Hindi parin makapaniwala si Stephan habang nakatingin sa mga bagahe nyang nakaayos ng nakaimpake sa isang sulok ng kanyang kwarto. Nagising lang sya kanina sa kaluskos ng kanyang ina habang iniimpake iyon. Kaya ganon nalang ang pagtataka nya. At sinabi nito na nakakuha na daw ng plane ticket ang kanyang kuya Shawn para sa flight nila bukas paluwas ng Manila.
Paglabas nya ay wala na ang kanyang mga kapatid. Natural. Tanghali na eh. Malamang nasa trabaho na ang mga iyon. Hindi pa nya alam kung ano ang nangyari, kung ano ang nagpabago ng isip ng mga ito dahil ayaw naman sabihin sa kanya ng kanyang Ina hintayin nalang daw nya ang mga ito mamaya.
Halo-halo ang nararamdaman nya ngayon. Hindi nya alam kung matutuwa ba sya o malulungkot at hindi din nya maiwasang makaramdam ng guilt dahil sa inasal nya sa mga kapatid kahapon ng dumating sya. Ni hindi man lang nya pinansin ang mga ito. Hehe.. pero effective pala iyong ganong style.
Hindi nya namalayan ang paglipas ng oras hanggang sa nagsidatingan na ang kanyang mga kuya. Mabilis syang tumayo sa pagkakaupo. Hindi nya alam kung sasalubungin nya ang mga ito pero para syang pinako sa kanyang kinatatayuan. May kanya kanyang kahon na daladala ang mga ito at ang hula nga ay puro pagkain.
"Ano. Tatayo ka nalang ba dyan. Hindi mo man lang ba kami sasalubungin." Nakakunot ang noo na sita sa kanya ng kuya Steve ng makitang hindi sya gumalaw sa kanyang kinatatayuan.
Hindi nya mapigilang pangilidan ng luha habang unti unti lumapit sa mga ito.
"Oy ano yan ha. Huwag mong sabihin na naiiyak ka. Kagabi ang lakas ng loob mong manghamon ng suntukan tapos iyakin ka naman pala." Buska ng kuya Sherwin nya na syang pagtulo ng tuluyan sa luha na kanyang pinipigilan. Agad nyang dinamba ang mga ito ng yakap.
"Woaahh" sabay sabay na sambit ng kanyang mga kuya.
Mahigpit syang yumakap at naglambitin sa mga ito. "Thank you po. Thank you. Mahal na mahal ko po kayo." Putol putol nyang wika dahil sa paghagulgol.
Naramdaman nya ang pagkusot ng mga ito sa buhok nya. "Huwag ka munang magpasalamat ngayon dahil kasama mo ako sa pag luwas. Pag nakita kong hindi maayos ang magiging lagay mo doon ay paniguradong iuuwi din kita." Wika ng kanyang kuya Shawn.
Nakaawang ang bunganga nyang napakalas ng yakap sa mga ito. Hindi sya makapaniwala sa narinig. "Talaga kuya. Ihahatid mo ako?" Hindi nya maitago ang tuwa sa boses.
"Tuwang tuwa ka yata." Nakangising puna ng kanyang kuya Sherwin.
Napakamot sya sa kanyang ulo. "Natatakot din kasi akong lumuwas e." Nahihiya nyang amin na syang ikinatawa naman ng kanyang mga kuya.
"Ayan. Ang lakas ng loob na lumayo. Tapos takot din naman pala." Buska ng kanyang kuya Steve.
"Slight lang." Nakangisi nyang sagot.
"Ayan dalhin mo ang mga ito para naman makabawi ka sa amin." Wika ng kanyang kuya Shawn. Sabay padaskul na ibinigay ang dalawang kahon ng pizza at pinaibabaw naman agad ng kanyang kuya Sherwin ang isa pang kahon. Cake yata iyon. At pinaibabaw uli ng kanyang kuya Steve ang isa pang plastic na ang hula nya ay lechon manok yata dahil naaamoy nya. Saka na sya iniwan ng mga ito. Naiwan syang nakangiwi pero masayang masaya sya. Yes! Ilang bote ng beer kaya ang mauubos ng manok na ito. Anang kanyang isip.
Naiiyak sya ng binigyan sya ng card ng kanyang kuya Sherwin at cash naman kay kuya nya Steve. At panay ang bilin ng mga ito na huwag syang tatanga tanga doon at huwag masyadong magastos para makapag ipon naman daw ang mga ito para sa future nila. Haha. Iyon ang kagandahan ng maraming kuyang barako. Hindi ka magugutom.
OA na kung OA pero feeling nya ay sa ibang bansa sya pupunta dahil kumpleto ang pamilya nya ng ihated sila sa paliparan. At panay ang iyak nila ng kanyang ina. Parang gusto nya tuloy magback out. Paano nalang sya pag wala na ang mga ito.
Huwag nalang kaya nyang pabalikin ang kuya Shawn nya dito para may makasama sya doon. Kumuha kasi ito ng isang linggong bakasyon para masamahan muna sya sa manila.
Mayroon naman na silang titirhan sa Manila pagdating nila doon dahil may kaibigan daw ito na may bahay pero hindi na tinitirhan dahil pumisan na daw ito sa napangasawa nito. Basta iyon na yon.
"Mas safe na sya dito kaysa sa mag apartment pa sya. At mas malapit na ito sa trabaho nya." Rinig nyang wika ng kaibigan ng kanyang kuya Shawn habang nililibot nila ang bahay. Isa itong two storey house sa isang subdivision. Medyo may kalakihan ang bahay.
"If I were you. I will take the opportunity to buy it. Maswerte ka because they'll give it to you at very low price compared sa totoong nyang presyo." Napakunot ang kanyang noo na napatingin sa kanyang kuya.
Buy?
Tumingin sa kanya ang kanyang kuya. "Okey kana ba dito?" Tanong nito sa kanya.
Lalo syang nagtaka. "Bibilhin mo ba ito?" Tanong nya.
Nagkibit ito ng balikat at saka inilibot ang tingin sa paligid na para bang hindi pa nakapag decide. "Sa tingin ko naman okey sya. Pero ikaw. Gusto mo ba? Okey ba sayo."
"Pero bibilhin mo?" Hindi makapaniwalang tanong nya uli.
"Oo. Matagal nadin kasing inaalok ito ni Jeremy sa akin eh pero ngayon ko lang tinignan."
Napatakip sya sa kanyang bunganga. "Talaga kuya. May ganon ka ng kalaking pera? May milyon kana para makuha itong bahay?" Bulalas nya.
Tinawanan naman sya nito saka ginulo ang kanyang buhok. "Anong akala mo sa akin poor." Tumatawang pagyayabang nito. "Pero hindi ko lang naman pera ang ibibili ko dito syempre. Pera naming tatlo. Mas okey na iyong may bahay tayo dito para pag gusto kang dalawin nila mama o kahit na sino sa amin ay may matutuluyan na tayo dito. Mas okey na iyon kaysa mag upa pa tayo ng bahay." Paliwanag naman nito.
Maluha luha syang yumakap sa baywang nito. "Salamat ng marami kuya. Magpapakabait ako. Hindi ko sasayangin ang lahat ng tiwala nyo sa akin." Wika nya. Napakaswerte nya dahil nabigyan sya ng pamilyang kagaya ng mga ito.
"Hahayaan ka namin tumayo sa sarili mong mga paa. Pero hindi ibig sabihin non na pwede mo ng gawin lahat ng gusto mo. Kung may desisyon ka mang gagawin sa buhay mo gusto naming ipaalam mo parin sa amin. Lalong lalo na kila mama. Kung may problema ka, kami parin ang una mong lapitan. Nagkakaintindihan ba tayo." Bilin nito sa kanya. "At utang na loob Stephanie. Ayaw na ayaw kung marinig na nasangkot ka sa gulo. Iuuwi talaga kita sa Cebu." Seryosong dagdag nito.
Napangiti sya. "Opo."
"Okey bro. Kukunin ko na. Kumpleto naba ang papel?" Baling nito sa kaibigan.
"Nice decision bro. Perma mo nalang ang kulang then pwede na ninyong terhan." Masayang nagkamayan ang mga ito.
Masayang silang nagtungo sa pinakamalapit na restaurant at nagdesisyon silang bukas nalang sila maggrogrocery pagkatapos nyang magreport sa ACL at para ipasa nadin ang mga iba pang requirements. Excited na sya sa magiging trabaho nya.
Alam nyang simula na nang pagbabago ng buhay nya. Pag bumalik na si kuya Shawn nya sa Cebu ay mag isa nalang sya. Wala ng maghahanda ng mga gamit nya. Wala ng magliligpit ng mga kalat nya. Wala na syang ibang aasahan kundi sarili nya.
Kinabukasan ay maaga syang bumango para maghanda sa pagpasok sa ACL. Dahan dahan syang bumangon para hindi nya maistorbo ang tulog ng kanyang kuya. Tabi kasi sila sa kama dahil iisa lang ang kamang mayroon. Wala kasing ibang laman ang ibang kwarto bali naiwan lang ng may ari ang kama na ginamit nila. Isa siguro sa lalakarin nila mamaya ang pagbili ng kagamitan ng bahay at pag grogrocery. Sana lang ay mayroon pang budget ang kanyang kapatid para sa mga kakailangan nilang gamit.
Dumaan muna sya sa isang fastfood para mag agahan. Bahala na ang kuya nya kung saan ito kakain mamaya. Wala pa naman kasi syang iluluto. Hindi pa ito gising kaninang umalis sya. O baka masyado lang talaga syang maaga. Alas singko palang ng umaga. Mas maganda na iyong maaga kaysa sa malate sya. Balita pa naman nya ay grabe ang traffic dito kaya kailangan nyang maging maaga. Pag nakaipon sya ay bibili siguro sya ng big bike nya para hindi sya mahirapan magcommute.
Pagkatapos nyang kumain ay agad syang lumabas para mag abang ng jeep at nakasakay naman sya agad.
"Miss paabot naman ang bayad." Inabot nya ang pera sa estudyanteng nasa unahan nya. Maaga palang pero siksikan na ang pasahero.
Hindi kaila sa kanya ang lihim na pagsulyap ng dalawang babae na nasa kanyang harapan. Mukhang mga high school student ang mga ito at manaka naka pang napapahagikhik na para bang kinikilig. Gusto tuloy nyang mapairap. Pero baka mapagkamalan naman syang bakla.
Sinuklay nya ang buhok pataas gamit ang kanyang daliri bumabagsak kasi iyon sa kanyang mukha dahil medyo mahaba ang mga iyon. Pero parang mas lalong nagpakilig sa dalawa.
"Iyong baba ng ACL building." Rinig nyang wika ng driver.
"Huh?" Gulat syang napatingin sa labas.
Napatawa ang dalawa. "Nasa tapat na po tayo ng ACL building." Wika ng mga ito na parang natutuwa pa sa kanya.
E papaano. Kauupo palang nya. Ni hindi pa nga uminit ang upuan nya. Duda nga sya. Baka mula sa fastfood chain kanina baka tanaw na tanaw nya ang mataas na building ng ACL. Pwede naman pala nyang lakarin. Baka hindi pa nga sya pagpawisan pag nilakad nya iyon. Sayang tuloy ang dose pisos nya.
"Bye cutiebabe.." hagikhik na paalam ng dalawa ng makababa na sya sa jeep.
Cutiebabe? My a*s. Kinilibotan sya. Baka mas maganda pa ako sa inyo pag nag ayos babae ako Napakamot nalang sya sa kanyang ulo.
Huminga muna sya ng malalim bago humakbang papasok sa building.
Lumapit sya sa dalawang guard na nasa b****a ng building. "Good morning po." Bati nya.
"Good morning Sir. May kailangan po kayo." Magalang na bati din ng isa.
Alanganin naman syang ngumiti. "Ako po si Stephanie Santaana. Mayroon po kasi akong appointment kay Ms Myrna Magsaquit."
"Ay ganon po ba. Anong oras po ang sinabi sa inyo?" Tanong din ng isa habang nagbubuklat ng logbook.
Napangiwi sya. "Alas otso po pero napaaga po yata ako." Pabiro nyang wika.
Napatawa naman ang dalawa at halos sabay pang napatingin sa relo. "Mukha nga. Pero ayos yan bata. Mas maganda ang nasa oras kaysa sa late. Pwede ka ng pumasok. Maghintay ka nalang sa waiting area. O kaya kumain ka muna kung hindi kapa nag aagahan. Huwag kang mag alala dahil palagi namang maagang dumarating si Ms Myrna." Sabi isang guard.
"Maghihintay nalang po siguro ako. Maraming salamat po. At sya nga po pala. Ma'am po ako kuya hindi Sir. Pero mas gusto ko pong tawagin nalang po ninyo akong Stephan." Nakangiti nyang sabi sa dalawa.
"Pasinsya na Stephan. Akala ko kasi lalaki ka e. Makakahinga ng maluwag ang kalalakihan dito dahil babae ka. Aba maraming mahuhumaling sayo na babae kung nagkataong lalaki ka." Puri naman isa kaya napailing nalang sya.
"Babae po ako. Hindi lang po ako marunong mag ayos babae dahil puro mga lalaki ang mga kapatid ko. Pero maganda parin naman ako pag babae diba." Biro pa nya.
Tumawa ang mga ito. "Mukha kang gwapong bakla." Biro naman ng isa kaya lalo silang natawa. Hindi sya nainip sa pag hihintay ng oras dahil panay ang biroan nila. Hindi na sya sa waiting area naghintay kundi mismong sa pwesto na ng mga ito sya tumambay.