KINUHA ni Lawrence ang siomai at binigay sa mga barkada nito. Dasal ni Alexandra na senyales na ito na magkakamabutihan silang dalawa ni Lawrence. Sana sa pamamagitan ng siomai ay mag-iba ang ihip ng hangin.
""'Yan ang gusto namin sa'yo. Apakabait mo talaga, Alexandra. Manang-mana ka sa tatay mo, 'no? Mahilig magbigay ng kung ano-ano sa barangay na 'to. Balita nga namin ay magdo-donate na naman iyon ng multi-purpose building sa school na ito at tiyak dagdag na naman iyan sa grades mo."" Ang sabi ni Lawrence na ikinataas niya ng kilay.
""Excuse me! Walang kinalaman ang tatay ko sa mga grades ko! Alam ninyong mga classmates ko na pinaghirapan ko iyon lahat!"" madiin niyang sabi.
""Opss! Hindi kami sure kung pinaghihirapan mo ba talaga! Malay namin... Baka ang donasyon, dagdag puntos 'yon..."" ngising wika ni Lawrence.
Natahimik si Alexandra. Nagsasabi siya ng totoo. Lahat ng grades niya ay pinaghirapan niya iyon simula sa unang araw na tumapak siya sa eskwelahang ito.
""Guy's, natahimik! Malamang totoo,"" dagdag pang sabi ni Lawrence.
""Hindi totoo iyon! Walang kinalaman ang daddy ko o pera sa matataas na grades ko. Itanong pa natin kay Ma'am Castro!"" sigaw niya.
Hinarap siya ni Lawrence. ""Wee? So, kung hindi ang tatay mo... sino? Nanay mo? Ahhh, baka nga nanay mo. Ka-close pa naman ng nanay mo ang halos ng guro rito at balita namin dating teacher iyon dito. Oh my god! Baka nagpasipsip siya para maging Top 1 ka!""
""How dare you, Lawrence!"" galit niyang sabi.
""Sipsip! Sipsip! Yuck! Naging Top 1 ka dahil magaling ang nanay mo! Magaling sa pagiging sipsip!"" Dumila-dila pa itong si Lawrence sa kaniya.
Kinagat ni Alexandra ang kaniyang pang-ibabang labi sa inis. Hindi pa rin tumitigil si Lawrence at sa puntong ito ay hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili. Tuluyang naubos ang pasensiya niya at sumabog ang kaniyang galit.
Binato ni Alexandra si Lawrence ng hawak niyang s**o't gulaman. Tumama iyon sa bandang tiyan ni Lawrence at nabasa ang uniform nito.
""At talagang lalaban ka, ha?!"" Inambahan siya ng suntok ni Lawrence.
Binato muli ni Alexandra si Lawrence. Sa pagkakataong ito ay ang hawak naman niyang kwek-kwek at tumama iyon sa mukha ni Lawrence.
""Bwes*t ka! Nanay mo sipsip! Sana mamatay sila at tingnan lang natin kung magiging Top 1 ka pa kung wala na sila!"" galit na galit si Lawrence.
Kung galit si Lawrence, mas galit si Alexandra.
""Ulitin mo nga sinabi mo?!"" sigaw niya rito.
""Sana mamatay na ang nanay at tata—""
Hindi na natapos pa ni Lawrence ang sasabihin dahil biglang sinakmal ni Alexandra ang buhok nito. Sinabunutan niya ito ng napakalakas. Tatanggalan niya talaga ito ng buhok sa anit.
""G*go ka! Matitiis ko ang pambabastos mo sa akin pero ibang usapan kapag dinadamay na ang magulang ko!"" galit na galit niyang sigaw.
Naitulak siya ni Lawrence at akmang susuntukin siya nito. Subalit inunahan na niya ito at itinulak niya ng malakas.
""Alexandra!""
Nabalot ng takot si Alexandra nang makita kung sino ang sumigaw ng pangalan niya.
""D-Daddy?"" Nanginig siya sa takot.
Bakas sa mukha ng ama niya ang galit habang nakatingin sa kaniya. Mas tumindi ang takot ni Alexandra nang makitang nanghihilamos na ng dugo si Lawrence. Tumama ang noo nito sa sementadong bench dahil sa pagtulak niya.
Sa dami ng estudyanteng naroon sa parteng iyon, wala man lang may nangahas na pumagitna sa kanila. Nakita pa nga niya kaninang natutuwa ang mga ito sa nasaksihang rambulan nilang dalawa ni Lawrence.
Kasama ng ama niya ang principal ng paaralang iyon at nagsisigaw ito nang makitang may duguang estudyante.
""D-Dad, I-I can e-explain..."" Naiiyak na si Alexandra.
""Uwi, Alexandra! Now!"" galit na boses ni Dylan.
Malakas ang iyak ni Alexandra na bumalik sa kaniyang classroom.
""Anong nangyari sa'yo, Alexandra?"" usisa ng kaklase niyang si Irish.
Patuloy lang sa pag-iyak si Alexandra at hindi sumagot. Kinuha niya ang kaniyang bag at lumabas. Uuwi na lang siya dahil iyon ang utos ng daddy niya.
Dere-deretso siya at sa kaniyang paglabas ng gate ay nakita niya ang kaniyang Daddy Dylan kasama si Kapitan Renz. Naroon din ang kaniyang adviser na si Ma'am Castro at iba pang mga guro. May rescue vehicle na rin doon. Saka may mga taong nakikiusyuso sa nangyari at lahat ay nakatuon sa kaniya ang tingin paglabas niya sa gate.
Maya-maya pa ay sumakay na si Kapitan Renz sa rescue vehicle ng kanilang barangay. Paniguradong isusugod si Lawrence sa hospital.
""Sakay!"" galit na boses ng daddy niya.
Pinasakay si Alexandra sa sasakyan. Natakot man sumakay na lang siya. Sa mukha ng daddy niya ay lagot talaga siya pagdating sa bahay.
""Daddy, I'm sorry! Siya naman talaga ang nanguna. Kilala niyo po ako hindi ako nang-aaway,""umiiyak niyang saad.
""Nakita ng mga mata ko kung paano mo itinulak ang anak ni Kapitan Renz, Alexandra! And regardless kung sino sa inyo ang nang-una, gumawa ka pa rin ng hindi ko nagustuhan! Alam mo na ang kasunduan natin!"" galit na galit si Dylan sa kaniya.
""D-Daddy... p-please..."" pagmamakaawa ni Alexandra. ""Binigay ko ang siomai na iyon sa kaniya kasi akala ko magkakasundo kami. Kung alam ko lang na magpapalala lang, umiwas na lang sana ako. Hindi lang ako nakapagtimpi, daddy! I'm so sorry!""
Todo makaawa si Alexandra hanggang sa makarating sila sa bahay. Wala siyang ideya kung bakit nandito ngayon ang ama niya sa Rancho Villaruiz. Ang alam niya kasi bukas pa ito pupunta rito kasama ang Mommy Kathy niya at si Xander. Saka ang Ate Jean na hinihintay niya.
""Pack all your things, Alexandra!"" maawtoridad na wika ng kaniyang ama.
""D-Daddy, please... Isang chance pa po, d-dad."" Lumuhod na si Alexandra sa harapan ng ama. Umiiyak na nagmamakaawa.
""S-Sir, ano po ang nangyari?"" Si Aling Noela na napasugod.
""Pakitulungan si Alexandra na mag-impake ng mga gamit niya. Uuwi kami ng Maynila ngayon."" Pinal na talaga ang desisyon ni Dylan. Mistulang bingi ito sa pagmamakaawa ni Alexandra.
""H-Ha? Bakit, sir?"" Naguluhan si Aling Noela.
Habang kinukwento ni Dylan kay Aling Noela ang nangyari ay umiiyak na umakyat ng kwarto si Alexandra. Agad niyang kinuha ang kaniyang cellphone na iniiwan niyang tuwing may pasok. Tatawagan niya ang kaniyang Mommy Kathy dahil baka pwede pang matulungan siya nito na pabaguhin ang gustong mangyari ng kaniyang ama.
""Sino ang tatawagan mo? Mommy mo? Huwag na, Alexandra! Wala siyang magagawa sa gusto ko!"" Ang Daddy Dylan niyang sumunod sa kaniyang kwarto.
Dinala ni Dylan ang dalawang malaking maleta niya at nagsimula na itong kumuha ng kaniyang mga damit. Ito na mismo ang nag-impake ng mga gamit niya katuwang si Aling Noela.
""D-Daddy, tapusin ko na lang elementary ko rito. Kapag mag-high school na lang ako uuwi ng Maynila. Please po...""
Umiling pa rin si Dylan. Buo na ang pasya nitong dalhin na siya sa Maynila.