POSESION DE AMOR: SIMULA
POSESION DE AMOR: SIMULA
MAINIT ang sikat ng araw, ramdam ko ang malagkit na pawis na gumagapang sa aking likuran habang nakaupo sa maliit na bangko sa ilalim ng punong narra. Dito sa tabing-daan, ang tanging libangan ko ay ang pagbibilang ng mga sasakyang dumadaan... at ang paghihintay ng mga mamimili ng buko. Sanay ako sa ganitong buhay, payapa at walang masyadong gulo.
Wala rin naman akong magagawa, dahil ito na ang kinamulatan ko.
Kami ang pangunahing supplier ng buko sa Hasyenda de Fuego. Isang malawak at tila walang hanggang lupain na pagmamay-ari ng mga taong ang tingin sa amin ay tila mga anino lamang na nagdadala ng produkto sa kanilang kusina.
Napatayo ako nang isang marangyang sasakyan ang huminto sa tapat ng aking pwesto. Iniluwa nito si Rigo de Fuego…
Kilala ko siya, tatlong taon ang tanda niya sa akin... pero sa kilos niya, tila sandaang taon ang agwat ng aming mundo. Nakasuot siya ng polo na puti na tila hindi nadadapuan ng alikabok, at nakaakbay siya sa isang magandang babae na halos hindi makalakad sa sobrang dikit sa kanya.
Paiba-iba siya talaga nang kasamang babae, ano? Hindi mapirmi ang uten nito. Hindi ko alam kung bakit iyon ang natakbo sa isip ko.
“Isang buko,” ani ng babae. Maarte ang boses nito, tila bawat salita ay kailangang dumaan muna sa isang labi sa pisngi ni Rigo bago lumabas sa bibig.
Kukuha na sana ako ng itak para buksan ang buko nang hindi sadyang mahulog ng babae ang baryang ibabayad nito.
“Gosh! Sorry!” Sunod niya pa.
Narinig ko ang lagutok nito sa tuyong lupa... isang maliit na tunog pero sapat para makuha ang buong atensyon ko.
“Ayos lang po, sandali lang po’t kukunin ko.” Mabilis ko naman iyong pinulot dahil pera iyon, hindi basta basta nakukuha sa kung saan... at sa hirap ng buhay namin, bawat sentimo ay katumbas ng isang subo ng kanin.
Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang yumuko ako. Sa pagitan ng pagkakahulog ng barya at sa anino ng kanilang tayo... nasilip ng aking mata ang binti ng babaeng kasama ni Rigo. Ang bestida niya ay bahagyang nakaangat, at doon, nakita ko ang hindi ko dapat nakita.
Yuck! Bastos!
Ang kamay ni Rigo ay nasa loob ng bestida nito, tila walang pakialam kung nasa gitna man sila ng kalsada o kung may nakakakita sa kanila.
Nagulat akong tumayo kaya’t nagulat din sila sa akin. Tumama ang paningin ko sa mga mata ni Rigo. Hindi ko siya pinagmasdan nang matagal... mabilis kong iniwas ang aking tingin. May kung anong kaba ang bumalot sa dibdib ko. Ang tahimik kong mundo ay tila nabahiran ng isang imaheng hindi ko na mabubura kailanman.
“Tara na, Rigo,” hila sa kaniya ng babae. Halata ang inis sa boses nito, tila naiinip sa bagal ng serbisyo o sa biglang pagtigil ni Rigo. Ngunit nanatiling nakatayo si Rigo sa harapan ko.
Hindi siya kumikilos, hindi rin siya agad sumunod sa hila ng kaniyang kasama na iniisip ko kung bakit.
May mali ba? May sukli ba? Sakto naman iyon, ah!
Nararamdaman ko ang bigat ng kaniyang titig sa akin... isang uri ng tingin na hindi ko maipaliwanag kung nanunuri o nananakot dahil sa nakita ko. Napako ang aking mga paa sa kinatatayuan ko, hawak pa rin ang itak na ginamit ko sa buko.
Sandali lamang din nang baliwalain ako nito at umalis. Tila bula na naglaho ang atensyong ibinigay niya sa akin, bumalik ang kaniyang tingin sa babaeng kasama at nagpatuloy sila sa paglalakad patungo sa kanilang sasakyan.
Naiwan akong nakatayo roon, habol ang hininga habang pinagmamasdan ang usok na iniwan ng kanilang kotse. Sa isip ko, paulit-ulit na naglalaro ang tagpong iyon... ang kaniyang kamay, ang binti ng babae, at ang kaniyang malamig na tingin. Higit sa lahat, alam kong kailangan naming maghatid ng mga buko sa Hasyenda de Fuego bukas... at hindi ko alam kung paano ko siya haharapin muli.
“Trella!”
Napalingon ako sa sigaw na iyon. Hindi ko na kailangang tignan kung sino ang tumatawag... kabisadong-kabisado ko na ang matinis at masiglang boses na iyon na tila laging may dalang balita.
“Andeng! Ang aga mo, ah!” bati ko sa kaniya habang sinusubukang ikubli ang tensyong nararamdaman ko mula sa pag-alis nina Rigo.
Hinihingal na lumapit sa akin si Andeng, bitbit ang kanyang bag na punong-puno ng mga libro.
“Bakit hindi ka pumasok?” iyon agad ang bungad niya sa akin bago pa man siya makapunas ng pawis.
Bakas sa kaniyang mukha ang pagtataka, dahil alam niyang kahit mahirap kami, hindi ko basta-basta pinababayaan ang pag-aaral.
Napanguso naman ako sandali habang inililigpit ang mga pinagbalatan ng buko. Friday ngayon at may pasok kami... isang mahalagang araw para sa mga review sa eskwelahan, pero mas ginusto ko na lamang magtinda rito sa tabing-daan kaysa maupo sa silid-aralan.
“Alam mo naman, Andeng... trinangkaso si Mama kagabi pa,” paliwanag ko sa mahinang boses.
“Hindi niya kayang tumayo, lalong hindi niya kayang magbuhat ng mga buko rito. Sayang ang kita, kaya ayos lang naman kung isang araw lang akong hindi pumasok para may pantustos din kami sa gamot niya.”
Napabuntong-hinala si Andeng at naupo sa tabi ko sa maliit na bangko. “Sabagay, naiintindihan ko naman. Pero sayang ‘yung quiz natin sa Math kanina, Tre. Balita ko nga ipapahabol na lang daw sa mga absent.” Tumingin siya sa mga tumpok ng buko na hindi pa nababalatan.
“Marami ka pa bang ibebenta? Tutulungan na kita rito para makauwi ka nang maaga kay Nanay Leana.” Napangiti ako sa kabaitan ng kaibigan ko.
Si Andeng lang ang nakakaalam ng bawat hirap na dinaranas namin. Habang nagkukuwento siya tungkol sa mga nangyari sa school... tungkol sa mga kaklase naming nagkakagustuhan at sa masungit naming guro... hindi ko mapigilang mapatingin sa direksyon ng Hasyenda de Fuego.
“Andeng...” tawag ko sa kanya, pinuputol ang kaniyang pagkukuwento tungkol sa crush niyang varsity player.
“Oh?”
“Dumaan dito si Rigo kanina,” panimula ko, habang kinakalikot ang dulo ng aking damit.
Nanlaki ang mga mata ni Andeng. Sa bayan namin, ang mga de Fuego ay tila mga artista o hari na bihirang makita nang malapitan ng mga katulad namin.
“Si Rigo? Si Señorito Rigo? Oh? Ano’ng ginawa? Bumili ba?”
Tumango ako, pero hindi ko masabi sa kaniya ang tungkol sa nakita ko... ang kamay ni Rigo sa loob ng bestida ng babae. Masyadong maselan ang imaheng iyon para ikuwento, kahit pa kay Andeng.
“Bumili lang... may kasamang babae,” maikli kong sagot.
“Sus, paniguradong isa na naman sa mga modelang nakukuha niya sa Maynila,” biro ni Andeng, pero hindi ako natawa. May kung anong bigat pa rin sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag.
“Sandali nga lang!” Biglang lumapit ang mukha niya sa akin, halos magdikit na ang aming mga ilong sa sobrang usisa niya. “Alam mo, napapansin ko na sa ‘yo na puro Señorito Rigo ang chika mo, Tre! Crush mo, ‘no?”
Bigla naman nanlaki ang mata ko sa kaniyang sinabi. Ramdam ko ang biglang pag-akyat ng dugo sa aking mga pisngi...
.
“H-Hindi, ah!” kabado kong sambit. Mabilis kong iniwas ang aking tingin at inayos ang mga buko sa harapan ko, kahit wala naman talagang dapat ayusin doon. Gusto ko lang magmukhang abala para hindi niya mahalata ang panginginig ng aking mga kamay.
“Nako, Tre! Huwag kang magkakagusto kay Señorito Rigo,” babala ni Andeng habang seryoso na ang kaniyang mukha. “Bukod sa wala naman tayong pag-asa sa kaniya... sabi ni nanay, ang dami na raw binaunan n’on.”
Napakunot ang noo ko. “Ha?”
Hindi ko talaga ma-gets ang kaniyang sinasabi. Binaunan?
Alam kong mayaman si Rigo at maraming koneksyon, pero ano ang kinalaman ng pagbabaon sa kaniyang pagkatao? Nagtatanim ba siya ng kung ano sa hasyenda?
“Marami na ‘yong binaunan na pekpek!” sabay tawa niyang sabi. Humalakhak siya nang malakas, ‘yung tipong halos mayakap na niya ang kaniyang t’yan sa sobrang tuwa sa kaniyang sariling biro.
Napatanga na lamang ako sa kaniya. Ang imahe ni Rigo kanina... ang kaniyang kamay na nasa loob ng bestida ng babae... biglang nagkaroon ng malisya sa isip ko dahil sa sinabi ni Andeng. Kaya pala ganoon na lamang ang laro ng kaniyang mga daliri sa binti ng babaeng iyon.
“Andeng, ang dumi ng isip mo!” saway ko sa kaniya, pero sa loob-loob ko ay tila mas lalong nadagdagan ang bigat na nararamdaman ko tuwing maririnig ang pangalan ng de Fuego na iyon.
“Pero seryoso, Tre. Huwag kang magmamahal ng hindi naman natin abot,” seryosong dagdag ni Andeng. Wala na ang tawa sa kaniyang tinig, napalitan na ito ng tunay na pag-aalala para sa kaniyang kaibigan. “Mas’yadong mataas si Señorito Rigo para sa atin... lalo na at pagdating ng panahon ay ikakasal din sila sa kauri nila na mayaman.”
Nanatili akong tahimik.
Wala naman akong gusto kay Señorito Rigo. Hindi ko gusto ang mga lalaking mahilig paglaruan ang puso ng mga babae.