Ang Palatandaan

2025 Words
By: Michael Juha getmybox@h*********m ----- Nagtatakbo ako, hindi alam kung saan tutungo, hinayaang ang sariling mga paa ang gumiya sa akin kung saan man nila ako gustong dalhin. Hangang sa naalimpungatan kong nasa isang sulok na pala ako ng central plaza. Nang nilingon ko may banda sa aking tgiliran, nakita ko ang b****a ng simbahan. Mistula itong nang-imbita. Parang may humihila sa akin upang pasukin ko iyon. Nang nasa loob na ako ay halos wala akong taong nakita. Karamihan sa mga upuan ay bakante. Tinumbok ko ang pinakamalapit na upuan na nasa b****a lang ng simbahan at umupo roon. Doon ko na pinakawalan ang aking tinitimping sama ng loob. Humagulgol ako na parang isang paslit. Pakiramdam ko kasi ay nag-iisa lang ako sa mundo at wala akong ibang masumbungan kundi siya, ang poon na nasa altar. Para akong isang batang nagsusumbong ng aking mga hinaing, isiniwalat ang mga nangyari sa aking buhay; na ang taong akala ko ay kakampi ko at nararapat kong ipaglaban ay siya mismo ang tumiwalag, bumasag sa kanyang mga pangako, kinampihan pa ang babaeng siyang dahilan kung bakit hindi pa rin bumabalik ang kanyang alaala. “Ang sakit po.... Ang buong akala ko ay ok lang siya; na malapit na siyang tumiwalag kay Sophia. Ngunit bigla siyang nagbago. At ang masklap pa ay pakakasalan pa niya ito,” ang bulong ko. “Alam ko po, marami rin akong kasalanan. Marahil ay hindi ako nababagay na heto, nagmamakaawa. Pero kasi... wala na akong ibang matatakbuhan eh. Parang sasabog na ang puso ko sa sobrang sakit. Parang hindi ko na po kaya. Kayo rin naman po ang nagsabi na lahat ng tao ay puwedeng lumapit sa iyo; kahit makasalanan, kahit iyong mga nang-aapi, mga inaapi, mga biktima... Kaya narito po ako. Sana kahit kaunti lang ay pakinggan ninyo ang aking hinaing, bahagihan ng kaunting awa. Hirap na hirap na po kasi ako eh... Ganito pala ang umibig. Parang ‘Di ko nga alam kung kasalanan ang magmahal sa kapwa lalaki. Sabi kasi nila, bawal ito at isang malaking kasalanan. Ngunit hindi ko rin naman alam kung bakit naramdaman ko ito sa kanya. Hindi ko naman po ginusto ang maging ganito. Naramdaman ko na lang na nagkagusto ako sa kapwa lalaki. Wala naman pong nagturo sa akin, walang nag-impluwensya upang maging ganito ako. Basta naramdamn ko na lang. At noong nakita ko si James, hayun... na in love na ako sa kanya. Nalilito ako sa aking naramdaman sa kanya. Gusto kong burahin siya sa aking isip ngunit hindi ko kaya. Hanggang sa may nangyari sa amin at tuluyan nang nahulog ang loob ko sa kanya. Bakit ba kami nagtagpo? Bakit niyo po pinayagang magtagpo ang aming landas? Tapos nang nalaman kong mahal rin niya pala ako, nawala naman siya sa akin. At ngayon, nakita ko uli siya, gusto ko siyang ipaglaban ngunit siya naman itong lumalayo. Bakit po parang tino-torture ninyo ako? Lahat na po ng hirap ay dinanas ko na upang mabawi ko lang siya ngunit tila napakahirap po niyang abutin. Siya po ba ay talagang para sa akin? O ito na iyong sinasabi nilang kasi bawal... at ayaw ninyong mapariwara ang buhay ko. Pero ang sakit sakit po kasi. Kung bibitiw ako sa kanya, sobrang masakit po kasi, mahal na mahal ko na po siya. Kung hindi rin ako bibitiw, parang talo na rin ako kasi, siya na mismo itong lumayo. Masasaktan pa rin ako. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko po. Sana... bigyan mo na lang po ako ng isang palatandaan kung bibitiw na lang ba ako o ipagpatuloy ko pa rin ang kabaliwan kong ito. Pagod na po ako. Ngunit kung bibigyan po ninyo ako ng tanda, pipilitin kong labanan ang lahat ng sakit, aagawin ko pa rin siya kay Sophia... Ngunit kung ayaw niyo pong ipagpatuloy ko pa ito, pipilitin ko na lang din pong tiisin ang sakit. Ganyan naman talaga siguro kapag nasa ganitong klaseng pagmamahal. Kadalasan, ang mga kagaya kong nasa ganitong pagkatao ay nangangarap na lang na mahalin... Sana ay bigyan niyo na lang po ako ng tanda. Iyan na lang po ang gusto kong hilingin. Kahit po masakit, pilit kong tanggapin ito at ilagay sa aking isip na kayo na ang gumawa ng desisyon para sa akin; at para rin sa aking kabutihan.” Noong natapos akong manalangin, nanatiling nakaupo muna ako sandali sa loob, hinayaang humupa ang matinding poot sa aking dibdib atsaka hinugot ang aking panyo, pinahid ang aking luha at sipon, nilinis ang mukha. “Igan! Igan!” ang narinig kong pigil na sigaw sa aking likuran. Si Ricky. Nagmamadaling pumasok sa simbahan patungo sa aking kinaroroonan. “Hanap nang hanap ako sa iyo, bruha ka... nandito ka lang pala!” ang sambit niya na pigil pa rin ang pagsasalita. “Kanina pa ako rito...” “Siguro, pinagnasaan mo ang mahal na poon, ganoon?” ang biro ni Ricky. Alam ko gusto lang niya akong tumawa. Ngunit hindi ako natawa. Napatingin ako sa kanya, iyong tingin na naninisi, pinigilan ang sariling huwag masabi ang salitang “Hindi ka nakakatuwa.” “Ok... sorry! Sorry!” sabay baling ng tingin sa poon at, “Sorry bro... sorry po,” at baling uli sa akin, “Ang macho talaga ni bro no?” dagdag niyang biro. “Sige ka... kapag nainis sa iyo ang poon gawin niyang ma-in love ka kay Sophia.” “Woi!” ang biglang pagsigaw niya, nanalki ang mga mata na tila nandidiri at nakalimutan na naroon siya sa loob ng simbahan. “Ay... sorry po!” ang bigla rin niyang nasabi nang marealize ang kanyang pagsigaw. At baling sa akin, “Ikaw talaga. O sya, hindi na ako mag-iingay. Nakakatakot kapag totohanin ni big bro iyan sa akin,” ang sambit niyang pabulong. “Sa labas na nga lang tayo,” ang sambit ko na lang. “Sensya na bro sa kaibigan kong ito ha? Medyo malaki-laki kasi ang problema niya. Mamayang gabi bago ako matulog, ikuwento ko sa iyo. Bye...” sambit din ni Ricky na nakatingin sa poon. At ako pa talaga ang dahilan ng paghingi niya ng pasensya. Naupo kami sa isang bangko nang nasa labas na kami ng simbahan. May malalaking kahoy kasi roon at maraming sementadong bangko ang nakahilera sa lilim ng mga ito. Tahimik. Umakbay sa akin si Ricky na para bang gusto niyang iparating sa akin na naintindihan niya ang kalagayan ko. “Kung kaya ka ba nag-walk out sa announcement nila ni Sophia?” Tumango ako. “Wala namang dahilan kung manatili ako sa pagtitipong iyon, ‘di ba? Hindi ko naman kailangang malaman kung kailan ang kasal, kung sino ang ninong at ninang, kung saan ang venue, ‘di ba? Hindi na importante sa akin iyon... Para ano pa?” “Sabagay...” “Aalis na ako sa restaurant, Ricky. Bukas na bukas ay magpaalam na ako,” ang paglihis ko sa usapan. “A-ano? Ang ibig mong sabihin ay gi-give up ka na?” “Hindi ko alam... wala naman kasing dahilan kung bakit hahabulin ko pa si Marlon, ‘di ba? Siya na itong kusang lumayo sa akin. Bakit pa ako maghahabol? Para ano? Para namang ang kapal-kapal ko na talaga.” Napabuntong-hininga na lang si Ricky. “A-ano ang plano mo ngayon? Hahayaan mo na lang bang tuluyang lapain na siya ni ng demonyang iyon? “At ano pa ba ang puwede kong gawin? Talo na ako Ricky.” “No-no-no-no-no! Hindi pa tayo talo, igan. At hindi pa rin panalo si Sophia.” “Ano nga ang gagawin ko? Pipigilan ko ang kanilang kasal? Sisigaw ako sa oras na itatanong na ng pari kung may tututol ba sa kanilang pag-iisang dibdib?” “Why not? ‘Di ba?” “At ano ang sasabihin ko sa pari na dahilan? Na nagmahalan kami?” Napaisip si Ricky. “Hay naku... ako man ay nalilito sa kalagayan mo. Paano naman kasi, bakit ba nagbago na naman ang kukute niyang si Sir Marlon? Inumpog mo ba ang ulo niyan? Kung may pagkakataon lang ako, iumpog ko uli ang ulo niyan sa semento eh. Naiinis na talaga ako sa kanya!” “Hayaan na lang siguro natin siya, Ricky. Wala tayong karapatan sa kanya. Kung may isang tao man na mas may karapatan sa kanya ngayon, iyan ay walang iba kundi si Sophia.” “Utro rin ang babaeng iyon! Siguro ay may sa demonyong kapangyariahan iyon. Baka pinainom ng babaeng iyan ng gayuma si Sir Marlon!” “Ewan ko...” Tahimik. “Basta, hindi ako makapapayag na magkatuluyan sila, igan! Ayoko!” “Wala na tayong magagawa, Ricky. Sa sinabi ko na, talo na tayo. Panalo na si Sophia.” “No-no-no-no-no! Huwag na huwag mong babanggitin iyan. Hindi ako makakapayag niyan igan. Alam ko, may paraan pa. Need ko lang ng boys upang gagana muli ang aking utak. Inspirasyon ba,” sabay tawa. Napangiti na lang din ako. “Ikaw talaga. Kahit kailan...” “Gusto ko lang na tumawa ka, Igan. Pero totoo... hindi ako naniniwalang talo na tayo. May paraan pa. My paraan pa... Alam ko may paraan pa…” “Ano nga?” “Hindi ko lang alam eh. Basta feeling ko, mayroon pa. Sa klase ng pagkatao ni Sophia, alam kong may baho pa iyang itinatago na kailangan nating makalkal upang matauhan iyang prince charming mo na naalipin ata ng kapangyarihan ng bruha.” “Bahala ka. Basta bukas na bukas din, mag file na ako ng resignation. At pagkatapos, hahayaan ko na silang mamuhay ng tahimik, hahayaan ko na rin ang aking sariling mag move on, upang magsimula nang maghilom ang sugat ng aking puso, pilitin ang sariling mamuhay ng tahimik. Iisipin ko na lang na charge to experience ang lahat. Siguro, ganyan lang talaga ang buhay, kailangan mong dumanas ng lungkot, ng sakit, ng pagkabigo. Parang isang pagsubok kung papasa ba ako at kayang ipagpatuloy ang buhay.” “Hay naku... Sige, kung iyan ang desisyon mo, irerespeto ko iyan. Ngunit sa side ko, hindi ko hahayaang magtagumpay ang Sophia na iyan. Makikita mo...” Kinabukasan, maaga akong nagtungo sa restaurant dala-dala ang aking resignation letter. Dire-diretso ako sa opisina na Sophia. Noong binuksan ko na ang kuwarto niya, wala akong nakitang tao sa loob. Pumasok pa rin ako upang ipatong ko na lang ang aking resignation letter sa ibabaw ng kanyang mesa. Akmang tatalikod na sana ako nang mapansin ko ang isang brown envelope na naka-usli sa bahagyang nakabukas niyang drawer. Bigla akong kinutuban. Hindi ko lubos maipaliwanag kung bakit. Tila may malakas na kapangyarihang nag-udyok sa akin na hugutin ang envelope na iyon. Nilingon ko muna ang pintuan ng opisina upang makasiguro na walang taong papasok. Nilapitan ko pa ang pinto at sinilip ang labas. Noong nakitang abala ang lahat sa kanilang mga trabaho, dahan-dahan kong isinara ang pinto at binalikan ang brown envelope atsaka dali-daling dinampot iyon atsaka binuksan ito. Laking gulat ko noong makita ang laman nito: isang lumang tissue na halos brown na ang kulay at may nakasulat na “Yak... naranasan ko na ang first love. At sa iyo iyon... –Yak”. Halos atakehin ako sa sobrang lakas ng kalampang ng aking dibdib. Iyon ang ang tissue na sinulatan ko sa resto-bar bago kami naghiwalay ni James! At klaro pa ang mga isinulat ko roon, may petsa, may oras, may pangalan ng restobar at may table number. Klarong-klaro rin ang isinulat kong pamagat ng kanta na kinanta niya sa akin sa oras na iyon “Beautiful In My Eyes!” Iyon iyong sulat ko sa tissue isiniksik ko sa kanyang bulsa bago siya pumasok sa bus at kung saan noong nabasa niya, ay pinahinto niya ang bus at bumalik sa akin at hinalikan ako, sinabihan na mahal din niya ako at babalik siya para sa akin. Mistulang nag-flash back ang lahat ng alaalang iyon sa aking isip. Di ko namalayang tumulo na pala ang aking mga luha. Muli kasing nanariwa ang lahat sa pagkakita ko sa tissue na iyon. Hinahalik-halikan ko ang tissue na parang nababaliw. Halos maglulundag ako sa tuwa na nakumpirmang si Marlon nga at James ay iisa! (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD