Chapter 12

2563 Words
Maaga kaming nagising kinabukasan, kanya-kanyang lakad para makahanap ng pangpiyansa kay Zenon. Pagkalabas ko ng kwarto'y bihis na ako at handa ng umalis. Kinuha ko lang ang maliit kong shoulder bag at lalabas na sana ng bahay. “Zamora, hindi ka kakain?” “Hindi na po, Tiyang.” “Kahit magkakape man lang?” Bumalik nalang ako sa mesa para magkape. Atleast, makapagkape man lang ako. Baka makalimutan ko ng kumain mamaya. Mainit ang kape pero dali-dali ko itong iniinom. Kailangan ko na talagang makahanap ng pera. Tumayo na agad ako pagkatapos. “Ayaw mo ba talaga ng kakaunting naipon natin sa bangko?” “Huwag na, Tiyang. May ibang bagay na pinaglalaanan 'yon.” “Bakit hindi ka na lang manghiram kay Lourd? Para namang malapit na kayo sa isa't-isa.” Napabuntong-hininga ako. “Susubukan ko po, Tiyang.” “Sige, mag-ingat ka. Pagkatapos kong kumain ay lalabas na rin ako.” Pagkalabas ko ng bahay ay siya ring paglabas ni Redson sa kubo nito sa labas ng bahay. Napahinto kami at napatingin sa isa't-isa pero maya-maya'y kanya-kanya kaming iwas. Parehong daan lang ang tinatahak namin pero napakalayo namin sa isa't-isa. Nauuna akong naglakad at sinasadya niya namang hinaan ang lakad para hindi ako makasabay. Ah, nakakabwisit! Padabog akong huminto at hinintay siya pero huminto rin pala siya nang lingunin ko. Para kaming tanga! Mukhang wala talaga siyang balak lumapit sa akin kaya ako na ang humakbang palapit. “Redson…alam mo bang para tayong tanga?” Hindi siya umimik. Nanatili lang ang tingin niya sa daan. “Pasensya na. Sorry.” Agad siyang napatingin sa akin. Bakas sa lumiwanag niyang mukha ang himala na ako ngayon ay nagso-sorry. Grabe naman 'to. Nagso-sorry naman ako kung mapagtanto kong may mali ako. Pero kung alam kong tama ako, aba, magkamatayan na, ipaglalaban kong tama ako. Alam niyo 'yong tanong na ano ang pipiliin mo, maging tama o maging mabuti? Kung ako lang, hindi ako gano'n kabait kaya pipiliin kong maging tama. Ano naman kung mabait kung mali naman? Mali naman ang mga paraan? Mali ang mga lumalabas sa bibig? Mali ang mga aksyon? Aanhin ko ang kabaitan na 'yon? Hinawakan ko ang braso niya. “Mali akong sinisi ko sa'yo na napabayaan mo si Zenon.” “Iyon lang?” Napakunot ang noo ko sa tanong niya. “Meron pa ba?" “Anong gagawin mo para hindi mo na mapabayaan ang kapatid mo?” Tinanggal ko ang pagkakahawak sa kanya. Alam ko na ang gusto niyang iparating. “Tungkol na naman ito kay Lourd?” Nagkibit-balikat siya at nilahad niya pa ang dalawang kamay sa ere. Para bang wala rin palang patutunguhan ang usapang ito. Namulsa na siya at nauna ng naglakad. “Redson!” Putek, kinakausap ko pa nga, nilalayasan na ako ng lalaking 'to? “Hindi pa ako tapos!” sabi ko at mabilis ang hakbang sa pagsunod sa kanya. Bigla siyang huminto at hinarap ako kaya nabunggo pa ako sa dibdib niya. Lintek, biglaan bang huminto. “Alam mo kung saan matatapos ang usapan natin? 'Yon ay kung puputulin mo na ang koneksyon sa Lourd na 'yan.” “Hindi pwede,” matigas kong tugon. “Alam mo bang siya lang matatakbuhan natin, lalong-lalo na ngayon?” Nainis ako nang tumawa siya nang pagak. “Ilang buwan pa lang kayong magkakilala, masyado ka ng nakadepende sa kanya,” huling wika niya at tuluyan na talaga akong nilayasan. Parang gusto kong manabunot. Nakakairita! Nakakabwisit naman ang isang 'to! Dagdag isipin pa eh. Hinayaan ko nalang muna siya at pumuntang palengke kay Aliyah. “Yes, frenny? Anong biyaya na naman ang dala natin diyan?” bungad niya sa akin pagkapasok ko. Wala pa siyang masyadong customer. “Walang biyaya, problema meron.” “Pwede bang sa biyaya mo nalang ako idamay? Wag na sa problema?” “Hindi pwede. Alam mo ba na kapag may problema ka, mandamay ka para masaya?” Pinaikutan niya ako ng mata. “Bakit, ano ba 'yan?” “Baka mayro'n ka riyan, malaki-laking halaga?” “Gaano kalaki? Ikakalugi ko ba?” Nagkibit-balikat ako. “Hmm…medyo.” “Naku, pwede ka ng umuwi.” Binanggit ko ang halagang kailangan ko at nagusot ang mukha niya. “Za, diyos ko. Wala akong ganyan kalaking halaga. Buti sana kung limang libo lang 'yan. Wala talaga, Za. Pasensya na.” Wala naman na akong nagawa. Dahil kapag sinabi niyang wala, eh wala talaga iyan. Hindi naman mahirap takbuhan si Aliyah kapag mayro'n lang siya. Nagtagal pa ako ng ilang oras sa tindahan niya kakaisip kung sino pa ba ang tatakbuhan kong iba. Marami na akong tinakbuhan…palayo, pero tinatakbuhan palapit, bilang lang sa isang kamay ko. Hanggang sa nananghalian na eh nandito pa rin ako sa tindahan niya. Isinali niya na nga ako sa pananghalian niya. “Kain ka na, para may sustansya iyang utak mo mag-isip ng problema mo.” “Salamat.” Nagsimula na kaming kumain at maya-maya'y tinitingnan ko ang cellphone ko. Wallpaper ko 'yong litrato ko sa shooting range noon na si Lourd ang kumuha. Nakakapagtaka rin ang isang 'yon at mula pa kagabi hindi nagparamdam? Hindi rin siya naka-reply sa text ko kagabi. Ano kayang pinagkaabalahan niya? Tumayo si Aliyah dahil may customer. Agad kong kinuha ang cellphone at tinawagan si Lourd. Ilang rings pa bago siya nakasagot. “Hello.” Za, I'm sorry. I haven't replied back yet, it's just that I got so busy here in the office. “De, okay lang. Busy ka ba ngayon? Baka nakaistorbo ako?” No, no. How's Zenon, by the way? Nakalabas na ba siya? “'Yon…kaya ako napatawag. Bukas pa ba ang offer mong tulong? Medyo gipit kasi.” Yes, of course. Always…for you. Pinaglapat ko ang labi. Parang wala lang naman iyong sinabi niya at ang seryoso ng usapan pero naisingit niya pa 'yon. Anong tulong ba ang maibibigay ko? Matagal akong hindi nakasagot. Sigurado na ba talaga ito? At saka hiram ito eh, saan ako kukuha ng pangbayad sa kanya? Za? Ah, bahala na talaga. Saka ko na poproblemahin ang ibabayad. “Ano…kailangan namin ng malaki-malaking halaga para sa pangpyansa ni Zenon.” Why was he caught? Anong kaso niya? Napapikit ako. Ito na naman ang tanong niyang hindi ko masagot-sagot. “Theft,” tipid kong sagot. Ow, theft? He stole? “Hindi ko pa alam sa ngayon ang ang rason niya bakit niya nagawa iyon pero gusto ko nalang munang unahin sa ngayon na mapalabas siya.” Pasensya ka na, Zenon. Kailangan kitang ilaglag nang kaunti. Okay na munang pangalan mo lang ang mabahiran sa kanya kaysa buo nating pamilya. “Pasensya ka na. Hindi pa naman tapos pa ang shop kaya wala pang income iyon. Naitext at natawagan ko na kagabi ang mga pwede kong mahiraman pero wala talaga, wala akong choice —” It's okay. I wanted to be your only choice naman. Tsk. Oh mahabaging Panginoon, bakit ganito ang anak niyo? Bakit nasisingit pa ang paglalandi sa seryosong usapan? Wala kasing bahid ng kalokohan ang boses niya. Napakainosente at sinsero ng salitang lumalabas sa bibig niya. Masyado siyang prangka, na hindi niya alam kung ano bang epekto ng mga sinasabi niya sa kausap niya. “Salamat…” How much do you need? Sinabi ko ang kailangan kong halaga at automatic…mamayang hapon niya pa raw maibibigay dahil may meeting pa siya. “Walang problema iyon.” Okay. We'll catch up soon. Nami-miss na kita. Akma kong binuka ang bibig pero pabalik na si Aliyah. “S-sige. Maraming salamat talaga. Hintayin ko tawag mo.” “Sinong nakausap mo?” “Ang solusyon sa problema ko.” Tinapos ko na ang pagkain. “Talaga? Buti naman. Sino ba 'yon?” “Bagong kaibigan.” Sinupil niya ang ngiti. Ito naman, malisyosa rin. “Lalaki?” Mahina akong tumango. “Gwapo ba? Mayaman? Jowain mo na.” “May asawa na siya,” biro ko. Nanlaki ang mata niya. “So, kabit ka?” “Gaga! Hindi.” Ang hirap naman biruin nito. “Second wife?” “Bahala ka nga — oh may customer.” Tinigilan niya na nga ako at inasikaso ang customer. Tumambay na muna ako at nagsilbing cashier niya habang hinihintay ang tawag ni Lourd. “Alas tres na Zamora, wala kang balak umalis?” “Pinapalayas mo na ako?” “Oo,” mabilis niyang sagot. “Baka kasi singilin mo na ako ng pagiging cashier mo riyan.” “Natumbok mo. Tapos na ba ako sa araw na 'to, madam?” Hindi na siya nakasagot dahil tumunog ang message ringtone ko. Si Lourd ang nag-text. Za, I'm still busy. Pwede bang ikaw nalang pumunta dito sa office? Mabilis akong nagtipa ng reply. Oo naman, ako naman ang may kailangan. Papunta na ako. Pagka-send ay tumayo na ako at nagpaalam kay Aliyah. “May utang ka sa aking isang araw na sahod madam ha?” “Aalis ka na? Saan punta mo?” “Sa solusyon ng problema ko. Salamat pala sa pagpapatambay.” Umalis na ako at pagkalabas sa palengke'y pumara na ng jeep. Mabilis lang naman kaya narito na ako sa harap ng building. Pumasok na ako sa loob at nakita si Drac sa lobby. “Za,” tawag niya sa akin. Bigla akong nanibago sa pagtawag niya. Ito pa lang kasi ang unang beses na muli kaming nagkita mula noong sinabi kong huwag na akong tawaging maam. “Nasaan si Lourd?” Pinakita niya ang parang briefcase na hawak. “May inasikaso. Pinapasabi rin niyang pasensya na at hindi ka niya mababaan.” “Okay lang 'yon, walang problema. Pero ano bang mayro'n? Masyadong naging busy siya ngayon.” “Marami lang pinapagawa ang Daddy niya sa kanya.” Napatango nalang din ako. Akmang kukunin ko na ang briefcase pero iniwas niya ito. “Ihatid daw kita,” aniya at nauna ng lumabas. O-kay? Magrereklamo pa ba ako? Parang hindi naman na kailangan ang opinyon ko kung papayag ba akong magpapahatid o hindi. Sumunod na ako sa kanya. Habang nasa sasakyan ay tinext ko na si Tiyang na pumunta na rin para may kasama ako. Pagkarating ay muli kong pinasalamatan si Drac. Tamang-tama lang din ang pagdating ni Tiyang. Inasikaso namin ang lahat ng dapat asikasuhin at kinahabiha'y pinalaya na nila si Zenon. “Zenon,” sambit ko at niyakap siya pagkalabas niya. Pinaliwanagan pa kami ng pulis sa mga dapat pang asikasuhin para sa paglabas ni Zenon. Bumili muna kami ng ulam bago tuluyang umuwi. Nasa harap na kami ng bahay nang tumawag si Redson sa cellphone ko. “Red—” “Za! Nakahanap na akong pangpiyansa kay Zenon! Nasaan ka na?” Kasabay ng sagot niya'y siyang paglabas niya ng bahay. Ibinaba ko na ang tawag. “Nandito sa labas ng bahay,” sagot ko sa tanong niya. Gano'n na lang ang pagkabigla niya namg makita si Zenon na kasama na namin. “Nakalabas na siya? Nakapagpyansa na siya?” “Opo, kuya,” sagot ni Zenon habang ako'y tumango lang. “May pangpyansa ka? Saan mo nakuha ang pera?” Napakamot siya sa batok at tuluyan ng nawala ang ngiti niya. “Sa kaibigan ko. Huli na pala ako? Saan ka nakahiram?” Humina ang boses niya na parang namatay ang excitement na nararamdaman niya kanina. Hindi ako nakasagot agad bagkus nagkatinginan lang kami. ”Ah, automatic na pala kay Patriarda 'yon,” mahinang wika niya at tumabi nia. “Pasok na po kayo, Tiyang.” Kinausap pa siya ni Tiyang sandali pero hindi ko na narinig. Sumunod na rin si Zenon sa loob. “Paano ka nakabuo ng pera?” tanong ko. “Nanghiram din,” tipid niyang sagot. Nilapitan ko siya't tinapik ang balikat. “Salamat Redson. Ibalik mo nalang ang pera, para wala na tayong utang diyan.” “Pwede pa itong gamitin pambayad kay Patriarda, wala naman problema 'to sa hiniraman ko.” “De okay na Red, ako ng bahala roon. Ako ng magbabayad niyon.” “Basta sa kanya talaga, wala ng makakapagpabago ng desisyon mo,” nakangiti niyang wika pero ramdam ko ang pait niyon. Pumasok na siya sa kubo niya at ako'y naiwang napabuntong-hininga na lamang. Hindi ko na talaga nauunawaan si Redson nitong mga nakaraang araw. Mga sumunod na araw ay pina-lie-low muna namin si Zenon dahil mainit pa siya sa mga pulis. Taong bahay muna siya sa ngayon. Balik din muna ako sa dating gawain. Ilang araw ng walang attendance check kay Lourd. Nakakapagtaka na talaga kabusy-han niya. Sabi na nga ba eh, 'yong mga araw na tuloy-tuloy ang paggala at paglabas niya. Talagang nilubos niya 'yon dahil ayan, ngayon ang busy niya. Ngayon, pumasok na naman ako ng mall. Mas malaki ang makukuha kung papasukin mo ang mga kuta ng mayayaman. Naglalakad lang ako, naghahanap ng next target nang marinig ko ang pinagchichismisan ng tatlong babae. “Yeah, bago na nga raw and he's so gwapo pa at 'yong ate, gumawa ng eksena.” “'Yong anak niya ngang lalaki, Lourd Patriarda at si Engr. Alex, siya 'yong nagwala kasi akala siya ang ipapalit.” Lourd? Si Lourd ang pinag-uusapan nila? “Huh? OMG! Kailan lang? I want to see it.” “Kaninang umaga. Ito oh may video pa.” Lumapit pa ako para marinig ang video pero wala akong maintindihan. Kinuha ko nalang ang sarili kong cellphone at hinanap ang pangalan niya. Unang video na lumabas ay may title na, Patriarch Homes Co., announces it's new CEO. Lumayo ako sa mga babae at naghanap ng bench sa loob. Umupo muna ako aat pinanood ito. “I proudly introduce to you who will take my position…” Pabalik-balik pa ang focus ng camera sa Daddy ni Lourd at sa ate niyang ngiting-ngiti. “Graduated Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management…” Naka-focus kay Engr. Alex ang camera at unti-unti ng nawawala ang ngiti niya. Ako nama'y kahit wala roon ay kinakabahan din. Paanong si Lourd ang papalit, eh hindi nga raw siya nakapagtapos ng college. Tapos itong pinapakilala gumraduate naman. Baka may isa pa silang kapatid? “And recently got his masteral degree at Oxford University, the new CEO of Patriarch Homes Co., my son, Lourd Patriarda.” Napaawang ang labi ko at muntik ko nang mabitiwan ang cellphone. Lumabas si Lourd, nakapormal na tuxedo, mas naging maaliwalas pa tingnan ang mukha niya dahil sa malinis na brush-up style ng buhok niya. Sino ba hindi mahuhumaling sa lalaking 'to? Napakagwapo niya. Pero ang kakaiba nga lang, parang hindi siya ang Lourd na nakilala ko. Napakaseryoso niya at kung ngunit man para sa camera ay tipid lang. Wala na iyong inosente feels sa kanya at napaka-friendly na awrahan. Napakamaawtoridad niya ng tingnan. Nagsisigaw na rin ang ate niya sa video. “Dad! What the hell is this?!” At nagsimula na talaga siyang gumawa ng eksena. Sa video, ay tahimik lang si Lourd sa ibabaw ng maliit na stage. Graduate sa kursong Business Administration at may masteral pa, at sa labas pa ng bansa. Kaya siguro kakabalik niya lang ng Pinas? Putangina, lumapit ako sa kanya at baon ang mga kasinungalingang storya. Pero…ako nga ba talaga ang nanloko? Nanggamit? Pucha naman 'to oh. Hawak ko siya at napapaikot sa kamay pero hawak niya pala ako sa leeg.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD