CHAPTER 3

1501 Words
LYANNAH POV Pagsapit ng alas dose, nagsimula na akong magligpit sa puwesto. Naubos ko ang paninda ko ngayong araw, at malaking pasasalamat ko iyon. Hindi na rin ako kumuha pa ng panindang panghapon ramdam ng katawan ko ang pagod, pero mas kailangan kong magpahinga at mag-isip tungkol sa trabahong inaalok sa akin kanina ng pamangkin ni Aling Susan. Matagal na naming kilala si Aling Susan dito sa palengke. Hindi ko naman masasabi na malapit kami, pero nagkaka-usap kami paminsan-minsan, lalo na kapag may kailangan o tanong tungkol sa pwesto. Kaya nang malaman kong pamangkin niya ang nag-aalok ng trabaho, medyo nabawasan ang kaba ko. Mukha naman kasing maayos na tao ang pamangkin niya malinis manamit, maayos magsalita, at halatang nakakaangat sa buhay. Kaya imposibleng hindi magandang trabaho ang inaalok nito sa Maynila. “Oh, Lyannah, uuwi ka na?” tanong ni Aling Susan. Nilingon ko siya. Nakatingin siya sa akin na may ngiti sa labi, parang inaabangan ang magiging sagot ko. “Opo, Aling Susan. Gusto ko po sanang makapag-isip tungkol sa trabaho na inaalok sa akin kanina ng pamangkin n’yo. Tsaka… gusto ko na rin pong makapagpahinga at makapagpaalam kina Nanay at Tatay.” Napahawak si Aling Susan sa bewang niya at umiling, pero nakangiti pa rin. “Naku, bata ka talaga,” sabi niya. “Bakit pag-iisipan mo pa? Nakita mo naman ’yung pamangkin ko kanina kung gaano kagandang kumilos, magdala ng sarili. Tiyak ko na magandang trabaho ang inaalok n’ya sa’yo.” Tumango ako. “Oo nga po. Pero kailangan ko po talaga itong pag-isipan. Gusto ko rin pong ipa-alam kina Nanay at Tatay. Hindi naman ako puwedeng bigla na lang aalis.” Nagkibit-balikat siya. “Sige, ikaw ang bahala. Pero tandaan mo minsan lang dumarating ang mga opportunity na ganyan. Pag pinakawalan mo, baka pagsisihan mo. Pangarap mo rin ’yan para sa pamilya mo, ’di ba?” Hindi na ako nakasagot. Napalunok ako at napabuntong-hininga. Tama siya. Ilang taon ko na ring iniisip kung paano ako makakatulong nang mas malaki kina Nanay at Tatay. Paano mapapag-aral nang maayos ang mga kapatid ko. Paano mapapaganda ang buhay namin. Baka iyon na ang sagot. Baka iyon na ang pagkakataon. Pagkatapos ay sinigurado ko munang maayos at malinis ang pwesto namin walang kalat, walang naiwan, at nakatupi nang maayos ang mga gamit. Naglakad ako pauwi, dala-dala ang bilao at ang mabigat na iniisip. Sa bawat hakbang ko, naririnig ko ang ingay ng palengke, pero parang lumulubog ang utak ko sa sariling pag-aalala. Sa Miyerkules ang alis. Lunes na ngayon. Tatlong araw na lang. Tatlong araw na lang para magdesisyon kung iiwan ko pansamantala ang lugar na naging buhay ko mula pagkabata… para abutin ang pangarap na halos matagal ko nang hinahabol. “Hays…” napaungol ako habang naglalakad. “Kailangan ko na talagang magdesisyon… at magpaalam.” At sa bawat paghinga ko, mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng pagpiling gagawin ko para sa sarili ko, at higit sa lahat, para sa pamilya ko. Pagdating ko sa bahay, sinalubong agad ako ng amoy ng ginisang bawang at luya paborito ni Tatay. Nakita ko si Nanay sa maliit naming kusina, abala sa paghahanda ng tanghalian. Pawis ang noo niya pero hindi nawawala ang banayad niyang ngiti habang inaayos ang ulam sa kawali. Sa gilid naman ng bahay, sa may anino ng puno ng mangga, nakita ko sina Eloy at Jannah na naglalaro ng habulan habang nagtatawanan. Para silang walang problema sa mundo at sana ganun kadali rin ang lahat para sa akin. “ATEEEEE!” sigaw ni Jannah nang mapansin ako. Parang paniki kung kumapit sa leeg ko pagkarating niya sa akin, sabay yakap ng mahigpit. Si Eloy naman, kahit nag-aastang binata na, tumakbo rin at ngumiti nang malaki. “Ate, ubos ba paninda mo?” tanong niya habang nahihiyang sumiksik din sa yakap. Napangiti ako at niyakap silang pareho. “Oo, ubos lahat. Ang huhusay n’yo talaga magdala ng swerte sa ate n’yo.” Paglingon ko, nandoon na si Nanay, nakatingin sa amin at may halong pagod at saya ang mukha. “Oh, hija… kamusta ang bentahan mo? Mukha namang maayos ka, ha?” tanong niya habang iniaabot sa akin ang basong may malamig na tubig. Kinuha ko iyon at agad uminom. “Ayos naman po, Nay. Naubos po lahat.” Mas lalo pang luminaw ang ngiti niya. “Salamat sa Diyos. Halika na, magpalit ka muna ng damit, tapos kakain na tayo.” Habang nag-uusap kami, sumilip ako sa may pintuan. Naroon si Tatay, nakaupo sa bangkito, abala sa pag-aayos ng lambat. Nakasuot pa rin siya ng basang sando at may bahagyang putik ang mga paa halatang galing pa sa laot. “Tay!” tawag ko. Lumingon siya at ngumiti, kahit may halong pagod na. “Oh, anak. Ayos ba benta mo? Hindi ka ba napagod?” Umiling ako, pero ang totoo’y ramdam ko ang bigat ng pagod at bigat ng iniisip. “Ayos lang po, Tay. Ubos po lahat.” Tumango siya, mukhang natuwa. “Magaling. Kain na tayo mamaya pagkatapos ko dito. Lalakad pa ako mamayang hapon para mag-ayos ng lambat, eh.” Pinanood ko siyang sandali ang pagod sa balikat niya, ang kamay niyang magaspang sa trabaho, ang pawis na humuhulog sa lupa. Sila ang dahilan kung bakit ko gustong umalis… at sila rin ang dahilan kung bakit ang hirap magdesisyon. Tahimik akong pumasok sa bahay habang bitbit ang bigat ng pagkakataong nasa harapan ko. Tatlong araw na lang bago ang Miyerkules… at hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanila ang tungkol sa alok na trabaho. Pero isang bagay ang sigurado. Hindi ko ito kayang pagdesisyunan nang hindi nila alam. At ngayong nasa harap ko sila… mas lalo akong kinakabahan. Habang naka-upo kami sa maliit naming hapag, kumakain ng mainit na kanin at isdang inihaw ni Nanay, hindi mawala sa dibdib ko ang kabog na kanina ko pa dinadala. Panay ang tingin ko kay Nanay na tahimik na sumusubo, kay Eloy at Jannah na masayang nag-aagawan sa piraso ng kalamansi, at kay Tatay na kakaupo lang mula sa pag-aayos ng lambat. Parang may nakabara sa lalamunan ko. Kung hindi ko ito sasabihin ngayon… kailan pa? Huminga ako nang malalim. “Tay… Nay…” Sabay-sabay silang napatingin sa akin. “Bakit, ate?” tanong ni Jannah na may butil pa ng kanin sa pisngi. “May problema ba, anak?” tanong ni Nanay, bahagyang nakakunot ang noo. Tumingin ako kay Tatay. Siya ang pinaka-kinatatakutan kong kausapin. “Anong sasabihin mo, Lyannah?” tanong naman niya, diretsong nakatingin sa akin. Nilunok ko ang kaba. “Tay… Nay… paano po kung… kung may nag-alok sa akin ng trabaho sa Manila?” Napatigil si Nanay sa pagsubo. Si Eloy, natigilan din. Si Tatay, ngumiti nang konti pero halatang may iniisip. Nagpatuloy ako bago pa ako umatras. “Kunwari po… tanggapin ko. Magagalit po ba kayo?” Ilang segundo ang tumagal na puro katahimikan lang ang maririnig maliban sa hampas ng alon sa pampang malapit sa bahay. Unang nagsalita si Nanay. “Anak… matagal mo nang pangarap ‘yan, hindi ba?” Malambot ang boses niya, puno ng pag-unawa pero may halong lungkot. “Gusto mo makatulong sa atin, gusto mo rin makaranas ng mas maganda-gandang trabaho.” Tumango ako, napayuko. “Ako… hindi ako magagalit,” patuloy niya. “Nalulungkot ako, oo… kasi malalayo ka. Pero kung ikabubuti mo, bakit kita pipigilan?” Napaluha ako nang bahagya. Pero si Tatay… tahimik pa rin. “Tay…?” mahina kong tawag. Huminga siya nang malalim at inilapag ang kutsara. “Lyannah… hindi ako galit.” Napatingin ako agad sa kanya. “Pero natatakot ako,” diretsong sabi niya. “Bata ka pa. Babae ka. Malayo ang Manila. Hindi natin alam kung anong klaseng trabaho ‘yon, kung kanino ka titira, kung sino mga makakasama mo…” Bawat salita niya parang pumipisil sa puso ko. “Pero…” tumingin siya sa akin nang seryoso pero may lambing, “alam kong hindi kita pinalaki para matakot. Pinalaki kitang matatag. Marunong. At responsable.” Umiwas siya sandali, tila nagpupunas ng pawis sa noo pero alam kong hindi pawis iyon. “Kung pangarap mo ‘yan, anak…” bumalik ang tingin niya sa akin, “…suportado ka namin.” Nang marinig ko iyon, hindi ko napigilang mapaluha nang tuluyan. Lumapit si Jannah at niyakap ang braso ko. “Ate, ‘wag ka umalis nang matagal ha.” Sumingit si Eloy, pilit nagtatapang-tapangan pero nangingilid ang luha, “Tama na iyak mo Jannah… baka naman pwede umuwi si Ate paminsan-minsan.” Natawa ako kahit umiiyak. “Tay… Nay… salamat po,” sabi ko habang pinupunasan ang luha. “Hindi ko po kayo pababayaan. At kahit anong trabaho iyon… pipiliin ko po ‘yong makakabuti sa atin.” Tumango si Tatay. “Basta isang bagay lang, Lyannah…” “Po?” “Tandaan mong may bahay kang uuwian. At may pamilyang ‘di ka iiwan.” At doon lalo akong napaiyak. Dahil sa isip ko… baka ito na talaga ang simula ng pagbabagong matagal kong pinapangarap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD