SUMAPIT ang araw ng huwebes. Ang araw na ito ang magiging huling araw ng kanilang pasok ngayong linggo. Bukas kasi ay pula ang kulay ng petsa sa kalendaryo. Ibig sabihin niyon ay national holiday kaya walang pasok.
Dating gawi ay maagang gumising si Alexandra. Pagkatapos niyang mag-almusal ay nagbihis na siya sa kaniyang kwarto. At habang gumagayak siya ay may kumatok sa pintuan ng kaniyang silid.
""Pasok lang ho... Bukas po 'yan!"" pasigaw niyang tugon pero puno ng paggalang.
Bumukas ang pinto at si Aling Noela ang pumasok.
""Narito ang sapatos mo, iha. Pinalinisan ko na."" Inilapag sa sahig ni Aling Noela ang kaniyang black school schoes. Pinapunasan niya iyon kasi may konting alikabok.
""Maraming salamat po. How do I look po pala?"" Umikot-ikot si Alexandra sa harapan ni Aling Noela.
""Isa kang napakagandang bata, Alexandra. Ang kinis-kinis ng balat mo, matangos ang ilong, maganda ang mga mata at mapupula ang labi. Kahit anong ayos at saang anggulo tingnan nakakatawag ng pansin sa mga tao. Dagdagan pa ng kabaitan mong mas pinaganda ka."" Puno ng pagpupuri ni Aling Noela.
""Huwag lang po ngumiti, ano? Panira kasi ang alambre sa ngipin,"" singit niya.
Simula kasi nang mapansin ni Lawrence ang braces niya ay pakiramdam niya ang pangit-pangit niya dahil doon. Tumingin nga siya sa salamin at tiningnan ang repleksyon habang nakangiti.
""Okay lang 'yan, iha. Sa oras na pumantay ang mga ngipin mo, mawawala rin iyan,"" ani Aling Noela.
""Kaya nga po. Tiis lang po muna ako,"" aniya.
""Tama, iha. Oh siya, labas lang muna ako. Tawagin mo na lang ako kapag paalis ka na,"" bilin ni Aling Noela bago lumabas sa kaniyang silid.
Nang wala na si Aling Noela ay sinuot niya ang kaniyang medyas at itim na school shoes. Pagkatapos ay tumayo siya at tiningnan ang sarili sa salamin.
Suot ni Alexandra ngayon ay palda na navy blue na siyang school uniform nila. Ang pang-itaas ay puting t-shirt na "students government" uniform nila. Ang t-shirt ay may imprintang logo ng kanilang eskwelahan sa harap at sa bandang likod ay ang kanilang posisyon. Secretary ang napanalunang posisyon ni Alexandra at iyon ang nakaimprinta sa kaniyang likuran.
Tuwing huwebes nila suot ang t-shirt na iyon at kapag may meeting sila. Dahil naka-t-shirt si Alexandra ay may kinapa siya sa bandang leeg. Kwintas iyon na lagi niyang suot-suot. Hindi iyon nakikita kapag naka-uniform siya. Subalit ngayong t-shirt ang suot niyang pang-itaas ay nilabas niya iyon.
Ang nasabing kwintas ay binigay ng kaniyang Mommy Kathy sa kaniya. Regalo iyon ng Daddy Dylan niya kay Mommy Kathy niya na sa huli ay ipinasa na sa kaniya. Maraming taon na iningatan iyon ng mommy niya kaya't mas iniingatan niya nang mapasa-kamay.
Ang kwintas ay may dalawang pendant na "K" at "A" initials, stands for Katrina Angela. Ganoon din ang initials ni Alexandra dahil Katerina Alexandra ang kaniyang pangalan. Dahil doon ay tuluyang binigay sa kaniya ng Mommy Kathy niya ang kwintas na kasama ang mahigpit nitong bilin na iingatan niya at hindi iwawala.
Bago lumabas si Alexandra sa kaniyang silid ay isang sulyap pa sa salamin ang kaniyang ginawa. Sinuklay pa niya ulit ang kaniyang mahabang buhok na nakalugay at nilagyan niya ng kulay pink na headband.
""Alis na po ako!"" paalam niya bago umalis.
""Ingat ka sa school, Alexandra!"" wika ni Aling Noela. ""Bukas yata uuwi dito sina Mommy at Daddy mo. Apat sila kasi kasama si Ate Jean at Xander.""
""Talaga po?"" Kumislap ang mga mata ni Alexandra sa tuwa. Nang malamang kasama si Ate Jean niya ay tila hindi na siya makapaghintay na mag-umaga.
""Yes, iha. Sige umalis ka na at baka ma-late ka pa sa klase.""
Masayang umalis ng bahay si Alexandra. Subalit napalitan iyon ng lungkot pagdating niya sa kanilang classroom. Nalaman niyang nagpadala sa isang kaklase ng excuse letter si Sabrina. Hindi raw ito makakapasok dahil magpapabunot ng ngipin sa bayan.
Mag-isa pala siya ngayong araw. Mas nakakalungkot pa dahil sa lunes pa sila magkikitang muli. Tatlong araw pa ang kaniyang papalipasin. Pwede naman sana niya itong puntahan kaso darating bukas ang magulang niya at paniguradong hindi siya palalabasin ng Rancho Villaruiz.
Napakagat-labi na lamang si Alexandra. Nalungkot man pero naupo na lang siya nang maayos. Papunta na kasi sa harapan ang kanilang guro na si Ma'am Castro.
Matiwasay na nagsimula ang kanilang klase at nang bandang alas nuwebe ay pwede na silang lumabas ng classroom. Oras na ng kanilang recess at dahil absent si Sabrina ay mag-isa siyang pupunta ngayon ng canteen.
Dala ang buong isandaang pera na nasa bulsa ng palda ay pumunta ng canteen si Alexandra. Tinahak niya ang footwalk upang marating iyon. At habang papalapit ay sinisilip niya kung may tinda bang kwek-kwek at fried siomai sa canteen. Iyon lang naman kasi ang palagi niyang binibili na pinaparesan niya ng s**o't gulaman na inumin. Paboritong niya itong kainin tuwing recess.
""Yes, may kwek-kwek!"" Sa kaloob-looban niya.
Mabilis siyang pumila kasabay ang ibang mga estudyante para bumili.
""Magandang araw, Alexandra! Ano ang bibilhin mo?"" anang tindera sa canteen.
""Magandang umaga rin po..."" nakangiti niyang tugon. ""Pabili nga po ng dalawang kwek-kwek tapos po apat na fried siomai.""
""Ay, walang fried siomai ngayon, Alexandra. Steamed chicken siomai lang ang mayroon kami,"" wika ng tindera.
""Iyon na lang po... Saka dagdag po ako ng s**o't gulaman.""
Matapos maibigay kay Alexandra ang mga pinamili at sukli ay umalis na siya sa pila upang bigyang daan ang ibang estudyanteng gusto ring bumili.
Pabalik na si Alexandra sa kanilang classroom. Subalit napahinto siya sa paglalakad nang madaanan niya si Lawrence kasama ang grupo nito. Nakaupo ang mga ito sa mga sementadong bench na hindi kalayuan sa canteen. Nagri-recess na rin ang mga ito dahil may nakikita siyang bote ng softdrinks.
""Hi, Madam Secretary!"" bait-baitang sambit ni Lawrence sa kaniya.
""Ano na naman, Lawrence?"" masungit niyang asta rito.
""Amin na lang ang siomai mo."" Hinihingi ni Lawrence ang dala niyang apat na siomai na nakalagay sa maliit na paper plate.
Dahil likas na mabait si Alexandra ay naisipan niyang ibigay kay Lawrence ang hawak na siomai. Tutal, maayos naman na hiningi ni Lawrence iyon kaya maayos niya ring ibibigay. Bibili na lang siya ulit sa canteen.
""Kainin niyo, ha. Huwag niyong itapon!"" aniya.