CHAPTER 1 - KAPALARAN
NANGLULUMO at nanglalata ang dalagang si Emily habang binabaybay niya ang kahabaan ng lansangan. Sikat na sikat ang haring araw na halos ay sumunog sa kayumanggi niyang balat.
"Hanggang ngayon ay wala pa rin akong nalilimos. Nagugutom na ako," anito at umupo sa gilid ng saradong tindahan. Hawak niya ang kaniyang tiyan at namamalipit sa matinding sakit ng sikmura.
Gayunpaman, mas iniisip pa rin niya ang mga kapatid niyang wala ng gatas at diaper. Ang ama niyang wala ng gamot para sa bagong pagkakaopera ng kaniyang mga paa.
Dating construction worker ang papa ni Emily sa Saudi Arabia ngunit nang ito'y maaksidente at maputulan ng mga paa, nagpasya siyang umuwi ng Pilipinas na pinahintulutan dahil sa kaniyang kapansanan. Nang makabalik siya ng Pilipinas at saka lamang niya nalaman na nalulong ang kaniyang asawa sa sugal. Ipinagtapat din sa kaniya ni Emily na natuto na ring manglalaki ang kaniyang asawa, bagay na lubos niyang ikinagalit. Sa mismong araw ring iyon ay pinalayas sila sa inuupahan nilang bahay. Ang lahat ng inipon niya sa bangko ay nalimas na ng kaniyang asawa at wala nang natira. Sa huli ay tumira na lamang sila sa isang squatter area. Gumawa sila ng bahay na gawa sa pinagtapal-tapal na sako, sira-sirang kahoy, at plastic na may mababahong amoy. Wala silang pamimilan sapagkat wala nang gustong tumanggap sa kanila sa mga paupahang bahay na nakikita nila.
Samantala, mag-isang naglalakad si Mr. Fowler na naghahanap ng karenderyang maari niyang kainan. Wala pa ang sundo niya at nakakaramdam na siya ng gutom. Si Mr. Fowler ay isang mayamang negosyante na may kilalang pangalan. Kahit na hawak niya ang sariling karangyaan ng buhay ay nananatili pa rin sa kaniya ang pagiging isang simpleng mamamayan sapagkat minsan na niyang naranasan ang napakalupit na buhay noong siya ay bata pa. Marami ang kaniyang pinagdaanang unos bago niya nakamit ang sariling tagumpay.
Habang siya ay palinga-linga sa kaniyang paligid, isang dalagang umiiyak sa gilid ng saradong tindahan ang umagaw sa kaniyang pansin. Nakaramdam siya ng awa kaya't umupo siya sa harap nito at tinanong ang dalaga.
"Miss? Bakit ka umiiyak?" naawa niyang tanong. Bagsak ang kaniyang mga kilay. Naramdaman niya ang hindi niya maintindihan sa kaniyang dibdib. Mistulang dinudurog ang kaniyang damdamin habang nakikita niya ang batang umiiyak at marusing.
"W-Wala po," anito at nagtangkang tumayo upang umalis. Pinigilan naman siya ni Mr. Fowler at muli siya nitong pinaupo sa harap niya.
"Kung ganoon, pwede ba kitang tulungan?" nagbabakasaling tanong niya. Magaan ang loob niya sa dalaga sa hindi niya malamang dahilan.
"P-Pero p-pulubi lang po ako a-at kayo ay... desente at mukhang mayaman. H-Huwag niyo na po akong pagaksayahan ng oras, Ginoo. Mauuna na po ako," muli niyang pagtanggi. Naging mailap ang dalaga sa kaniya.
"Mas ikagagalak kong tulungan ang pulubing katulad mo. Alam ko ang pakiramdam ng kumukulo ang tiyan, hija. Madalas kong pagdaanan noon ang bagay na iyan. May alam ka bang malapit na kainan dito? Hindi mo man sabihin pero alam kong nagugutom ka na at gutom na rin ako." Ngumiti ng maliit si Mr. Fowler. Pakiramdam niya'y nabunutan siya ng tinik nang tumango ang dalaga. Naglakad sila at itinuro sa kaniya ni Emily ang tindahan na binabalik-balikan ng mga taong nakikita niya.
Nang ihapag sa kanilang lamesa ang mga in-order ni Mr. Fowler ay halos maglaway na ang dalaga. Halatang gutom na gutom ito.
Natawa ng bahagya si Mr. Fowler. "Sige na. Kumain ka na at magpakabusog ka," aniya na lubusang ikinatuwa ni Emily. Kumain siya nang kumain na para bang wala nang bukas. Sobra ang gutom niya. Pakiramdam niya'y kanina pa butas ang sikmura niya.
Habang kumakain ang dalaga ay tuwang-tuwa naman sa kaniya si Mr. Fowler. Sobra ang gaan ng pakiramdam niya habang nakikitang kumakain si Emily. Hindi man niya lubos maunawaan ang nararamdaman niyang iyon ay hinayaan niya itong magpakabusog hanggang sa halos ay maubos na ang lahat ng pagkaing nakahapag sa lamesa.
"Hay! Busog na busog po ako!" magiliw niyang sabi na nagpangiti ng matamis kay Mr. Fowler.
"Mabuti kung ganoon," anito.
"Ay hala, lagot!" Napatakip ng bibig si Emily matapos niyang maalala ang kaniyang pamilya. Sa sobrang gutom niya ay nakalimutan niya silang ipagtira ng uulamin pag-uwi niya.
"Oh, bakit? May problema ba?" puno ng kuryosidad na tanong ni Mr. Fowler. Bahagya pa siyang nagulat dahil sa biglaang reaksyon ng dalaga.
"Ah, hehe," kamot ulong wika ni Emily. Nahihiya siyang sabihin sa matanda ang nasa isip niya.
"Huwag ka nang mahiya. Sabihin mo sa akin. Ano'ng problema?" malumanay niyang tanong na mas lalong nagpapagaan sa kalooban ni Emily.
"Ah, eh, sa sobrang gutom ko po kasi n-nakalimutan kong ipagtira ang mga kapatid ko at saka si Papa," pagtatapat niya. Nakayuko siya at hindi niya matignan ang mukha ni Mr. Fowler dahil sa hiya.
Ang kapal lang ng mukha ko para sabihin iyon matapos niya akong pakainin nang marami, aniya sa kaniyang isipan.
"Iyon lang ba? Nako! Walang problema. Ano ang gusto mong iuwi para sa pamilya mo?"
Nang marinig iyon ni Emily ay tila naghugis bituin ang kaniyang mga mata dahil sa saya. "Talaga po? Nako! Salamat po!"
"Wala iyon. Sige, ano bang gusto nila?"
"Ah, k-kahit ano na lang po. Hindi naman po sila maselan sa pagkain, e."
"Okay. That's good! Ah, miss?" Tinawag ni Mr. Fowler iyong babaeng nag-serve sa kanila ng pagkain kanina. Um-order siya ng iba't ibang klase ng putahe para sa pamilya ni Emily.
Tahimik na nanggigilid ang mga luha ng dalaga habang tinitignan si Mr. Fowler. Bait na bait siya rito at hindi niya alam ang dapat niyang gawin upang makabawi sa matanda. Napapunas siya ng luha bagay na agad namang napansin ni Mr. Fowler.
"Oh, bakit? May masakit ba sa iyo? Bakit ka naluha?" nag-aalala nitong tanong.
Kapwa magaan ang loob nila sa isa't isa na para bang matagal nang magkakilala.
"Wala naman po. Masaya lang po ako dahil may katulad ninyong mabuting tao. Oo nga po pala! Ano po ang pangalan ninyo, Ginoo?"
"Huwag mo na akong tawaging Ginoo, hija. Ako si Mr. Albert Fowler. Mas kilala ako bilang si Mr. Fowler. Iyon ang kadalasang itinatawag sa akin ng mga tao."
Napangiti ang dalaga. Sa pangalan pa lang ng matanda ay alam niya nang mataas itong tao.
"Ang ganda po pala ng pangalan ninyo. Bagay na bagay po sa inyo."
Ngumiti si Mr. Fowler dahil sa pagpuri ni Emily sa kaniya. "Eh, ikaw? Ano namang pangalan mo, hija?" tanong nito.
"Ako po si Emily Delos Reyes. Labing walong taong gulang na po ako," masaya niyang wika na ikinatigil ni Mr. Fowler. Nang mapansin iyon ni Emily ay kaagad siyang nagtaka at tinanong ang matanda, "B-Bakit po?"
"W-Wala lang." Umiling si Mr. Fowler. Patuloy naman ang pagkunot ng noo ni Emily.
"Ka-apelyido mo lang kasi ang anak ko. Katulad mo ay labing walong taong gulang na rin siya ngayon," sagot niyang mas lalong ikinakunot ng mga noo ni Emily.
"Ka-apelyido po?"
Tumango si Mr. Fowler.
"Paano po nangyari iyon? 'Di ba po Fowler ang apelyido ninyo? 'Di ba po ay dapat parehas kayo ng apelyido ng anak niyo?" mausisa at naguguluhan niyang tanong.
"Oo. Matalino ka pa lang bata." Ginulo ni Mr. Fowler ang buhok ni Emily. Dumating na rin iyong in-order ni Mr. Fowler na ulam para sa pamilya ni Emily.
"Oh, ayan! Iuwi mo ang lahat ng iyan sa mga kapatid at sa papa mo. Sigurado akong magugustuhan nila ang lahat ng iyan."
"Nako! Napakadami po pala nito. Maraming salamat po, ah? Sigurado ako at sobrang swerte po ng anak ninyong ka-apelyido ko dahil may mabait, maaruga, at galanteng tatay siya."
Napailing si Mr. Fowler at hindi mapigilan ang ngiti.
"Sana nga ay nandito siya, e." Umukit ang malungkot na mukha ni Mr. Fowler. Pilit bumabalik sa kaniyang isipan ang kaisa-isa niyang anak na babae.
"Po? E, nasaan po ba siya?"
"Hindi ko rin alam, e. Hindi ko rin alam kung ano ang first name niya."
"Hala? Bakit naman po? 'Di ba po, anak ninyo siya? Dapat lang po na alam niyo kung ano ang kabuuang pangalan niya."
"Oo, tama ka. Pero noong ilabas siya sa mundong ito, pinagkaitan na ako ng karapatan para makita siya. Simula noon hanggang ngayon, patuloy ko pa ring hinahanap ang anak ko. 18 years na akong nangungulila sa kaniya. 18 years nang naghahanap ng totoong tatay ang anak kong iyon, sigurado."
"Ang hirap naman po pala ng sitwasyon ninyo," malungkot nitong reaksyon. "Pero sigurado po ako na matatanggap at mauunawaan niya po kayo kapag nagkita na po kayo at nagkakilala. Hindi niyo naman po kasi ginustong mawalay kayo sa kaniya, e."
Napayuko at maliit na napangiti si Mr. Fowler.
"Sana nga, hija," anito at tinignan ang cellphone niyang nag-vibrate.
"Oh siya, hija! Nandito na pala ang driver ko. Teka, saan ba ang bahay mo? Ihahatid ka na namin."
"Nako! Hindi na po. Ayos na po ako sa mga itinulong ninyo. May dadaanan pa po kasi ako."
"Ganoon ba? Oh, sige. Sana magkita pa ulit tayo, Emily." Nakangiting ginulo ni Mr. Fowler ang buhok ni Emily at nauna nang lumabas ng karenderya. Sinundan naman ni Emily ng tingin ang papalayong si Mr. Fowler at saka huminga ng malalim nang may malawak na ngiti.
"Sa wakas! May ulam na sila Papa!" Tumayo na rin si Emily at naglakad na. Dumaan muna siya sa tindahan ng bigas at bumili ng kalahating kilo at saka na siya umuwi sa kanilang tahanan nang puno ng kagalakan.
Samantala, hindi mawala-wala sa isipan ni Mr. Fowler ang dalagang si Emily. Magaan hanggang sa ngayon ang kaniyang pakiramdam dahil sa dalaga. Ayaw lisanin ng matamis na ngiti ang kaniyang mukha. Pagod man sa maghapong trabaho, pakiramdam niya'y nawala ang lahat ng iyon nang makita at makasama niya ang dalagang si Emily. Hindi man niya lubos maunawaan ngunit nagkaroon siya ng interes na araw-araw magpunta sa lugar kung saan niya nakita si Emily. Nais niyang mas makilala pa ito at matulungan sa problemang kinakaharap ng dalaga sapagkat nararamdaman niyang may mabuting puso si Emily. Magaan ang pakiramdam niya rito at gagawin niya ang lahat upang matulungan ang musmos na dalagita.