HALOS sumambulat ang red wine na nasa bibig ni Cleo nang marinig ang sinabi ng lolo niya nang magsalita ito bilang welcome remarks sa party na iyon. Kasalukuyan siya noong sumisimsim ng alak. Ipinakilala na rin kasi siya nito sa lahat ng naroon. Ayos lang sana kung bilang isang Brillante ngunit ang higit na gumimbal sa kaniya ay nang sabihin nito na ang party na iyon ay bilang celebration din ng nalalapit niyang pagpapakasal kay Calyx Lee. Napakalakas ng palakpakan ng lahat na halatang kahit may pagkabigla sa mga mukha ng naroon ay tila natutuwa naman sa nangyayari. Pinukol niya ng tingin ang lalaki nakita niyang nginingitian nito at tinatanguan ang mga taong kumukumpirma kung totoo nga iyon. Isang malaking kahibangan ang nangyayaring iyon. Hindi niya nobyo ang lalaki para ikasal rito at isa pa walang ligawan na nangyari sa kanila. Kung bibigyan man siya ng pagkakataon na magpaligaw ay hindi niya bibigyan ng pahintulot ang lalaki na ligawan siya.
Hindi ganoon ang love story na gusto niya at pinapangarap. Bukod doon wala sa isip niya ang makipagrelasyon sa panahon ngayon at lalo na ang makasal.
Dahil hindi rin naman niya magagawang magreak at tumutol sa pagkakataong iyon ay minabuti na lang ni Cleo na tumalilis paalis roon.
Naging mabilis naman ang pagpigil ni Calyx na makaalis siya roon. Hinarang siya nito.
"Sa palagay mo ay saan ka pupunta? Hindi mo ako iiwan dito. Hindi mo rin magagawang umalis sa party na ito." Nakaharang ito sa daraanan niya. Halos pabulong ang pagkakasabi na iyon ng lalaki. Iniingatan nito na marinig ng ibang bisita ang tinig nito.
"Hindi ko gusto ang nangyayari sa party na ito kaya uuwi ako. Kung planado ninyo ni Don Zandro Brillante ang tungkol sa sinasabi ninyong kasalan pwes hindi ko sinasang-ayunan iyon. Sino ba kayo para pagdesisyunan ang buhay ko?"
"Hindi ako kasama sa nagplano ng kasalang sinasabi mo. Ang lahat ng ito ay dahil lang sa negosyo," seryosong wika ng lalaki.
"Kung ganoon magsasalita ako sa mikroponong iyon upang ipahayag sa lahat ng nandito na tinututulan ko ang kasalang sinasabi ni lolo."
Akmang tatalikuran ni Cleo ang lalaki upang tunguhin ang kinaroroonan ng mikropono at pabulaanan ang sinabi ng lolo niya nang bigla siyang hawakan sa braso ng lalaki at hapitin sa bewang. Gusto niyang mawalan ng ulirat nang kasunod noon ay bigla niyang naramdaman ang paglapat ng labi nito sa mga labi niya. Isang kapangahasan ang ginawang iyon ng lalaki. Mariin iyon at matagal sanhi upang mablangko ang kaniyang utak. Walang lakas ang kaniyang mga kamay para itulak ito at sampalin. Ilang camera ang nagkislapan para makunan ng litrato ang tagpong iyon.
Hanggang sa unti-unti siyang ilayo ni Calyx matapos ang halik na iyon ay tila hindi pa niya magawang kumilos. Isang ngiti ang una niyang nakita sa mga labi ng lalaki nang magmulat ng mata matapos ang halik na iyon. Gusto niyang kasuklaman ang lalaki dahil nagawa pa niyang pumikit habang hinahalikan ng lalaki na tila ba nag-enjoy pa siya.
'Cleopatra Marzela hindi ganto ang nararapat mong maging reaksyon!' sigaw ng isip niya.
Para kay Cleo ay isang pagsasamantala ang nangyari pero para sa lahat ng mga bisitang naroon iyon ay isang patunay na nalalapit na nga ang kanilang pag-iisang dibdib. Para naman kay Calyx iyon lang ang naisip niyang paraan upang sawayin ang babae sa pagiging matigas ang ulo nito at pagiging agresibo. Upang hindi na nito magawang tutulan pa ang lahat. Paano pa maipapaliwanag ng dalaga sa mga naroon na tinututulan nito ang kasalan na nakatakdang maganap sa pagitan nila kung ganoon ang reaksyon nito. Lihim siyang napangiti sa isiping iyon. Nanalo siya sa pagkakataong iyon!
ILANG araw na ang lumipas ay hindi pa rin maaalis sa isipan ni Cleo ang nangyari sa party. Hindi niya magawang magkuwento pa sa ina dahil ayaw niyang pati ito ay magulo lang ang isip lalo na at kaya naman niyang i-handle ang mga ganoong sitwasyon. Para sa kaniya isang masamang panaginip ang nangyaring iyon.
Napukaw sa pag-iisip si Cleo nang makitang nakapameywang sa harap niya si Sussy habang hawak nito ang newspaper.
"Hoy, babae ka! Ito ba ang dahilan kaya ilang araw ko ng nakikitang tulala ka?" Ibinaba nito sa mesa ang lumang newspaper. "Hindi ko ito nakita agad dahil hindi ko naman ugaling magbasa ng newspaper pero bakit hindi ka nagkukuwento na may nagyari na palang halikan sa inyo ng guwapong lalaki na ito at nakatakda ka na palang ikasal?" Nangingislap sa kilig ang mga mata ni Sussy habang sinisita siya. "Kaya ba hindi ka nagpapaligaw? Ilang taon ka ng naglilihim sa akin? Bakit hinahayaan mo na mag-alala ako na tatanda kang dalaga?" Magkakasunod na tanong ni Sussy sa kanya.
"Sussy, fake news iyan!"
"Fake news? Ikaw ang nasa larawang iyan. Ikakasal ka na, ang swerte mo sa lalaking iyan," kulang na lang ay magtitili si Sussy.
"Parang kilala mo siya kung makapagreak ka."
"Oo naman, sino bang babae ang hindi makakakilala kay Calyx Lee, a thirty years old Fil-Chinese-Korean na chairman ng Brillante Group of Companies."
"Kilala mo nga talaga? Thirty years old lang siya?" Walang ideya si Cleo na mas matanda pa pala siya sa lalaki dahil thirty four na siya.
"Walang babaeng hindi nakakakilala sa kaniya. Isang buhay at abot-kamay na imahe iyan ng mga bidang lalaki na karaniwang gumaganap sa mga K-drama. Tingnan mo ang hitsura maihahanay kina Lee Min Ho, Lee Joon Gi at Lee Jung Suk." Kinikilig na wika ni Sussy. Kabisado nito ang mga Korean celebrity na karaniwang bumibida sa mga Kdrama.
"Hindi ko kilala ang mga lalaking iyan na sinasabi mo at hindi ako fan ng mga Kdrama,” tugon niya sa kaibigan.
"Napaka-imposible mo talagang babae ka, para kang nabubuhay sa sinaunang panahon." halos napapailing na wika ni Sussy.
Totoo naman iyon, hindi siya mahilig manood ng mga Kdrama kahit nga ang mga soap opera sa mga television hindi siya nanonood. Mas gusto niya ang magbasa ng mga libro.
"Magkuwento ka, dali! Gaano siya ka-sweet? Ang swerte mo, maraming babae ang nagkakandarapa sa Calyx na iyan ikaw lang pala ang magwawagi."
"OA ka, Sussy, kung makareak ka para akong nanalo sa lotto."
"Ay, jackpot! Higit pa roon. Sigurado ako sa balitang iyan maraming mga kababaihan ang broken-hearted."
Kapwa napatigil sa pag-uusap sina Cleo at Sussy nang makita ang isang lalaking pumasok sa loob ng bookstore. Tama ba ang nakikita nila, si Calyx Lee ang pumasok na iyon? Seryoso ito na nag-ikot-ikot sa loob ng bookstore. Sandaling iniwan ni Cleo ang kaibigan upang sundan ang lalaki.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" Sinundan ni Cleo ang lalaki na tila busy sa pagbuklat buklat ng mga libro na tila may hinahanap.
"Gumagawa ng sweet moment sa love story natin," bahagyang ngumiti si Calyx.
Bahagya siyang natawa sa sinabi nito bagaman at hindi siya natutuwa.
"Wala tayong love story. Lumabas ka na, umalis ka na at ayokong lalapit ka sa akin," pagtataboy niya rito sa mahinang tinig. Ayaw naman niyang maeskandalo ang iba niyang customer na nandoon.
"Nalimutan mo na ba na ikaw ang lumapit sa akin?" Binitiwan ng lalaki ang hawak na libro. Muli iyong ibinalik sa kung saan nito ito kinuha at humarap sa kanya.
"Pero, ikaw ang unang pumunta rito. Bakit ka pumasok sa bookstore ko?"
"Dahil ikaw ang babaeng pakakasalan ko dalawang linggo mula ngayon!"
"At talagang sigurado ka na sa araw na iyon? Hindi pa ako pumapayag! Walang sinuman ang magdedesisyon kung sino ang dapat kong pakasalan at mahalin kung hindi ako lang! Pagbibigay diin niya sa huling mga katagang sinabi niya.
“That night was the moment that you and I were officially engaged."
"Sinamantala mo ang kahinaan ko!"
"Na in-enjoy mo!"
"Wow, hoy tsinitong koreanong intsik! Hindi ikaw ang tipo ko!" Nanggigigil na tugon ni Cleo.
"Hindi rin ikaw ang tipo ko pero pakakasalan kita!”
"Hindi kita mamahalin!"
"That moment na hinalikan kita, natulala ka na, pano pa after marriage, sa first night—"
"Enough!" putol niya sa iba pang sasabihin ng lalaki. Namumula na siya sa mga pinagsasasabi nito. Hindi niya malaman kung sa inis ba o sa mga tinutumbok ng pag-uusap nila. Hindi ako basta pakakasal sayo! sabay talikod niya sa lalaki.
"Isa kang Brillante. Mukhang hindi mo alam ang kalakaran ng pag-aasawa ng mga Brillanteng katulad mo!"
Napahinto siya sa paghakbang. Bigla siyang na-curious sa narinig sa lalaki. Muli siyang humarap dito. Humakbang palapit sa kaniya ang lalaki.
"Lahat kayo may nakatakdang pakasalan. You are lucky at handa akong pakasalan ka!" tila nagmamalaking wika ng lalaki.
"Ano? Lahat kami?"
"Oo, kayong pitong magpipinsan naitakda na ang kasal ninyong lahat."
"Hindi nila tinutulan?" Ayaw paniwalaan ni Cleo ang bagay na iyon.
"Be thankful, Sweetheart, at naglalaan ako ng oras para gumawa ng magandang love story nating dalawa." Tila nakakalukong ngumiti ang lalaki.
"Hindi natin kailangan magkaroon ng love story." mahinang singhal niya sa lalaki.
"Kailangan, upang may magandang maisulat sa mga magazine about sa love story mo." Lihim na itinuro ng lalaki sa dalaga ang isang paparazzi na kanina pa patagong nagmamasid sa kanila.
"Magtapat ka sa akin, yung nangyaring aksidente, bahagi ba iyon ng love story na sinasabi mo?" gigil niyang tanong sa pabulong na paraan.
Sa halip na sagutin iyon ng lalaki ay tinitigan lang nito ang mukha niya. Humakbang pa palapit sa kaniya. Kumabog na naman ang dibdib niya. Ayaw niya ng mga ganoong titig. Napahakbang siya paurong ngunit wala na siyang mauurungan pa dahil nasukol na siya nito sa wall. Nakita niyang unti-unting inilapit ng lalaki ang mukha nito sa mukha niya. Bigla siyang napapikit ng ilang segundo pero walang labing dumampi sa mga labi niya.
"Ngayon mo sabihing hindi mo nagustuhan ang ginawa ko sa iyo sa party," wika ng lalaki.
Bigla siyang napamulat nang marinig iyon. Napahiya siya. Bakit ba siya napapikit? Hindi niya hinihintay na hahalikan siya nito pero bakit umasa siya. Nasasanay na nga ba siya?
Upang mapagtakpan ang ikinilos ay bahagya niyang itinulak ang lalaki ngunit nang mahawakan niya ang malapad at matigas na dibdib nito ay biglang gumana ang kanyang imahinasyon na kung bababa pa ang kaniyang mga palad ay masasalat na niya ang abs nito.
'Oh my god, Cleo! Bakit ba pati abs ng lalaking ito ay nagiging laman na ng isipan mo?' sigaw ng isip niya.
"Mag-ayos ka ng sarili. Halata na ang pamumula ng mukha mo," wika ni Calyx. Aliw na aliw ito sa reaksyon na iyon ng babae.
Napahawak sa sariling mga pisngi ang dalaga. Dama niya ang init noon sanhi ng pamumula niya.
"Sasama ka sa akin sa condo unit ko, doon ka magpapalipas ng gabi!"
"What!" bulalas niya sanhi upang makatawag siya ng pansin. Bigla naman siyang nakaramdam ng hiya sa mga taong naroon. "Ano'ng gagawin ko sa condo unit mo? Hindi ako basta-bastang babae. Hindi ako p****k para makipag-s*x sa iyo!" pabulong at may diin niyang wika.
Napakunot ang lalaki sa narinig na sinabi ng dalaga. Wala sa isip niya ang bagay na iyon pero paano nasasabi iyon ng babae.
"Inaasahan mo ba na may mangyayari sa atin? Ganoon na ba talaga ang epekto ko sa iyo?" pilyong ngumiti si Calyx.
"Siyempre, hindi!" Nais ng batukan ni Cleo ang sarili. Bakit ba kung ano-ano ang sinasabi niya? "Teka, hindi natin gagawin?" tanong niya, nais niyang makasiguro.
Lumawak na ang pagkakangiti ng lalaki dahil sa huling tanong niya.
“Puwede rin kung gusto mo,” iyon lang at humakbang na palayo ang lalaki na may malawak na ngiti.