Chapter 11

2204 Words
"Lourd, pasensya na pero kailangan kong umuwi," sabi ko at nagmamadaling tinipon ang mga gamit ko at sinaksak lang sa packbag na dala ko. Napatayo na rin siya dahil sa pagmamadali ko. "Huh? Why? Anong nangyari?" "Si Zenon, nahuli ng mga pulis —" Hindi ko naipagpatuloy ang sinasabi at napahinto rin ako sa pagsuot ng bag ko. Pucha. Nadulas ang dila ko. "Pulis? Why was he caught?" "Saka ko na ipapaliwanag," sabi ko at agad nang naglakad. "Wait, Drac was downhill, papahatid kita sa kanya. I will just follow, okay?" Um-oo nalang ako sa pagmamadali. Mamaya ko na poproblemahin kung anong ipapaliwanag sa kanya. Pagkababa ko nga ng bundok ay nandoon si Drac. Grabe, ang bilis kong nakababa. Noong paakyat kami panay ang reklamo ko dahil parang palangit na kami, wala pa rin kami sa tuktok. "Ma'am." Agad binuksan ni Drac ang pinto sa likuran kaya pumasok na ako. "Salamat. Sa police station nalang." Tumango lang ito at pinaharurot na ang sasakyan. Kapag magkasama kami ni Lourd, mas mabuting nakikita ko itong bodyguard niya sa paningin ko dahil mas kailangan kong mag-ingat kapag wala siya dahil nasa paligid lang siya namin, nakamasid. Isang maling bira ko lang dito kay Lourd, eh nandiyan agad siya. Bakit ba may bodyguard siya? Naiintindihan ko namang anak-mayaman siya pero hindi ba masyadong OA naman ang ganitong klaseng set-up? "Ilang taon ka ng nagtatrabaho kay Lourd?" tanong ko. Wala naman sa bingit ng kamatayan si Zenon kaya okay lang na isingit ko muna itong pangangalap ko ng impormasyon. "Ako po ma'am?" tanong niya at sumulyap sa rearview mirror. May iba pa ba akong pwedeng kausapin dito? Ang sarap paikutan ng mata pero tumango na lang ako. "Mga anim na buwan pa lang po. Simula pagbalik niya dito sa Pilipinas." "Balik? Saan pala siya galing?" Tumikhim siya at tiningnan niya ulit ako sa salamin. Hindi na ako nagtanong pa dahil parang napagtanto niyang nakapagsabi siya ng impormasyon na hindi dapat. Sa labas ko na lamang binaling ang tingin ko. Kakabalik niya lang pala dito sa Pilipinas kaya pala panay ang English. Anong ginawa niya sa labas ng bansa? "Bakit ka kinuhang bodyguard? Maliban sa anak-mayaman siya, may banta ba sa buhay niya?" Tiningnan niya lang ako at wala pa ring balak magsalita. "Sige na, madalas kaming magkasama, para naman malaman ko baka bigla nalang pala siyang kinidnap o shinoot to kill diyan." "Hindi ko na po alam 'yon, kinuha lang po ako para samahan siya at maprotektahan." Bumuntong-hininga ako. Pakiramdam ko may alam siyang hindi dapat ipagsabi. "Dito na po tayo ma'am." Binuksan ko ang pinto. "Salamat at saka Za nalang, huwag mo na akong tawaging ma'am, hindi bagay," bilin ko at bumaba na. Mabilis ang hakbang kong pumasok sa loob ng station. Si Tiyang lang ang naroon. "Tiyang, nasaan na siya?" "Nandoon, talagang ikinulong." "Ano po ba nangyari?" "Magkasama sila ni Redson, pero mabilis nakatakbo ang isa. Naabutan ang kapatid mo," bulong ni Tiyang. Magkadikit ang ngiping napasabunot ako sa buhok. "Redson…" nanggagalaiti kong bigkas ng pangalan niya. Mamaya sa akin ang isang 'to. Muli kong binalingan si Tiyang. "Pwede naman pong piyansahan?" Tumango lang siya. Pero sa paraan ng pagtango niya at sa ekspresyon niya mukhang hindi namin kakayanin. "Oo. Pero kailangan natin ng malaki-laking halaga." Parang gusto kong mapaluhod sa narinig. "Meron pa ba tayong natira, Tiyang?" Umiling siya. iyong dalawang milyong nakuha ko mula kay Lourd ay pinanggawa namin ng CR, ang iba binayad sa utang. "Pero pwede nating —" "Huwag na po 'yon Tiyang." Alam kong ang ipon nito ang tinutukoy niya kaya pinutol ka na. "Gagawa na lang ako ng paraan. Para po kay Gracia 'yon." Ayaw ko namang pakialaman ang ipon na 'yon. "Pero galing naman 'yon sa inyo. Sige na, magwi-withdraw muna ako, puntahan mo muna si Zenon doon at parang maiiyak na." "Hindi Tiyang, 'wag na po. Kapag wala na talaga. Hahanapan ko pa po ng paraan. Nasaan po siya?" Iginiya ako ni Tiyang kung nasaan si Zenon. Nang makita niya ako'y agad siyang tumayo mula sa pagkahalumbaba. "Ate!" "Zenon…bakit hindi ka nag-ingat?" bulong ko sa kanya. "Masyadong gipit ang sitwasyon kanina, ate." "Tsk. Relax ka lang ha? Ilalabas ka namin. Gagawan namin ng paraan 'yan." Tumango naman siya na parang bata. "Pero mukhang kailangan mong magpalipas muna ng gabi rito." Hapon na rin kasi at padilim na. Pagkatapos naming kausapin ang mga pulis tungkol sa kaso ni Zenon ay umuwi na muna kami. Habang sakay ng jeep ay lumilipad ang isip ko kung saan ako maghahanap ng pangpiyansa. Hindi ko naman inaalis sa isip ko na posibleng dumating ang araw na 'to, dahil hindi sa lahat ng oras, eh swerte kami. Pero iba pa rin talaga kung isa na sa amin ang nahuli at talagang kapatid ko pa. Bakit hindi na lang si Redson? Humanda sa akin mamaya ang lalaking 'yan. Ilang araw na rin akong hindi pinapansin pagkatapos ng pag-uusap namin tungkol kay Lourd niyon. Naglalakad na ako pauwi ng bahay. Pagod na pagod ako sa buong araw namin ni Lourd. Naubos yata energy ko kakanta. Napahikab ako habang naglalakad. Inaantok na talaga ako. Iilang tao na lang ang nasa labas, alas nwebe na rin kasi. Wala na 'yong mga lasinggerong magdamagan ang inuman dahil sinasaway na ng mga tanod. Wala rin akong dahilan para matakot maglakad sa gabi, may mga ilaw at pagala-gala ang mga tanod. At gaya nga ng sabi ni Redson, sila ang dapat mag-ingat sa akin. Kaya kong protektahan ang sarili ko. Speaking of Redson…kita kong parang lutang na naglalakad. "Pasaan ka?" "Aba, ngayon ka lang? Anong oras na." "Wow, tatay? Saan ka?" "Bibiling yelo. Tara samahan mo muna ako." "Kaya mo na 'yan, isang drum ba ng yelo ang bibilhin mo?" "Hindi, pero may ikekwento ka sa akin." Hinila niya na ang braso ko kaya nagpatianod nalang ako't bumalik sa dinaanan. "Anong bungad nong Patriarda kanina?" "Talagang hindi mo kinalimutan, ah?" "Oo naman. Sandali lang." Lumapit na siya sa tindahan at bumili ng yelo. "Kain kang balut?" tanong niya nang binalingan ako. Parang na-miss ko nga ang balut dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakakain niyon. Nitong mga nakaraang araw, puro sosyal na mga pagkain na hindi kilala ng tiyan ko ang pinapakain ni Lourd sa akin. Pakainin ko nga rin nga balut 'yon, tingnan natin. Umupo ako sa isang maliit na mesa sa gilid ng tindahan kung saan may malaking payong na kinapepwestuhan ni manong na nagtitinda ng balut. "Mamaya ko nalang po kukunin ang yelo. Manong, balut po, dalawa." Kumuha na rin siya ng suka at asin. Talagang siya pa nagbukas ng balut ko. "Oh," aniya sabay bigay ng balut. "Ano ba 'yan, ipupukpok ko pa sana ito sa'yo," sabi ko at sinimulang sipsipin ang sabaw nito. "Ano na?" Ito naman, sobra pa sa babaeng hindi makapaghintay ng tsismis. "Who's that," tipid kong sagot. Napahinto siya sa pagkain at sandaling natahimik. "Huling pagkikita niyo na 'yon," deklara niya. "Hindi ko nakukuha ang point mo mula pa kaninang umaga. Sabi mo kapag binati niya ako, nabaliktad na ang sitwasyon. Pero bakit hindi na ako magpapakita sa kanya sa who's that niyang bungad? Hindi ba parang baliktad?" "Kahit saan naman do'n hindi ka na dapat magpakita sa kanya. Nagawa mo naman na ang plano ah, nakakuha ka na ng malaking halaga sa kanya. Hindi basta-bastang halaga." "Dapat pa ngang ipursigi, dahil ang dali niya lang trabahuin. Baka bukas may milyon na naman akong iuuwi." "Trabaho pa ba? O baka naman nagkagusto ka na sa kanya?" Nilamukos ko ang balat ng balut na naubos ko. "Gago ka ba? Anong klaseng tanong 'yan? Anong pinagsasabi mo?" "Sa nakikita ko kasi, hindi na trabaho. Imbis na iwasan siya, mas excited ka pa dahil magkikita kayo." Nagsimula na akong mairita sa mga pinagsasabi niya. "May ubo na ba 'ang utak mo? Bakit yan ang mga naiisip mo?" "Ang akin lang naman, tapos na ang trabaho, bakit pa rin nakikipagkita?" "Kasi nga… baka mayro'n pang mahuthot." Nagkibit-balikat siya. "Pero parang iba na ang hinuhuthot mo," seryoso niyang turan. "Bakit ba mas marunong ka pa sa akin?" Hindi ko na napigilang magtaas ng boses kaya pati si manong na mambabalut eh nakatingin na rin. "Hindi ako nagmamarunong. Sinasabi ko lang ang nakikita ko, at ang sinasabi ko nag-iba na ang plano mo." "Teka nga Redson. Sige, sabihin nating wala na ako sa plano, nagkagusto ako sa kanya tulad ng sinasabi mo. Ano bang pinuputok ng butsi mo?" "Wala." Tumayo na siya. "Ano ba naman ang ilang taon nating pagsasama sa nakakasilaw niyang pera," aniya at kinuha na ang yelo sa tindahan, at umalis na. Dinudugo ba 'yon ngayon? Tangina lang, inaya ako rito tapos iniwan ako. Putangina, hindi pa bayad itong balut. Napabalik ako sa reyalidad nang tumunog ang cellphone ko. May text galing kay Lourd. Sorry. Hindi ako nakasunod. Dad called me urgently. How's Zenon? May maitutulong ba ako? Papatusin ko na ba ang tulong na ito? Pero paano ko naman ipapaliwang sa kanya na nakulong ang kapatid ko dahil nagnakaw? Sasabihin kong nadamay lang? Kailangan ko bang ilaglag ang kapatid ko? Kaya nagnakaw dahil nagutom? Dala-dala ang isipin na 'yon, nakarating na kami ni Tiyang ng bahay. Kung kaya ko lang paapuyin ang Pulang 'to gamit ang titig ko, natusta na itong kumakain. Nakatalikod siya mula sa pinto at mag-isang kumakain sa mesa. "Sarap ng kain, kamusta naman ang kapatid kong nakulong?" wika kong puno ng sarkasmo. Magkakrus ang braso kong hinarap siya ngunit hindi siya umimik at nagpatuloy lang sa pagkain. "Redson, binilin namin sa'yo si Zenon, bakit mo pinabayaan ang kapatid ko?" Tinigil niya ang pagsubo. "Dapat ba dalawa kami ang nahuli? Pasensya na, napabayaan ko ang kapatid mo." Uminit ang tainga ko sa sarkasmo rin niya at nang talagang diniinan niya ang pagsambit ng huli niyang linya. Tumayo na siya at kinuha ang pinggan niya. “Sinasabi mo bang pinapabayaan ko ang kapatid ko?” Paasik niyang nilapag ang pinggan. “Zamora, alam mo ba kung bakit kahit medyo mahina at may pagkalamya si Zenon, kailanman hindi siya nahuli?” Kinuyom ko ang palad at huminga nang malalim. Dahil na rin ito sa sobrang inis ko sa kanya. “Kasi nandiyan ka rin nakabantay. Hinabilin mo siya sa akin pero palagi kang nandiyan sa paligid lang. Anumang oras, mahihila mo siya, matutulungan mo siya sa oras ng hulihan. Pero ngayon…bakit, nasaan ka ba? Diba nandoon ka pa rin sa Lourd Patriarda na 'yon, na trabaho kuno?” Hindi ko napigilan at sinampal ko siya. Malakas 'yon at mainit-init pa ang palad ko. “Zamora!/Ate!” sabay na saway ni Gracia at Tiyang. “Sinasabi mo bang napabayaan ko ang kapatid ko dahil nakikipaglandian ako kay Lourd?” “Bakit, hindi ba?” Bago ko pa siya ulit masampal. Pinigilan na ako ni Tiyang. “Tama na. Tama na 'yan.” Hinila niya ako't pinasok sa kwarto. “Magpahinga ka na muna riyan Zamora. Bukas tayo mag-uusap.” Magpahinga pero hindi rin ako agad nakatulog. Nasa tabi ko na si Gracia at nanood na naman ng K-drama niya habang ako'y mulat na mulat ang mata kakaisip sa mga sinabi ni Redson. Kasi nandiyan ka rin nakabantay. Hinabilin mo siya sa akin pero palagi kang nandiyan sa paligid lang. Anumang oras, mahihila mo siya, matutulungan mo siya sa oras ng hulihan. Pero ngayon…bakit, nasaan ka ba? Diba nandoon ka pa rin sa Lourd Patriarda na 'yon, na trabaho kuno? Mahirap tanggapin pero may punto siya. Sa kakagala ko sa palengke, sa barangay namin o kung saan man, palagi kong sinisigurado na nasa abot ko lang si Zenon. Mahina ang loob ni Zenon pagdating sa ganito kaya bantay sarado ko siya. Paano ko naman talaga siya mababantayan ngayon kung palagi akong sinasama ni Lourd sa trip niya sa buhay? Patusin ko nalang kaya ang tulong na inaalok niya para naman may kwenta iyong pagsama ko sa kanya? Malaki-laking halaga rin ang kailangan namin at hindi ko alam kung saan hahagilapin iyon. Kung pakikialaman ko ang ipon ni Tiyang, siguradong ubos 'yon at baka kulangin pa. Kinuha ko ang cellphone at binuksan ang text niya. Hindi ko pala siya nareply-an. Nagsimula na akong tumipa. Okay lang. Nakulong si Zenon at kailangan ko sana ng pangpiyansa. Matagal kong tinitigan ang reply ko. Hindi ko pa sinend. Tama ba 'to? Parang masyadong demanding. Para bang may ipinatago akong pera sa kanya. Binura ko iyon at muling nagsulat ng bago. Okay lang. Mukhang hindi muna ako makakasabay sa trip mo sa buhay sa susunod na araw. Kailangan kong maghanap ng pera, pangpiyansa kay Zenon. Dapat ko ba talaga sabihing nakulong ang kapatid ko? Tsk. Nasabi ko na rin kasi kanina nang mabigla ako. Bumuga ako ng hangin at patuloy pa ring tinititigan ang tinipa kong reply. Hindi ko mapindot-pindot ang send. Napanganga ako nang gumalaw si Gracia at tinamaan ako ng kamay niya. Aksidente kong napindot ang send. “Pucha, Gracia!” impit kong sigaw. Napabangon ako't sinubukang i-cancel ang text pero wala na, may dalawang check na sa gilid ng reply ko na ibig sabihin, delivered na. Bahala na talaga sa paliwanagan. Madali lang naman siyang gawan ng istorya. Wala pa naman akong storya na hindi niya pinaniwalaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD