pakiusap sa mga mata nito na huwag na niyang pahirapan pa ang sitwasyon. Huminga siya ng malalim at bumagsak ang balikat. Naiinis siya dahil gipit na gipit na nga sila ay nagagawa pa nitong magmalaki. “Ituloy mo na ang pagkain mo, Thirdy. Huwag kang mag-alala. Gagawa ng paraan si Krystinia para makalabas ka dito. Makakalaya ka rin dito, anak. Maaabswelto ka sa kaso.” Hindi niya alam kung tamang bigyan nito ng maling pag-asa ang kapatid niya. Kahit ito ay aminado sa krimen nito. At hindi niya alam kung hanggang kailan pa niya kakayaning maging matatag para sa pamilyang iyon. Pero kailangan niyang gawin. Pakiramdam niya ay siya na lang ang pag-asa ng mga ito ngayon. “KRYSTINIA, pasensiya ka na sa nakayanan namin. Twenty thousand lang ito. Pinagtulung-tulungan namin. Nagbigay ng tulong pati ang mga staff mo. Iyan lang ang nakayanan namin sa ngayon,” malungkot na sabi ni Vernel nang iabot sa kanya ang pera. Nasa cafeteria sila ng ospital kung saan siya dinalaw nito. “Pero oras na makaani kami sa farm, madadagdagan pa iyan. Gagawan ko ng paraan.” Naluha siya nang mahawakan ang pera. Iyon ang unang tulong na natanggap niya mula nang maospital ang papa niya. Habang ang mga taong inaasahan nilang aagapay sa kanila at itinuring nang pamilya ng mga magulang niya ang tumalikod sa kanila. “Maraming salamat, ha? Wala na kasi akong ibang matatakbuhan ngayon. Pakiramdam yata ng mga tao masama kaming lahat dahil sa ginawa ni Kuya. Hindi naman kami ganoon kasama, hindi ba?” Hindi perpekto ang pamilya niya pero di kailangang madamay ang Papa niya sa kagagawan ng kapatid niya. Kailangan nito ng tulong. Paanong naaatim ng ibang tao na hayaang mamatay lang ang Papa niya niya nang di nag-aabot ng tulong samantalang nang kailangan ng mga ito ng tulong ay nagbibigay naman ang pamilya niya? May konsensiya pa ba ang mga taong sinasabing kaibigan nila ang mga ito? Kahit ang mga non-government organization na binibigyan nila ng donasyon ay iling agad ang isinagot sa kanila nang lumapit sila. “Anong sabi ng abogadong kinuha mo sa kaso ng kuya mo?” Marahan siyang umiling. “Mahihirapan daw makalusot sa kaso ang kuya ko. But hopefully mapababa ang kaso niya at maging bailable pa rin.” Pero masakit pa rin sa dibdib ang bail ng kuya niya. Ang priority kasi niya ngayon ay ang pagpapagamot sa tatay niya. Nade-depress siyang dalawin ito sa kulungan dahil siya ang pine-pressure nito at lagi namang nakasegunda si Serafina. Kung magsalita ito ay parang wala siyang magagawa para tulungan ito. Solong katawan na nga siya sa pagkilos dahil wala na siyang maaasahan kay Serafina. Nakakapagod ang ganoong pakiramdam. Parang pinasan niya ang lahat ng problema sa mundo. Parang ilang araw lang ang nakakaraan ay tahimik ang buhay niya. Simple lang ang buhay niya pero may peace of mind siya. Ngayon ay gulong-gulo ang mundo niya. At kahit anong gawin niya para itama ang lahat ng mali ay lagi pa ring kulang. Hindi na niya alam kung panong sosolusyunan ang problemang patong-patong. Parang hindi na matatapos. Ginagap ni Vernel ang kamay niya. “Alam mo naman na kung kailangan mo ako, nandito lang ako. Gagawin ko ang lahat para matulungan ka.” “Maraming salamat.” Gumaan ang loob niya nang dahil kay Vernel pati sa iba pa niyang mga kaibigan na hindi basta-basta nanghuhusga. They didn’t even question her or the integrity of her family. Basta na lang nagbigay ng tulong ang mga ito. Maging ang mga taga-baranggay Marikit ay nagtutulong-tulong para magpadala sa kanya. Sa isang banda ay di pa rin naman siya pinababayaan ng Diyos. May mga kaibigan pa rin siya na tutulong sa kanya kahit sa munting paraan. “Pasensiya na sa abala. Alam ko naman na marami kang iniintindi.” May problema sa agawan ng lupa ang pamilya nito. Kaya kahit ang farm nito at namemeligro sa gahamang mga kamag-anak na gustong kumamkam nito. “Alam mo naman na hindi ka abala sa akin. Basta ikaw.” Nahihiya itong ngumiti at kumamot sa ulo. “Saka gusto kong malaman mo na mahal kita.” Malungkot siyang umiling. “This is not the time for that.” “P-Pero gusto ko pa ring malaman mo.” Ginagap nito ang kamay niya. “Kapag hirap na hirap ka na, nandito lang ako para sa iyo.” “Salamat,” nasabi lang niya. Hindi rin nagtagal si Vernel. Gusto sana nitong sumamang magbantay sa kanya sa Papa niya pero mas mabuting bumalik din ito sa Bohol. Siya ang nagbabantay sa papa niya nang dumating si Dante Ancheta, ang Executive Vice President for Finance ng Ageless Beauty. Habang walang kakayahan si Thirdy na pamahalaan ang kompanya at indisposable din ang Papa niya ay ito ang tumatayong acting-CEO. Sa lungkot sa mga mata nito, mukhang hindi maganda ang balitang dala nito. “Tito Dante, kumusta po?” tanong niya. “Kumusta po ang kompanya? Pasensiya na po kung hindi ko po mahawakan ang area ko ngayon.” “It’s okay. You trained your people well. Si Jemileia Pontillas ang humahawak sa area mo ngayon. Pero ang kompanya…” Bagsak ang balikat nitong umiling. “I am sorry. Dahil sa pagbagsak ng stocks natin mula nang lumabas ang eskandalo sa kapatid mo, nawalan ng kompiyansa sa atin ang mga investors. At kaninang umaga ko lang nalaman na naibenta na pala ang majority ng shares natin. Nakuha na ng Sonriza Holdings ang thirty-five percent ng shares. Nandito lang ako para sabihin sa iyo na anumang oras ay magte-take over na ang Sonriza Holdings.” Nanlaki ang ulo niya. “A-Ang bilis naman po.” Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas mula nang makulong ang kapatid niya at magkasakit ang Papa niya. “Hindi ba pwedeng huwag muna silang mag-take over? May sakit pa si Papa. Tiyak na didibdibin niya ang nangyaring ito.” Matindi ang paghawak ng ama niya sa shares ng Ageless Beauty. Ayaw nitong bitiwan dahil ang kompanya ang buhay nito. Hindi nga niya mabuksan sa usapin ang pagbebenta nito ng shares para maisalba ang kapatid niya dahil baka lalong ikasama ng loob nito. Kaya naman nakatali ang kamay nilang mag-ina dahil pareho silang walang magawa kundi makiusap. At sa masamang balitang ito, natatakot siya na mas mapadali ang buhay ng ama niya. Ngayon pa nga lang ay nahihirapan na sila dahil patuloy ang pagbagsak ng kalusugan nito. Kundi pa dahil sa pangakong gumagawa siya ng paraan para mailabas ang kapatid niya sa kulungan ay hindi ito susunod sa utos ng doktor. Pakiramdam niya ay dalawang bagay lang ang mahal ng papa niya. Ang kompanya at ang kapatid niya. Kung mawawala pa dito ang kompanya, tuluyan na itong mawawalan ng pag-asa. “I know. Kaya nga sinubukan kong makipag-usap sa owner ng Sonriza Holdings. Na bigyang konsiderasyon ang Papa mo dahil may sakit siya. O kahit man lang magkaroon pa siya ng kompanyang babalikan at bibigyan ng pagkakataon ang papa mo na maging major shareholder ulit oras na gumaling siya o makabalik si Thirdy at malinis niya ang pangalan niya. Pero lumalabas na ang desisyon ay wala sa head ng Sonriza Holdings. It happens that Sonriza Holdings is just under the umbrella of a much bigger company.” “Ano pong kompanya?” “Evaristo Investments. And it’s head is Warrick Evaristo. At ngayon pa lang sinabihan na ako na mahihirapan tayong kausapin siya. And when he found out that I want to set up a meeting with him, he said that he only wants to discuss it with a Valdesco.” Si Warrick. Ito ang nakabili ng majority shares ng kompanya nila. Saka niya naalala ang kagustuhan ng pamilya niya na layuan niya ito. Ipinilig niya ang ulo. Walang ibang ibig sabihin iyon. Negosyo lang ang lahat. Hindi naman kasalanan ni Warrick kung nag-invest ang kapatid niya kasama ang mga mandarambong. Ang mahalaga ay mapakiusapan niya ito. Huminga siya ng malalim. “Ako po ang kakausap sa kanya.” “Sigurado ka ba?” tanong nito. “Hindi ka kasama sa mga matataas sa kompanya…” “But I am a Valdesco. Ako lang ang pwedeng kumausap sa kanya. Hindi pwede si Papa at lalong hindi ang kapatid ko. Lalong walang alam si Mama dito.” Nangako siya sa pamilya niya na hindi na makikipag-ugnayan pa kay Warrick. Ngunit mukhang wala siyang mapagpipilian. Kailangan siya ng pamilya niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD