Chapter 3 - Family issues

2014 Words
Ysabella Kapag hindi ako abala sa trabaho ko ay binibisita ko si Dad sa dating bahay namin. Mula kasi nang ma-mild stroked ito three years ago at maoperahan the following year ay hiniling nito na every week ako bumisita rito. Kahit naman naghiwalay ang mga magulang ko ay pinilit ko pa rin na maging bahagi ng buhay nila. Hindi ko naman sila pinipilit na maging bahagi ng buhay ko dahil may iba silang priorities. Nakakalungkot nga lang isipin na kailangan ko pang sumiksik sa buhay nilang dalawa pero wala naman akong magagawa kung hindi tanggapin ang lahat. Ayaw ko rin magtanim ng galit sa kanila dahil magiging miserable lang ang buhay ko tulad noon. Tinanggap ko na lang ang lahat dahil hindi ko na maibabalik at mababago ang mga nangyari noon. Ayaw ko na bumalik sa panahong hinihiling ko na mawala na lang ako. Sa mga panahon na punong puno ako ng galit at hinanakit sa lahat ng tao sa paligid ko. Pero nagpapasalamat ako dahil kay Lola at mga kaibigan ko na hindi ako iniwan mula noon hanggang ngayon. Pinangako ko kay Lola Rosario bago ito mawala na pipilitin kong maging okay at masaya kahit anong mangyari. "Ate Ysa, pinapatanong ni Dad kung on the way ka na po?" bungad na tanong sa akin nang sagutin ko ang tawag ni Israel. Si Israel ang isa sa mga kapatid ko anak siya ni Dad at Christina. Siya ang pinagbubuntis ni Christina noong panahon na nag-aaway ang mga magulang ko at dahilan kaya nakipaghiwalay si Mom. Hindi ko siya sinisisi sa mga nangyari dahil wala naman siya kinalaman sa mga pangyayari. Naging mas malapit pa nga ito sa akin hanggang ngayon. Si Isaac naman ang nakakabata ko pang kapatid kay Dad. Dahil only child ako ng magulang ko kaya sobrang sabik ako sa kapatid kaya naman malapit na malapit ang dalawa sa akin. "Malapit na po ako, bibili lang ako ng gamot ni Dad at prutas. Bakit?" tanong ko at napatingin ako sa relo ko. Pinagsisihan ko ngayon kung bakit ba tumuloy pa ako sa blind date ko kagabi. Sumama lang lalo ang pakiramdam ko dahil sa usok ng sigarilyo sa bar na pinuntahan namin kagabi kaya rin tinanghali ako ng gising. Okay naman si David mabait at gentleman kaso walang effect sa akin. Ilang buwan na ako nakikipag-date at ilang lalaki na rin ang nakilala ko pero wala pa akong nakikilala na talaga nakakakuha ng interest ko. Iyong tipo na isang tingin pa lang ay may kakaiba na o kaya naman ay magiging interesado ako na mas kilalanin siya dahil may kakaiba akong nararamdaman. Hindi naman mataas ang standard ko pero kahit naman paano ay gusto ko makaramdam ng kakaiba. "Wala naman po, Ate. Ingat ka po," paalam nito bago nawala sa kabilang linya. Pagkatapos ko mabili ang mga gamot na kailangan ni Dad ay bumili rin ako ng mga prutas. Ilang sandali lang ay nasa tapat na ako ng bahay namin noon. Sa tuwing pupunta ako sa lugar na 'yon ay iba't ibang emosyon ang nararamdaman ko. Masaya at malungkot na mga alaala ang naiisip ko. Gusto ni Mom na ibenta na ang bahay na 'yon pero ayaw ni Dad. "Ate!" sigaw ni Isaac mula sa gate pagka-baba ko ng sasakyan. Agad nitong binuksan ang gate at patakbong lumapit sa akin. Niyakap ako nito nang mahigpit kaya napangiti naman ako. Sampung taong na ito at halos nasubaybayan ko ang paglaki nito. "Bakit ngayon ka lang, Ate?" tanong nito at kumalas sa pagka-kayakap sa akin. "Pasensya na po Mahal na prinsipe sobrang traffic po kasi," pabiro na sagot ko at kinuha nito ang iba ko pang dala saka kami naglakad papasok sa bahay. "Nasaan si Dad?" tanong ko habang nilalagay ang plastic ng grocery sa ibabaw ng lamesa. "Nasa garden po Ate," sagot nito habang nilalabas ang laman ng plastic. "Ang Kuya Israel mo?" tanong ko at itinuro nito ang kwarto ng mga ito. Ginulo ko muna ang buhok nito saka naglakad ako papunta sa garden. Naabutan kong nagbabasa ito ng libro na binili ko noong nakaraang buwan. Isang Financial Consultant si Dad sa isang malaking company pero retired na ito ngayon. Mabait na tao, mapagmahal at responsable naman si Dad. Lumaki ako na halos wala ito palagi sa tabi ko although nakita ko naman na sinubukan nitong bumawi sa akin kapag may oras ito. Hindi boto ang pamilya ni Mom kay Dad dahilan para magtanan ang dalawa. Galit na galit si Lola dahil malapit na sana magtapos sa pag-aaral si Mom nang sumama ito. Nawala lang ang galit ni Lola nang ipakilala ako ni Mom noong seven years old ako. Masasabi ko na spoiled ako sa Lola ko dahil lahat ng pangangailan at gusto ko ay ibinibigay nito. May mga kamag-anak ako na galit na galit sa akin dahil sa pagiging malapit ko kay Lola. Sobrang naging abala si Dad sa trabaho kasi gusto nito patunayan kay Lola na kaya nitong ibigay ang lahat sa amin. Kaso iyon din ang dahilan kung bakit sila laging nag-aaway at unti-unti nawalan ng pagmamahal sa isa't isa. "Dad!" tawag ko rito. Sinara nito ang libro na hawak nito saka pinatong sa katabing lamesa bago ito lumingon sa akin. Malaki na ang pinagbago ng katawan nito mula nang ma-operahan ito. Kahit na galit ako sa ginawa nito ay hindi ko naman kayang tiisin ito lalo nang humingi ng tulong si Christina sa akin. Hindi ko kayang pabayaan si Dad kahit pa nga ganoon na lang ang pagpipigil sa akin ni Mom. "Kanina ka pa ba?" tanong nito at naiilang na lumapit ako rito para magmano. "Kararating ko lang po. Kumusta po ang pakiramdam mo? Siguro naman po ay sinusunod mo ang mga bilin ng doktor," sabi ko pagka-upo ko at tumawa ito. "Para kang si Tita Tina mo wala nang ginawa kung hindi ang magpa-alala at kumustahin ang nararamdaman ko," natatawa na tugon nito at napabuntong hininga na lang ako. "Natanggap mo?" tanong nito at alam ko na kung ano ang tinutukoy nito. "Huwag mo sabihin na hindi mo pa rin sila mapapatawad?" tanong nito pagkalipas ng ilang oras na katahimikan. "Isang taon na ang lumipas Ysa, kahit ano pa ang gawin mo ay hindi na mababago ang lahat. Ang kailangan mo na lang gawin ay tanggapin ang lahat at maging masaya para sa kanila," sabi nito at sarkastikong natawa ako sa sinabi nito. Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng inis dahil sa sinabi ni Dad. Napakadali kasi para rito ang sabihin na maging masaya ako para sa mga tao na pinagkatiwalaan ko noon. Dalawang tao na lubos kong pinagkatiwalaan pero sa bandang huli ay niloko at sinaktan ako. Kung makapagsalita ito ay para bang ang daling makalimot at magpatawad. Tumingin muna ako sa malayo saka huminga ng malalim. Bigla kong naalala kung gaano nasaktan si Mom dahil sa ginawa ni Dad. Ngayon niya lubos naiintindihan ang sakit na nararamdaman ni Mom noon at hanggang ngayon. "Parang si Mom?" wala sa loob na banggit ko at nakita kong natigilan ito. "Gusto mo po ba na lumayo rin ako katulad ng ginawa ni Mom. Magpatuloy sa buhay at umarte na parang walang nangyari. Ang kalimutan ko po ang lahat ng bagay na nagpapaalala ng masakit na nakaraan. Siguro nga po dapat ay sinunod ko na lang ang payo niya na lumayo at magsimula ng panibagong buhay na malayo sa lahat ng tao na nanakit sa akin. Madali pong sabihin na napatawad ko na sila sa ginawa nila pero mahirap po ang makalimot," sabi ko habang pigil ang luha ko at tinitigan ako nito. "Hindi naman sa ganun Ysa, ang gusto ko lang mangyari ay makita kang masaya. Ayoko lang makita na nasasaktan ka pa rin dahil nasasaktan din ako at aminado ako na wala akong magawa. Ysa, you deserve much better," sabi nito at napailing ako. Ever since na naging kami ni Christopher ay laging sinasabi nito na I deserve much better. Hindi ko alam kung bakit ayaw na ayaw nito kay Christopher kahit pa nga nakita ko ang effort ng binata na mapalapit kay Dad. Alam kong natuwa ito nang malaman nito na naghiwalay kami at hindi ito bothered na si Sandra ang dahilan kung bakit. "Daddy, nandito na po sila." Nakangiti na sigaw ni Isaac at napatingin ako kay Dad. "Sino?" tanong ko kay Isaac at nakita kong napatingin ito kay Dad. Sinenyasan ko si Isaac na pumasok na sa loob at walang tanong na sumunod naman ito. Kahit hindi na sagutin ni Dad ang tanong ko dahil may idea na ako kung sino ang tinutukoy nito. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko. Ngayon ko lang ulit sila makikita dahil after namin maghiwalay ni Christopher ay nagpalipat agad ito sa ibang branch. Sa Davao ito nag-palipat at sumama naman si Sandra rito kaya hindi ko na nakikita ang mga ito. "Ysa, huwag ka muna umalis kailangan mo sila harapin dahil sooner or later ay magkikita rin naman kayo. Magiging asawa na siya ng kapatid mo kaya magiging parte na siya ng pamilya natin," sabi nito at nakuyom ko ang dalawang kamay ko dahil pinipigilan ko na sumabog. "Hindi ko siya kapatid at mas lalong hindi rin ako parte ng pamilyang ito," buong diin na sagot ko. "Pwede mo ba akong pagbigyan. Please Ysa," pakiusap nito at hinawakan ang dalawang kamay ko. Napatingin ako sa kamay nito na nakahawak sa mga kamay ko. Kitang kita ko sa mga mata nito ang concern pero hindi ko alam kung para kanino. Hindi ko alam pero mas nasasaktan ako dahil nararamdaman ko na mas mahalaga rito ang kaligayahan ni Sandra kaysa sa akin na anak niya. Noong sinabi ko na niloko ako ni Christopher ay mukhang natuwa pa ito. Pero ang hindi ko inaasahan ay hindi man lang ito nagalit kay Sandra. Ang sinabi pa nito sa akin ay kung nagmamahalan ang dalawa ay wala na kaming magagawa para pigilan ang mga ito. Kung nasaktan ako dahil sa panloloko ni Christopher ay mas nasaktan ako dahil hindi ko man lang naramdaman na ipagtanggol ako ng sarili kong Ama. "Sorry, but not now Dad," gumagaralgal ang boses na sabi ko. Tinanggal ko ang kamay nito at naglakad na ako papasok ng bahay para kunin ang bag ko. Nakita kong masayang naguusap si Christina, Sandra at Christopher sa kusina. Napatingin ang mga ito sa akin, ngumiti si Sandra samantalang natigilan naman ang dalawa. Agad kong kinuha ang bag ko na nakapatong sa upuan at dumiretso na ako palabas ng bahay. Narinig kong tinawag ni Dad ang pangalan ko pero hindi ako lumingon. Pagpasok ko sa sasakyan ay agad kong pinaandar iyon habang pinapahid ng isang kamay ko ang namamasang mga mata ko. Pagkalipas ng ilang minuto ay itinigil ko ang sasakyan sa tabing kalsada. Pakiramdam ko kasi ay parang sasabog ang dibdib ko kapag hindi ko nilabas ang nararamdaman ko. "It's so unfair!" nagpupuyos sa galit na sabi ko at pinalo ko ng malakas ang manibela. Sinubsob ko ang mukha ko sa manibela at hinigpitan ko ang hawak ko roon. Napapikit ako dahil walang tigil ang pagdaloy ng luha sa mga mata ko. Bumalik sa isip ko ang huling imahe na nakita ko at hindi ko mapigilan ang mas makaramdam ng galit. Masaya silang dalawa samantalang ako ay nag-uumpisa pa lang bumangon. Sabagay dapat talaga sila maging masaya dahil pinili nila ang isa't isa. Dapat ay tanggapin ko na ang bagay na iyon para tuluyan na akong makapag-move on. "Kapag nadapa ka okay lang na umiyak dahil nasaktan ka pero dapat ay gumawa ka ng paraan para gumaling ka sa sakit na iyon. Huwag mo hayaan na patuloy kang masaktan dahil lalo lang lalalim ang sugat. Kapag wala kang ginawa at hinayaan mo lang ay masasanay ka na lang sa sakit," naalala niya na sabi ni Lola Rosario sa kanya. Pagkalipas ng ilang sandali ay pinahid ko na ang luha sa pisngi ko at huminga ng malalim. Tama si Lola, kailangan ay gumawa ako ng paraan para maghilom ang sugat para mawala na ang sakit. "Magiging masaya rin ako. Magiging okay din ang lahat," sinabi ko sa sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD