“Sige, magpapahinga muna ako, maraming salamat ulit,” wika ni Clara ng makapasok siya sa kwarto na tutuluyan. Matapos kasing sabihin ni Ivan na pumayag ang kanyang ina sa gusto ni Clara ay ilang minuto pa silang nag-usap hanggang sa napagpasyahan na nilang pumasok.
“Walang anuman, magpahinga ka na muna at hindi ka pa natutulog,” wika naman nito. Ngumiti lang sa kanya si Clara at isinara na rin ang pinto para magpahinga. Ilang segundo pa siyang nanatiling nakatayo ro’n hanggang sa maisipan na niyang bumaba para kausapin ang kanyang ina.
Habang pababa ay sumagi na kaagad sa kanyang isipan ang magiging reaksyon nito kapag nalaman nito na hindi niya sinunod ang sinabi ng ina. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng takot, pero nang biglang sumagi sa isipan niya ang nakangiting mukha ni Clara ay parang lumakas ang loob niya.
Kaya naman imbes na patagalin pa ito ay dali-dali na rin siyang bumaba at nadatnan niya sa kusina ag kanyang ina na nagluluto. Kahit na nakatalikod pa ito sa kanya ay hindi niya maiwasan na makaramdam ng kaba kaya naman hindi niya agad ito matawag.
“Anong kailangan mo?” narinig niyang tanong ng ina kaya naman ilang beses pa siyang napalunok bago nakasagot. Alam niya na malakas ang pakiramdam ng kanyang ina kaya naman ng makababa pa lang siya ay alam na niya na napansin siya nito.
Ilang beses pa siyang huminga ng malalim ngunit hindi pa rin maalis ang kaba na nararamdaman niya. Bigla naman siyang nagulat ng biglang humarap sa pwesto niya ang kanyang ina, seryoso itong nakatingin sa kanya kaya naman hindi niya magawang makapagsalita.
“Anong nangyari, naputulan ka ba ng dila kaya hindi ka makapagsalita?” seryosong tanong nito kaya naman dali-daling umiling si Ivan. Kanina ay ilang beses niya pang kinumbinsi ang sarili niya na lakasan ang loob at sabihin kaagad ang gusto niyang sabihin, kaya lang ay hindi niya magawa.
Ngayong kaharap na niya ang kanyang ina ay parang umurong ‘yong lakas ng loob na naramdaman niya. Lumaki siya na may takot sa kanyang ina kaya naman ngayon na nasa tamang edad na siya at kayang mag-desisyon para sa sarili ay sinusunod niya pa rin kung ano ang gusto ng kanyang ina.
Kaya nga ng sabihin nito na hindi nito nagustuhan ang lugar at mga empleyado kung saan siya nagta-trabaho ay umalis kaagad siya. Nang sabihan naman ng nanay niya na hindi para sa lalaki ang pagsusulat ay ilang buwan niyang itinigil ‘yon, pero itinuloy niya rin ngunit patago nga lang.
Kaya naman ngayon na naglakas-loob siya na suwain ang ina niya ay pilit niya lang inaalala ang nakangiting mukha ni Clara, at dahil do’n ay nagawa niyang sabihin sa kanyang ina ang gusto niyang sabihin. Kaya lang ay hindi rin siya mapakali ng mapansin niya na hindi man lang ito umimik.
“Ang sabi ko ay hindi ko sinunod ang sinabi mo. Sinabi ko kay Clara na ayos lang na dito na siya tumira sa lugar natin at tutulungan ko siya,” pag-uulit niya pa sa sinabi niya kanina. Ngunit hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng kanyang ina at nanatiling nakatingin sa kanya.
Ngunit imbes na sumagot sa kanya ay tinalikuran na siya nito at bumalik sa ginagawang pagluluto. Nagtaka tuloy siya sa inasal ng kanyang ina dahil kilala niya ito, alam niya na magagalit ito sa oras na sumuway siya. Kaya lang ay hindi ito sumagot at tinalikuran lang siya, hindi niya tuloy alam ang gagawin.
“Ikuha mo ako ng repolyo dahil kulang itong pang-sahog ko,” utos sa kanya ng ina.
Nagtataka man ay sumunod na lang siya at agad na lumabas para kumuha ng repolyo. Habang kumukuha ng gulay ay hindi niya maiwasan na mapaisip kung ayos lang ba ‘yon sa kanyang ina, o kung ano man ang nararamdaman nito ngayon.
Sa tagal kasi nilang magkasama ay ngayon lang ito hindi nagalit sa kanya kahit na malinaw na hindi niya sinunod ang gusto nito. Hindi tuloy siya mapakali kaya naman imbes na gumawa pa ng dahilan para magalit ang kanyang ina ay binilisan na niya ang pagkilos.
Ilang oras pa ang lumipas ay hindi pa rin nito binabanggit ang tungkol sa sinabi niya kanina kaya naman halos buong araw siyang naging maingat sa kanyang mga galaw para hindi magalit ang kanyang ina. Hindi niya tuloy matukoy kung ayos lang ba ‘yong ginawa niya o pinipigilan lang nitong magalit.
Pagsapit ng hapon ay nagising na rin si Clara at pagbaba niya sa sala ay naramdaman niya kaagad na mukhang hindi maganda ang mood ng mga tao. Nang magkita sila ng ina ni Ivan ay muli lang siyang tinignan nito mula ulo hanggang paa kaya naman hindi siya nakagalaw agad.
Magpapasalamat sana siya dahil pumayag ito na tumira siya malapit sa kanila kaya lang ay hindi na niya nagawa dahil matapos siyang tignan nito ay umalis din ito kaagad kaya naman napasunod na lang siya ng tingin sa ginang. Nagtataka man ay lumabas na lang siya at do’n niya nakita si Ivan na may ginagawa.
Nang makita niya ang walis na nasa gilid ay agad niya ‘yong kinuha at saka nagsimulang magwalis. Nang mapansin naman siya ni Ivan ay dali-dali siya nitong pinigilan sa kanyang ginagawa pero hindi naman siya nagpatalo kaya naman wala na ring nagawa pa ang lalaki kung hindi ang hayaan siya.
“Bayad ko na ‘to sa pagtuloy ko sa inyo. Ayoko naman masyadong makaabala pa sa inyo kaya hayaan mo na ako sa mga gawaing bahay,” sabi niya pa. Nang dahil sa sinabi niya ay hindi naman na nakaangal pa si Ivan dahil alam niya na hindi rin naman magpapapigil ang babae.
Kaya naman habang nililinis niya ang mga gulay na nakuha ay nagwa-walis sa bakuran si Clara. Napansin naman ‘yon ng ina ni Ivan pero hindi na siya umimik pa, kagaya na lang kanina ng sabihin sa kanya ng anak na sinuway siya nito ay hindi rin siya nagsalita.
Gusto niyang magalit pero pinigilan niya ang sarili kaya naman halos madurog niya ang manok na niluluto niya kanina dahil sa galit. Kaya hindi rin siya nagsalita kanina ay dahil alam niya na hindi niya rin mapipigilan ang anak kaya naman plano na lang niya na paalisin ng kusa ang babae.
Kaya naman imbes na pilit paalisin ang babae ay balak niya na hanapan ito ng butas para magalit ang kanyang anak at ito na rin ang magpaalis sa babae. Hindi niya kasi matanggap na ang dali lang magtiwala ng anak niya sa bagong kakilala na babae, na dayo lang sa lugar nila.
Mas lalo rin tuloy lumaki ang dahilan para hindi niya gustuhin ang babae, malakas kasi ang paniniwala niya na ginagamit lang nito ang anak niya. At bago pa man ito magtagumpay sa plano niya ay balak na niyang unahan ang babae. Muli niyang tinignan ang dalawa habang patuloy ang mga ‘to sa paglilinis.
Hanggang sa magkasunod silang natapos ay agad na naghanda ng meryenda si Ivan. Bigla tuloy napaisip si Clara kung sadyang mabait lang ba ang lalaki o may nararamdaman na ito sa kanya.
Hindi naman kasi siya bago sa mga ganitong bagay. kaya naman madali para sa kanya ang mapansin ang pagbabago sa lalaki, lalo na at nakailang nobyo na rin naman na siya kaya napansin niya agad.
No’ng una ay mabait lang ito sa kanya pero matapos nilang mag-usap ay napapansin niya ang pagtingin at pag-ngiti nito sa kanya. At ngayon na magkasama sila ay nakumpirma niya ang kanyang hinala.