
Umiihip ang malamig na hangin. Malawak na dagat ang aming nasa harapan. Nagtatago ang buwan sa kumot ng kalangitan. Madumi ang himpapawid. Nagbabadyang umulan.
Lingon siya ng lingon sa akin habang ako ay diretso lang ang tingin, nakatuon sa malayo.
"Kevin... "
Tumingin siya sa akin. Nagsimula na namang bumigat ang aking dibdib.
"Ano yun?"
"Aalis ako."
"Aalis?" nag-iba na ang tono ng boses niya.
"Yep."
"Saan ka pupunta?"
"Middle East."
"Dubai?"
Tumango ako.
"Ah."
"Malayo yun. Isang libong Manila-Pampanga ang layo."
Hindi na siya nakasagot. Lumingon ako para tignan siya. Nagkatitigan kaming dalawa.
"Hindi ko agad sinabi sayo kasi---" hindi ko na natapos. Nagsalita na agad siya.
"Kailan ka aalis?"
"Next month."
"Matagal ka mawawala?"
"Oo."
"Mga ilang buwan? ...ilang taon?"
"Baka dalawang taon. Pwede rin mas matagal pa dun. Depende. Baka mag cross country nako. Bahala na."
"Masaya ako---."
Kumalas siya ng tingin. Ibinaling sa ibang direksiyon.
Natapyas ang ilang segundo. Walang imikan.
"Salamat." tugon ko.
"Hihintayin kita kahit gaano pa katagal."
"Wag na... wag mo na ako hintayin."
Pumatak ang luha niya kasabay ng pagbagsak ng ulan.
"Hihintayin parin kita."
Umiling ako.
"Mamimiss kita... Mark."
Bumuhos ang malakas na ulan kasing lakas ng pagbuhos ng aking luha ng hindi ko namamalayan.
~~+~~
Sa mundong ito, hindi pala sapat ang pagmamahal lang. Kailangan mong maging ganito, maging ganon, piliin ito kaysa dun dahil yun ang tama. Yun daw ang dapat.
Lahat daw ng kwento ay may hangganan.
Lahat daw ng umpisa ay may tiyak na wakas.
Ang aming pagmamahalan, siguro hanggang dito nalang.
Pero ang aming pagkakaibigan, nasa unang mga kabanata pa lang.

