Eighteenth Birthday - 1/3
Araw ng Biyernes, nagising ako nang may ngiti sa aking labi at maganda ang gising ko ngayong umaga. Tumingin ako sa bintana malapit sa aking kama. Bumangon ako para hawiin ang mga kurtina.
Bumungad sa'kin ang napakagandang alapaap at maaliwalas na kapaligiran. Nang buksan ko ang bintana, naramdaman ko naman ang malamig na simoy ng hangin. Ngumiti ako't nakapikit itong dinamdam.
Isang napakagandang araw para sa'kin.
"Eliz, good morning! Happy Birthday!"
Minulat ko ang aking mga mata nang marinig si Esmeralda. Lumingon ako at ngumiti sa kanya.
"Thank you!" saad ko.
"Mukhang maganda ang gising natin ngayon, ah!" saad ng aking kaibigan.
Tuluyan na siyang pumasok sa aking kwarto. Inayos niya ang kama ko, at tinulungan ko naman siya.
"Aba, syempre! Birthday ko eh. At saka, 18 na ako! Ibig sabihin, mas marami na akong pwedeng gawin nang malaya!" saad ko kay Esme. Tumawa naman siya.
"Uh-uh, hindi ka nakasisiguro d'yan mahal na prinsesa. Nako, kung tratuhin ka pa nila ay para ka pa ring isang sanggol," saad niya sa'kin.
Ako naman ay napatigil dahil sa sinabi niya sa'kin. Muli akong tumingin sa may bintana.
"Pero Esme, 18 na ako. Ibig sabihin, legal. Baka pwede na, kapag gan'on," pagpupumilit ko sa kanya.
"Pwedeng ano?" tanong niya.
Pwedeng gumala nang mag-isa at malayo, at yung mga bagay na gusto ko nang gawin nang hindi nagpapaalam o humihingi ng permiso. paliwanag ko. Bumuntong-hininga siya.
"Oh sya, sige ikaw ang bahala," saad ni Esme. Natapos na ang kanyang pag-aayos.
Si Esmeralda ay personal kong katulong, ngunit siya'y aking matalik na kaibigan din. Nanilbihan siya sa'min noong bata pa lang siya, at nanilbihan sa'kin simula n'ong nag-14 ako. Mas matanda siya sa'kin nang halos 2 years. Wala namang kaso sa'min pareho ang malaki naming pagkakaiba, dahil pareho naman naming pinagbibigyan ang isa't-isa. Parehas kaming nagtutulungan at nagkakasundo sa iba't-ibang bagay. Kaya naman, nagtagal kami bilang magkaibigan.
"Oo nga pala, nakapag-ayos ka na ba? Nakapaghilamos? Kakain ka na agad dahil maya-maya lang ay aayusan ka na ng mga make up artists at mga stylists. Narinig ko na paparating na raw ang mga iyon," saad niya sa'kin. Napasinghap ako.
"Talaga? Nako, kailangan ko na ngang maghanda Esme. Saglit at maghihilamos lang ako," paalam ko saka dumiretso sa aking CR.
Nang matapos ay sabay kaming bumaba ni Esmeralda upang tumungo sa hapag-kainan. Dire-diretso akong tumungo sa kaliwa, at napagmasdan ang hallway palabas ng aming mansyon. Nagtaka ako bigla dahil nalimutan ko kung saan ako tutungo.
"Elizabeth? Saan ka pupunta?" tanong sa'kin ni Esme. Lumingon ako sa kanya at nakita kong nagtataka rin siya.
"Dito ang bandang kusina't hapag-kainan. Halika na!" saad niya. Tahimik naman akong sumunod sa kanya.
Nang makarating sa may kusina ay sumalubong ang mga katulong na naghahanda ng pagkain.
"Magandang umaga po sainyo!" masigla kong bati.
"Happy birthday, Elizabeth!"
"Maligayang Kaarawan, hija."
"Happy birthday! Nako, dalaga ka na talaga!"
bati sa akin ng ilang mga katulong. Ngumiti ako. Labis akong nasisiyahan sakanilang pagbati.
"Thank you po, sa greetings niyong lahat!" saad ko. Nagpatuloy naman ang lahat sa kanya-kanyang gawain.
"Hija, nagugutom ka na ba? Oh sya, umupo ka na riyan para ihanda na namin ang iyong pagkain," saad ni Manang Estelita.
Si Manang Estelita ang ina ni Esmeralda. Siya ang dating nag-aalaga sa'kin simula noong sanggol pa lang ako. Para ko na rin siyang ina dahil simula pa lang ay nakasama ko na siya.
Umupo na ako sa aking upuan at nagtaka kung bakit ako lang ang nandito sa hapag-kainan.
"Esme, nasaan sina Mamá at Papá, pati si Eleanor?" tanong ko kay Esme na nakaupo sa gilid, malapit sa kusina.
"Ah, ang iyong Mamá ay busy sa paghahanda ng debut mo. Hindi ko alam kung saan siya pumunta. Ang iyong Papá naman, hindi ko rin alam kung saan pumunta. Sobrang aga niyang umalis, marahil ay nasa Munisipyo. Si Eleanor naman ay tulog pa rin," paliwanag niya. Tumango na lamang ako.
Madalas na hindi kami nagkakasabay sa pag-kain tuwing umagat tanghali. Pero kapag hapunan ay sinisigurado ng aking magulang na kumpleto kami. Sanay naman na ako, pero may parte pa rin sakin na nalulungkot dahil walang kasama.
Mabuti na lang, nandito sila Esme. Mababait at madaling pakisamahan ang mga tao rito sa mansyon at kahit sa hacienda mismo. Marami akong nagiging kaibigan kaya hindi ako nakakaramdam ng pag-iisa.
Tumingin ako kay Esme na mukhang hinihintay ako sa pag-kain.
"Esme, kumain ka na ba? Halika, samahan mo ako," pag-aaya ko sa kanya.
Nong una, mukhang nagdadalawang-isip pa siya kung sasabay siya sakin. Para namang hindi kami magkasabay palaging kumain, oh.
"Hay, sige na nga," saad niya saka umupo sa aking tapat. Sakto naman ang pagdating ni Manang na naglalagay ng mga pagkain sa aming harapan.
"Esme, ba't ka nand'yan? Umalis ka d'yan!" saad ni Manang kay Esme. Agad ko naman itong tinutulan.
"Ako po ang nagpa-upo sa kanya. Okay lang naman po, gusto ko rin ng kasamang kumain," paliwanag ko. Bumuntong-hininga si Manang.
Nagsimula na kaming kumain ni Esmeralda. Kita mo, n'ong una ay nahihiya pa si Esme sa pag-kain. Ngayon ay malapit na naming maubos ang mga nakahain dito.
Nang matapos kumain, pumunta kami sa garden para magpahinga.
"Ang dami nating nakain," saad ni Esme habang hinihimas ang tiyan.
"Oo nga, halatang busog na busog ka, haha," tawa kong saad.
"Ikaw din ba'y nabusog?" tanong niya sa'kin.
"Oo. Ang dami ko ring nakain, at nagkanin pa tayo," saad ko.
"Hala, baka hindi na magkasya ang gown na isusuot mo mamaya!" saad niya sa'kin.
Gown?
"Anong gown? Para saan?" sunod-sunod kong tanong. Kumunot ang kanyang noo.
"Ano ba, Eliz? Lutang ka na naman. Edi gown para sa debut mo!" sagot niya sa aking tanong. Napasinghap ako.
Paano ko nga namang nakalimutan na birthday ko't may debut party na mangyayari mamaya? Hay, napaka-makakalimutan ko talaga.
"Oo nga pala. Nasukat ko na ba iyon? Parang 'di ko maalala kung anong hitsura n'on," saad ko. Napasinghap siya.
"Seryoso ka ba? Parang kahapon mo lang ata 'yun sinukat ah," saad niya.
"Talaga?" tangi kong saad. Pinilit kong alalahanin ang lahat ng nangyari kahapon. Pero para atang akong nahihilo kapag pinilit ko pa.
"Eliz, ayos ka lang?" tanong niya. Napatingin ako sa kanya. Masyado kasi akong busy sa pag-alala.
"Yes, I'm fine," ngiti kong saad sa kanya.