“Margaret!” Nakakabinging sigaw ni Daniel sa kaniyang kababata. Natatawang napapa-iling na lamang ang ina ni Margaret. Tila sanay na itong makita ang ganoong senaryo tuwing umaga.
Dinala ni Margaret ang pagiging tanghali nito kung gumising hanggang sa ika-apat na taon ng high school. “Magtatapos na lang tayo sa high school ay tanghali ka pa rin gumising,” yamot na sambit ng nagbibinatang si Daniel.
“Sandali lang namn, Dan-dan at ako ay patapos na rito,” wika namn ni Margaret.
“Pwede ba wag mo akong tawaging Dan-dan? ‘Di na tayo mga bata pa.” inis na sabi ng ni Daniel.
“Dan-dan.” Pang-aasar pang lalo ni Margaret.
“Mara, iiwanan kita sige ka,” panakot ni Daniel. Nanahimik naman ang kaniyang kababata. “Tita, painom po ako ng tubig.” Paalam ni Daniel sa ina ni Margaret.
“Kumuha ka lang diyan, iho.” Sagot naman ng ina. Naibuga ng binatilyo ang iniinom na tubig ng lumabas sa silid si Margaret. Pulang-pula ang mga labi nito at pisngi. Bughaw naman ang mga talukap ng mata.
“Saang perya ka magpupunta at mukha kang payaso?” tanong niya kay Mara habang pinipigilan ang pagtawa.
“Ha? Hindi ba maganda? Nakikita ko kasi ang aking mga kaklase na naglalagay ng palamuti sa mukha kaya sinubukan ko. Masagwa ba?” Nagtatakang tanong ng dalaga.
“Mukha kang payaso,” walang alinlangang sagot ni Daniel
Maiyak-iyak si Marga at padabog na bumalik sa silid upang burahin ang inilagay sa mukha. Nagulat ang binatilyo sa inasta ni Mara at napagtantong nagdamdam ang kababata sa kaniya.
Wala silang imikan habang papunta sa kanilang silid sa paaralan. Hindi siya nito kinakausap maging noong tanghalian. Lagi silang sabay kung kumain subalit noong araw na yaon ay hindi siya nito hinintay. Ramdam niya ang pagtatampo nito.
Ayaw niyang hindi siya kinakausap ni Mara. Hindi siya sanay. Masungit man siya sa kababata ay pinapahalagahan niya ito ng higit pa sa kapatid. Sinubukan niyang kausapin si Mara ng matapos ang tanghalian subalit bigo siyang makakuha ng sagot mula rito. Bagama’t hindi sila nag-uusap ay sabay pa din silang naglakad pauwi sa kani-kanilang tahanan.
Nakauwi na sila pero hindi pa rin siya kinibo ni Margaret. Mag-a-alas-dyes na ng gabi ng hindi pa rin makatulog ang binatilyo. Hindi siya mapakali sa isiping nagtatampo ang kaniyang kababata.
Nagdesisyon itong puntahan ang kababata. “Ma, punta lang po ako kina Mara may itatanong lang ako tungkol sa aming takdang-aralin,” magalang na paalam niya sa ina.
“Ha? masyado ng gabi. Hindi ba pwedeng ipagpabukas iyan?” nagaalalang tanong ng kaniyang ina.
“Saglit lang po, ‘ma at hindi rin po ito pwedeng ipagpabukas pa.”
“Oh, siya sige pero mag iingat ka,” napipilitang pagpayag ng ina.
Lakad-takbo ang ginawa ng binatilyo makarating lang agad sa bahay ni Margaret. Nag-aalala siya na baka hindi niya datnang gising ang kababata.
“Tao po.” Pagtawag niya ng makarating siya sa tahanan nila Mara. Laking pasasalamat niya ng pagbuksan siya ng pinto ng ama ni Mara. “Tito, gising pa po ba si Mara?” tanong niya sa ama ni Mara sabay pag mano na rin. “Aba’y gising pa at nagkukulong sa kaniyang silid,” sagot ng ama. “Mukhang may sumpong,” habol na bulong pa nito. “Nag-away kayo, ‘no?” Napakamot ng ulo ang binatilyo at ‘di makatingin ng deretso sa ama ng kababata.
“Kayo talagang dalawa, daig niyo pa ang magkasintahan kung magtampuhan. Puntahan mo na sa kaniyang silid at marahil ay ‘di rin iyon makatulog dahil sa tampuhan ninyong dalawa.”
Mabilis na nagtungo ang binatilyo sa silid ng kababata. “Mara?” mahinahon niyang pagtawag sabay ng pagkatok niya.
Napabalikwas si Mara sa kaniyang pagkakahiga. Tila narinig niya ang tinig ni Daniel. Pinakinggan pa niya ito ng mabuti at baka guni-guni lamang niya ito.
“Mara…” minsan pang dinig niya. Hindi siya maaaring magkamali. Tinig ito ni Daniel. Mabilis niyang binuksan ang pinto at nakitang nakatayo doon ang tila nahihiyang binatilyo. “Hindi mo ba ako papapasukin?” tanong nito.
Nanumbalik ang pagtatampo niya sa kababata. Inirapan niya ito subalit hindi niya pinagsarhan ng pinto. Hinayaan niya itong pumasok sa loob ng kaniyang silid. Ganito naman sila lagi eh. Kapag may ‘di pagkakaunawaan ay laging ang binatilyo ang pumupunta sa kaniya at makikipag-kasundo.
Kahit na lihim niyang minamahal ang binatilyo ay hindi siya ang unang gumagawa ng paraan upang lumapit o makipagkasundo. Babaeng-babae siya at para sa kaniya ay lalaki dapat ang gumagawa ng unang hakbang. “Paumanhin sa pagtawa ko kanina,” rinig niyang winika ng kababata.
Makikipagkasundo na sana siya sa binatilyo subalit paglingon niya ay nakita na naman niya ang natatawang ekspresyon ng binata. Namula ang pisngi niya sa galit at pabiglang sinuntok ang binatilyo sa dibdib.
Natatawang sinalag naman ito ni Daniel. “Tama na Mara,” sabi ni Daniel habang pilit iniiwasan ang mga mahihinang suntok ni Mara. Natatawa pa rin ang lalaki.
Nabigla si Margaret ng hinawakan ni Daniel ang kaniyang mga kamay at matiim siyang tinitigan nito. Biglang naging seryoso ang ekspresyon nito na siyang nagpakaba sa dalaga. Alam ng binatilyo ang nararamdaman ng dalaga para sa kaniya subalit hindi niya ito pinagtutuunan ng pansin dahil mga bata pa sila. Isa pa ay pangarap pa niyang magpunta ng Prague. Subalit sa oras na ito ay alam niyang iyon lamang ang solusyon upang kumalma ang dalagitang kababata. Tinitigan niya ito ng mataimtim at sinabi ang mga gusto niyang sabihin.
“ Mara, maganda ka na. Hindi mo na kailangan pa ng kung ano mang kolorete sa mukha. Higit ang iyong ganda kapag simple ang iyong ayos,” malambing na wika niya sa dalagita. Tama ang kaniyang hinala. Biglang huminahon si Mara at pumula ang mukha.
Gustong-gusto niya kapag nahihiya si Mara. Lalo itong gumaganda kapag namumula. Magiliw niya itong pinagmasdan. Bigla siya tinalikuran ng dalaga at sinabing hindi pa din ito makikipagkasundo sa kaniya.
“Hindi kita ililibre ng ice cream bukas, sige ka,” nangingiting panakot niya sa kababata. Tila naman batang sinamaan siya ng tingin ng dalaga. “Ice cream lang pala katapat mo, eh,” natatawang wika niya.
Natawa na din si Margaret at di kalaunan ay narinig na ng mga magulang ni Margaret ang halakhak ng matalik na magkaibigan. Nagkatinginan ang mag-asawa at sabay na natatawang napailing.
“Umuwi ka na, Dan-dan.” Taboy ni Margaret sa kaibigan.
“Hindi nga sabi Dan-dan. Para naman akong bata niyan eh,” sagot ng binata.
”Gusto mo bang mag-away tayo ulit?” Tanong ng dalagita
Napakamot na lang ng ulo ang binatilyo dahil alam niyang wala din naman siyang magagawa. Maghahating gabi na ng umuwi si Daniel dahil tinuruan din niya si Margaret sa kanilang mga takdang-aralin na ipapasa bukas. Hinatid siya ng ama ng kababata.
Pagpasok sa kaniyang silid ay hindi muna agad nakatulog ang binatilyo. Nasa isipan pa rin niya ang maamong mukha ni Mara. Hindi niya ikakaila na bumilis ang t***k ng kaniyang puso ng hawakan niya ang mga malalambot na kamay nito.
Mabilis niyang inalis sa isipan ang ideyang baka nahuhulog na ang loob niya sa dalagita. Masyado pa silang bata para sa mga ganoong bagay. Isa pa ay may mga pangarap pa silang nais na tuparin. Pumasok sa isipan ng binatilyo ang Prague.
Simula pa noon ay pangarap na niyang magpunta roon. Hindi maipaliwanag ng binatilyo ang atraksyong nararamdaman para sa maliit na siyudad na iyon. Basta ang alam niya ay matindi ang pagnanais niyang makapunta doon.
Lihim siyang nag-iipon para matupad ang kaniyang mga pangarap. Sinisikap niyang manguna sa klase at ipagpatuloy ang pag-aaral sa Prague. Nakatulog ang binata habang nasa isip ang Prague.