"PAANO na iyan?!" natatarantang tanong ni Liry sa amin. Nandito ako sa Mystic World dahil sumama ako kay Light. Hindi niya ako pinilit sadyang kusa talaga akong sumama.
"Bukas na ang Mr. and Miss Campus ng school at bukas na rin nila i-aalay si Kelly!" natatarantang sabi ni Shandie.
Tahimik lang si Light sa may 'di kalayuan. Mukhang may iniisip siya, kung ano man iyon, sana makakatulong iyon sa problemang ito.
"I can handle the event. Maghanda na lang kayo para makuha si Kelly. Kapag natapos ang event, susunod ako sa inyo," kalmado kong sabi sa kanila.
"Ate Sy, paano na si Jed?" malungkot na tanong ni Selene sa akin. Lumapit ako sa kanya at hinawakan siya sa balikat.
"Si Jed ay si Jed, kung ano ang pagkakakilala mo sa kanya, ganoon siya. Kahit anong mangyari, Selene, huwag na huwag mong bibitawan si Jed. Mahihila pa natin siya pabalik sa kung sino talaga siya."
Lumiwanag naman ang mukha niya at tumango.
Napalingon kaming lahat sa iisang puwesto kung saan biglang lumitaw si Creseal. Seryoso siyang nakatingin sa akin.
"Mag-usap tayo," tanging sabi niya at biglang nagbago ang buong paligid. Nawala ang mga kasama ko at kami na lang dalawa ang nandito.
"Bumalik ka na sa amin, Sy. Sa mundo kung saan ka nararapat."
Nawala na ang mga nilalang sa paligid at tanging kami na lang ni Creseal ang nandito.
"Nilagay ako ni Ina't Ama sa mundo ng mga tao para hindi ako sumama sa iyo tapos ngayon ay pipilitin mo akong pumunta sa mundong iyon?" seryoso kong saad sa kanya.
"Dahil doon ka nababagay, wala namang masama roon, Synarah," depensiya niya. Tiningnan ko naman siya ng maigi.
"Isipin mo kung saan banda ang mali doon, Creseal," walang gana kong sabi at akmang tatalikod na ngunit napatigil ako sa sunod na sinabi niya.
"Hindi ka dapat nangingialam sa Mystic World lalo na sa mundo ng mga tao," seryoso niyang sabi sa akin.
"Ako ang hindi dapat pinapakialaman mo. Hindi ikaw ako at hindi mo hawak ang kung sino ako. Tigilan mo na ako Creseal dahil kahit kailan ay hindi mo ako maisasama." Humakbang ako patalikod.
"Dahil ba kay Light? Umiibig ka na ba sa Diyos ng Liwanag?"
Napahinto ako sa sinabi niya at naikuyom ko ang mga kamao ko.
"Huwag kang mandamay ng ibang nilalang, Cres. Kung totoo man 'yang sinasabi mo ay wala ka ng pakialam," nilingon ko siya at nginisihan.
"Huwag mo akong igaya sa iyo na pipiliing sumunod sa batas kaysa manatili sa mga taong mahal mo at minahal ka."
Hindi ko na siya hinayaan pa na sumagot. Biglang nagbago ang buong paligid at bumalik na naman ako sa kwarto kanina kung nasaan sina Light, Dark, Selene, at iba pa.
Ang batas ay hindi kailangang sundin palagi. Mas makapangyarihan pa ang pagsunod sa sarili kaysa batas.
"Anong nangyari, Sy?" bungad na tanong sa akin ni Dark.
"Wala," sagot ko at itinuon ang atensiyon sa may bintana.
Bago pa ako makabalik sa dito sa Mystic ay nag-usap kami ni Creseal sa mundo ng mga tao. Sinabi niya sa akin na ang misyon kong tapusin ang pinuno ng Dempire ay hindi na maitutuloy. Kailangan ko na raw sumama sa kanya at huwag nang mangialam sa mundo ng Mystic lalo na sa mundo ng mga tao. Inulit na naman niya iyon ngayon.
Ang mundong sinasabi niya ay ang mundo kung saan nabibilang ang mga pinakamakapangyarihang nilalang sa mundo. Sila ang nagbabantay sa bawat nilalang na nabubuhay sa mundo. Ayokong sumama dahil tanging pagbabantay lang ang gagawin ko roon. Nangako rin ako sa aking Ina't Ama noong nalaman ko ang paglagay nila sa akin sa mundo ng mga tao na hindi ako titira sa mundong iyon kahit doon pa ako nararapat.
Marami rin na ala-ala ang ayoko nang balikan sa mundong iyon. Kontento na ako sa kung nasaan ako at walang kung sino ang makakapabalik sa akin sa mundo kung nasaan si Creseal.
Nakakalito pero sabihin na nating nabuhay ako ulit at ang mga ala-ala ko noon ay naalala ko na ngayon. Naibalik ito dahil bumalik ako sa Mystic world. Dito ako tumira bago ako isinilang muli bilang ako ngayon.
Napabalik ako sa reyalidad nang tawagin ni Light ang pangalan ko. Napatingin ako sa kanya, ganoon din siya sa akin. Paano magiging rason si Light sa pagmamalagi ko sa Mystic at mundo ng mga tao? Hindi ko alam kung kasali ba siya sa mga rason ko sa hindi pagpunta sa lugar kung saan ako nararapat. Basta ang alam ko lang sa sarili ko ay may sapat na rason ako para tanggihan ang pamimilit sa akin ni Creseal.
"Ayos ka lang?" nakakunot noo niyang tanong sa akin. Tumango naman ako ako at sumeryoso.
"Ngayon na ba tayo pupunta sa mundo ng mga tao?" tanong ko sa kanya. Sabay kaming pupunta kasi kaming dalawa ang representative sa Mr. and Miss Campus. Tumango naman siya.
"Maghahanda na kami, bumalik kayo agad para makasunod kayo sa amin," paalala ni Dark sa aming dalawa.
Hindi na kami nag-teleport dahil si Light na mismo ang gumawa ng portal papunta sa mundo ng mga tao.
NAKARATING kami agad sa mismong likod ng school at napakunot ang noo ko dahil sa sobrang tahimik ng paligid. Nakapagtataka naman? Nasaan ang mga tao dito? Oras na ng klase ngayon at bakit wala kaming nakikitang estudyante?
Umikot kami at tiningnan ang bawat classroom at paligid na nadadaanan namin.
"May naalala ka ba na Holiday ngayon?" pagtatanong ko sa katabi ko na si Light.
"Wala, dumeretso tayo sa Dean para magtanong."
Tumango naman ako at tinungo nga namin ang office ng Dean.
"Hindi niyo alam? Extended ang event na iyon, nextweek pa iyon gagawin. Walang pasok ang school for one week dahil ang bawat staff and faculties ay nagbo-bonding. Mamaya, dadating na sila dahil dito pupunta ang bus para sunduin kami," mahabang paliwanag ng Dean sa amin.
Nagkatinginan naman kami ni Light at saka nagpaalam na sa Dean. Bumalik kami sa pinanggalingan namin kanina sa likod ng school at gumawa ulit si Light ng portal pabalik sa Mystic World.
Nakarating kami sa palasyo pero tahimik na ang buong paligid. Napatingin ako kay Light nang hugutin niya ang espada niya. May kalaban siya. Napaatras naman ako at kinuyom ang kamao ko. Lumitaw si Jed sa harap ni Light. Itinaas ko ang kamay ko at silang dalawa ay hindi na makagalaw. Pinakawalan ko si Light.
"Anong kailangan mo, Jed?" seryoso kong tanong sa kanya. Ngumisi naman siya at saka tumayo mula sa pagkakaluhod. Hindi na ako magtataka kung bakit nakakilos siya kahit ginamitan ko siya ng enerhiya para hindi makakilos, alam ko ang abilidad niya.
"Hindi ko na sasayangin ang oras ko, nandito ako para hanapin kayo dahil wala kayo sa labanan. Nasa amin si Travious at Creseal. Hindi sila makalaban dahil may ginawa kami sa kanila. Nawala na ang mga taglay nilang kapangyarihan."
Nakangisi si Jed habang sinasabi ang mga salitang iyon.
Ang laki na ng pinagbago niya, ilang oras pa lang simula noong nalaman niya ang tungkol sa Ama niya pero nag-iba na siya. Malaki ang epekto noon kay Jed pero hindi niya basta-basta matatago ang tunay na siya lalo na sa mga taong kilala na ang tunay na siya.
"Huwag kang magbalat kayo kung labag sa loob mo. Gawin mo ang gusto mong gawin, Jed. Kahit ano man ang mangyari, hindi magbabago ang turing namin sa'yo," kalmado kong sabi sa kanya.
Pagkasabi ko ng mga salitang iyon ay bigla namang sumeryoso ang mukha niya.
"Sa tingin mo ba ay madadala mo na naman ako sa mga banal mong salita, Syranah? Tama na ang hindi mo pagsabi sa akin tungkol sa Ama ko, hindi mo na ako mapapaniwala ngayon."
"Ano man ang sabihin mo, ano man ang gawin mo, tandaan mo palagi, Jed, may babalikan ka pa. Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan. Magalit ka sa akin ng sobra pero huwag mong idamay ang iba. Alam kong mali ako pero kung palalakihin mo ang kamaliang iyon, mas lalaki ang posibilidad na mawala ang mundong ninanais mong maging mapayapa. Kamuhian mo ako, kami, pero huwag na huwag mong isali si Selene. Nakakapit pa rin siya sa iyo at kapag nabitawan mo siya, hindi lang ang mundong ito ang mawawasak. Mawawasak rin pati ang buong pagkatao at puso mo. Isipin mong mabuti, alam kong isa ka pa lang bubuwit pero naniniwala ako sa'yo at malaki ang tiwala ko sayo, Jed."
Kalmado lang ang pagkakasabi ko sa mga salitang iyon. Tiningnan ko siya, ganoon pa rin ang pinapakita niyang emosyon pero nakikita ko sa mga mata niya ang lungkot, sakit at pagsisisi.
Alam kong nasa huli ang pagsisisi pero naniniwala ako na sa pagsisisi makikita at mahahanap mo ang tamang daan at tamang gawin para maitama ang mga pinagsisisihan mo.
Pinikit ko ang mata ko at pagmulat ko ay nag-iba na ang paligid. Nasa harap kami ng isang napakalaking palasyo. Kadiliman ang nakapalibot dito at puro patay na halaman at puno ang mga tanim sa paligid. Nawala rin si Jed at kami na lang ni Light ang magkasama ngayon.
Napatingin ako kay Light na nakatingin din sa akin. Nagtagpo ang aming mata. Hindi ko alam kung matatapos na ba ang lahat ng ito ngayon, walang nakakaalam sa mangyayari sa hinaharap.
"Huwag mo ng isipin ang sinabi ni Teresa kubo niya. Hindi iyon mangyayari at hindi dapat iyon mangyari. Kung ano man ang kahihinatnan ng lahat ng ito, sana magawa ko ng maayos ang tungkulin ko," seryoso kong sabi habang nakatingin pa rin kay Light.
Magsasalita na sana siya pero hindi siya makapagsalita. I used my ability. Patapusin niya muna ako bago siya magsalita.
"Kung magiging positibo ang kahihinatnan ng lahat, huwag kang mag-aalala... kusa akong mawawala sa ala-ala niyong lahat. Mawawala lahat-lahat ng bagay o ala-ala niyo tungkol sa akin. Gagawin ko ang lahat para maibalik ng matiwasay na mundo niyo. Gagawin ko ito hindi dahil sa ito ang misyon ko kundi dahil sa ito ang dapat at gusto kong gawin."
Tiningnan ko si Light at ngumiti. Magsasalita pa sana ako nang maramdaman ko ang labi niya na dumampi sa labi ko. Nanigas naman ako sa kinatatayuan ko.
Ilang sandali lang ay inilayo niya ang mukha niya sa akin. Nginitian niya ako saka hinila sa kung saan. What the heck?
D A R K
NASAAN na ba kasi ang dalawang iyon?! Nabalitaan namin na wala pa lang klase for one week sa mundo ng mga tao! Dapat nandito na sina Light at Syranah! Ano na naman kaya ang ginagawa ng dalawang iyon? Puwede naman nilang ipagpaliban muna iyon!
Napaupo naman ako nang may maramdamang enerhiyang paparating sa kinaroroonan ko.
"Iilag ka na lang ba, Dark?" rinig kong boses sa may likuran ko. Nilingon ko siya at bumungad sa akin ang nakangisi niyang mukha.
"Demetre..." pabulong na banggit ko sa pangalan niya.
"Long time no see, Dark," may ngisi sa labi niyang saad.
"Aaahhhhh!"
Agad na napalingon ako sa may 'di kalayuan. Nakita ko si Selene na nakikipaglaban sa isang Cherubim. Kakaiba ang cherubim na iyon, iba ang kulay ng pakpak niya. Kitang-kita ko ang mga galos at pasa na natamo ni Selene mula sa kalaban niya. Naikuyom ko naman ang kamao ko.
"Oh? Anong nangyayari, Dark? Hindi mo ba kaya ang nakikita mo? Alam mo, sasalakay na sana kami sa palasyo ng Mystic e, kaso kayo na mismo ang lumapit sa amin kaya nakakapanabik ang mga nangyayari ngayon."
Inikot ko ang paningin ko sa buong paligid. May kanya-kanyang kalaban ang mga kasamahan ko. Kasing tulad rin nila ang kanilang kinakalaban. Hindi ko maintindihan, ang kalaban ni Krioz ay apoy rin ang abilidad. Ano ang nangyayari? Hindi maaaring dalawa ang elementalist ng fire. Nakakalito pero alam kong may ginawa na naman sila para mapaikot kami.
"Tatayo ka na lang ba diyan, Dark? Hindi kita kakalabanin dahil nakakaawa ka. Binibigyan kita ng pagkakataon na pumili sa mga kasamahan mo para tulungan ang isa sa kanila. Hindi naman puwedeng sabay-sabay dahil iisa lang naman ang katawan mo hindi ba? Kung hindi ka kikilos diyan, sa tingin mo? Sino kaya ang unang malalagutan ng hininga sa mga kasamahan mo?"
Naikuyom ko ang kamao ko. Hindi kami magpapatalo at lalong hindi kami matatalo sa ganitong paraan. Kung madaya sila, mas lalo naman kami. Binilisan ko ang kilos ko at kaagad na isinaksak sa dibdib ni Demetre ang aking espada. Napahinto siya at napatingin sa akin nang may gulat sa mga mata. Ngayon, ako naman ang napangisi. Hindi nila matatalo ang liwanag. Mananatili sila sa mundo pero kahit kailan ay hindi sila mananalo laban sa liwanag.
Bubunutin ko na sana ang espada kaso hinawakan niya iyon. Napayuko siya at ilang sandali lang ay umangat ang tingin niya sa akin. Nawala ang ngisi ko ng bigla siyang humalakhak ng napakalakas.
Isang malakas na pwersa ang naramdaman ko dahilan para matilapon ako sa malayo kasama ang espada ko. Napapikit ako sa epekto ng pagkakasalampak ko sa lupa. Napatingin ako sa pwesto ni Demetre. Nagliwanag ang sugat na natamo niya mula sa esada ko at kusa itong naghilom.
Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakabagsak. Oo nga pala, hindi na nakapagtataka ang paghilom ng sugat niya. Siya nga pala ang kanang kamay ni Jedlon, ang pinagkakatiwalaang nilalang ng hari ng mga Dempire.