Alam niyang baliw ako sa mga halik niya?
Oo, hindi naman iyon magbibitaw ng ganoong salita kung hindi niya alam.
Paano? Sobrang obvious ko ba?
Malamang! Kaya nga niya nalaman.
Literal na halos mabaliw ako sa kaiisip ko sa naging huling eksena namin ni Fabian bago kami nagkahiwalay. Nakauwi na ako sa bahay, hinatid niya ako. Nauna rin ako at naiwan naman sina Mommy at Daddy doon.
Mag-isa lang ako sa kwarto kaya halos mawala ako sa sarili. Ilang beses akong nagpagulong-gulong sa kama habang ang dalawang palad ay nasa aking mukha. Hanggang ngayon ay damang-dama ko pa rin ang init sa pisngi ko.
Ramdam ko pa rin ang kahihiyan ko kahit wala na si Fabian. Ngunit sa utak ko, nandoon pa rin iyong ngisi niyang kamuntikan kong ikamatay. Hindi sa pagiging exaggerated, pero iyon kasi ang nararamdaman ko ngayon.
Kulang na lang ay mahati sa gitna itong kama at kagustuhan kong magpalamon dito. Sa gabing iyon ay hirap na hirap kong patulugin ang sarili. Kaya kinabukasan ay para akong pinagbagsakan ng langit at lupa.
Sa hapag kasama sina Mommy at Daddy ay wala ako sa tamang ulirat. Kahit papaano nga ay nagising ako nang maaga para daluhan at makasama sila sa almusal. Iyon lang, gustuhin ko man na pagtuunan sila ng pansin ay naging tahimik ako.
"Nagkakamabutihan na ba kayo ni Fabian? Tell me the truth, Ada," pukaw ni Mommy sa malamig na tono habang matalim ang mga matang nakatingin sa akin.
Hirap akong napalunok. Sa totoo lang ay hindi ko naman talaga alam kung alin ang totoo sa mga sinasabi ni Fabian. At sa kailaliman ng puso ko, gusto kong paniwalaan na totoo ngang gusto niya ako, kung hindi lang din ako nagkaroon ng ideya na pagpapanggap lang ang lahat ng ito.
Gusto kong maniwala kay Fabian, pero itong sitwasyon namin ang nagsasabi sa akin na huwag. Kasi alam ko rin sa sarili, bandang huli ay ako lang din ang masasaktan.
Umiling ako. "Hindi..."
"Nagugustuhan mo na ba si Fabian?" dagdag ni Mommy, dahan-dahan nang lingunin ko ito sa kaniyang pwesto.
Katapat siya ng upuan ko. Si Daddy naman ay nasa kabisera ng lamesa. Mataman lang siyang nakikinig kay Mommy at maang na tinatapunan ako ng tingin.
"O may pag-asa ba na magustuhan mo siya?"
Magiging big deal ba sa kaniya kung sakali na sasabihin kong oo? Hindi naman mahirap magustuhan si Fabian. Sa mga ipinapakita at ipinaparamdam niya sa akin, hindi malabo na sa kinatagalan ay sa ganoon patungo ang damdamin ko para sa kaniya.
“Pipilitin kong huwag,” iyan ang nais kong maging sagot kay Mommy, pero baka mali at mapagalitan lang ako.
"Hindi," tila labas sa ilong na saad ko.
"Mabuti kung ganoon. Dahil una pa lang naman, alam mo na kung bakit kayo nagpakasal 'di ba? Well, honestly, wala naman sa akin kung masasaktan ka, o kung aasa ka kay Fabian at magkakasakitan kayo. Ang iniingatan ko lang ay ang pangalan ng anak ko. Ayokong darating ang araw na masisira si Ava sa maraming tao dahil sa kagagawan mo. Kaya binabalaan kita na huwag kang gagawa ng bagay na hindi ko nalalaman. Naiintindihan mo, Ada?"
Tinitigan ko si Mommy, bakas sa mukha niya ang labis na pagkaayaw sa akin. Sa tuwing tumitingin siya sa akin ay hindi niya ako matagalan. Mabilis siyang mag-iiwas ng tingin pagkatapos akong irapan.
Paulit-ulit kong sinasabi na sanay na ako sa masasakit niyang salita, pero ang totoo ay hindi. Ayoko lang aminin na sobra akong nasasaktan dahil sa sarili kong magulang. Ayokong maging katawa-tawa, ayokong maging kaawa-awa sa paningin nila.
Marahan akong tumango at hindi na sumagot. Mabilis na umikot ang orasan, naunang tumayo sina Mommy at Daddy kaya magkasabay din silang lumabas ng dining. Kusa ko namang inayos ang pinagkainan namin, pero pinigilan ako ng isang katulong.
"Kami na rito. Magpahinga ka na lang at bukas ng umaga ang flight ninyo ni Fabian paalis, hindi ba?"
Bigla akong natauhan. Kaagad na bumalik ang kaba sa puso ko at nanlaki ang mga mata ko. Dali-dali akong umakyat sa kwarto para ayusin ang gamit ko. Hindi pa pala ako nakakapag-impake ng mga damit.
Ayoko talaga na sumama kay Fabian papuntang Maldives kung tunay ngang magha-honeymoon kami. Wala lang akong pagpipilian at bawal akong tumanggi. Hindi bale, pakikiusapan ko ulit si Fabian.
Habang nagliligpit pa ng mga gamit ay ilang katok ang narinig ko mula sa labas ng kwarto. Hindi na bago kung katulong iyon. Kung si Mommy o Daddy naman ay dederetso silang papasok dito.
Mayamaya pa nang kusang bumukas ang pinto dahilan para tumigil ako saglit. Nilingon ko ito at bumungad sa akin si Aling Rosa. Hindi na siya nagtangkang pumasok, mukhang may sasabihin lang.
Ngunit hindi pa man bumubuka ang labi niya nang biglang sumilip ang ulo ni Fabian galing sa likod niya. Simple siyang kumaway sa akin habang malaki ang ngiting nakapaskil sa kaniyang labi. Napanganga ako.
"Fabian!" Nahigit ko ang hininga ko.
Bago pa man ako makatayo sa pagkakaluhod ko sa sahig ay tuluyan na siyang nakapasok. Tumango naman si Aling Rosa, isinarado ang pinto at tuluyan kaming iniwan sa loob.
"A—anong ginagawa mo rito?" utal kong bulalas, kasunod nang pagsuyod ko ng tingin sa katawan niya.
Suot nito ay plain black t'shirt at cargo shorts. Para lang siyang nakapambahay, pero sa paningin ko ay nagmukha siyang artista. Halos manuot din sa ilong ko ang ginamit niyang pabango nang mag-squat siya sa gilid ko, dinudungaw ang ginagawa ko.
Ngumiti siya. "Sinisigurado ko lang na hindi mo ako iindian-in sa honeymoon natin."
"Para namang may kawala ako. Para namang valid kung tatanggi ako," palatak ko.
Napanguso ako at saka ibinalik ang atensyon sa pagtutupi ng damit. Sadyang hindi ko kinakaya ang presensya ni Fabian, sa lapit niya at sa mga paninitig niya. Ngayon pa lang ay kinakabahan na ako para bukas.
"Okay lang na tumanggi ka sa honeymoon natin. But the fact that we are married, do you think you can get away with it?" aniya bago tuluyang naupo, kumuha siya ng isang damit ko at tinulungan ako sa ginagawa.
"Ganoon ba 'yon, porket mag-asawa na ay dapat ng gawin 'yon? Paano kung hindi niyo naman gusto ang isa't-isa? Kasi napilitan lang kayong magpakasal dahil kailangan?"
Kumawala ang pagtawa ni Fabian dahil sa mumunting pagrereklamo ko.
"Alright," kalaunan ay buntong hininga niya. "Pupunta na lang tayo ng Maldives para magbakasyon at makapamasyal."
Natigilan ako at madali siyang binalingan sa gilid ko habang tuwang-tuwa. "Totoo?"
Sinipat niya ako ng tingin. Napanood ko naman ang pagtanaw niya sa labi ko. Ngumuso siya, malungkot pero tumango ulit.
"Yeah."
"Thank you," magiliw kong sambit, saglit akong umahon sa pagkakaluhod ko para lang patakan siya ng halik sa pisngi niya.
Nagulat siya sa ginawa ko. Maging ako man, ngayon lang natauhan at parehong lumuwa ang mga mata ko. Mabilis akong lumayo ngunit maagap akong hinawakan ni Fabian.
"Just don't seduce me, Ada..." pagbabanta niya, kasabay nang mabigat niyang paghinga. "Marupok ako pagdating sa 'yo. So don't do anything that will turn me on."
Namula ang pisngi ko. Tinulak ko ang balikat niya sa labis na kahihiyan.
Kung anu-anong pinagsasasabi.
Mayamaya nang humalakhak siya. Hindi ko nakayanan at inirapan ko na ito. Baliw din ang isang 'to, ang bilis magbago ng mood.
Tangkang tatayo na ako at natapos na rin naman na ako, pero hinuli niya ulit ako. Wala sa sarili nang mapaupo ako sa hita niya. Nahigit ko ang hininga at marahas siyang nilingon. Nakatingala naman ito sa akin.
Hinihintay ko kung anong gagawin niya ngunit nagdaan ang ilang segundo ay nakatitig lang siya sa akin. Tahimik siya, tila ba tinatantya rin ang emosyon ko.
"Bakit?" mahina kong sambit.
Maliit ang naging ngiti niya. "I just can't believe you married me."
"Wala naman akong choice."
Natawa si Fabian.
"Kung sabagay. Hindi rin naman kita papayagan na makasal sa ibang lalaki. The first time I laid my eyes on you, I knew you were mine."
Inayos niya ang ilang tikwas ng buhok ko at inipit sa likod ng aking tainga. Ramdam ko sa leeg ko ang mainit na buga ng kaniyang paghinga, nakikiliti ako. Nagtataasan ang mga balahibo ko sa mga sinasabi niya, lalo dahil sa posisyon naming ito.
"You're mine, Ada. Got it? You're only mine."