HINDI makapaniwala si Mia na isang linggo siyang nawalan ng malay. Namulat siya sa isang maliwanag na silid. Sinuyod niya ng tingin ang kabuaan ng kuwarto nang makabangon mula sa kamang kinahihigaan niya. Wala siyang makitang kasama roon. Alam niyang hindi iyon ang kuwarto niya. Dahan-dahan siyang bumaba ng kama at humakbang patungo sa bintanang natatakpan ng makapal na kurtina. Nasisilaw siya sa liwanag sa labas matapos hawiin ang kurtina. Sumentro ang sinag ng araw sa mukha niya. Nakasuot pa siya ng purong puting damit na kadalasang suot ng mga pasyente sa ospital. Kinapakapa niya ang dibdib. Lihim niyang natanong sa sarili kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng isang linggo. Narinig niya ang pagbukas at pagsara ng pinto ngunit hindi niya pinansin. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"

