Aling Magda's point of view...
***********
"Gamitin niyo ng maayos ang day off niyo dahil minsan lang naman ito sa isang linggo," maawtoridad kong sabi sa kanilang lahat.
"Opo, Aling Magda," sagot ni Elsa.
"Sure po!" sabat din ni Alice, samantalang tanging pagtango lang ang natanggap ko mula kina Gina at Jelaica.
"Oh sige na, pwede na kayong umalis kung saan man kayo pupunta," sabi ko, dahil kitang-kita ko naman sa mga mukha nilang excited na sila. Pagkatapos no'n ay sunod-sunod na rin silang umalis sa harapan ko, maliban na lamang sa isa.
"Aling Magda, may sasabihin po sana ako sa inyo," agad na sabi nito, no'ng makitang kami na lamang dalawa ang naiwan.
"Ano 'yun?" tanong ko dahil mukhang importante ang sasabihin nito.
"Ganito po kasi 'yun..."
************
Jelaica's point of view...
"Bessy, saan ka pupunta? Sama na lang ako sa'yo," nakangiting sabi sa'kin ni Alice.
"Ah, eh, kasi ano..." Napakamot na lang ako sa ulo ko no'ng hindi ako makahanap ng dahilan kung bakit hindi ko siya pwedeng isama.
"Oh bakit?" tanong nito na ikinatungo ko.
"Hindi kasi pwede bessy, may ano kasi ahmm..."
"Ano?" tanong ulit nito.
"Paano ko ba sasabihin ito? Naku naman! Ano kaya ang sasabihin kong dahilan!" nasabi ko na lang sa isip ko, dahil hindi talaga ako makaisip ng pwedeng idadahilan.
"Just tell her that you will meet someone at kailangang kayong dalawa lang," nagulat naman ako sa bulong na iyon sa akin ni sir Vlad, tinignan ko siya at napangisi lang ito sa akin.
"Ano ba naman yan! Sana gumana."
"Ah, eh, bessy, may i-memeet kasi akon-..."Hindi ko na natapos pa ang dapat sana'y sasabihin ko no'ng bigla na lang itong sumabat.
"May ka-date ka?! Oh my gosh! Bessy bakit hindi mo naman sinabi agad! Hala siya, sige na gora ka na, para naman magka-lovelife ka na yeeee dali!" sabi pa nito sa'kin, dahilan para mapatunganga na lang ako dahil ang advance niya mag-isip at mas ipinagtulakan pa talaga akong umalis ng mag-isa. Nabaling ang tingin ko kay Sir Vlad no'ng marinig ko siyang humagalpak ng tawa.
"haha! Sige tumawa kapa," nasabi ko na lang sa isip ko sabay irap sa kanya, habang si Alice naman ay pinagtutulakan na ako palabas ng gate.
"Sure ka? Hindi ka na talaga sasama?" tanong ko ulit, para naman hindi halatang ayaw ko talaga siyang isama.
"Oo, bessy! Ano ka ba... shooo! Alis na gooo!" bulyaw nito sa'kin habang may malawak na ngiti sa labi. Nakahinga naman ako ng maluwag kaya pagtalikod ko ay hindi ko na napigilan pa ang ngumisi.
"Let's go," sabi naman ni sir Vlad, na ngayon ay nasa tabi ko na. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko, kung kikiligin ba ako dahil kasama ko ang crush ko? O maiilang ako dahil multo ang kasama ko.
"Sumakay ka ng taxi at sasabihin ko na lang sa'yo kung saan tayo pupunta," sabi nito na tinanguan ko naman agad.
Sakto naman na may padating ng taxi kaya agad ko na itong inabangan at pinara. No'ng hinintuan ako nito ay sumakay agad ako rito, pagkasakay ko ay sumunod na rin si Sir Vlad at sinabi nga nito sa akin kung saan kami dapat magpunta, na siya namang sinabi ko rin agad sa driver nitong taxi.
*********
Makalipas ang halos isang oras ay huminto na ang sinasakyan naming taxi at nakarating na kami ngayon sa harapan ng isang...
"Motel?! Dito ba talaga ang kailangang unahing puntahan?!" nasabi ko kaagad sa isipan ko no'ng bumungad sa amin ang harapan ng isang malaking building ng motel. Bumaba na ng taxi si Sir Vlad kaya naman nagbayad na ako ng pamasahe at pagkatapos ay bumaba na rin ako kaagad.
"Papasok ba talaga ako riyan, Sir?" nag-aalangan kong tanong no'ng makalapit na ako sa kanya. Binalingan ako nito ng tingin at nangunot ng bahagya ang noo nito, kaya naman itinuro ko na lang ang motel gamit ang nguso ko.
"No," sagot nito na ikinakunot naman ng noo ko.
"Hah? Eh bakit nandito tayo kung hindi naman pala tayo papasok diyan, Sir?" nagtataka kong tanong dito.
"Bakit sino bang may sabing diyan tayo pupunta?" tanong nito, dahilan para mapangiwi ako.
"Ah, eh, hehe hindi po ba?" Napakamot na lang ako sa ulo ko no'ng bigla akong makaramdam ng hiya.
"Follow me," utos nito sa'kin na agad ko naman tinanguan. Naglakad siya patawid sa kalsada para magpunta sa kabilang bahagi, sinundan ko naman siya kaaga. Pagkarating namin sa kabila ay bumungad sa harapan namin ang isang chinese restaurant na katapat lang ng Motel sa kabilang bahagi ng kalsada.
Pumasok kami roon at napansin kong tumitingin tingin na sa paligid si sir Vlad, samantalang ako ay halos mapasukan na ng insekto ang nakaawang kong bibig dahil sa labis na pagkamangha. Ang lawak ng lugar at napakaraming upuan at lamesa, maraming dekorasyon at makikintab na bagay, napakaelegante at parang pang mayaman talaga.
Dahil sa kakalinga ko sa paligid ay hindi ko na namalayan pang nakalayo na pala sa akin si Sir Vlad, susunod na sana ako sa kanya no'ng bigla akong kausapin ng isang magandang babae na naka formal attire.
"Good Evening, Ma'am, do you have any reservation? May I have your name please?" sabi nito at pagkatapos ay tumingin sa hawak niyang mga listahan habang hinihintay ang isasagot ko, napalunok na lang ako at mabilis na umiling at nagsabing, "Sorry, pero wala akong reservation."
"Where is he? Nakakapagtaka, ganitong oras naman siya nagpupunta rito dati." Nabaling ang atensiyon ko kay Sir Vlad no'ng lumapit ito sa kinatatayuan ko.
"Ahm baka naman po umalis na siya?" mahinang sabi ko, dahilan para tumungo ito.
"Siguro nga," sabi naman niya, bago ito bumuntong-hininga. Napansin ko naman na nakatitig na sa akin ang babaeng kumausap sa akin kanina lang, kaya naman nag-iwas na lang ako ng tingin...
"Sir, sa iba na lang po tayo maghanap," sabi ko rito.
"Okay," sagot naman niya bilang pagsang-ayon, kaya naman umalis na nga kami sa restaurant. No'ng tuluyan na kaming makalabas ay naglakad lakad muna kami sa gilid ng daan, habang naghihintay ng masasakyang taxi.
************
Aling Magda's point of view...
"Sigurado ka ba riyan sa mga sinasabi mo?" seryosong tanong ko kay Gina.
"Opo, kitang-kita po ng dalawang mata ko na pumasok si Jelai sa restricted room," dagdag nito.
"Ano naman ang gagawin niya roon?" nasabi ko.
"Naku po, baka naman may ninanakaw na siya roon!" sabi nito at halos bulyawan na ako, kaagad naman akong naalerto sa mga sinabi ni Gina at akmang aalis na sana ako upang puntahan ang kwarto no'ng...
"Teka lang, paano naman siya makakapasok doon kung naka lock ang pinto? Nasa akin ang susi," sabi ko rito.
"P-Pero nakita ko po talaga, baka nga po ngayon nakabukas 'yun eh," pagpipilitan niya, kung kaya't upang makasiguro ay pinuntahan na lang namin ang restricted room, at nang makarating kami sa harap ng pinto ng kwarto ay kaagad kong pinihit ang doorknob nito pero...
"Naka lock," nasabi ko.
"Paano nangyari 'yun? Imposible po 'yan, nakakapasok po talaga siya riyan!" dagdag ni Gina.
"Tama na! Ayoko ng marinig pa 'yang mga kasinungalingan mo!" nayayamot na singhal ko rito.
************
Jelaica's point of view...
Ilang oras na ang nakalilipas at ilang lugar na rin ang pinuntahan namin, pero wala pa rin kaming nakikitang kakambal ni Sir Vlad.
"Sir, gabi na po, kailangan na po natin umuwi," sabi ko, dahilan upang bumuntong-hinga ito at tumingin sa akin.
"Sige, pero huli na talaga 'tong pupuntahan natin," sabi nito, kaya naman tumango na lamang ako sa kanya.
Nakita kong naglakad ito palapit sa harap ng isang bar, sumulyap muna siya sa akin bago ito tuluyang pumasok sa loob no'n. Napabuntong-hinga naman ako bago tuluyang sumunod sa kanya, pero no'ng akmang papasok na sana ako sa loob ay kaagad akong hinarang ng isang security guard.
"Naku, bawal ka pa rito eneng, umuwi ka na lang," sabi ni manong guard na pinanlakihan ko naman ng mata.
"Hindi na po ako bata! 19 years old na ho ako kuya!" bulyaw ko pa sa kanya.
"Ay gano'n po ba, pasensya na po, sige pumasok na kayo," sabi niya.
Grabe naman, aaminin ko na no'ng nagpaulan ng katangkaran si God, tulog ako no'n kaya hindi ako nakasalo, natalsikan lang siguro ako ng kaunti. Hindi ko na lang pinansin ang eksena namin ni manong guard at pumasok na lang ako sa loob ng bar. Pagkapasok ko ay napatakip agad ako sa mga tenga ko dahil halos mabasag ang eardrums ko sa lakas ng music dito sa loob. Medyo madilim sa paligid, ang mga ilaw ay may iba't ibang kulay at marami pang tao, ang ilan sa kanila ay nagsasayawan, habang ang iba naman ay nag-iinuman lang.
"We finally found him!" bungad na sabi ni Sir Vlad sa akin no'ng bigla na lang itong lumitaw sa harapan ko.
"Talaga po?" Tumango siya ng may ngiti sa labi at agad na naglakad paalis, sinundan ko naman siya. Naglakad kami ng kaunti hanggang sa makarating na kami sa isang sulok.
"He's there." Turo ni Sir Vlad sa lalaking nakaupo sa isang sofa at umiinom ng alak, may kasama rin siyang isang lalaki na nakaupo sa katapat na sofa.Tinitigan kong mabuti ang mukha ng lalaking itinuro sa akin ni Sir Vlad, natigilan ako no'ng bigla na lang mag sink in sa isipan ko ang isang imahe. Parang hindi pa ako makapaniwala sa nakikita ng dalawang mata ko kaya pumikit pikit pa ako at baka sakaling namamalikmata lang ako.
"Siya talaga?!" tanong ko.
"Yes, why? Do you know him?" tanong ni Sir Vlad, dahilan para balingan ko siya ng tingin at marahang tanguan.