XII

1977 Words
CHAPTER TWELVE "NANGYARI ba talaga 'to? Grabe... naaalala ko pa kung gaano kalambot ang mukha niya..." Hindi maalis-alis ang ngiti ni Sanya habang titig na titig sa kinunang picture ni Sannie kagabi. "Bakit hindi mo man lang ako tinawagan no'ng gabing nakasama n'yo siyang mag-dinner diyan sa labas?" "Naalala naman kita kaso parang wrong timing lang. Shocked din kaya ako nang bigla na lang siyang lumapit. Pero nakabawi naman ako, 'di ba?" Nagtaas-baba ng kilay si Sonja. "'Di ba?" Ngumisi naman si Sanya at tinitigan uli ang picture sa cellphone nito. "Ano'ng pinag-usapan ninyo?" "Mahilig din siya sa We Bare Bears!" impit na sagot ni Sanya. "Talaga?" namilog ang mga matang anas ni Sonja. "Sini-ship din niya si Ice Bear at Yana. Astig, 'di ba?" Hindi nakaligtas sa mga mata ni Sonja ang kinang sa mga mata ni Sanya habang nagkukwento. "Hindi nga?" "Gandang-ganda nga raw siya sa painting ko. Nahiya ako. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman siya ang unang nagsabi n'on. " "Depende sa pinanggalingan." "Siguro nga." Napabungisngis pa si Sanya. "Hindi naman siguro siya napipilitan lang sa pakikitungo niya sa 'kin kagabi, 'no?" "Hindi kaya. Sabi ni Jared, mabait talagang tao 'yang si Keith Clark. Gusto ka niya, period." "Natuwa siya nang malaman niyang sa isang livelihood project ko kinukuha ang mga pasong ibinibenta natin. Hindi ko nasabing siya ang inspirasyon ko kung bakit ko ginagawa 'yon. Sana raw masamahan ko siya sa isa sa mga project niya para mag-share ng talent ko." Impit na napatili na naman si Sanya at nasapo ang magkabilang pisngi. "Bakit siya gano'n? Minamahal ko tuloy siya." Natawa nang malakas si Sonja. Sarap batukan ng bruha. "Kailan uli ang next date n'yo?" tanong pa niya. "Wala naman siyang sinabi tungkol sa next date. Ang sabi lang niya, titikman niya ang kape natin kapag hindi na siya busy." "Coffee date daw kayo sa susunod. Kinuha niya number mo?" "Hindi nga, e." Napakamot sa ilalim ng tainga niya si Sanya. "Hindi kaya pinapaasa ang ako n'on?" "Alam naman niya kung saan ka hahanapin, e. Makakagawa ng paraan 'yon." "Oo nga. Tama, tama." Sanya looked hopeful again. "Salamat, Sonja, ha. The best ka talaga." Napakumpas sa hangin si Sonja. "Maliit na bagay, Ate. Basta ikaw." Then her phone rang. Iyon na nga ang hinihintay niyang tawag mula kay Jared. "Hi," pigil ang ngiting bati niya nang sagutin ang tawag. "Coffee?" "THANK you. Have a great evening!" sabi ni Sonja at bahagyang yumuko sa mga taong nagpapalakpakan. Hindi maalis-alis ang mga ngiti niya nang gabing iyon. Maraming tao ang pumunta at nandoon din si Jared para panoorin siya. Pababa pa lang siya ng stage ay sinalubong na siya ng isang staff ng hotel. "Miss Sonja, para po sa inyo," sabi nito at ibinigay sa kanya ang bouquet ng sari-saring bulaklak. "Talaga?" Her heart was seized with excitement. "Thank you!" Ano kaya ang nakain ni Jared at binigyan siya nito ng bulaklak? At magkasama naman na sila nang gabing iyon kaya bakit kailangan pa nitong ipaabot sa iba ang bouquet? Kung ano man ang rason nito, hindi bale na. Basta, kinikilig siya. Naglakad na siya papunta sa table ni Jared. He was watching her. Kataka-takang napakaseryoso naman ng mukha nito. Hindi ba nito nagustuhan ang reaksiyon niya? Saka lang niya napansin ang card na nakadikit sa bouquet. You did great again tonight. –Eugene Napawi ang mga ngiti niya. Hindi kay Jared galing ang bulaklak! "You have a thoughtful admirer, Sonja." Nakatayo na si Jared sa harap niya. "A-ang... akala ko galing sa'yo 'to." Hinalikan nito ang noo niya. "Gusto mo ba ng mga bulaklak? Bibigyan kita sa susunod." "Gusto mo bang ipabalik ko 'to sa nagbigay?" "Bakit naman?" amused na tanong nito. "If you like it, keep it." Nakaramdam ng pagkadismaya si Sonja. Hindi man lang ba magseselos si Jared kahit kaunti? Sabihin lang nitong ayaw nitong nakikitang may nagbibigay sa kanya ng bulaklak at ididispatsa niya iyon nang walang kahirap-hirap. "Hindi talaga ako mahilig sa bulaklak, e. Si Ate Sanya lang. Iyong mga bulaklak na ibinibigay ng mga guest dito ibinibigay ko rin sa kanya." Ngumiti si Jared at pinisil ang baba niya. "Gutom ka na ba?" tanong nito. "Medyo." "Let's go somewhere else." Sonja smiled. "Let's go." Hinawakan ni Jared ang libreng kamay niya at pinaghugpong ang kanilang mga daliri. "Kung ayaw mo ng bulaklak, ano ang gusto mo, kung gano'n?" Napabungisngis si Sonja. Akala niya ay hindi na ito magtatanong. "Isang kiss lang galing sa'yo." Nang tingnan niya si Jared ay kinindatan pa niya ito. "You're amazing tonight." "Ilang kiss ang makukuha ko?" Jared laughed. "Ilan ba gusto mo?" "One to sawa," sagot ni Sonja at humagikhik. Tawa sila nang tawa ni Jared habang palabas ng hotel. "SONJA, hindi mo man lang ginalaw 'yong pagkain sa kusina. Bakit hindi ka pa kumakain?" Nilingon ni Sonja ang kapatid at napasandal siya sa inaayos niyang bookshelf. "Wala akong ganang kumain," sagot niya. Medyo nahihilo rin siya at nanghihina. Wala naman siyang maalalang may kinain siyang masama kahapon at kagabi. "May sakit ka ba?" Nilapitan siya ni Sanya at kinapa ang noo niya. "Hindi ka naman mainit. Alam mo, huwag ka na rito. Pumasok ka na sa loob at magpahinga. Baka kung mapa'no ka pa." "Sige, Ate. Salamat." "Pilitin mo na ring kumain. Baka lalo kang manghina niyan." Dahan-dahan siyang naglakad pabalik sa bahay nila. Hindi alam ni Sonja kung ano ang nangyayari sa kanya. Masyado lang siguro siyang nai-stress sa mga gig niya kaya nagkakasakit siya. "HOY, babae." Napabangon si Sonja sa pagkakahiga sa sofa nang pumasok si Sanya sa sala. Hapon na at nanonood siya ng singing contest na pinag-audition-an niya noon. Kailan kaya siya tatawagan? "Bakit?" "Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong nito. "Mabuti na." "Pinabibigay ng boyfriend mo. Sinabi mo bang may-sakit ka?" Napangiti siya nang marinig niya ang salitang 'boyfriend'. Tinabihan siya ni Sanya at inilagay sa harap niya ang isang paperbag. Nang tingnan iyon ni Sonja ay iba't ibang klase ng chocolates ang laman. Meron pa siyang nakitang kisses. Natawa siya. Pinag-uusapan lang nila ni Jared ang 'kiss' noong isang araw 'tapos ay biglang padadalhan siya nito ng mga tsokolate? "Hindi, 'no. Alam kong busy 'yon kaya ayoko na siyang pag-alalahanin." Binuksan niya ang pack ng kisses at kumuha ng isa. Nakikuha na rin si Sanya. "Ang swerte mo naman sa Jared na 'yon. Kailan mo nga siya ipapakilala sa 'min?" Natigilan si Sonja. Paano niya gagawin 'yon? Paano niya ipapakilala si Jared sa mga kapatid kung ito mismo, ayaw magpakilala nang lubusan sa kanya? Magustuhan naman kaya nito ang ideya? Paano kung wala lang naman pala kay Jared ang namamagitan sa kanila? Paano kung lumayo si Jared kapag ipinakilala na niya ito sa mga kapatid niya? Sinasalakay ng mga negatibong bagay ang sistema niya. "S-sasabihan ko siya kapag nagkita kami." "Pwede bang akin na lang 'tong almonds? Kakainin ko habang nagpipinta," pag-iiba ni Sanya. "Sige. Ilagay mo na rin sa ref ang iba, Ate. Okay na 'ko sa kisses," nakangiting tugon naman niya. Nang umalis na si Sanya ay kinuha ni Sonja ang cellphone at nag-text kay Jared. Thanks for the kisses. Oops, for the chocolates, I mean. ;) Hindi niya napigilan ang mapangiti nang mai-send na niya iyon. Ilang minuto lang ang lumipas ay nag-reply naman si Jared. Talk to you later. =) I'm in a meeting. Glad you like it. :* Ang ngiti niya ay nauwi sa bungisngis. "KUMAIN na kayo. Bumili na lang ako sa labas kasi hindi na 'ko nakapagluto. Tinapos ko pa iyong isang order ng customer." Humihikab pa si Sanya habang hinahanda ang kusina. "Mukhang masarap 'yong adobo," natakam na sabi ni Sonja. "Umupo ka na diyan, Ate, ako nang bahala," sabi naman ni Sannie. "Salamat." Kinukusot-kusot ang mga matang naupo si Sanya. Mabilis ang kilos na kumuha ng mga pinggan si Sannie at inilapag sa harap nila. "'Di ba last day ng OJT mo kahapon?" tanong ni Sonja. "Uhuh. Ibig sabihin, marami na 'kong oras para tumulong dito sa shop." Umupo na rin si Sannie sa tabi niya. "Let us pray!" Nauna nang maglagay ng kanin at ulam si Sonja sa pinggan niya dahil gutom na gutom na siya. Ewan ba niya. Parang hindi na naman maganda ang lagay ng sikmura niya. "Sannie, ipagtimpla mo nga ako ng kape," sabi naman ni Sanya. "Coming right up!" Nakakailang subo pa lang si Sonja nang makaramdam siya ng pagbaliktad ng sikmura. Pinilit niyang lunukin ang pagkain pero parang iniluluwa na agad iyon ng lalamunan niya. Napatayo siya bigla at tumakbo sa lababo. Doon ay nagsuka siya nang nagsuka. Kahit wala nang laman ang tiyan niya ay naduduwal pa rin siya. Gumawa ng ingay ang mga upuan dahil sa pagtayo ni Sanya at pagdalo sa kanya. "Hoy, ayos ka lang?" tanong nito habang hinahagod ang likod niya. Binuksan niya ang gripo at nagmumog. Napangiwi siya. "A-ayos lang ako." "Panis ba 'yong adobo?" tanong ni Sannie. Inabutan siya nito ng tubig. Ininom naman niya iyon para mahimasmasan siya. Napasandal pa siya sa lababo. "Imposible. Bagong luto pa 'yan, e." Kinuha ni Sanya ang adobo at inamoy. "Amuyin mo." Inamoy naman iyon ni Sannie. "Oo nga. Ang bango nga, e." "Gusto mong magpa-check up? Baka mataas na ang acid mo." Umiling naman si Sonja. "H-hindi, hindi. Okay lang ako." Uminom uli siya ng tubig. "Babawasan ko na lang ang pagkakape ko." "Maggulay ka na lang." "Mamaya na lang ako kakain. Nawalan na ako ng gana." HINDI mapakali si Sonja. Gusto niyang kumain pero hindi niya alam kung anong pagkain ang eksaktong hinahanap ng sikmura niya. Siya muna ang nagbantay sa counter dahil lumabas si Sannie. May bibilhin daw ang kapatid niyang iyon. Ano bang problema ko? Kaunti lang din ang kinain niya kaninang tanghalian dahil baka isuka lang din niya iyon. Kapag tinitingnan niya ang mga tinda nilang cake, madali naman siyang matakam. Pero bakit ngayon, wala man lang kadating-dating sa kanya kahit ang paborito niyang triple chocolate roll? Gusto ko talagang kumain... Napabuntong-hininga si Sonja habang nakatunganga sa counter. "Ate," tawag sa kanya ni Sannie. Nilingon niya ang kapatid. Nakabalik na pala ito. "Pizza tayo. Iwan mo na muna kay Nate 'yan." "Pizza?" Namilog ang mga mata niya. "Gusto ko ng pizza!" "DAHAN-dahan lang, Sonja, hindi ka mauubusan," nakangiwing saway ni Sanya sa kanya habang nilalantakan nilang tatlo ang pizza. Pinagdikit lang naman niya ang dalawang slice at punong-puno ang bibig niya. Hindi naman niya gano'n kapaborito ang pizza dati. Pero ngayon, ang takaw-takaw niya. "Masarap, e. Saka kanina pa 'ko nagugutom. Ito lang ang pagkaing hindi ko sinusuka sa araw na 'to. Saka 'yong chocolates." "Mukhang kulang yata ang binili kong isang box," ani Sannie. "Tao po." Napalingon silang tatlo sa nakabukas na pinto ng opisina. May lalaking nakatayo doon at may hawak na bouquet. "Delivery po para kay Miss Sonja Sta. Maria." "Uy, may pa-flowers si Manong Jared. Kahapon, chocolates. Baka bukas teddy bear na 'yan," tukso ni Sanya. Pigil ang simangot na tumayo si Sonja at kinuha sa delivery boy ang bulaklak. Parang alam na niya kung kanino pwedeng manggaling iyon. "Pa-sign na lang din po ako, Ma'am," sabi pa ng delivery boy. "Thank you," sabi naman niya. Tiningnan niya ang card na kasama ng bouquet nang umalis na ang lalaki. Sana pwede kitang mabisita sa place ninyo. –Eugene "Hindi nga kay Jared galing," sabi niya. "Kanino pala?" tanong ni Sanya. "Kay Eugene. Iyong pediatrician na kaibigan ni Ate Amanda. Sinabi yata ni Ate Amanda kung saan tayo nakatira." "Nanliligaw sa'yo?" tanong ni Sannie. "Sinabi ko nang may boyfriend na 'ko. Malinaw sa kanya 'yon." "Pero nagpapadala pa rin ng bulaklak? Creepy." "Ikaw naman, Sannie. Creepy agad? Akin na lang 'yan. Tutal, ayaw mo naman." Tumayo si Sanya at kinuha sa kanya ang bulaklak. Binasa pa nito ang card. "Balak dumalaw. Haba ng buhok ng isa rito, a." Hindi na tumugon si Sonja at binalikan ang pizza niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD