Samantala, hindi mapakali si Mara sa paghahanda upang makapag-enrol sa college. Ang nararamdaman niyang kaba ay walang kahalintulad pagkat noon ay hindi niya nararamdaman ito, noong mga panahong kasama pa niya ang kaibigang si Dan. Nagkakaroon siya ng lakas ng loob dahil alam niyang hindi siya nito pababayaan.
“Mara ano ba aba?!” Pasigaw na pagtawag ng ina ni Mara, “Aba at mahuhuli ka na sa pag-e-enroll. Tayo na at nang maaga rin tayong makauwi," dagdag pa nito.
“Opo, nariyan na," sagot ni Mara.
“Naku kung narito lamang si Daniel ay paniguradong kanina ka pa nakahanda diyan. Iba talaga kapag nandirito ang kababata mo."
“Naku, nanay, alam niyo naman kung gaano kabugnot po iyon at ayoko po dati na nag-a-away kami kapag umaga kaya naman wala akong choice kung hindi ang maagang magising," mahabang paliwanag ni Mara.
Sinulyapan siya ng kaniyang ina habang inaayos ang salamin sa mata. “Naku, ang sabihin mo crush mo lang si Daniel," panunukso nito.
Hindi maitago ni Mara ang biglaang pag-init ng kaniyang mukha. “Hala, si nanay kung ano-ano ang sinasabi,” pagtanggi niya sa kabila ng mapupulang pisngi.
Batid ng mga magulang ni Mara ang pagkakagusto ng kanilang anak kay Daniel. Nais din naman nila na makatuluyan ni Mara ang isang kagaya ni Daniel pagkat ito ay maunawain, marespeto at higit sa lahat hindi pabaya.
Akala nga nila ay magiging magkasintahan ang dalawa subalit laking pasasalamat nila dahil responsableng bata si Daniel. Hindi nito sinamantala ang pagkakagusto ni Mara sa kanya bagkus ay inuna nitong isipin ang kinabukasan nilang dalawa ni Mara. Alam ng mga magulang ni Mara na malayo ang mararating ni Daniel dahil focus na focus ito sa pag-aaral at sa pagkamit ng pangarap. Nangangamba lamang sila na baka maapektuhan ng paglayo ng binata ang pag-aaral ng kanilang anak.
“Ma, halika na. Ikaw naman ngayon ang tulala diyan. Sayo talaga ako nagmana, naku!" Panenermon ni Mara sa ina.
“Hala at ikaw naman ang nanernermon ngayon, ha?” Natatawang sagot naman ng ina.
“Oh siya, at magpaalam ka na sa iyong ama. Pakibilinan mo rin na narito sa lamesa ang kaniyang almusal at kumain muna bago magtrabaho.” Utos ng ina na agad namang sinunod ni Mara.
Hindi rin naman nagtagal ang dalaga at agad na binalikan ang kaniyang ina matapos kausapin ang ama. “Lika na, Nay. Bilis," pag-anyaya niya na may halong pagmamadali.
“Naku, ikaw talagang bata ka. Late kang magigising tapos ngayon ay nagkukumahog ka.”
Sa ilalim ng tirik na araw, abalang nag-aabang ang mag-ina ng masasakyan nang biglang may tumawag kay Mara, "Mara!" Dali-dali itong nilingon ni Mara habang nakakunot ang kaniyang mga noo at naniningkit ang mga mata,hpilot kinikilala kung sino ang tumawag sa kaniya.
Ilang sandali ay napangiti siya nang tuluyang makita kung sino iyon. “Amaro,” bati niya ng may ngiti sa labi.
“Long time no see, Mara.” Bakas ang kasiyahan sa mukha ng binata. “Hello po, tita," bati rin niya sa ina ng dalaga.
“Saan ka galing at ngayon lang kita nakita ulit?” tanong ni Mara kay Amaro.
“Ah, sa Manila. Nagtrabaho ako roon pansamantala upang may maipantustos sa kolehiyo.”
“Naku, napakasipag mo talagang bata, Amaro," Puri ng ina ani Mara sa binata.
“Salamat po, tita." Hindi mapigilan ng binata ang pagtitig sa dalaga habang malawak ang ngiti sa labi. "Namiss kita, Mara," anito.
“Naku, ikaw talaga, Amaro.” Hindi maipagkakaila angpagkakaihiya ng dalaga.
Natutuwang pinagmamasdan ng ina ni Mara ang dalawang habang nag-uusap ang mga ito. Sa loob-loob niya ay sinasabi niyang dalaga na nga ang kaniyang anak.
Hindi maikakaila ang gandang taglay ni Mara kaya hindi na magugulat pa ang ina nito kung sakaling maraming magtangkang manligaw si dalaga. Isa na yata sa gustong sumubok umakyat ng ligaw si Amaro.
Naalala ng ina ni Mara na noong graduation nila ng highschool ay nagbigay ng bulaklak si Amaro sa dalaga nila. Hindi niya makakalimutan iyon dahil nakita rin niya ang reaksyon ni Daniel. Halos pitasin nito lahat ng petals sa bulaklak bago maibigay kay Mara at sa tuwing naaalala niya iyon ay hindi niya mapigilang huwag tumawa.
“Nay, bakit ka mag-isang nakangiti diyan? ano na naman ang iyong naiisip?” Tanong ni Mara sa kaniyang ina ng mapansin ang pananahimik at mag-isang pagngiti nito.
“May naalala lang ako, anak," sagot ng ina.
“Pwede po ba akong sumabay sa inyo, Tita? Ako na lamang po ang magbabayad ng pamasahe,” magalang na tanong ng binata.
“Ay naku iho, wag mong alalahanin ang pamasahe at ako na ang bahala. Maigi rin nga na sumabay ka na sa amin dahil medyo pahirapan ang pagkuha ng masasakyan. Tutal ay iisa lang naman ang ating pupuntahan.”
“Salamat, tita.”
“Ano pala ang trabaho mo roon sa maynila, Amaro?” Tanong ni Mara sa kaibigan
“Iba-iba, Mara. Sa umaga ay nagtatrabaho ako bilang isang tutor tapos sa gabi naman ay sa isang factory.”
“Napakasipag mo talaga. Hindi ka ba nahirapan?”
“Siyempre, nahirapan ako. akala ko nga hindi ko kakayanin. Pero gusto ko talagang makapagtapos, Mara kaya kahit mahirap pinagsikapan kong makaipon upang hindi ko na din iasa pa kina tatay ang perang aking gagamitin sa pag-aaral. Alam mo naman na medyo may edad na si tatay diba?” Mahabang paliwanag ni Amaro.
“Oo nga at may edad na nga pala ang iyong ama. Para ka palang kagaya ni Daniel. Goal oriented. Ganoon ba talaga kayong mga lalaki?” Inosenteng sabi ni Mara. Parehong natawa ang ina ni Mara at si Amaro sa sinabi ng dalaga. “Hala at bakit namn kayo natatawa diyan?” Nagtatakang tanong g dalaga.
“Naku anak, napakainosente mo talaga. Hindi lahat ng lalaki ay ganoon. Subalit may mga tao talaga na inuuna muna ang mga prioridad sa buhay bago ang ibang bagay." Paliwanag ng ina ni Mara.
“Anong ibang bagay, nay?”
“Ibang bagay tulad ng pag-aasawa," sabat naman ni Amaro. Namula muli ang pisngi ng dalaga. “Oh, bakit namumula ang iyong mga pisngi, Mara?” panunukso pa nito.
“May naalala siguro," dagdag tukso ng ina ni Mara.
Lalong namula ang pisngi ni Mara. Laking pasalamat niya ng dumating na ang tricycle na hinihintay nila. Naupo sa likod ng driver si Amaro samantalang sa loob naman ang mag-ina.
“Sa may unibersidad lalawigan lang po,” imporma ni Amaro sa driver.
Tahimik nilang binagtas ang daan patungo sa paaralan. Trenta minutos kasi bago sila makarating doon. Malayo-layo sa kanilang mga bahay. Maraming estudyante ang kanilang dinatnan ng makarating sila sa kanilang destinasyon. Kinakabahan si Mara. Batid ito ng kaniyang ina subalit ayaw nitong samahan ang anak sa loob ng paaralan. Para kasi sa kaniya ay napapanahon na upang matutong dumiskarte mag-isa ang kaniyang anak.
“Halika na, Mara,” pagyaya ni Amaro sa kaibigan. Bakas ang nerbyos sa mukha ng dalaga nang nauutal niyang sang-ayunan ang kaibigan.
“Nay, pasok na po kami," paalam ni Mara sa ina
“Sige anak, mag-iingat kayo.”
Napansin ng ina ni Mara na hindi lumalayo si Mara kay Amaro. Marahil ay natatakot itong maligaw kung sakaling malayo ito kay amaro. Sa ngayon ay ito pa lamng ang kakilala ng dalaga sa paaralan. Nais ng kaniyang na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili si Mara at matutong tumayo mag-isa. Nakikita lang niyang confident ang anak kapag kasama nito si Daniel.
Samantala sa loob ng paaralan ay hindi magkandaugaga sina Mara at Amaro sa paghahanap ng office kung saan nila isusumite ang mga kailangang dokumento upang maging opisyal na estudyante ng paaralan. Palaging sinusulyapan ni Mara ang kaibigang dahil iniisip ng dalaga na baka siya ay maligaw kung mawala sa paningin niya si Amaro.
Naisip ng dalaga na kung narito lamang si Daniel ay hindi siya mamomroblema. Kung narito lamang si Daniel alam niyang ito na ang gagawa ng paraan upang mahanap ang opisina at ito na rin ang gagawa sa lahat. Maghihintay na lamang siya. Subalit iba ngayong nasa malayo na si Daniel.
Biglang sumagi sa isip ng dalaga ang pangako nila sa isa’t-isa. Parang naririnig pa niya ang tinig ng kababata habang sinasabi pangako nito. “Pag-igihan mo, Mara." Naalala niyang sambit ni Daniel. Kaya naman nilakasan ni Mara ang kaniyang loob.
Lakas loob siyang lumapit sa isang babae sa loob ng unibersidad. “Hi, excuse me po. Pwede po bang magtanong?" Aniya sa babae. “Alam niyo po ba kung saan ang administration office?" Dugtong pa nito.
“Ah, doon yan sa building A. Bale labas ka dito sa building na ito tapos kumaliwa ka. May makikita kang karinderya. Katabi lamang nito ang administration building. Tapat ng puno ng manga.” Pagbibigay impormasyon ng babae.
Matapos makapag pasalamat ay hinanap naman ng dalaga si Amaro. “Amaro," tawag niya nang makita ang kaibigan na abala sa pagtingin sa mga dokumetong hawak nito. “Mali ang building na pinasok natin. Sabi ng babae labas daw tayo tapos kumaliwa. Sa may tabi ng karinderya ang administration building,” aiya.
“Ganoon ba?”
“Oo, kaya halika na at ng maaga tayong matapos dito,” wika ni Mara na agad sinang-ayunan ng binatang kaibigan.
Sabay na naglakad ang magkaibigan at tinungo ang direksyong sinabi ng babae kanina. Matiwasay na nakarating at natapos ang dalawa sa pag-e-enroll.
Pabalik na sana ang dalawa nang biglang magsalita si Amaro na bahagyang ikinagulat ng dalaga. Kanina pa kasi ito tahimik kaya naman halos mapatalon si Mara nang marinig muli ang tinig nito. "Mara, gusto mo bang gumala muna at ikutin ang paaralan upang maging pamilyar tayo dito?” May paga-alangan sa tono ng pananalita nito.
Napangiti ng alanganin si Mara, “naku, Amaro gustuhin ko man ay hindi pupwede. Nakalimutan mo bang naghihintay si inay sa labas?”
“Ah! oo nga ano?” nahihiyang sabi ni Amaro.
“Sa ibang pagkakataon na lamang Amaro, ha?”
Nginitian siya ni Amaro, “walang problema."
Nagpapasalamat ang dalaga na kasama niya ng araw na iyon si Amaro. Kahit papano ay nabawasan ang kaba ng dalaga. Subalit na-realize din niya na kahit mag-isa siya ay magagawa pala nyang i-enroll ang sarili niya. Tama na naman si Daniel, hindi na nga naman sila mga bata pa at dapat na silang matutong gawin ang mga bagay-bagay ng mag-isa.
Naalala na naman niya ang kaniyang kababata. Iniisip ni mara kung ano kaya ang ginagawa nito sa mga oras na iyon.
“Tulog iyon dahil gabi na doon,” sabi ng ina ni Mara na siyang ikinagulat niya. “Kanina ka pa kasi tulala riyan kaya alam kong iniisip mo ang iyong kababata,” natatawnag saad nito.
“Si inay talaga,” wika naman ni Mara.
“Teka nga po pala, kanina ko pa po naririnig pangalan ni Daniel. Nasaan na po pala siya? Di ko po siya nakitang nakadikit kay Mara?" Natatawang tanong ni Amaro.
“Naku, 'di mo ba alam na nasa Prague na si Daniel?" Anang ina ng dalaga.
“Ay, hindi po, tita eh. Medyo nag-focus po kasi ako sa pagtatrabaho.”
“Doon na siya magkokolehiyo,” imporma ni Mara.
“Ganoon ba? Bakit napakalayo naman yata ng napiling paaralan ni Daniel?” Bakas ang pagtataka sa tanong ng binata.
“Sabi niya kasi ay napakaganda raw ng Prague," paliwanag ni Mara. “Bago pa man tayo maghigh school ay pangarap na ni dan-dan na makapunta sa bangsang iyon. Hindi ko nga maintindihan kung bakit subalit sabi niya ay maganda daw roon.”
“Ganoon ba? Siguro ay nalungkot ka ng umalis si Daniel, ano?” Tanong ni Amaro kay Mara habang nakatitig muli sa dalaga.
Natatawang nakamasid ang ina ni Mara sa magkaibigan.
“Oo naman. Sobra akong nalungkot ng araw na iyon. Biruin mo sinakto pa niyang pagkatapos ng graduation umalis.” Tila pagsusumbong ni Mara kay Amaro.
Natawa ang ina ni Mara sa sinabi ni Mara. “Kailangan kasi nilang umalis sa araw na iyon Mara upang makahabol sa enrollment date sa paaralan si Daniel. Hindi ba at ipinaliwanag ko na saiyo iyon?” Sabi ng ina ni Mara habang masuyong nakatingin sa anak.
Sumimangot ang dalaga sa tinuran ng ina. “Opo, ma. Alam ko iyon pero nakakapagtampo pa rin.”
Natawa na lamang ang ina ni mara.
“Hindi kaya mahirapan si Daniel doon? Bukod sa iba ang klima ay paniguradong iba rin ang lasa ng pagkain," sabi ni Amaro.
“Masasanay rin naman sila doon, iho. Isa pa ay doon na sila titira kaya kailangan talaga nilang sanayin mamuhay roon," paliwanag ng ina ni Mara.
“Hindi ka ba malulungkot na hindi mo na makikita ang iyong kababata, Mara?" Tanong ni Amaro sa dalaga.
“Anong hindi magkikita? May pangako kaya kami sa isa't isa, ano?!”
“Pangako? Ano naman ang pangakong iyon, aber?”
“Aba! Nangako kami na pagkatapos naming ng kolehiyo ay kukuhanin niya ako at ipapasyal sa Prague. Sinabi sakin iyon ni Daniel bago siya umalis.”
Natutuwa si Amarong nakikitang napipikon ang kaibigan. Lalo kasi itong nagiging cute sa paningin niya. "Iyon ay kung hindi ka makalimutan ni Daniel,” pang-iinis na sabi ni Amaro kay Mara.
“At bakit naman ako makakalimutan ni DanDan, aber?" Naiinis na wika ni Mara.
“Aba at marami kayang magagandang dalaga roon. Naku, baka roon na makahanap ng mapapangasawa si Daniel,” dagdag pa ni Amaro.
Napatigil si Mara. Nangilid ang luha niya. Napansin ito ni Amaro kaya nagpasya itong tigilan na ang panunukso sa kaibigan. Walang kaalam-alam ang ina ni Mara sa pinag-uusapan ng dalawa pagkat nauuna itong maglakad sa mga iyon.
“Hindi ako makakalimutan ni Daniel. Palagi iyong tumutupad sa pangako." Pagtatanggol ni Mara sa kababatang si Daniel.
“Alam ko," mahinang ani ni Amaro sa kaibigan. “Sa totoo niyan ay naiinggit ako sa pagkakaibigan niyo. Napakalaki ng tiwala niyo sa isat isa," malungkot na saad ni Amaro.
Taas noo at malawak ang ngiti ni Mara nang balingan niya ang kaibigan. “Talaga!”
“Sana ako na lang si Daniel,” wikang muli ni Amaro.
“Bakit mo naman nasabi iyan?” Nagtatakang tanong ng dalaga.
“Dahil para ako na lang ang pagtuunan mo ng pansin. Pero isa lamang ang hinding-hindi ko gagawin na ginawa ni Daniel."
Napatingin si Mara sa kaibigan, "at ano naman ang hinding-hindi mo gagawin?"
“Ang iwan ka. Iyan ang hinding-hindi ko magagawa, Mara. Napakaespesyal mo kasi. Ikaw ang gagawing kong priority sa buhay. Uunahin kong mahalin. Tapos sabay tayong aabot ng mga pangarap ng magkasama," emosyonal na saad ni Amaro.