Prologue
"Boss nahanap na namin s'ya, nasa ospital at manganganak pa lang," maiksing salaysay ng lalaking malaki ang tiyan at halos makalbo na ang buhok.
"Ambabagal n'yong kumilos! Ngayon mas malaki na ang problema!" Dumadagundong na boses ng tinawag nilang 'boss'.
"Alam n'yo na ang gagawin n'yo!" Maawtoridad nitong utos sa mga tauhan.
"H-ha, a-ano boss?" Medyo nginig ang boses na tanong ng isa pa.
"Mga bobo! Ligpitin n'yo!" Anitong halos umusok ang bunbunan sa galit.
"B-boss paano ang bata?" Muling tanong ni kalbo.
"Iho de p*ta! Ilibing n'yo ng buhay!" Sasabog na talaga ito sa galit.
"Y-yes boss, yes boss," Hindi magkanda-ugagang tugon ng mga ito habang nag-unahang tumakyas sa harapan ng amo.
"Hoy! Sandali! Hindi pa ako tapos!" Habol naman ng boss sa mga ito.
"Huwag na huwag ninyong idadawit ang pangalan ko kapag sumabit kayo! Tandaan n'yong nasa akin ang mga pamilya n'yo!" Tila demonyong paalala nito.
"O-oho!" Kumahog naman ang mga ito sa pagsagot pagkatapos ay sabay na nagsi-alisan. Kilala ng mga ito ang amo, ginagawa nito ang ano mang sabihin.
Ospital
Kaninang umaga pa siya dinudugo, pakiramadam ni Cherie ay hindi na niya kakayanin pang maghintay sa pila.
Ganoon naman, kung wala kang pera ay hindi ka talaga bibigyang pansin sa mga ganitong klaseng ospital. Pampublikong naturingan pero kapag nalamang wala kang pambili o pambayad ng kahit na anong gamot o doctor's fee ay paghihintayin ka hangganag malagutan ka ng hininga.
Alas nueve na, kanina pang alas sais siya nakapila. Halos tatlong oras na siyang palakad lakad at manaka nakang namimilipt sa sakit ng tiyan.
"Nurse, matagal pa ba? Parang hindi ko na kaya," Aniyang naka ngiwi sa sakit.
"Sandali na lang ho misis, iisa lang ho kasi ang doktor natin ngayon," paliwanag nito habang isinusulat ang ilang detalye.
"May panaglan na ho ba kayo ni baby?" Tanong nito na hindi man lang tumingin sa kaniya.
"Asher ang pangalan n'ya," Tugon niyang sapo ang balakang dahil tila maghihiwalay na ang mga iyon.
"Asher," ulit nito saka nagsulat sa dalang chart.
"Eh paano ho kung lalaki, wala naman kayong ultrasound o kahit check up man lang at-"
"Babae o lalaki, Asher ang pangalan n'ya!" Inis na siya. Bakit ba parang sinasadya nitong patagalin ang pagtatanong sa kaniya? Mamamatay na siya sa sakit, parang nahahati ang buo niyang katawan.
Napaupo na lamang siya sa malamig na sahig nang biglang manigas ang sinapupunan niya, hindi na niya kaya-
"Ahhhh.... uhmmm!" Mariing haplos sa tiyan ang ginawa niya. 'Kung lalabas ka ay lumabas ka na, huwag mo na akong pahirapan pa,' aniya sa isip.
Medyo nataranta na ang nurse na kanina lamang ay kampanteng nagtatanong sa kaniya.
"Misis? Ayos lang kayo?" Anito at tinawag ang isang staff para tulungan siyang ipasok sa delivery room. Dahil marami rin itong ginagawa at iilan lamang pala silang naka-duty nang araw na iyon ay hindi na niya nahintay ang ano mang tulong,
Sa isang mahabang ire ay isinilang niya ang isang sanggol.
"Ahhhh...lalabas na..." aniyang napakapit na lamang sa sinasandalang pader.
Maayos na nasalo ng isang babaeng naroon na tumulong sa kaniya ang kaniyang sanggol.
Pero maya maya pa ay walang maririnig na palahaw o iyak ng sanggol.
"A-ang baby ko, ano'ng nangyari? Bakit hindi gumagalaw?" Gumaralgal ang boses niya.
"Patay ang bata!" Narinig niyang sabi ng mga taong ngayon ay nakapaligid na sa kaniya.
"H-hindi!" Aniyang nagsimula nang dumaloy ang mga luha.
"Patay na, nangingitim na ang mga labi!" Anang isa pa na tuluyang ikinaguho ng mundo niya.
Nagkagulo ang mga ito nang kunin ng nurse ang sanggol at ipasok sa loob. Dumating naman sa tabi niya ang isang strecher at naramdaman niyang may bumuhat sa kaniya. Iyon lamang at nagdilim na ang lahat sa paningin niya.
Nagising siyang parang inuugoy at manaka nakay' umaalog ang hinihigaan. Kahit na hinang hina ay pilit na iminulat ang mga mata.
Napasulyap sa kaniya ang lalaking nagmamaneho.
"Akala ko ba patay na 'yan?" Anito.
Hindi malinaw sa kaniya ang nangyayari, hindi ba't nasa ospital siya? Nahaplos ang ngayon ay impis nang tiyan. Ang baby n'ya.
"A-ang anak ko, nasaan ang anak ko? Sino kayo?" Ngayon lamang niya napagtanto, nasa sasakyan siya at hindi niya kilala ang mga lalaking ito!
"Hah! Patay na ang anak mo! At susunod ka na!" Mala demonyong ngisi ang gumuhit sa mukha ng lalaki.
"A-anong kasalanan ko sa inyo? Bakit n'yo ginagawa sa akin 'to!" Muli niyang tanong ngunit tila bingi ang mga ito at nagpatuloy lamang sa pagmamaneho. Dahil na rin sa pagod at marahil sa maraming dugo na nawala sa kaniya ay muling nagdilim ang paligid niya. Gusto man niyang dumilat pero tila hinihila siya ng isang malakas na puwersa pabulusok sa kadiliman. Wala siyang magawa kung hindi ang matangay sa kadilimang iyon.
Mabilis na gumugulong siya pabulusok sa kung saan nang muli siyang magkaroon ng ulirat. Parang bolang walang tigil sa pagdalusdos ang lanta niyang katawan. Ramdam niya ang matutulis na bagay na tumutusok sa ibat ibang parte ng katawan niya. Ilang sandali pa, halos wala na siyang buhay na nakahandusay sa ibaba ng matarik na bangin na iyon. Hindi niya alam kung gabi na o sadyang wala na siyang kakayahan para makita pa ang liwanag.
"Patay na 'yan," dinig pa rin niya ang mga lalaking kanina lamang ay kasama niya sa sasakyan.
"Mabuti na ang sugurado!" sabi naman ng isa pa.
Malakas na mga putok ng baril ang umalingawngaw sa gitna ng kawalan, at kasabay nito ang sakit na tumagos sa kaniyang dibdib at balikat. Kasunod niyon ay wala na. Kung ano man ang kasalanan niya sa mga taong ito, iyon ang hindi niya alam. Tanging alam niya ay sinusundo na siya ni kamatayan, makakasama na niya ang sanggol na iniluwal niya kanina lamang...