Chapter 8

2377 Words
It was tempting. His offer was really tempting. Pero parang sinampal siya sa mga sinabi nito. Isang malaking insulto sa kanya na siya ang inalok nitong maging ina ng anak nito. Sa palagay ba nito ay siya ang tipo ng babae na magpapabayad sa anak niya at ipapamigay sa iba? Paano nagagawa ni Warrick na alukin siya ng pera samantalang alam naman niya na malapit sa puso niya ang mga bata? Tinungga niya ang alak at pilit na pinablangko ang utak para di na niya maisip pa ang malaking advantage na makukuha niya oras na tanggapin ang alok nito. Labag iyon sa prinsipyong ipinaglalaban niya. Marahan siyang tumayo. “Bakit ako ang napili mo?” “You are desirable and intelligent. Sa palagay ko magandang manahin iyan ng magiging anak ko. And you are in need. Malaki ang maitutulong sa iyo ng deal na ito.” Pakiramdam niya ay tinapakan na naman nito ang pagkatao niya. “At dahil kailangang-kailangan ko ng pera, sa palagay mo sasaluhin mo na lang kung anuman ang ibato mo sa akin? Thanks for the offer pero sa palagay ko hindi ako ang babaeng hinahanap mo. Kahit pa anong halaga, hindi ko ipapamigay ang anak ko. Magkakamatayan muna tayo bago mangyari iyon,” mariin niyang nausal dahil di niya mapigilan ang emosyon niya. Hindi niya gugustuhing lumaki ang anak niya sa isang lalaki na walang inisip kundi pera. Tatratuhin lang nitong business investment ang isang bata. Hindi ito dapat na maging ama dahil wala naman itong pagmamahal na ibibigay sa bata. Pera lang ang iniisip nito. At sinong matinong ama ang gugustuhing ilayo ang anak nito sa ina ng bata? May babae man sigurong walang puso na isusuko ang anak nito para sa pera pero hind siya ang babaeng iyon. Mali ito ng babaeng inalok ng business proposition nito. Nanatiling kalmado ang anyo nito. “Your family needs the money. You know that. Wala nang ibang mag-aalok sa iyo ng tulong katulad ko. Or are you expecting a rich man would marry you instead to save your family’s neck?” May himig ng pang-uuyam ang tanong nito at saka ito tumawa. Parang sinasabi nito na masyadong mataas ang pangarap niya sa buhay. Umiling siya. “Hindi ko rin gusto iyon. Just like do, I don’t do things half-heartedly. Para sa akin, ang lahat ng ginagawa ko may kasamang pagmamahal. Yes, I need the money. Nahihirapan na ako sa mga pinagdadaanan ko. Your offer is tempting. Pero sa palagay ko hindi ko iyon magagawa. Hindi ko gugustuhing mawala sa akin ang anak ko kahit pa ilang milyon ang ibayad mo sa akin. And I will be grateful if you are kind enough to show me the way out. At sana matagpuan mo ang babaeng makakatupad ng plano mo.” Hindi na siya makakatagal na kasama pa ito. Hindi niya masasabing bumaba ang respeto niya dito. Some men were more evil than him. Baka kung ibang lalaki ito ay paiibigin pa nito ang isang babae para mapagtakpan ang totoong intensiyon nito. At least Warrick was honest enough to tell her his plans. Iyon ang buhay nito. Pero di niya maiwasang malungkot para dito. Parang walang pagmamahal sa buhay nito. Wala ring madadamang pagmamahal ang magiging anak nito. May mga nanay na ipinamimigay ang anak ng mga ito para mapunta ang bata sa isang magandang pamilya na magmamahal dito at magpapalaki dito nang maayos. Kung ibang tao lang sana si Warrick. Kung isa lang sana itong mapagmahal na asawa sa isang babae. Hindi isang bachelor na ang gusto lang ay may magmana ng negosyo nito. Isusuko ba niya ang anak niya sa ganoong klaseng buhay? He would surely look for excellence. Malaki ang ibabayad nito para magkaanak. Malamang ay titiyakin nito na worth it ang perang ibinayad nito sa kanya. Baka walang ipagkaiba sa kanya ang anak niya. What if he or she won’t be good enough for him? Paano kung hindi ito karapat-dapat na maging tagapagmana ni Warrick? Ibabasura na lang ba ito? “Ipapahatid kita sa driver ko,” anito sa pormal na boses. “Gabi na para mag-isa kang bumiyahe. But I hope that you will reconsider my offer. It’s too good to pass up.” Inabot nito ang business card sa kanya. “Call me if you change your mind.” Isang simpleng tango lang ang ibinigay niya dito at. “Goodbye, Warrick.” Hindi siya makatulog nang gabing iyon. Di mawala sa isip niya ang alok nito. Kapag tinanggap niya ang alok nito ay matatapos ang lahat ng problema niya. Pero hindi iyon kakayanin ng konsensiya niya. Kaya ba niyang ibenta ang anak at kaluluwa niya para sa pamilya niya? Pamilya din naman niya ang anak niya. Hangga’t maari ay paglalabanan niya ang tukso. Kahit pa di niya naipapanganak ang magiging anak niya ay alam niyang ipaglalaban niya ito kahit na anong mangyari. Kung anumang problema niya sa pamilya ngayon ay tiyak na may solusyon. Hindi lang si Warrick ang solusyon sa problema niya. “PAPA, kumain na po kayo. Kailangan po ninyong magpalakas. Mamaya iinom pa kayo ng gamot. Please.” Mistulang bingi si Teodicio sa pakiusap ni Krystinia at ibinaling lang palayo ang mukha sa kanya. Bagamat nagising na ito at pwede nang kumain ay parang wala naman itong ganang mabuhay. Malamig pa ang pakikitungo nito sa kanya tuwing siya ang nag-aasikaso dito. Nag-aalala ang mga doktor sa kalagayan nito at kailangan na nitong operahan sa lalong madaling panahon bago pa tuluyang bumigay ang puso nito. “Nasaan si Thirdy?” tanong nito. “Hindi ba niya ako dadalawin?” Yumuko siya at di makatingin dito. “I am sorry, Pa. Hindi pa po siya nakakalabas. Naka-detain pa rin po siya hanggang ngayon.” Masakit mang sabihin pero kailangan niyang aminin dito ang totoo. Naglatang ang galit sa mukha nito. “Hindi pa? Hindi pa? Sobrang tagal na ng anak ko sa kulungan at wala ka man lang magawa para palayain ang Kuya Thirdy mo?” Matiim na nagdikit ang labi nito. “Ano pang silbi mo dito kung hindi mo lang din naman siya mailalabas sa kulungan at matutulungan sa kaso niya?” Tinabig nito ang bowl ng pagkain na hawak niya. “Kahit kailan wala ka talagang silbi.” Nahigit niya ang hininga dahil di niya inaasahan ang kagaspangang ipapakita nito. Nasundan na lang niya ng tingin ang pagkaing natapon sa sahig. Nanginginig siyang lumuhod sa sahig para linisin ang natapong pagkain. Subalit pakiramdam niya ay siya ang tinabig at tinanggihan nito. Pinipigilan na lang niya mapahikbi dahil tiyak na lalo itong magagalit kapag umiyak siya. Ayaw ng papa niya ng umiiyak. Madadagdagan pa ang kasalanan niya dito. “P-Papa, I am sorry. Hindi naman po ganoon kadali ang lahat.” “Krystinia, anong nangyayari dito?” nahihindik na tanong ni Serafina na kasunod ang Yaya Mameng niya. “Ginalit mo na naman ang Papa mo?” Habol ng Papa niya ang hininga nito habang hawak ang dibdib. “Papatayin niya ako sa sama ng loob. Bakit pinabalik mo pa siya dito kung wala naman pala siyang silbi?” Napatingin siya dito. “Papa…” Hindi siya makapaniwala na walang kwenta ang lahat ng sakripisyong ginagawa niya para sa pamilya. Pagkatapos ay ito pa ang mapapala niya. “Sige na. Lumabas ka na,” iritadong utos ni Serafina. “O gusto mo talagang mamatay na ang papa mo?” Kahit masama ang loob ay pinili niyang lumabas na lang ng silid subalit di agad siya umalis at nakikinig sa pinto. “Ayokong magpaopera kung wala si Thirdy. Gusto kong nandito si Thirdy. Mamamatay ako kapag wala ang anak ko.” Umaalingawngaw sa isipan niya ang sinabi nitong wala siyang silbi. Wala siyang kasalanan sa lahat ng nangyayaring ito. Na ikamamatay nito na wala doon si Thirdy na parang ang kuya lang niya ang anak nito. Hindi niya kasalanan kung di na makakalabas si Thirdy. Di niya hawak ang batas. Ginagawan din niya ng paraan para makakuha ng pampaopera nito. Pero lahat na lang ng sisi ay pinapasan niya. Siya ba ang gumawa ng maling desisyon sa negosyo? Siya ba ang nagpabagsak ng kompanya? Siya na ang sumira sa pangalan ng pamilya nila? Siya ang nakadispalko ng pera? Kulang na lang ay sabihin nito na siya na lang sana ang nakakulong at hindi si Thirdy. Wala siya sa sarili nang maramdaman niyang may bumangga sa kanya. "Are you blind or plain stupid? Di ka tumitingin sa dinadaanan mo." "I'm sorry,” mahina niyang usal. Akmang iiwas na lang siya para ipagpatuloy ang paglalakad pero nakaharang pa rin ang nabangga niya sa dadaanan niya. "Look who's here. The haughty princess. You still have the nerve to look so haughty now?" Bigla niyang inangat ang tingin nang marinig ang pamilyar na boses. "Ludwig!" Nakapamaywang ito na parang hari ito ng mundo. Kasama pa nito ang dalawang bodyguard nito na alerto at handang protektahan ito anumang oras. This was over the top. Hindi ba matatapos ang kamalasan niya? Ang huling taong gusto niyang makaharap ay si Ludwig, ang pinaka-antipatiko at pinakamayabang na nilalang na nakilala niya. Ito ang unang taong masisiyahan sa pagbagsak niya. Natitiyak niya iyon. Ngumisi ito na parang nang-iinsulto. "Nabalitaan ko ang nangyari sa pamilya mo. Nakakulong si Thirdy at inatake sa puso si Tito Teodicio. Nandito ako para dalawin sila.” “Nasa fourth floor ang suite ni Papa. Pwede mo siyang dalawin doon,” aniya sa malamig na boses. “Still in a suite? I am sure your bill is piling up. Can you still afford it? Hindi pa mailabas ang kapatid mo dahil wala kayong pang-areglo sa ibang nagdedemanda. Mukhang wala nang gustong magbigay ng tulong sa inyo.” “Pero pwede ko kayong tulungan. Kaya kung magiging mabait ka sa akin, tutulungan ko kayo ng pamilya mo." Sa pagsasalita nito ay parang narito ang kasagutan sa lahat ng problema sa mundo kasama na ang pagbabayad ng utang ng Pilipinas. Humalukipkip siya. "At gaano kabait ang gusto mo?" Inilapit nito ang mukha niya. "Be my mistress." Parang gusto niyang maliyo sa panibagong indecent proposal na ito. Hindi niya alam kung bakit pagdating kay Ludwig ay parang babaligtad ang sikmura niya. Di niya maatim na maging mistress nito kumpara sa pagiging babymaker ni Warrick. Wala ba siyang mas matino-tinong proposal na matatanggap na di niya kailangang isangla ang kaluluwa niya? Mariing nagdikit ang labi niya. "Sorry. I am not interested." Nanlisik ang mga mata nito at hinaklit ang braso niya. "Anong ipinagmamalaki mo? Walang-wala na kayo. Ako lang ang pwedeng makatulong sa iyo. Huwag mo nang pairalin ang kayabangan mo!" "Huwag mo akong hawakan. Mas gugustuhin ko pang gumapang sa hirap kaysa patulan ka. Sigurado ako na marami pang babaeng mas makaka-appreciate sa iyo at kayamanan mo." "Hindi mo ako pwedeng tanggihan!" angil nito at lalong bumaon ang daliri nito sa balat niya. Parang kapag hinila niya ang braso mula dito ay matutuklap ang balat niya. Nakadama siya ng matinding takot. Mukhang hindi nito matatanggap oras na tanggihan siya nito. Nangilid ang luha sa mata niya subalit pinigilan niya ang sarili na mapaiyak. Hindi niya alam kung paano pa makakaligtas mula dito. "The lady said no. Kaya pakawalan mo na siya." Parang nawala ang bigat ng kalooban niya nang makita si Warrick. Animo’y nakakita siya ng anghel na magliligtas sa kanya. Subalit di pa rin siya pinakawalan ni Ludwig. "Huwag kang makialam dito." "May pakialam ako. She's mine.” Hinawakan ni Warrick ang kabilang braso niya. Ngumisi ito kay Ludwig na parang di iniinda kung manganganib din ito. “At kung ayaw mong mag-pull out ang ilang malalaking sponsors ng ama mo sa eleksiyon dahil sa kasalanan mo, iiwasan mo na si Krystinia at di mo na siya guguluhin. Ayaw mong madismaya na naman siya sa iyo, di ba?" Namutla si Ludwig at napalunok. Nawala na rin ang bangis nito at lumuwag ang pagkakahawak sa braso niya. "Fine. She's all yours.” Padarag siya nitong binitiwan. “I hope you are man enough like me to melt the ice queen." Saka ito nagmamadaling naglakad palayo. Hinawakan siya ni Warrick sa magkabilang balikat. “Are you okay? Sinaktan ka ba niya?” “O-Okay lang ako,” aniya sa nanginginig na boses. She was still shaken. Traumatic para sa kanya ang ginawa ni Ludwig. Akala niya ay hindi na niya ito matatakasan pa. “Umalis na tayo dito,” sabi nito at inakay siya papunta sa nag-aabang na kotse nito. Ipinagbukas sila ng pinto ng driver nito. Hinayaan na lang niya itong igiya siya hanggang makasakay sa likuran ng kotse nito. Parang wala siya sa sarili niya. "Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa wakas nang umandar na ang sasakyan. Di pa rin siya makapaniwalang basta na lang siyang sumama dito. "Dadalawin kita. Mukhang hindi ka nagpapahinga o kumakaing mabuti,” puno ng pag-aalala nitong wika. Bumuntong-hininga siya. "Okay lang ako. Hindi mo ako kailangang alalahanin." "No. Hindi kita ibabalik doom hangga't hindi ko natitiyak na okay ka lang." Bigla siyang naalarma at tiningnan ang pinanggalingan nila. Malayo na sila sa ospital. "Saan mo ako dadalhin?" tanong niya. Ginagap nito ang kamay niya. "You'll know. Just trust me." "I am not really sure if I should." Di na niya alam kung sino ang dapat niyang pagkatiwalaan. Parang lahat na lang ay gustong pagsamantalahan ang kahinaan niya. Hindi ba’t si Warrick ang unang nag-alok sa kanya? Gusto nitong bigyan niya ito ng anak. Dapat ba niyang pagkatiwalaan ang isang katulad nito? He was no different from Ludwig. He also wanted to capitalize on her family’s misery. Mariing nagdikit ang labi nito na parang nababasa ang iniisip niya."Hindi ako si Ludwig. Hindi kita pipilitin sa mga bagay na hindi mo gusto. Gusto lang kitang ilayo kay Ludwig at sa iba pang gumugulo sa iyo ngayon. Gusto mo bang hayaan akong gawin iyon?" Tumango siya at mariing pumikit. Gusto niya na takasan na lang ang lahat - si Ludwig, ang pamilya niya na walang silbi ang turing sa kanya at lahat ng problemang bumabagabag sa kanya na parang walang solusyon. Kung may solusyon man ay kailangan pa niyang ibenta ang kaluluwa. Napapagod na siya at gusto na lang niyang tumigil ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD