Chapter 4

1723 Words
NABULABOG ang masarap na tulog ni Mia nang mangibabaw ang sunud-sunod na katok mula sa labas ng pinto ng kaniyang kuwarto. Dahan-dahan siyang bumaba ng kama habang kusot-kusot pa ang mga mata. Matamlay na binuksan niya ang pinto. Bumungad sa kaniya ang mommy niya na nakagayak na upang tumungo sa trabaho. Naalala niya na wala siyang pasok kaya hindi siya ginising nang maaga ni Marta. "We're off to work. Maghapon kami ng daddy mo sa factory. Dapat maghapon ka ring nandito sa bahay. Tomorrow ay makikilala mo na ang magiging personal nurse mo," seryusong wika ni Mariel. "Pero Mom, may meet-up po kami mamaya ng mga ka-batch ko. Final practice na po namin iyon for our coming graduation," namamaos pa ang boses na katuwiran niya. Walang bakas ng emosyon sa mukha ng mommy niya. Hindi siya tiyak kung sasang-ayon ito sa sinabi niya. Batid na kasi niya na kapag nanahimik ito ay malamang hindi siya nito papayagan na lumabas ng bahay. Wala siyang nahintay na sagot. Pero hindi niya maaring baliwalahin na lamang ang importanteng event sa eskuwelahan. "I already talked to the principal. Excuse ka sa lahat ng activities n'yo sa school kaya wala kang dapat ipag-alala." Inunahan na siya ng mommy niya bago pa man siya makapagsalita. Lihim siyang nalungkot ngunit hindi naman niya masagot ang ina. Natameme siya at hindi makatingin nang deretso sa mga mata ng mommy niya. Tumalikod ang ginang. Hinintay lang niyang makaalis ito bago isinara ang pinto. Naglakad siya pabalik sa kaniyang kama. Nawala na ang antok niya na kanina'y nais pa niyang itulog. Dinampot niya ang cellphone na nasa ibabaw ng bedside table. Akmang pagbukas niya ng screen ay bumungad ang mensahe ni Renny. Ipinaalala nito sa kaniya ang pagkikita nila sa eskuwelahan. Nanamlay siya matapos basahin ang mensahe nito. Tumugon siya sa text nito at sinabi ang naging pasya ng mommy niya. Ekseheradong napabuntong-hininga siya habang hinihintay ang reply ni Renny sa kaniya. "Paano iyan? Kailangan nating pumunta dahil last practice na. Three days to go na lang, mamartsa na tayo. Hindi ka man lang ba maintindihan ng mommy mo? Dapat nga nakasuporta ang parents mo sa iyo," tugon ni Renny sa pamamagitan ng text. Hindi muna siya nag-reply. Nag-iisip siya ng plano. Pinalipas muna niya ang ilang minuto bago lumabas ng kaniyang kuwarto. Sinigurado niyang nakaalis na ang mga magulang niya. Tumungo siya sa kusina at nag-almusal. Inasekaso naman siya kaagad ni Marta. Napansin nito ang matamlay niyang kilos at malalim na iniisip. Naupo si Marta sa bakanteng upuan na malapit sa kinauupuan niya. Kaharap niya ang pagkain ngunit wala siyang ganang ubusin iyon. "Malamang hindi ka na naman pinayagan ng mommy mo na lumabas ng bahay," puna ni Marta habang nahahabag na nakatitig sa madilim niyang mukha. "I know mom can pay everything. Pero iba pa rin po ang presence ko sa school. I need socialization. Wala naman pong masama na maki-practice ako. Paano ako makasasabay sa graduation hymns kung saka lang ako pupunta kapag araw na ng graduation namin? Though exempted ako, I also want to experience those somebody does," mahinang atungal niya. Hinawakan ni Marta ang kaliwang balikat niya. Alam niyang pumapanig ito sa kaniya ngunit katulad din niyang walang magawa. "Tiisin mo na lang muna ang ugali ng mommy mo. Kapag wala ka ng sakit at makapagtapos ka na ng pag-aaral, magagawa mo na lahat ng gusto mo. Malaya ka nang makapagdisyon sa ano mang nais mo," mahinahong payo ni Marta. "Salamat po, Na-Marta." Saka lang siya nabuhayan ng loob at ginanahang kumain. Pero nang manahimik na siya ay naalala niya ang sinabi ni Renny sa kaniya. Kapag hindi siya makararating sa practice ay yayain na lamang siya nito na magkita sa tagpuan nila. Habang tahimik siyang sumusubo ay napapansin siya ni Marta. Hindi na niya ito namamalayang napapasulyap sa kaniya dahil sa lalim ng iniisip niya. "Iniisip mo ba kung paano ka makapupunta? Kung hindi lang sana sensitive ang kondisyon mo baka ano mang oras ay mapapayagan kang lumabas. Kahit ako natatakot kapag nasa labas ka at biglang sumumpong ang sakit mo," may pag-alalang wika ni Marta. Napasulyap siya rito. "So far okay naman po ang pakiramdam ko. May gamot naman akong dala-dala just in case. Kapag napagod lang naman po ako nahihirapan," katuwiran niya. Wala sa loob na napangiti si Marta. Hinaplos nito ang likod niya. "Pasensiya ka na kung hindi ako makapagdisisyon para sa iyo." "Okay lang po. Pero may pakiusap lang po sana ako." "Ano iyon?" "Pakiusap, huwag n'yo na po akong tawaging kumain mamaya. I will stay in my library. Magdadala na lang po ako ng kakainin ko sa loob. Tatawagan ko na lang po kayo kapag may kailangan po ako." Napanatag si Marta. "Okay. Basta make sure lang na kontakin mo kaagad ako kapag masama ang pakiramdam mo." "Opo, promise." Hindi siya tiyak kung napapansin na siya ni Marta sa mga dahilan niyang pagkukulong sa library room niya kahit totoo ay lihim siyang tumatakas. Katulad na naman sa nakagawian niya. Upang makawala sa malungkot na bilangguan ay nakipagkita siya kay Renny sa tagpuan nila. Pero sa halip na sa tagpuan lang sila magkikita ay kinumbinsi niya si Renny na isama siya nito papunta sa school nila. Sinigurado naman niyang naka-lock ang kaniyang libray bago umalis. Hindi na malalaman ni Marta na umalis siya ng kuwarto niya. Dala niya sa bag ang gamot niya. "Sigurado ka bang sasama ka sa akin papuntang school? Ang usapan kasi natin hanggang dito lang tayo sa panet natin, sasamahan na lang kita rito. Paano kung may magsumbong sa iyo roon? Alam mo namang mahigpit na ipinagbawal ng mommy mo na lumabas, lalo na kapag ako ang kasama mo," nag-aalalang wika ni Renny nang magtagpo sila sa likod ng bahay nito. "Akong bahala. Kahit na magalit pa si mommy. Kaysa naman mamatay ako sa boring na nakakulong lang sa bahay. Kahit malaki at maluwang pa ang bahay namin kung pinapatay naman ako sa lungkot, mabuti pang mamatay akong naging masaya sa labas," katuwiran niya, ngumuso siya. Seryuso siyang tinitigan ni Renny. Magkaharap sila habang nakatayo pa sa labas. Nangangamba siya at baka ipagtulakan siya nito na bumalik sa bahay nila. Ngunit makaraa'y naramdaman niya ang paghawak nito sa kaniyang kamay. Nasundan niya ng tingin ang kamay nito hanggang sa ibaling ang tingin sa mga mata nitong titig na titig sa kaniya. "Halika na nga! Sumabay na tayo kay Dad. Dadaan kasi siya sa school bago pupunta sa hospital. Basta siguraduhin mo lang na naka-ready ang gamot mo. Huwag ka rin magpakapagod, mahirap na," anito at pinaaalalahanan siya. "Oo nga. Puwede bang huwang mo akong masyadong baby-hin para naman hindi ko isipin na napakakawawa ko naman dahil sa sakit ko." Sumusunod na siya rito habang hawak pa nito ang kamay niya. Papasok na sila sa bahay ni Renny. Nakahanda na ang daddy nito para umalis. "Tamang-tama ang dating natin. Paalis na si Dad. Tara, sumakay na tayo," anyaya sa kaniya ni Renny. Tumalima naman siya. Magkatabi sila ni Renny sa backseat. "Mabuti at pinayagan ka ng mommy mo na lumabas ng bahay, hija," puna ni Danny habang nagmamaneho. Nakatingin ito sa pamamagitan ng front mirror. Hindi siya kaagad na nakasagot. Nagkatinginan pa sila ni Renny. "Umm, basta hindi lang daw po siya magtatagal sa labas, Dad. Sasabay na lang siya sa akin na umuwi mamaya before lunch." Si Renny na ang sumagot para sa kaniya. Hindi talaga siya nakapaghanda ng isasagot. Mabuti na lamang at nariyan si Renny. Batid na kasi ni Danny ang kalagayan niya at ang panghihigpit ng mommy niya sa kaniya. Ganoon pa man ay malaki ang pasasalamat niya dahil may katulad pa sa pamilya ni Renny na mas nauunawaan ang nararamdaman niya kaysa sa mga magulang niya. "Oh Anak, your eyes on Mia, huh? Bantayan mo siyang mabuti. Ikaw ang responsable ngayon sa kaniya," paalala ni Danny kay Renny bago sila bumaba ng sasakyan nito. "Yes Dad. Ingat po kayo sa pagmamaneho," ani ni Renny sa daddy nito. Hindi man niya maiwika pero masyado na niyang nararamdaman na tila maliit na bata siya kung tratuhin ng mga nakapaligid sa kaniya, lalo na ang nakakaalam sa kondisyon niya. Kung may kapangyarihan nga lang siya ay pagagalingin na niya ang sarili niya para wala nang mag-aalala nang labis sa kaniya. Hindi katagalan ay huminto ang sasakyan nila sa gate ng campus. Nagpaalam na sa kanila si Danny. Patungo sila sa loob. "Oh! Bakit parang hindi ka na natuwa ngayong nandito na tayo sa school?" puna ni Renny sa kaniya. Marahil ay napansin nito ang lungkot na pahiwatig ng mukha niya dala ng iniisip niya. Para hindi ito mag-alala ay pinakitaan niya ito ng mga ngiti. Muli nitong inabot ang isang kamay niya at hinawakan. Papunta sila sa maluwang na covered court kung saan gaganapin ang kanilang graduation. Naka-set up na ang mga upuan. Marami na rin ang mga kamag-aral nila na kasabayan nilang magtatapos. Kasama pa rin niya si Renny nang lumapit si Trisha kasama ang isang kaibigan nito. Natutuwa siya dahil masaya silang binati ng dalawa. Pero hindi niya napapansin na mas lamang ang ipinakitang mga ngiti ni Trisha para kay Renny. "Oh Mia, I thought hindi ka makararating. Pinayagan ka pala ng mom mo?" mahinahong pansin sa kaniya ni Trisha. Napatingin pa siya kay Renny, tumitig din ito sa kaniya. Hindi tuloy niya alam kung ano ang isasagot kay Trisha. "Ah, oo! Pinayagan siya ng mommy niya. Kaya nga siya nandito," sabat ni Renny. Wala sa loob na napangisi siya. Tinatinya niya sa isip kung maniniwala ba si Trisha sa sagot ni Renny. Pati si Julia na kaibigan ni Trisha ay napasulyap sa kaniya na tila hindi naniniwala. Batid na kasi ng lahat na may karamdaman siya na mahigpit na binabantayan ng mga magulang niya. Kaya ay lihim pa rin siyang nangamba at baka makahalata ang mga ito na tumakas lamang siya. "We're about to start, guys!" pag-iba ni Julia sa usapan. Nag-atensiyon naman sila para sa mass practice. Halos kompleto na kasi silang ga-graduate. Ngunit nang magpaalam sina Trisha at Julia para tumungo sa puwesto ng mga ito ay naiwan sa balintataw niya ang kakaibang mga titig at ngiti ni Trisha kay Renny. Biglang may kakaibang kurot sa puso niya matapos sulyapan ang pagganti ni Renny ng matamis na ngiti kay Trisha. Alam niyang palabati si Renny, pero iba ang dating niyon para sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD