Patuloy pa din ang pagbuhos ng ulan at mabilis ang oras para sa dalawa na nalilibang sa kuwentuhan.
“Hindi pa din natila ang ulan,” si Sarah habang nakatingin sa labas ng bintana sa nalalapit ng pagdilim ng paligid.
“Dito ka na muna magpalipas ng gabi, bukas ng umaga pagtila ng ulan saka kita ihahatid sa kapatagan.”
“Maraming salamat sa tulong Andy. Paano ba ako makakabawi sa iyo?”
“Ang makatulong sa kapwa ay hindi ko hinihingian ng kapalit, tama na sa akin ang nakatulong ako sa abot ng aking kaya.”
“Bakit hindi ka na lamang sumama sa akin sa patag, doon marami ka makikilala na iba’t ibang tao at magiging kaibigan na maari rin makatulong sa iyo makapaghanap ng tunay na hanapbuhay.”
“ Salamat, ngunit hindi na kailangan, sapat na ako dito. Wala naman akong inabot na pinag aralan, walang trabaho doon na nararapat sa akin kundi ang bukirin dito.”
“Maari ka naman makapag aral doon habang nghahanapbuhay. “
“Salamat sa iyong alok, ngunit hindi na talaga kailangan, ayaw kong iwan ang kubo dito at mga iniwan ng aking Ama.”
“ Sige kung hindi na kita mapipilit, pero hayaan mong dalawin kita dito sa anumang oras at araw na naisin ko.”
“Kung iyan ang iyong nais,maari kang magpunta sa anumang oras na naisin mo. Bukas ang aking tahanan para sa iyo.”
“Yehey,” sa saya ng dalaga ay tumalon ito sa tuwa at yumakap kay Andy.
Kapwa natigilan at nakaramdam sila ng hiya. Ngunit hindi siya hinayaan ng binata na bumitaw. Tila nakaramdam ng saglit na ligaya sa piling ng dalaga. Kahit sa sandaling oras nadama nito na may tao pang tatanggap sa isang tulad niya na lumaki sa bundok at walang nakasama mula ng maiwan ng Ama. May ilang minuto sila sa ganoong posisyon, kahit si Sarah ay nakaramdan din ng kapanatagan sa piling ng binata.
Nang bumitaw ang dalaga ay hinawakan ito ng binata sa kaniyang mukha at akmang inilapit ang mga labi sa labi ng dalaga. Hindi nito naramdaman ang pagtutol ng dalaga kaya naglapat ang kanilang mga labi at sinamantala ang mga sandaling iyon habang bumubuhos ang malakas na ulan.
Mga sandaling kapwa nila unang naranasan at pinagsaluhan. Walang anumang naging hadlang, dinama ang bawat sandaling pagsasama. Kasabay ang malamig na panahon bungsod ng walang tigil na pag-ulan ay ang pagsiklab ng init na nagbubuhat sa kaibuturan ng kanilang katawang laman.
Nagising na lamang si Sarah na nag-iisa at tanging kumot na lamang ang nakabalot sa katawan. Sinuyod ang buong paligid, nakita ang nakatupi sa isang maliit na sofa ang kaniyang mga damit, agad itong nilapitan at isinuot.
Nilibot sandali ang buong silid, pinagmasdan ang larawang nakadikit sa dingding.
“Marahil siya ang batang ito at ang kaniyang Ama at Ina. “
Napansin din nito ang mga libro sa isang panig ng silid at marami ito. Iba’t ibang uri ng mga aklat. Bumukas ang pinto at si Andy ang niluwa nito.
“Gising ka na pala. Halika at kumain ka na. Pagkatapos ay ihahatid na kita sa patag.”
“Sandali,” nilingon naman siya ng binata, “binabasa mo ba ang lahat ng aklat na ito?”
“Kapag may panahon ako nagbabasa ako. Naturuan naman ako magbasa at magsulat ng aking Ama bago siya nawala. Kinahiligan ko na din magbasa ng mga aklat.”
“Kaya pala ang galing mo magsalita, hindi ka mapagkakamalang nakatira sa bundok. Matalino ka. Bakit hindi mo gamitin para makaahon ka dito.”
Hindi na sumagot pa si Andy, tumalikod ito at nagtungo sa kusina.
Sumunod naman si Sarah, “Paumanhin kung nasaktan ko ang iyong kalooban, hindi na mauulit.”
Niyakap siya ni Andy ng mahigpit, pagkaraan ng ilang sandali ay bumitaw ito at tumitig sa dalaga at minsan pang inangkin niya ito, kapwa pinagsaluhan ang natitirang mga sandali.
Pagkatapos kumain ng pang agahan ay inaya na nito si Sarah na ihatid na sa mga kasama.
“Bago tayo umalis mangako ka na papayagan mo ako muling makabalik dito sa anumang araw at oras na naisin ko.” Hiling nito sa binata.
Hindi agad nakasagot ang binata. “S-sige ikaw ang bahala. Ngunit nangangamba ako sa iyong mga kaanak at kaibigan kung sakaling malaman nila na mayroon kang kaibigan na tiga bundok marahil ay itakwil nila ako o hindi ka na payagang makita ako.”
“Tanggapin ka man nila o hindi, wala ako pakialam, ang mahalaga sa akin ngayon ay ikaw. Hindi ko naiintindihan pero masaya ako kapag kausap kita at sa mga sandaling nakapiling kita.”
Muling niyakap ni Andy ang dalaga, isang yakap na nagsasabing wag ka na lamang umalis, mangungulila akong muli.
Hindi naman makasarili ang binata, pinayagan naman niya itong dumalaw sa mga araw na nais nito.
Nang sila ay makarating sa patag ay agad namang nakita ang mga kasama sa di kalayuan at may mga kasama itong mga pulis.
“Hanggang dito na lamang kita ihahatid, Sarah. “
“Ngunit, nais kitang ipakilala sa kanila.”
“Hindi muna sa ngayon, hindi pa ako handang humarap sa kanila.”
“Pero kailan?”
“Hindi ko maipapangako, pero may panahon para doon.”
Hinawakan ni Andy ang mga kamay ni Sarah. At isinuot ang isang singsing sa gitnang daliri nito. “Nais kong itago mo ito, ibinigay ito sa akin ng aking Ina. Maikli man ang panahon ng pinagsamahan natin, alam kong darating ang araw na ito ang magbibigay ng kahulugan sa kung anuman ang nararamdaman natin. Hindi man tiyak sa ngayon batid kong kapalaran ang magbubuklod sa atin.”
“Andy,” napaluhang niyakap nito ang binata, magkahalong lungkot at tuwa ang nararamdaman sa sinambit ng binata.
Nagtungo na ang dalaga sa mga kasama nito.
“Sarah, “ tawag ni Anna, isa sa mga kaibigan niya.
Napalingon din ang mga kasama nito at tuwang tuwa ng makita ang kaibigan, ang iba’y yumakap pa sa kaniya. Nang saglit niyang lingunin ang kinatatayuan ni Andy ay wala na ito doon.
Bahagyang nalungkot ang dalaga ngunit umaasa pa din siya na muli niya itong makikita.
Nagpahayag ang dalaga sa mga pulis. Ngunit hindi lahat ay binanggit nito, tulad hiling ng binata na huwag magbanggit ng anuman tungkol sa buhay niya sa bundok. Pagkat nais nitong tahimik na mamuhay sa kabundukan.