Ilang araw na ang lumipas, at hindi pa rin natatagpuan ni Nick si Eve. Ang bawat araw ay tila sugat na hindi naghihilom, lalo lang lumalala sa bawat pagdaan ng oras. Puno siya ng pagsisisi, pananabik, at mga alaala na siyang nagpapabigat sa kanyang dibdib. Sa kawalan ng pag-asa, nagtungo siya sa pier upang hanapin ang kanyang matalik na kaibigan.
Naabutan niya si Pablo na nag-iimbentaryo ng mga karagmento na kadidiskarga lang. Kasama nito ang isang porter sa pag-iimbentaryo.
"Tol..." mahinang wika ni Nick nang makalapit sa kaibigan.
Napatingin si Pablo sa kanya na mukhang inaasahan ang kaniyang presensya sa ganoong oras. Binigyan ng tagubilin ang kasama nitong porter at saka bumaling kay Nick. "Tol, Mukhang wala ka pang tulog ah. Nakakatulog ka pa ba?"
"Paano ba ako makakatulog? Eh hanggang ngayon wala pa rin akong balita kay Eve," matamlay na tugon ni Nick. Laylay pa ang balikat nito na halatadong hindi na kinaya ang problema.
Napabuntong-hininga si Pablo at pinaupo siya sa walang laman na kahon. "Kumain ka na ba?"
Iling lang ang tugon ni Nick.
"Aba'y kumain ka. Baka masisiraan ka ng bait niyan. Tara!"
Niyaya nito si Nick patungong canteen. Habang naglalakad, inakbayan siya nito na para bang sinasabing nandidiyan lang siya para supurtahan and kaibigan. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ni Nick. Habang kumakain sila, nagtanong si Pablo.
"Sa mansion ka pa ba umuuwi?"
"Oo. Tinatantiya ko lang na wala sila kapag umuuwi ako doon," tugon ni Nick.
"Gusto mo, sa akin ka muna tutuloy pansamatala habang wala ka pang trabaho?"
"Okay lang ba sa'yo, tol? Hindi ba nakakahiya sa misis mo? Bago pa man din kayong kasal tapos mag-aampon ka kaagad ng palamunin sa apartment mo."
"Mabait at maunawain si Len. At saka para maging malaya kang maghahanap kay Eve."
"May pera pa naman ako kahit papaano. Magbibigay na lang ako."
"Naku, huwag mo na alalahanin 'yon. Ito naman parang 'di naman tayo magkaibigan niyan. Ang laki ng utang na loob ko sa inyo. Ano ba naman ang pagtira mo sa'min pansamatala?"
"Maraming salamat, 'tol. Kapag nakuha ko na ang TOR ko, maghahanap ako ng trabaho. Nga pala, babalik ako ng Cebu para kunin ang TOR ko. Pwede mo ba akong tulungan?"
"Oo naman. Kailan ba balak mong pumunta?"
"Bukas sana."
"Sige. Ipasasakay kita sa first trip bukas. Oo nga pala, bakit ayaw subukan maghanap sa kabilang barangay? Baka naman hindi siya lumayo. Minsan, ang hinahanap natin, mas malapit lang kaysa inaakala natin."
Napakunot ang noo ni Nick. Nagsususpetsa sa kaibigan. "May alam ka ba?"
"Wala. Kung alam ba eh, bakit hindi ko agad sasabihin sa'yo? Ang akin lang naman eh baka nasa malapit lang siya.
Totoo naman iyon! Hindi naman lumayo ng Catbalogan si Eve.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Nick. Paulit-ulit sa isip niya ang sinabi ni Pablo. Kinabukasan ng umaga, bumalik siya sa palengke. Habang binagtas ang mga hile-hilerang panindang isda, may napansin siyang pamilyar. Isang panyo na hulog sa lapag. Nadumihan na iyon ngunit tiyak niyang kapareho ito ng panyo na ginamit ni Eve sa Burias Island. Maaaring marami ang katulad nito pero hindi niya pwedeng palampasin ang posibilad. Pagakatapos damputin ang panyo ay lumapit siya sa isang ale na katabi ng puwesto na iyon upang makumperma.
"Ate, kanino po 'to?" usisa niya.
"Ah, sa bagong tinderang nagaayos ng isda. Baka hindi niya napansin na nahulog 'yan."
"'Yong bagong tindera po ba ay mga nasa disenuwebe o bente ang edad, ganito ka taas?" inakto pa talaga ni Nick ang taas ni Eve. "Tapos katamtanan ang katawan, medyo morena, wavy hair na hangang balikat tapos maganda?" usisa ni Nick. Kinabahan siya at abot-abot ang dalangin niya na sumakto ang paglalarawan niya.
"Oo. Kilala mo ba siya?" Pagkarinig niyon, nanlaki ang mata ni Nick. "Nasaan po siya?"
"Nandito lang iyon kanina. Baka pumunta lang sa boss niya sa kabilang puwesto."
Halos kalahating oras din ang hinintay si Nick nang makabalik Eve. Hindi siya agad nito napansin dahil nakatutok ang atensyon nito sa mga buhat-buhat na banyera ng isda. Namayat ito, maputla, at halatang pagod. Nasaktan si Nick sa nakita. Sinisisi niya ang sarili. Sinalubong niya at kinuha ang banyera. Hindi siya nag-alangan na mangamoy isda sa ginawa. Nagulat si Eve sa ginawa niya. Hindi ito agad naka-react. Sinusundan lang ng tingin si Nick sa ginagawa. Pagkalapag ng banyera, bumaling si Nick kay Eve.
"Kumain ka na ba?" nag-aalala nitong tanong ka Eve.
Napailing si Eve at umismid. May halong galit at hindi siya makapaniwala na tinuran ng lalaki. Hindi niya ito sinagot, bagkus dumiresto ito ng dampot sa mga isda upang ilagay maayos ang mga isda na pambenta.
Agad na sumunod si Nick at hinawakan siya sa braso.
"Kapag hindi mo tanggalin 'yang kamay mo, ihahampas ko 'tong isda sa'yo!" banta ni Eve. Agad naman na tumalima ang lalaki.
"Mag-usap tayo. Ayusin natin 'to. Please," pag-mamakaawa ni Nick.
"Wala na tayong dapat pag-usapan. Ikaw na mismo tumapos sa relasyon natin. Noong araw na iyon, buong akala ko kakampi kita. Nag-iilusyon lang pala ako." Hindi na napigilan ni Eve ang kaniyang mga luha. Sunod-sunod ang pag-agos ng mga iyon.
Niyakap siya ni Nick. Mahigpit. Sobrang higpit.
"Hindi ko kaya, Eve. Hindi ko kayang mawala ka sa akin." Garalgal ang boses ni Nick dahil maging ito ay umiiyak na rin.
"Huwag na tayong maglokohan. Hindi mo pa talaga ako mahal. Hindi pa sapat ang nararamdaman mo para ipaglaban mo ako sa pamilya mo."
"I'm so sorry kung naduwag ako noon," sagot ni Nick. "Pero hindi na ako papayag na mawala ka muli. Araw-araw inuusig ako ng konsensya at panghihinayang. Kung bibigyan mo ako ng isa pang pagkakataon... pangako, babawi ako habang-buhay."
Nang marinig ni Eve ang pag-amin nito sa kaniyang kahinaan, naglaho ang kanyang galit ngunit hindi iyon sapat para pagbigyan ang hinihiling nito.
"Anong gagawin mo? Kakalabanin mo sila habang-buhay? Eh saraili mo nga hindi mo kayang ipagtanggol. Hindi mo pa kaya. Tama nga ang mama mo. Bata ka pa. Mga bata pa tayo."
Tumingin ng diresto si Nick sa mga mata ni Eve. Nagpang-abot uli ang mga mata nila. Mga ilang segundo na nag-uusap ang kanilang mga mata. Takot at pangamba ang nasa mga mata ni Eve. Habang pangungulila at determinasyon naman ang kay Nick. Hinaplos ni Nick ang pisngi ni Eve. Naramdaman niya basang pisngi nito dahil sa mga luha.
"Makinig ka sa akin. Buo ang desisyon ko. Umalis na tayo rito. Magsimula tayo sa ibang lugar. Sumama ka na sa akin sa Maynila. Mahal na mahal kita, Eve at alam kong mahal mo pa ako. Magtanan na tayo."
Tahimik ang sumunod na sandali. Nabigla si Eve sa narinig. Hindi siya makasagot.
"Ano, sasama ka ba sa akin?" desperadong tanong ni Nick. Hindi pa rin makasagot si Eve kaya sumuko na siya.
"Mukhang alam ko na ang sagot mo. Sige, irerespeto ko ang desisyon mo."
Halos maubusan ng lakas si Nick sa pagkabigo. Pilit niyang inihahakbang ang mga paa patalikod kay Eve upang lisanin ang lugar. Nang pagkakataong iyon, apaw-apaw na ang mga luhang nag-uunahan sa pagbuhos mula sa kaniyang mga mata. Iniisip niya, talagang hangang dito na lang ang kanilang pag-iibigan.
Maya-maya,
"Grabe! Ganyan ka kabilis sumuko? Hindi mo talaga ako pipilitin?" wika ni Eve.
Napalingon si Nick dito. Napangiti kahit umiiyak. Pagdaka'y sumugod siya upang yakapin si Eve. Ganoon din naman si Eve, sinalubong niya ito. Nagtagpo ang kanilang noo.
"Magsimula tayo uli," bulong ni Nick, "umalis na tayo dito."
Tumango si Eve.
Sinyales iyon para kay Nick upang gawin ang kanina pa niya gustong gawin. Hinaplos uli nito ang maamong mukha ni Eve at dahan-dahang dumukwang. Hindi na umiwas si Eve dahil miss na miss niya na rin ang kaniyang nobyo. At naglapat na nga ang kanilang mga labi. Banayad at puno ng pagmamahal ang halik na iyon.
Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Hindi nila alintana na kanina pa pala sila pinapanood ng mga ito na para bang nanonood ng pelikula. Nang lumalakas ang hiyawan at kantiyaw, unti-unti dumistansiya sila sa isat-isa. Awtomatik iyon. Nakaramdam sila ng hiya pagkatapos.
"Pupunta ako ng Cebu para kukunin ang TOR ko. Bukas pagbalik ko, maghanda ka na. Sa makalawa, alis na tayo rito. Magsimula tayo sa lugar na malayo rito."
"Sige, kung anong desisyon mo, love. Sasama ako sa'yo," tugon ni Eve dito.
"Sige. Alis na ako at hahabulin ko pa ang 1pm trip ng barko."
Pagdaka'y hinalikan ni Nick ang tungki ng ilong ni Eve. Mabilis lang 'yon.
"Ihahatid na kita sa pier," wika ni Eve.
Umalis sila Nick na masayang-masaya. Iniwan ni Eve ang mga panindang isda at hinabilin sa katabing pwesto. Pakiramdam nila para silang bumalik noong gabing umamin sila sa kanilang nararamdam sa isa't-isa.
Habang papalayo sila sa palengke, hindi nila alintana na may mga nakamasid sa kanila mula sa malayo. Nag-uusap ang mga ito habang pinapanood sila na nililisan ang lugar.
"Areglado, boss" wika ng lalaki sa kausap.