"Del Fierro Lirio," tawag ng guro habang nagtse-check ng attendance.
"Ma'am," si Lirio, itinaas ang kamay para mabilis siyang makita ng guro.
"Dela Cruz Joana," muling tawag nito ngunit walang sumagot.
"Dela Cruz Joana," ulit ng guro at medyo malakas na ito.
Lumingon si Lirio sa pinto nagbabakasakaling biglang dumungaw roon ang kaibigan. Ilang araw na itong absent at maging siya ay nag-aalala na.
Malapit niyang kaibigan si Joana, mula noong elementarya hanggang ngayon ay ito na ang bestfriend niya. Kahit kasi mayaman ang adopted parents niya ay sa pampublikong eskwelahan siya nag-aaral. Hindi naging maganda ang karanasan niya sa pribadong eskwelahan noong mga unang taon niya sa pag-aaral.
Nanlulumo siyang napayuko nang halos matapos na ang maghapon ay wala pa ring Joana na nagpapakita sa school. Graduating na sila sa high school at siguradong malaking epekto ang pagliban ni Joana sa klase sa kaniyang mga grades.
Balak nilang magkaibigan na sabay ring mag-aral sa isang state college sa kanilang lugar.
Maka-ilang ulit na niya itong tinawagan pero hindi ito sumasagot. Ulila na si Joana at sa malayong kamag-anak lamang ito nakatira. Hindi rin alam ng tiyahin nito kung nasaan ang pamangkin. Ang paalam lang daw nito ay hindi makaka-uwi ng ilang araw dahil didiretso raw ito sa trabaho pagkatapos ng eskwela.
Mabait naman ang tiyahin ni Joana, iyon nga lang ay sadyang kapos rin ang mga ito kaya kinailangang magtrabaho ni Joana para sa sarili.
"Diyos ko! Anak, kapag may nabalitaan ka tungkol kay Joana ay tawagan mo naman ako!" Nag-aalala rin ang kaniyang tiyahin nang puntahan ni Lirio at tanungin kung nasaan ang pamangkin nito.
"Oho, ilang araw na kasing hindi s'ya pumapasok, baka ho maka-apekto sa grades n'ya," aniya.
"Oo anak, salamat sa pag-aalala kay Joana ha," taos pusong pasasalamat nito sa kaniya.
"Sige ho, salamat ho. Paki tawagan rin ho ako kung sakaling umuwi si Joana," magalang na paalam niya at saka nagmamadaling pumara ng tricycle at nagpahatid sa kanila.
Nasa treynta y singko minutos rin siguro ang layo ng lugar ni Joana sa kanila.
Matapos magbayad at magpasalamat sa driver ng sinakyang tricycle ay nagmamadali na siyang bumaba.
Papasok pa lamang siya ng gate nang masulyapan si Lizel, ang kaniyang kapatid at biological daughter ng kaniyang adopted parents. Akala kasi ng mga ito ay hindi na magkaka-anak ang mga ito noon kaya nagdesisyong ampunin siya. Pero ilang taon lamang ay nabiyayaan ang mga ito ng kambal, si Lizel at Leo.
"At saan ka na naman galing?" Mataray nitong tanong habang nakapamewang sa harapan ng malaking pinto. Sampung taong gulang pa lamang ito pero kung magsalita ay akala mo mas matanda pa sa kaniya.
"Dumaan lang ako kina Joana," maalumanay niyang tugon. Sanay na siya sa pagtataray ng kapatid. Hindi itinago ng magulang ang kaniyang pagkatao kaya alam ng mga kapatid na ampon lamang siya ng kanilang mga magulang.
Kahit na mabuti ang trato sa kaniya ng mga magulang ay iba ang naging pakikitungo ng mga kapatid sa kaniya. Noong una ay naiintindihan niya dahil bata pa ang mga ito at natural lamang ang pagiging pilyo, pero nitong mga nakaraang taon pagkatapos malaman ng mga ito na hindi siya tunay na kapatid ay lalong pumangit ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Lalo na si Lizel.
"At bakit? Hinatid mo na naman ba 'yang kaibigan mong pokp*k?" Matalas ang dilang tanong nito na ikina kunot ng noo niya. Tama ba ang kaniyang narinig?
"What?" Gulat na tanong niya at napatingin dito, gusto niyang masiguro na tama ang narinig.
"Iyong kaibigan mong pokp*k!" Ulit nito.
"Lizel! Hindi pokp*k si Joana! At kailan ka pa natutong magsalita ng ganiyan?" Aniyang hindi makapaniwala. Maganda ang pagpapalaki sa kanila ng kanila ng mga magulang, at kahit kailan ay hindi nagsalita ng masama ang mga ito sa harapan nila. Sa pribadong eskwelahan rin pumapasok ang kambal kaya sigurado siyang maganda ang kalidad ng pagtuturo rito. Saan nakuha ng kapatid ang ganitong mga salita?
"Wala ka na ro'n! Well, nakita ko lang naman ang Joana na 'yan na sumakay sa kotse ni Mel, like three days ago?" Saad nito habang sinusundan pa rin siya papasok sa kanilang bahay. Sinabayan pa siyang umakyat sa hagdan patungo sa pangalawang palapag kung saan nakahilera ang kanilang mga kuwarto.
"What?" Aniyang napahinto sa paghakbang.
"Yes, and guess what?" Anitong huminto rin.
"Halos magpakarga pa siya kay Mel, napakalandi ng kaibigan mo. Well, no wonder na sa bar n'ya piniling magtrabaho," patuloy nito habang naka ismid.
"Parang ikaw," dagdag pa nito pero hindi na niya iyon pinansin.
"Alam mo bang nawawala si Joana at ilang araw nang hindi pumapasok sa school?" Aniya.
"Whatever!" sagot nitong mabilis na humakbang palayo sa kaniya, bago pa makapagsalita ay malakas na pagsara ng pinto ang narinig niya.
Naguluhan siya sa nalaman, ano naman ang gagawin ng kaibigan sa kotse ni Mel? Malaki ang pagkakagusto ni Lizel kay Melchor kaya alam niyang basta't tungkol dito ay laging upadated ang kapatid. Si Mel o Melchor ay anak ng kasalukuyang Congressman sa kanilang probinsya. Kilalang businessman ang Daddy nila at kasosyo nito sa ilang negosyo ang Congressman kaya malapit ang pamilya nila sa mga ito, maliban sa kaniya na mas gustong manatili sa bahay kaysa dumalo sa mga pagtitipon ng pamilya.
Kailangan niyang makausap ang tiyahin ni Joana. Paano kung may nangyaring hindi maganda sa kaibigan? 'Dios ko! Huwag naman sana!' Napapikit siya sa naisip.
Tahimik lamang siyang dumulog sa hapag nang gabing iyon. Napansin naman agad ng kaniyang Mommy ang kaniyang pananahimik.
"Rio? Something wrong iha?" Anitong pilit na hinuli ang kaniyang mga mata. Kanina pa kasi siya nag-iiwas ng tingin. Alam na alam ng ina kung may bumabagabag sa kaniya.
"Ha? Uhm, w-wala po ito," nahihiyang tugon niya. Napakabuti ng kaniyang ina, ayaw niyang bigyan pa ito ng alalahanin.
"Iha, kung may problema ka nandito lang kami," sabi nitong ngumiti sa kaniya. Katapat niya ito sa hapag tulad ng nakasanayan nang maliit pa lamang siya. Dalawang taon rin na siya ang baby ng mga ito and that was the best part of her life.
Hindi naman nakaligtas sa kaniya ang pag-irap ng kapatid sa kaniya. Hindi na lamang niya ito pinansin at itinuon ang atensyon sa pagkain. Alam niyang nagseselos na naman ito.
"We've decided that after your high school pupunta ka na sa Manila para maging familiar ka sa place bago pumasok sa college," sabad naman ng Daddy niya.
"What? No, are you kidding me?" Biglang tumaas ang boses si Lizel sa narinig.
"Liz, baby, we already talked about this. College na ang ate mo at mas mabuti kung sa Maynila siya. Universities has more lot to offer than the state college that we have here," paliwanag ng ama. Hindi lingid sa kaalaman niya na matagal nang gustong mag-aral sa Maynila ng kapatid pero hindi pumayag ang kanilang mga magulang.
"Sayang ang pagiging valedictorian ng ate mo if we don't give her a chance to excel in bigger universities," dagdag pa nito. Mula kasi nang mag-aral siya ay hindi na siya nawawala sa honor list.
"Kaya lang naman s'ya valedictorian ay dahil sa public school s'ya," tila nanunuyang sagot nito sa ama.
"Liz! Sumosobra ka na!" Mababa ang tono ngunit mariing sabi ng ama rito, halata ang timping galit.
"Okay! I'm just kidding!" Bawi ni Lizel nang maramdamang galit na ang ama.
Tahimik lamang siyang nakikinig sa bangayan ng ama at kapatid. Tinitimbang pa rin sa isipan ang sinabi ng ama.
"Don't be so rude to your sister," narinig niyang sabi naman ng ina.
"Fine," padabog na sagot ni Lizel. Mabuti na lamang at wala si Leo, kung hindi ay hindi na naman magiging maganda ang kahihinatnan ng usapang iyon.
Natapos ang hapunang wala siyang imik. Well, dati naman siyang tahimik pero hindi katulad ngayon na halos hindi siya sumali sa usapan.
Masunurin siyang anak at kahit kailan ay hindi niya binigyan ng sakit ng ulo o sama ng loob ang mag-asawang Del Fierro. Alam niya ang utang na loob sa mga taong umampon sa kaniya, kahit na limang taong gulang pa lamang siya nang kunin ng mga ito sa ampunan ay tandang tanda niya ang pagpili sa kaniya ni Mrs. Del Fierro para maging anak nito.
Sabi nga ng ilang kaibigan ng kaniyang mommy, she is a 'perfect daughter' na nitong mga huli ay nagdudulot ng galit sa kaniyang kapatid tuwing naririnig ito.
Bukod kasi sa likas na matigas ang ulo ni Lizel ay napabarkada ito sa mga kapuwa anak mayaman na mas pasaway pa rito. Maka ilang beses ring napatawag sa eskwelahan nito ang kanilang mga magulang. Muntik na rin itong ma-kick out sa school noon.
Likas talaga sa kaniya ang pagiging mabait, mahihin din siya, sabi nga ng mga kaklase niya ay isa siyang modernong version ng Maria Clara. Natatawa na lamang siya sa mga ito sa tuwing tinatawag siya ng ganoon.
Marahil ay dahil ito sa mabuti ngunit estrikong pagpapalaki at pag-aalaga sa kanila sa ampunan.
'Karen Rose Home for the Angels,' ito ang bahay-ampunan kung saan siya galing, itinuturing na una at orihinal niyang tahanan. Ilang beses na rin siyang ipinasyal doon ng kaniyang mommy. Iyon kasi ang hiling niya tuwing pasko, ang makita at makasama sa espesyal na araw ang mga 'kapatid' niya roon. Pero nitong mga nakaraang taon ay unti-unti na ring umaalis ang mga batang nakasama niya roon. Kung hindi inampon ay nahanap na ito ng kani-kanilang pamilya.
Pero siya, siguradong walang pamilya ang maghahanap sa kaniya. Iniwan lamang raw siya ng isang nurse doon. Anak raw siya ng isang pumanaw na pasyente sa ospital na pinagtatrabahuan nito. Masaya man siya sa buhay ngayon ay hindi pa rin maiiwasang makaramdam ng pait tuwing ma-aalala ang pinagmulan.