Chapter 7

1289 Words
Sa tantiya ni Elisa ay tatlong beses siyang nagpalipat-lipat ng sasakyan. Nakapiring man ay sinikap niyang makiramdam sa paligid. Binilang niya talaga. Mula sa silid na kinaroroonan niya ay lumulan sila sa kotse at lumipat sa isang eroplano. Nararamdaman niya ang pressure. Halos masuka siya. Napahawak siya nang mariin sa upuan at naipikit nang mariin ang natatabingang mga mata. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagsasa-sama kay Margaux kahit anong pangungulit nito na isama siya sa mga bakasyon nito sa ibang bansa. Kapag lumuluwas siya ng Manila, barko ang sinasakyan niya. Ang pressure, ang pagod, ang kaba, naghahalo sa sistema niya. Hinihila na siyang matulog pero hindi niya ginawa. Nang makababa sa eroplano ay sumakay naman sila sa isa pang sasakyan na siyang nagdala sa kanya sa kinaroroonan ngayon. Tinanggalan siya ng piring sa mga mata. Naninibago siya sa nakakasilaw na liwanag na tumambad sa kanyang mga mata. Ilang oras ding may tabing ang paningin niya. Napapikit siyang muli ngunit sinikap niyang i-adjust ang paningin sa paligid. Hanggang sa unit-unting luminaw ang paningin niya. Nakaapak ang mga paa niya sa isang sementadong walkway. Pag-angat niya ng mukha, bumungad sa kanya ang isang magarang dalawang palapag na bahay na nakatirik sa isang malawak na bakuran. Maganda ang bahay. Modern. Classy. Minimalist ang tema. Magandan ang interior. Parang katulad ng mga nakikita sa mgazine. Kung wala siya sa isang masalimuot na sitwasyon, kung wala ang mga bodyguards na nakabantay sa kanya, siguro, nagawa na niyang mamangha sa nakikitang ganda sa paligid. Nilingon niya ang bodyguard na nagtanggal ng piring sa mga mata niya. Mando ang naalala niyang pangalan nito. "Mama, nasaan na ho ba tayo?" Wala siyang sagot na nakuha. Expected na niya. Baka inutos ng amo. Buong akala niya ay isosoli siya ni Lorenzo kay Sir Deo. Relief imbes na takot ang maramdaman. Kahit naman kasi may sukbit na mga baril ang mga tauhan ni Lorenzo, hindi naman goon ang habas ng mga mukha nito. “Tara na sa loob.” Binagtas nila ang pathway patungo sa entry porch hanggang sa marating nila ang maalwan at kaaya-ayang kabahayan. Lumagpas sila sa malawak na sala at dining at pumasok sa isang silid sa pinakaunang palapag lang din ng malaking bahay na kinaroroonan nila. Nang buksan iyon ni Mando, tumambad sa kanya ang bare na silid na parang wala namang gumagamit. Ilang kwadrado lang iyon. Tanging higaan na napapatungan ng hindi naman kakapalang kutson ang masasabing pinakamwebles ng silid. Ni walang cabinet sa paligid. Para iyong kwarto ng isang priso. Tatanggapin na lang ba niya na dito siya ibuburo ni Lorenzo? "Sandali." Akmang lalabas na ng silid ang lalaki nang pigilan niya. "'Yon nga palang bag ko. Makikisuyo sana ako, kung maaari, akin na." Muli ay tinapunan lang siya ng tingin ni Mando at humakbang na itong muli na parang walang anumang naririnig. "Mama, salamat nga pala, ha." Hindi niya alam kung bakit siya nagpapasalamat. Basta ang malinaw lang sa kanya ay mas natatakot siya sa hacienda kesa sa bahay na ito. Nakita na niya kung paanong magalit si Sir Deo. May mga pagkakataong may sinasaktan itong mga tauhan nang dahil sa hindi masunod ng tama ang mga utos nito. Minsan pa nga ay may trabahador na isinugod sa hospital nang hindi makayanan ang pambubugbog ng mga tauhan ni Sir Deo. Tingin niya kay Sir Deo, may kinikimkim na galit sa dibdib. Nakakatakot ito. Nanlalamig ang pakiramdam niya sa kung ano ang maaaring kahinatnan niya sa mga kamay nito oras na ibalik siya ni Lorenzo sa hacienda. Sa kawalan ng mapagbuntunan ng sisi sa kasalanan nito at ni Lorenzo ay siya ang napagbabalingan. ‘Si Margaux kaya, kumusta na?’ Naupo siya sa gilid ng folding mattress. Sumiksik siya sa dingding at itinaas ang mga paa at nayakap ang sarili. Kumakalam na ang sikmura niya. Gutom na siya. May pagkain namang iniabot si Mando sa kanya kanina pero sino ba ang gaganahang kumain? Thankfully ay may pumasok. Laking tuwa niya na sa wakas ay may babae siyang nakikita. Napatayo pa nga siya at hinintay ang paglapit ng babae. “Ako nga pala si Cora. Pwede mo akong tawaging Aling Cora o Manang Cora,” pakilala ng babae na ngayon ay sinimulang ilapag ang dala nitong mga pagkain sa mesang ipinasok ng isa sa mga bantay. “Sige, ako na ang bahala rito.” Tumalima naman ang lalaki sa utos ni Manang Cora. Siya naman ang hinarap ng babae. "Napagod ka marahil sa biyahe." May kabaitan ang habas ng mukha ni ManangCora. Parang laging may nakahandang ngiti kahit kanino. "Kumain ka na." Natatakam man sa pagkain ngunit hindi siya tuminag. "Walang lason ‘yan." Hindi makakatulong kay Lorenzo ang lasunin siya. Kailangan pa siya nito para makita nitong muli si Margaux. Hinamig niya ang sarili at naupo sa katernong bangketo na kasamang inilagay ng lalaki kanina. Ang ganda ng pagkaka-plate ng mga pagkain at ang sarap ng amoy na nanunuot sa ilong niya. Amoy pa lang, nakakatakam na. “Kain na.” Si Manang Cora na mismo ang nagsandok ng mga pagkain sa plato niya. “S-salamat po.” Sinimulan niya ang pagkain. Nagugutom na rin talaga siya. Sa unang subo ay napapikit pa siya. Kakaiba lang ang epekto ng pagsayad ng pakain sa lalamunan niya. Parang pati kaluluwa niya ay naliligahayan din. Naging sunud-sunod ang pagsubo niya hanggang sa naubos niya ang sinandok na pagkain ni Manang Cora. Paglingon niya rito, nakangiti lang itong nakatitig sa kanya. "Ito nga pala ang mga damit na maaari mong ipampalit. May mga underwear na rin diyan na hindi pa nagagamit. Pagpasensyahan mo na at mga duster lang ang mga damit na meron ako." Sa pagitan ng pagnguya ay nagawa niyang mangusap, "Salamat ho." Nakita niya kung paanong natitigilan si Aling Cora at napangiti ng bahagya. "Nakukuha mo pa talagang magpasalamat." Isa sa mga bagay na itinuro ng nanay niya, magpasalamat sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras. “Baka gusto mong maligo. May banyo itong silid na ito.” Saka pa lang niya napagtuunan ng pansin ang nakapinid na pinto na kakulay ng pintura sa loob. "Siya, maiiwan na muna kita." Muli siyang napag-isa at nalulungkot na nakatitig sa nakapinid na pintong pinasukan at nilabasan ng babae. Sigurado siya, may mga bantay na nasa labas. Ipinagpatuloy niya ang pagkain. Kailangan niyang magpalakas. Sa tindi ng gutom ay 'di na niya binigyang-pansin ang tila komosyon na nangyayari sa labas. Patapos na siya sa pagkain nang biglang bumukas ang pintuan at iniluwa roon ang isang maganda at sopistikadang babae. Kilala niya ito. Si Audrey, kapatid ni Lorenzo, ang nagtanggol sa kanya noon mula sa lalaki. Sa pagkakaalam niya ay sa Europe na ito naninirahan at matagal na panahon nang hindi nagagawi sa hacienda. ‘Yon ang bali-balita. Ngayong nasa harap ito, nabuhayan siya ng loob. "Who the hell is this woman?" galit na tanong ni Audrey sa nakabuntot na si Mando habang nakatutok sa mga mata sa mga sugat niya. Nataon pa naman na halos isubo niya ang malaking slice ng ulam. Pulubi at kaawa-awa ang tingin nito sa kanya. Bago pa man siya makahuma ay nahila na ni Mando at ng isa pang bodyguard si Audrey. "Take your hands off me!" Galit nitong ipiniksi ang kamay na pumipigil rito. Saka pa lang din siya nakabawi sa kabiglaan. Tinakbo niya ang pagitan nila ngunit ang sumaradong pintuan na ang sumalubong sa kanya, sa mismong mukha niya. "Ma'am Audrey, tulungan ho ninyo ako. Si Elisa ito. Natatandaan ninyo pa ba ako?" May naulinigan siyang ingay sa labas ngunit hindi niya iyon masyadong maaninag. Napu-frustrate na napasandal na lang siya sa dahon ng pinto habang naninikip ang dibdib. "Ano ba talaga ang balak ni Lorenzo sa akin?" Parang mababaliw na niyang kausap sa sarili habang nakatingin sa kawalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD