Nakatingin ako sa mga cellphone na nakahilera sa loob ng salamin.
Nasa mall kami at pumipili ako ng bagong cellphone na bibilhin. Mga personal kong ginagamit, gusto kong hindi galing sa dekwat. Kaya kahit may iilang cellphone pang hawak doon si Redson na hindi nabenta, hindi ko na kinuha.
“Ito ate, ayaw mo 'to?” Turo ni Zenon sa kulay itim na cellphone.
Isinama ko ang isang 'to para may matanungan din ako. Marami kasi siyang alam sa mga detalye ng cellphone. Kung anong magandang klase at kung anong dapat piliin sa tamang presyo.
“Gusto ko puti,” sagot ko.
“Mayro'n namang puti nito. Diba po?” tanong niya roon sa salesboy.
“Yes po, Sir.” Mabilis siyang kumuha ng sample sa likod at pinakita sa amin.
“Okay na ba ito, Zenon?” tanong ko.
Pero hindi niya ako pinansin. May tinanong-tanong pa kasi siyang detalye na hindi ko maintindihan. Hinayaan ko na siya, mas magaling naman siyang pumili. Siya ang mas nakakaalam.
Kung nakapag-aral lang 'tong kapatid ko. Magka-college na rin sana ito ngayon.
Nang parang naging okay na rin siya sa napili, binayaran ko na.
Siya na rin nagbitbit ng paperbag nito. Lumingkis ako sa kanya at nag-umpisa nang maglakad. Halos magkapantay na rin kami, parang kailan lang eh.
“Zenon, kung makakapag-aral ka, ano gusto mong kunin na kurso?” tanong ko.
Huminto siya at bahagyang lumayo sa akin saka ako tiningnan na para bang ang weird ko.
“Bakit?” asik ko.
“Ba't mo natanong 'yan?” aniya at nagpatuloy sa paglalakad pati na rin ako dahil nakalingkis pa rin ako sa braso niya.
“Bakit, bawal ba? Anong masama sa tanong ko?”
Tahimik lang siya. Ako nama'y naghihintay lang.
Grabe, napakabigat ba ng tanong ko? Hindi naman 'yon math problem na kailangang i-solve.
Bahagya kong pinisil ang braso niya.
“Aray ate,” daing niya.
“Wow, ang OA, ang hina lang no'n.”
“Masakit kaya.”
“Ano na kasi?”
“Computer Engineering.”
“Kita ko nga, na doon ka papunta. Kung mabibigyan ka ng chance na mag-aral, tatanggapin mo?”
“Bakit, papaaralin mo ako?”
Nagkibit-balikat ako. “Hindi kita mabibigyan ng kasiguraduhan pero…malay natin diba?”
“Pwede…kung mabigyan ng chance.”
Inakbayan ko siya at tinapik ko siya sa kabilang balikat niya.
“Huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi natin alam, okay?”
Inakbayan niya rin ako. Para na tuloy kaming magsyota nito. “Okay lang 'yon, ate. Magpapasalamat kung mabibigyan ng pagkakataon, kung hindi naman, patuloy pa rin,” aniya nang nakangiti.
Nagpatuloy lang kami sa paglalakad ni Zenon hanggang sa may dalawang taong magkasunod na lumabas sa isang shop sa harap namin.
Nang makilala ko'y hindi ako nagdalawang-isip hilain paikot si Zenon, para makabalik kami sa dinaanan namin.
“Ate, ano—”
“Sam?”
Napapikit ako at napahinto.
Lintek naman oh. Mabilis nga akong umaksyon, pero mas mabilis naman ang mata niyang makakilala.
Muli ko na namang pinisil si Zenon at mahina siyang dumaing. Naku, pasensya ka na kapatid ko.
Dahan-dahan kaming lumingon. Alangan namang magtatakbo pa kami.
Ang taong hindi ko na dapat makasalubong at ilang araw ko na ring iniiwasan ay nandito na ngayon sa harap ko.
“L-Lourd.”
Anak ng lahat ng santo! Araw-araw bang nagmo-mall ang lalaking 'to? Sa dami ng mall, dito pa? Iniwasan ko na nga 'yong mga lugar na pakiramdam ko madalas siya pero hanggang dito ba…ugh grabe! Tukso na yata talaga 'to ng tadhana.
Tiningnan niya si Zenon, at bumaba iyon sa kamay kong nakakapit sa braso nito at sa kamay na nakaakbay sa akin.
Oops, anong tingin 'yan? Hmm.
“Who's…with you?”
“Si Zenon, kapatid ko.”
Hindi ko lang alam pero hiningang nakaluwag ba ang nakita ko sa kanya? Para bang hiningang napanatag.
“Zenon, si Lourd.”
Nagngitian lang sila. Huh, ang lamig naman no'n.
“Yeah…hello.” Si Lourd na ang naglahad ng kamay. Si Zenon kasi tahimik at mahiyain, kaya nga hanggang ngiti lang siya kanina.
Tinanggap niya naman ang kamay ni Lourd at kinilayan ito.
Pagkatapos ng pagkilala nila, ako na ang binalingan niya.
“You're not answering my calls. Hindi ka na ma-contact.”
“Ha?” Bumitiw ako sa pagkakahawak kay Zenon. “Nawala kasi ang cellphone ko, ilang araw na rin… ito nga at bumili kami ng bago, ngayon lang. ” Tinuro ko pa ang bitbit ni Zenon.
“Oww…”
Wala na akong kawala nang inaya niya kaming kumain at wala na akong maidahilan pa.
“Flavor?” tanong niya.
Nasa ice cream house kami na nandito lang din sa loob ng mall.
“Ahh…cookies 'n cream.”
“What about you, Zenon?”
“Ube nalang po.”
Self-service kaya ang bodyguard niya na ang um-order.
“Hindi ko alam na may kapatid ka pala,” simula niya sa usapan habang naghihintay ng order.
“Di mo naman natanong,” mabilis kong sagot.
Natawa siya. “Well, that's right.”
Diba? Yes, I am right!
“How old is he?”
“Pwede mo naman siyang tanungin.”
Hindi naman na bata 'yang si Zenon para ako pa ang sumagot para sa kanya.
“Mataray yata itong ate mo ngayon, Zenon. So, how old are you?”
Mataray ba? Eh may dila naman yang si Zenon, bakit pa kasi ako ang tatanungin.
“19 po.”
“Oh, you're studying?”
Tiningnan ako ni Zenon. Kinilayan ko naman siya ng pag-apruba. Nasabihan ko na kasi sila na kapag may tinatrabaho akong trabaho, hindi lahat ng sinasabi ko tungkol sa akin at sa pamilya ko eh totoo. Minsan ginagawa-gawa ko lang.
Pero ngayon, wala namang dahilan para hindi sabihin na hindi nag-aaral ang kapatid ko.
“Wala po. Out of budget.”
Dama namin ang lungkot ng pagsagot ng kapatid ko kaya ako ang binalingan niya. Napangiti na lang ako.
Timing na rin at dumating na ang in-order naming ice cream.
”Ayan, nandito ng ice cream!”
Mga ilang minutong katahimikan muna kakalasap ng ice cream. Perpek na perpek talaga ito sa mainit na hapon.
“How are you? It's been a week since we last met,” muli niyang pag-imik.
'Yon na nga, a week pa lang, tapos nagkasalubong na naman tayo.
“Okay naman. Oo nga eh, pasensya ka na. Nawala nga kasi ang cellphone ko at medyo naging busy rin.”
“Well, that's okay. Can you give me your new number?”
“Hindi ko pa nabubuksan eh.”
Hindi ko pa naman talaga nabubuksan. Nasa loob pa nga ng box oh.
“You can unbox it.”
Punyeta, bakit ba ang kulit niya?
“Ah sige. Zenon, akin na, bubuksan ko nalang para mabigay ko number ko,” sabi ko na pinagdidikit ang ngipin at pinanlalakihan ng mata si Zenon, umaasang makuha niya ang ibig kong sabihing gumawa siya ng rason para makaalis kami rito.
Kasi oh, pabigay na ako ng number na alam naming iniiwasan ko na ang isang 'to.
“Ate...” seryosong saad niya.
“Hmmm?” sagot ko habang dahan-dahang kinukuha mula sa paperbag ang box ng cellphone.
“Parang nagulat yata sa lamig ang tiyan ko.”
Napahinto kuno ako kaya hindi ko na naipagpatuloy ang pagbubukas saka binalingan si Zenon.
“Masama pakiramdam mo?”
Tumango-tango siya.
“Naku, teka ano ba...Lourd, mukhang kailangan na naming mauna. Pasensya talaga ah. Magkita nalang tayo ulit. Halika na, Zenon,” sabi ko at agad tumayo.
Bakas na rin ang pagkabalisa kay Lourd.
“Wait, where are you going? To the hospital? Pwede namin kayong ihatid.”
Wow, tiyan lang, hospital talaga?
“Hindi, wag na, okay na. Sa bahay lang, inom ng kaunting gamot lang 'to, tsaka alam mo na baka maje-jebs lang.”
“Jebs?”
Pft. Gusto kong matawa pero hindi pwede dahil nasa emergency situation kuno kami.
“Ate, dali na,” pangungulit pa ni Zenon na tumayo na at naglakad na palabas.
“Pasensya na talaga Lourd ha?” sabi ko.
Napatayo na siya. “Wait!” Pero mabilis na rin akong sumunod kay Zenon palabas ng ice cream house.
Narinig ko pang tinawag niya ako ulit pero hindi na ako lumingon pa at dali-daling nakipagsabayan sa mga taong naglalakad.
Hanggang sa tuluyan na kaming nakalabas ng mall.
Akala namin nakaligtas na kami.
“Ma'am Sam!”
Anak ni Ma'am! Sa kakulitan ba pinaglihi itong so Lourd? Talagang pinahabol niya pa kami sa bodyguard niya.
Hmp, sa susunod, mukhang hindi bodyguard mo lang ang ipapahabol mo sa amin.
Kapwa hindi kami lumingon ni Zenon sa tumawag sa akin. Bagkus ay dali-dali naming pinara ang jeep na dumaan sa harap namin at sumakay.
Napabuga kami ng hangin pagkaupo sa jeep.
Napansin kong masyadong pinagpapawisan si Zenon. Alam ko namang mainit ang panahom tapos nagtakbo-takbo pa kami, pero parang sobra itong kanya.
Hinawakan ko ang kamay niya at nanlalamig ito.
”Uy Zenon, okay ka lang ba?”
Lumapit siya sa akin para bumulong.
“Talagang naje-jebs ako.”
Pft. Hinampas ko siya sa braso. Akala ko talaga arte niya lang. Buti na rin 'yon, at least nakawala na kami sa kakulitan ni Lourd.
Ang ngiti ko'y hindi nagtagal nang mapansin kong wala siyang hawak na paperbag.
“Zenon...” kinakabahang sambit ko habang nakatingin sa kamay naming bakanteng-bakante.
“Hmm?”
“Nasaan ang cellphone ko?”
“Ha?” Napatingin siya sa akin na para bang kinikwestiyon niya ako. “Hindi mo nadala?”
“Anong ako? Diba ikaw nagdadala no'n?”
“Nauna akong lumabas, ate. Ni hindi nga ako nakapagpaalam.”
Nagkatinginan kaming nanlalaki ang mata.
“Naiwan mo?!” sabay pa naming sambit kaya napatingin ang ibang pasahero sa amin.
Lintek naman oh! Kaya siguro pinahabol niya talaga kami sa bodyguard niya.
Paano ngayon 'yan, iniiwasan ko nga pero kailangan namang kitain. Hindi ko pwedeng hayaan sa kanya ang cellphone. Anong gagamitin ko? Sayang din 'yon.
Sumunod na mga araw, dahil wala naman akong koneksyon sa kanya. Tinimingan ko na lang siya sa coffee shop kung saan ko rin siya hinihintay dati.
As usual, hindi na naman ako nag-order.
Abala ako kakatingin sa mga ibang tao na nasa loob ng coffee shop na 'to at kinikwestiyon sa isipan kung bakit magkakape lang sila, eh ang mahal mahal pa.
Pwede naman silang magkape ng kopiko brown o cafe blanca, 8-12 pesos lang, parehas lang din naman ang lasa.
Ano bang kaartehan ng mga coffee shops? Parang nilagyan lang nila ng bula ang kape nila rito.
Pero maya-maya lang ay may nilapag na mainit-init pang baso ng kape sa harap ko.
“Dark choco for you, ma'am.”
“Ah, hindi po ako nag—”
“It's on me” Bahagya akong nagulat sa biglaang paglitaw nitong si Lourd.
Teka, saan siya galing? Hindi ko siya napansing pumasok.
Hinila niya ang upuan sa harap ko at pinaupo ang sarili. Nilapag din ang kape niya.
“Thank you,” nakangiting wika niya sa waitress.
Ang waitress naman ay landakan kung kiligin.
Amg tisoy naman kasi talaga nitong si Lourd. Palaging malinis na nakasuklay ang buhok pataas. Brush-up yata tawag dito. Maputi pa at matangkad. Mas lalo pang lumitaw ang kaputian nito ngayon dahil nakaitim na tshirt siya. At napakalaking bonus ang pagiging mayaman, 'yon lang, pumalya sa medyo slow siya at may pagkatanga.
Pero iyon kasi, hindi ko naman kailangan ang kagwapuhan niya kundi ang kayamanan niya.
“Drac,” tawag niya sa bodyguard niya nasa kabilang table.
Anong pangalan niya? Drac? Dracula? Hindi pala basta-basta itong bodyguard niya. Sa tagal, ngayon ko lang nalaman pangalan nito, hindi niya naman kasi pinapakilala. Hindi na rin ako nagtanong, baka sabihing interesado pa ako sa kanya.
Inilapag nito malapit sa akin ang paperbag.
Ah, cellphone ko na ito.
“You left your phone in a hurry. Pinahabol ko pa kayo kay Drac pero nakasakay na raw kayo. Kamusta si Zenon? Okay na ba siya?”
“Oo, talagang nasakitan lang ng tiyan. Salamat sa pagdala nito. “Tukoy ko sa cellphone. “Nataranta na rin kasi ako.”
Pft. Paano 'yong taranta?
Sa sobrang excited dahil wala akong cellphone ng ilang araw. Binuksan ko na ito agad na sana hindi ko ginawa.
Kailangan mong um-exit na, Zamora para wala ng hingian ng number na magaganap at maputol na ang koneksyon.
Pero wala na, nahuli na ang pag-iisip ko dahil naka-on na ang cellphone ngayon.
Tsk. Wala na talagang takas ito.
Dinala na namin ang inumin sa labas. Hindi kalayuan sa coffee shop eh may parke kaya doon kami naglakad-lakad.
“Salamat pala dito sa inumin.”
“Don't mention it. Anyway, how's the—”
“Dama mo ba ang lungkot ng kapatid ko noon? Yong tinanong mo siya kung nag-aaral siya?”
Kailangan ko ng magsingit ng ibang pag-uusapan dahil tiyak kakamustahin niya ang dress shop kuno.
“Ah yes. He really looks like he want to go to school. Ano bang ginagawa niya ngayong hindi siya nag-aaral?”
“Trabaho. Pero hindi permanente. Kung may papaayos sa kanya, saka lang siya tatawagin. Minsan sa palengke, nagkakakargador.”
“It's a tough life. Can I ask where your parents are?”
“Naku, matagal na silang wala. Bata pa kami. Namatay sila sa aksidente. Kaya ayun...buti na lang may Tiyang na pumulot sa amin.”
“Sorry to hear that.”
“Okay lang 'yon, ano ka ba, matagal na 'yon.”
“And your tiyang, is she your auntie by blood?”
“Hindi. Wala na kaming kakilalang tunay na kamag-anak. Si Tiyang, hindi talaga namin kaano-ano. Talagang mabait lang siya na kinupkop kami.”
Napa-ahh nalang siya at mahabang katahimikan ang nagdaan bago na naman siya may naisip na tanong.
“What about you? Nakapag-aral ka ba?”
“Nakaapak ako ng highschool pero hindi naka-graduate. Kapos. 'Yong pang-aaral ko, itulong ko nalang kay Tiyang. Hindi nga rin nakapag-aral iyong kambal niyang anak.”
“Oh, she has twins.”
Naging mahaba-haba pa ang usapan namin na puro naman tungkol sa akin. Hindi ko na rin naman kasi namamalayang nakekwento ko na.
Ang gaan at komportable niya kasing kasama. Kapag nagkekwento ka, gaganahan ka talaga kasi mukhang interesadong-interesado siya.
Wala akong naging kaibigan na naging kakwentuhan ko ng ganito. Kung may mga kaibigan man kasi ako ngayon, 'yon ay dahil nakilala ko sila sa mga transakyon namin, kaya puro trabaho. Wala kaming oras makipagkwentuhan ng ganito.
“Alam mo bang...ito ang unang beses na nakapagkwento ako tungkol sa buhay ko?”
“And why is that?”
“Walang nagtatanong at wala akong oras makipagkwentuhan.”
“Well, then...thank you for —”
Hindi niya naipagpatuloy ang sasabihin dahil hinila niya ako papalapit sa kanya, bago pa ako masagi ng mga grupo ng kalalakihan na nagja-jogging at ang iba'y pasikat na tumatakbo nang patalikod kaya muntik pa akong mabangga.
“Mga gago 'yon ah!” sigaw ko habang hinahabol sila sa tingin.
Mabuti nalang talaga — tiningnan ko siya at napagtanto kong para na kaming magkayakap dahil sa paghila niya sa akin kanina.
Ang lapit ng mukha namin sa isa't-isa na parang isang hangin na lang ang pinagkukunan namin.
Sa sobrang lapit, nagkaroon ako ng chance na matitigan ng malapitam ang mukha niya.
Ang mata niya...katulad din pala sa ate niya. Kailangan mo lang malapitan at matitigan.
Wait lang...teka nga! Bakit parang kinakabahan ako? Ang lakas ng t***k ng puso ko, hindi naman kami tumakbo, naglakad nga lang kami. Baka dahil sa gulat?
Hello? Sanay akong nanghahablot, hindi ako 'yong hinahablot.
“Are you okay?” mahinang tanong niya.
Bakit...bakit parang ang sexy ng boses niya sa pandinig ko? Kailangan niya lang naman babaan dahil syempre amg lapit ko sa kanya.
“A-ahh...oo...oo.” Lumayo na ako sa kanya at sa ibang direksyon tumutok. Hindi na ako makatingin sa kanya!
Ugh! Hindi na maganda 'to.