"Huy! Tulala ka naman!"
Napabalikwas ako at nag-angat ng tingin. Nakita ko si Aubrey na nakahalukipkip.
"Kanina pa kita tinatawag. You're spacing out! You're thinking, what?"
Umiling ako at kinuha na ang bag. Nakauwi na si Melissa at nasa waiting shed lang ako, naghihintay ng sasakyan.
"Hatid na kita. Kukunin ako ngayon ni Daddy..."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ano? Uhm… nakakahiya, Aub—"
"Wow! We're cousins, you know? Bakit ka mahihiya?" maarteng aniya. "And Daddy wants to meet you. Kababalik niya lang dito sa Manila kagabi— hmm! Nandito na nga siya."
Natataranta akong lumingon sa itim na sasakyan na paparating. May medyo katandaang lalaki ang lumabas roon. He's maybe in his late forties. I saw how his eyes widened before he looked at his daughter. Malapad ang ngiti ni Aubrey bago humalik sa pisngi ng tatay niya.
"Hey, dad! Siya na si Althea. Iyong anak ni Tita Vernice and Tito Gio..." excited pang sabi ni Aubrey. Dahan-dahan ngumiti ang lalaki sa harap ko bago tinanguan ako.
"Ako 'yong tito Armand mo. Your tita, Aubrey's mother is the sister of your Dad. Nice to meet you again, Chrialthea. It's been a long time!"
Naglahad pa siya ng kamay sa'kin kaya bahagyang uminit ang pisngi ko. Nai-intimidate ako sa kan'ya.
"Kanina pa ata siya rito, Dad..."
Ngumuso ako at sinulyapan ang kaibigan.
"Oh, well. I got some errands earlier kaya natagalan din ako sa pagpunta rito. Buti at magkasama kayong dalawa. Ihahatid ka na namin, hija."
Tumango si Aubrey at napangisi sa akin bago binuksan ang pinto ng backseat. Tumikhim ako at nahihiyang pumasok doon.
"How's your mother? Nasabi ni Aubrey sa akin noon na nagtatrabaho ito sa isang beauty salon."
Tumango ako. "Opo. Minsan din ay tumutulong siya sa kapitbahay sa labada para magkaroon kami ng panggastos sa araw-araw."
Nilingon niya ako. Gulat sa narinig. Agad akong nagbaba ng tingin at itinuon ang atensyon sa dalawang palad sa hita.
"Tumutulong naman si Gio sa inyo, hindi ba?"
Hilaw akong napangiti. "Iyon po ang hindi ko alam. Wala akong balita kay Papa simula noon pa man kaya hindi ko rin alam kung tinutulungan niya ba kami ni Mama o hindi. Pero ngayon na nandito si Kuya Benjamin, malaking tulong na rin po ang nagagawa niya sa amin."
Napabuntong hininga siya. Itinuro ni Aubrey ang eskinita papunta sa bahay namin.
"Kung nalaman ko sana agad ang sitwasyon, sana ay natulungan ko rin kayo kaagad. Ipinahanap namin kayo ni Celestia, hindi namin kayo nahanap agad."
"Ayos lang po. Payapa naman po kaming namuhay ni Mama—"
"Kahit na, Chrialthea. You deserve a life more than this. Hindi pa mahihirapan ang Mama mo."
Natahimik ako at hindi na muling nagsalita. Itinigil niya na ang sasakyan sa harap ng bahay namin. Hindi ko alam kung nandoon na ba si Mama sa loob o kahit si Lola man lang.
"Salamat po sa paghatid. Mauna na po ako." Nginitian ko ang Daddy ni Aubrey bago lumabas sa sasakyan.
"If you need help. Handa akong tumulong sa inyo."
Ngumiti ako sa kaniya. "Thank you po. Aalis na po ako."
Nagulat ako nang buksan din ni Aubrey ang pinto ng sasakyan at sumunod sa akin.
"Oh?"
"By the way, Althea. Kid told me about the party. Ayaw sana namin kaso sabi niya sa'kin pupunta ka raw kaya pumayag din kami ni Ly "
Ang sabi niya sa akin ay pupunta kayo kaya pumayag na lang din ako!
Napanguso ako. "H-Hindi pa naman sigurado 'yon, Aubrey."
"Tsh! Namomroblema ka na naman sa susuotin mo? Nako!" Tumingin siya sa Daddy niya. "Dad, hindi ba ay nasa Pilipinas si Kleint Laurence? I like his recent designs!"
"Kaninong party ba ito?"
"Sa kaklase ni Althea, Dad."
"Alright. Just tell your Mom about it. Isama mo na rin ang kina Althea at Alyzza."
Napangisi si Aubrey sa'kin. "Problem solved. Sama ka na, huh? I'll tell Alyzza too..."
"Huwag na, Aubrey. Nakakahiya naman..."
Ako? Magsusuot ng designer's clothes? Ipambigas ko na lang!
Napasinghal naman siya bago natawa. "Huwag ka ngang gan'yan, Althea. Pinsan tayo, okay? In fact, I should've done this before. Kung nalaman ko lang nang mas maaga..."
Tumango ako. Sumulyap ako kay Aubrey na kumakaway sa akin ngayon.
"Bye, Althea! See you tomorrow! Atsaka… huwag ka nga umiwas sa akin! Baka iiyak ako niyan!”
Tumawa siya at kumaway sa akin.
Napailing ako, bahagyang natawa rin at nakonsensya. Oo nga naman. Bakit ba ako umiiwas. Magpinsan kami. Kahit baliktarin ko man ang mundo at umiwas hanggang sa ibang dimensyo. Magpinsan kami ni Aubrey.
Nang makauwi ako ay tinadtad ako ng tanong ni Mama tungkol sa sasakyang humatid sa akin. Sinabi ko sa kan'ya ang tungkol kila Tito Armand. Napabuntong hininga siya. Tumitig si Lola sa'kin sabay ngumiti.
"Kumain ka na muna, Althea..."
Tumango ako at inilapag ang bag sa sofa bago dumeretso sa kusina. Uupo na sana ako nang makalimutan kong tanggalin ang I.D ko kaya bumalik ulit ako sa sala. Pero natigilan ako nang nakita ko sila Mama at Lola roon. Bumubulong habang nagkakasagutan.
"Lumiliit na ang mga mundo niyo sa mga Fuentes. Hindi pupwedeng itatago mo na lang si Althea rito, Vernice!" giit ni Lola sa mahinang boses.
Nangingilid ulit ang luha ni Mama.
"Nasasaktan ako, Mama...Hindi puwedeng basta-basta kaming babalik doon!"
"At ano itong plano mo? Ilalayo mo ang bata kay Gio? Hindi mo 'yan magagawa buong buhay niya, Vernice! Sa tingin mo hindi naghahanap ang bata? Hindi lang niya sinasabi sa'yo pero ang totoo ay naghahanap 'yan! Nalulungkot 'yan nang palihim. At umiiyak nang palihim! Kung hindi ka lang siguro mahal ng anak mo ay matagal ka ng tinatanong niyan kung sino ba talaga ang totoong ama niya!"
Nagsimulang mangilid ang luha ko. I am not forcing mama to tell me information about my Papa. Pero totoo ang sinabi ni Lola, kahit papaano ay naghahanap pa rin ako. Gusto ko pa rin makita at makilala ang totoong papa ko.
"Anak, Vernice...Isipin mo rin si Benjamin. Ilang taon kayong nagkahiwalay. Hindi mo rin ba siya namimiss?"
"M-Mama...ito lang paraan ko..."
Tahimik na umiyak si Mama.
"Paano na si Althea? Lalaki na lang ba ang batang 'yan na pangalan lang ng kan'yang ama ang tanging alam niya? Hindi man lang niya nalapitan, nakausap, at nayakap? Iyon ba ang gusto mo, Vernice?"
Si Lola naman ay nakita kong papunta na sa kusina kaya nagmadali akong umupo at nagkunwaring kumain.
"Tapos ka na?" Mahinang tanong niya.
Umiling ako at kumuha ng pagkain sabay dinala ito sa bibig ko. Sinubukan kong iwasan ang tingin ni Lola kaya napapayuko ako. Nang matapos ang ilang kuha ng pagkain, tumikhim ako at tumayo.
"Lola...sa itaas muna ako. M-May projects kasi ako."
Hindi ko na siya pinasagot. Nagmadali ako sa pagtakbo papunta sa itaas. Nang makarating na ay agad kong kinuha ang cellphone ko. Nanginginig ako habang tinipa ang number ni kuya.
"Yes, Thea?"
Nangilid lalo ang luha ko. "K-Kuya..."
Natahimik siya saglit bago suminghap.
"A-Anong problema? Ayos ka lang? Umiiyak ka?"
Umiling ako kahit hindi niya ako nakikita. I admit it now, gusto ko. Gusto kong makita si Papa. Gusto ko siyang makilala. Gusto ko. Gustong-gusto ko.
"K-Kuya..."
"Shh... Nasaan ka? Pupuntahan kita..."
Umiling ulit ako. How can you do it, Kuya? How can you do it? Napakalayo mo.
"Althea, nag-aalala ako. Nasaan ka?"
Suminghap ako. "Nasa bahay ako, kuya. Uhmm...m-may gusto akong...malaman."
"Ano?"
"Tell me everything about him."
Natahimik ulit siya bago sumagot.
"Papa?"
"Hmm..."
"Do you want to meet our father, Althea?"
"Is that even possible?” Halos bulong ko.
Hindi siya sumagot ng ilang segundo. Nangingilid pa rin ang luha sa mata ko.
“This weekend, I will bring Papa with me.”
Tumango ako kahit hindi niya ako nakikita.
"Now, rest. Alam kong pagod ka sa klase mo. See you..."
Napalunok ako. "S-See you...”
Nang ibaba ko na ang phone ay nagpunta ako sa kuwarto ni Mama. I hear her sobs again. Napabuntong hininga ako at kinatok ang pinto.
Tumahimik ang kuwarto niya. I hear her footsteps towards the door. Inayos ko ang sarili ko.
“Mama, ayos ka lang po?”
She fakes a smile. “Oo! Oo naman, anak. Magpahinga ka na muna. Pagod ka siguro sa klase mo.” Tinangay niya pa ako papuntang kuwarto ko. For the last time, I stare at my mother. Namumugto ang mga mata niya. Medyo magulo na rin ang mga buhok.
Napatihaya ako sa kama nang tumunog ang cellphone ko. Nakita ko ang pangalan ni Issa kaya napatikhim ako bago iyon sinagot.
"Hi, Althea!" Bungad niya.
"Hmm. Bakit?" I tried not to let her feel that I cried a while ago.
"Wala lang. Haha! By the way, 'yong dress ha? Baka nakalimutan mo!"
"Issa..."
"Sige na, Althea! Tulog na ako. See you bukas!"
"Iss—"
Binabaan niya ako kaya napatakip ako nang unan sa buong mukha. Do I have a choice? Really, Althea? Bakit ka pa kasi pumayag?
And why is it so hard to say no?
Tumayo ako para tingnan ang pera ko. I have three thousand. May dress naman sigurong kasya roon diba? Atsaka kung sakali, hindi naman siguro ganoon ka magarbo ang event ni Kid.
Kinabukasan ay lutang ako sa klase. And maybe everyone noticed it. Mali-mali kasi ang nasasagot ko at medyo wala talaga ako sa sarili.
"Ms. Fuentes, are you okay?"
Napasulyap ako kay sir Cagay. Tumango ako bilang sagot. Alam kong may itatanong pa sana siya sa akin pero itinuon ko ang atensyon sa white board.
"Ayos ka lang, Althea?"
Napalingon ako kay Trey. Napakunot-noo siya habang sinipat ako. Ngayon ay nasa canteen na kami. Gusto ko nga lang na magtipid muna pero sabi ni Issa ay magpapasama siya sa akin. I have no choice but to spend money for my lunch.
"Namumutla ka, ah? Ayos ka lang?"
Tumango ako. "Ayos ako, Trey."
Tumingin ako sa likod niya at nakita ko si Megan doon. Nakakunot noo siya habang sumusulyap sa akin at kay Trey. Nakita ko rin sila Shauna at Alisha na nakatingin sa akin. Bahagya akong nahiya at umiwas. Nakita ko si Issa na nakangising papunta sa akin.
"Hey, Althea. Anong ginagawa mo rito? Doon nga tayo!" Nakaisa pa ang kilay niya habang tinitingnan si Aly. Nag-iwas nalang ito ng tingin at agad na naglakad papalayo. Nakasunod naman ang mga kaibigan niya pati na rin si Trey.
"Kaibigan mo na ang mga 'yon?" Usisa niya. Napakunot noo ako.
"Hindi, Issa..."
Humalukipkip siya. "Sila Aubrey, medyo makakaya ko pa. Pero kung sila Alisha na? Seriously?"
Napabuntong-hininga ako. "Wala namang problema kung magiging kaibigan natin sila, Issa..."
Napasinghal siya at umismid. "Balita ko...may gustong pormahan daw si Kid, ah? Sino naman kaya 'yon?"
Tiningnan ko siya. "Why can't you just support him for whoever he will like, Issa...Hindi tayo kagaya niya, mayaman 'yon. Look at us, paulit-ulit ang damit, mahirap, talino lang ang mailalaban natin dito..."
Umismid siya lalo habang tumitingin sa likod ni Alisha. "Mahahanapan ko rin ng lusot 'yan."
Mariin kong tiningnan ang kaibigan.
"You're being creepy." Biro ko kahit iyon naman ang totoo. Napangisi siya sa'kin at agad ng nagpasiunang tumalikod.
"So, bukas, tuloy tayo?"
Nakagat ko ang ibabang labi. "Sige. Pero puwede bang alas-sais na tayo magkita? May lakad kasi ako ng hapon.."
"Saan ka pupunta?"
"Basta!" Kapag malaman niya na sila Alyzza na naman ang kasama ko ay magagalit siya.
Napaisa ang kilay niya bago umupo sa puwesto namin.
Pinag-usapan namin ang nangyari kanina. Pati ang plano para sa sabado. She seemed so excited kaya napailing ako.
"Don't tell me, hindi ka tutuloy?"
"Tutuloy ako, Issa."
Napangisi naman siya. "Akala ko, e! Excited na talaga ako. I wonder, ano kaya ang party ng mga mayayaman no? Hay naku! For sure, maraming pagkain, maganda ang background!"
Tahimik pa rin akong kumakain.
Napansin niya siguro 'yon kaya bahagyang tinampal niya ang kamay ko.
Napatingin ako kaagad sa kan'ya.
"Ayos ka lang?"
"Oo..."
Napahilig siya sa kan'yang upuan.
"Malapit na pala ang christmas ball 'no?"
Tumango ako. "Baka hindi rin ako pupunta..."
"Bakit?"
"Hindi ko gusto. Atsaka, noon pa naman, hindi ako umaattend."
"Sus! Kung ako lang ang nasa posisyon mo ngayon, nako! Pupunta ako! Isang hingi ko lang sa Papa ko, bibigyan ako kaagad ng pera!”
Umiling ulit ako. "Hindi naman niya ako binibigyan ng pera...atsaka, hindi ko pa nakikita ang papa ko..."
"E, si Benjamin? Imposibleng hindi siya nagbibigay 'no?"
Tumahimik ako at umiling.
"Hindi rin, Issa..."