Chapter Three: Margaret's Crush

1288 Words
Magtatapos ngayong araw ang magkababata. Ito ang araw na matagal ng hinihintay ni Daniel. Hiniling niya sa kaniyang mga magulang na pag-aralin siya ng kolehiyo sa Prague. Batid ng mga magulang ang kaniyang matinding pagnanais na mapuntahan ang naturang siyudad. Nangangamba man ay pinili nilang pagkatiwalaan ang binatilyo. Naibili na siya ng ticket papunta doon at iisang tao na lamang ang kailangan niyang sabihan ng kaniyang pag-alis. Batid na ng lahat na aalis na siya pagkatapos na pagkatapos ng seremonya ng kanilang pagtatapos ng sekondarya. Tanging si Margaret na lamang ang hindi pa niya nasasabihan. Paniguradong magtatampo ang kababata kapag nalaman na bukas na ang kanilang alis. Pinili niyang ilihim muna ito sa dalagita sapagkat ayaw niyang malungkot ito at makaapekto pa sa magiging resulta ng kanilang huling mga pagsusulit.. Iniiwasan din niyang malungkot ang kababata sa araw ng kanilang pagtatapos. “Binabati kita, Dan-dan!” Magiliw na bati ni Margaret kay Daniel. Nilingon ng binatilyo ang kababata at mahigpit na niyakap. ”Binabati din kita, Mara. Nagagalak akong makitang nairaos mo ang ating pag-aaral sa sekondarya kahit na lagi kang huling magising sa umaga,” humahalakhak na pang-aasar ni Daniel sa dalagita. “Naku, kung hindi sa akin ay ‘di magiging makulay ang iyong panahon sa high school,” wika namn ni Margaret na siya namang tunay. Sa loob-loob ng binatilyo ay kaniyang inamin na kung hindi dahil sa kababata ay malamang na matagal na niyang nilisan ang paaralang iyon. Matapos ang seremonya ng pagtatapos ay nagpasya ang pamilya niya at pamilya ni Mara na kumain sa isang magarbong restaurant bilang selebrasyon para sa magkababata. Ito na rin ang magsisilbing padespedida nila kay Daniel. Masayang naghahapunan ang lahat ng biglang magsalita ang ama ni Mara. “Para sa dalawang makulit na magkababata, nawa’y pagpasensyahan ninyo ang aking munting regalo.” Sabay abot sa dalawang pulseras na may initial ng kanilang pangalan. “Salamat, Tito,” malugod na sambit ni Daniel. Nagpasalamat din si Mara sabay halik sa kaniyang ama. “Heto naman Marga ang regalo namin sa iyo. Sana ay magustuhan mo,” wika ng ina ni Daniel. Isa itong bestida na napakaganda. Subalit medyo malaki pa ito sa dalaga. Nagtataka man dahil sa maling sukat ay buong puso pa ring nagpasalamat si Mara sa mga magulang ng kababata. “Marahil ay nagtataka ka dahil malaki ang binili naming bestida para sa iyo, iyan talaga ang aming pinili dahil gusto namin na iyan ang isuot mo sa araw ng iyong pagtatapos sa kolehiyo. Hindi man namin makikita ay alam naming magiging bahagi pa rin kami ng isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay mo. Ipangako mo iha na ikaw ay magtatapos ng kolehiyo ha?” malambing na saad ng ginang. “Hala? Si Tita, para namang kayo ay aalis at matagal tayong hindi magkikita,” nagtatakang wika ni Mara. Nagkatinginan ang lahat at sabay-sabay na tumingin sa binatilyo. “Mara, aalis na kami bukas papuntang Prague,” pag-bibigay alam niya sa kababata. Gulat na napatingin ang dalagita kay Daniel. “Ha? Hindi magandang biro iyan Daniel. Sabihin mong nagbibiro ka lamang,” nanghihinang pahayag ni Mara. Alam ni Daniel kapag nagagalit si Mara. Buo kung sambitin nito ang kaniyang pangalan. “Hindi ba at sabay tayong magkokolehiyo rito?” naguguluhan pa rin si Mara. “Hija, nagpasiya kami na mas magandang doon na lamang ituloy ni Daniel ang kaniyang pag aaral sa Prague,” saad ng ama ni Daniel. Kasabay ng pagpatak ng luha ng dalagita ay ang pagtakbo nito palabas ng kinakainang restaurant. Napatayo ang lahat. “Susundan ko po siya,” wika ni Daniel at mabilis na sinundan ang kababata. “Susunod din ako,” wika ng ama ng dalagita subalit pinigilan ito ng kaniyang asawa. “Hayaan mong ang dalawa ang mag-usap. Hindi naman papabayaan ni Daniel ang anak mo, Mahal. Sadyang nagulat lamang si Marga at alam nating si Daniel lamang ang makakapagpahupa ng galit o tampo ng ating dalaga,” paliwanag ng Ina ni Mara na sinang-ayunan namn ng mga magulang ni Daniel.  Pilit na hinanap ni Daniel ang kababata. Madilim na sa labas subalit laking pasalamat niya dahil liwanag ng buwan. Nagsilbi itong ilaw sa kaniyang dinadaanan. Hinahanap niya ang kababata sa paligid malapit sa kinakainan subalit hindi niya ito nakita. Iisa na lamang na lugar ang hindi niya napupuntahan. Sa ilog. Tama nga siya. Naroon ang kababata. Nakaupo malapit sa may ilog. Nasisinagan ng liwanag ng buwan ang mukha ng dalagita. Saglit na natulala si Daniel. Batid niya ang kagandahan ng kababata na ngayon ay kaniyang pinagmamasdan. May kung anong kirot sa puso niya ng maisip na maiiwan niya dito ang kababata. Dahan-dahan niyang nilapitan ang dalaga. Tahimik siyang umupo sa tabi nito. “Ang ganda, ano?” panimula niya. Hindi sumagot si Marga. Inaasahan na ito ng binatilyo. Kilala na niya si Mara mula ulo hanggang paa. Kapag nagtatampo ito ay hindi mo ito makakausap. “Magkikita pa naman tayo, eh.” Sinimulan na ng binatilyo ang pagpapaliwanag sa dalaga. Alam niyang nakikinig ito. “Ang pagpunta ko sa Prague ay para sa aking mga pangarap. Ito ang magpapasaya sa akin sa ngayon. Subalit nais kong sabihin sa iyo, Mara na hindi ito ang magiging huli nating pagkikita. Lalayo ako oo pero mananatili akong nasa tabi mo habang-buhay. Isa pa ay apat na taon lamang ako doon. Tatapusin ko lamang ang aking kolehiyo kasabay ng pagtupad ko sa matagal ko ng pangarap na makarating sa Prague.” Mahabang paliwanag ng binatilyo. ”Subalit malalayo ka pa rin sa akin,” narinig niyang wika ng kababata. “Oo, pisikal na malalayo pero alam kong alam mo na hindi ako mawawala sa iyo. Ito ay pansamantalang paglayo lamang dahil sa pangarap. Babalik ako o kung hindi man ako makabalik ay kukunin kita at ipapasyal sa Prague,” nakangiting wika ng binatilyo habang nakatitig ng taimtim sa dalaga. Malambing niyang ginulo ang buhok nito. “Sana ay maintindihan mo, Mara na ito ang magpapasaya sa akin at hindi magiging buo ang aking kasiyahan kung alam kong iiwanan kita ng naghihinanakit sa akin. Nais kong umalis ng suportado ng aking kababata ang aking desisyon,” wika niya. Saglit na namayani ang katahimikan sa dalawa. “Ipangako mong magiging matagumpay ka doon,” malungkot pa ring sambit ni Mara. Niyakap siya ng kababata. Nagulat man si Daniel sa pagyakap sa kaniya ni Mara ay hinayaan na lamang niya ito. Nais din naman niyang yakapin ang kababata. “Ipangako mong magtatagumpay ka at ipapasyal mo ako sa Prague kapag nakapagtapos ako ng kolehiyo. Ikaw lamang ang nag-iisa kong matalik na kaibigan at masakit man sa akin na ikaw ay lalayo, malugod ko itong tatanggapin dahil alam kong ito ang magpapasaya sa iyo,” naluluhang pahayag ni Mara. “Salamat, Mara. At oo, ipinapangako ko na magtatagumpay ako. Ipapasyal din kita sa Prague balang araw,” sinserong sabi ni Daniel. “Nasaan ang pulseras na bigay ni Tatay sa iyo?” Biglang tanong ni Mara kay Daniel. Inilabas naman ng binatilyo ang pulseras mula sa bulsa at inabot kay Mara. Kinuha ito ni Mara at ipinalit ang pulseras niya. “Palit tayo,” wika ni Mara. “Sayo ang letter M at sa akin ang letter D. Dapat isuot mo ito palagi. Kapag may nagtanong sa iyo kung bakit letrang M at hindi D, nais kong sabihin mong pag-aari ito ng taong nagmamahal sa akin at ito namang pulseras na may letrang D ang palagi kong isusuot. Magsisilbi itong ala-ala sa taong minamahal ko simula pa noon. Ito din ang magiging tagapag-alala ko ng pangako mong pagpasyal sa akin sa Prague,” mahaba at matapang na pahayag ng dalagita. Namula ang pisngi ni Daniel. “Batid kong batid mo Dan na minamahal kita.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD