Paghihinagpis

2232 Words
Ilang araw ang lumipas ng mabalitaan niya na bumalik si Krystal sa apartment nito para kunin na ang iba pa nitong mga gamit. Masaya daw ito nang makabalik doon at makita ulit ang mga kasamahan sa trabaho pero ang ikinababahala niya ay ang usap usapang kumakalat ngayon na marami daw nakitang pasa sa mga braso ni Krystal. Kinutuban na siya na baka nga minamaltrato na ito ni Gold at isa pang lubos na ikinakatakot niya ay ang maulit sa kaibigan ang nangyari sa kapatid. Kinuha niya ang kanyang telepono para i-dial ang number ng kaibigan. Ilang beses lang itong narinig niyang tumunog ng sagutin na ni Krystal ang kanyang tawag. “Hello beshie!” may tuwa ang boses ni Krystal nang sagutin siya nito sa kabilang linya. Napangiti siya sa reaksyon nito. Ganoon lang talaga silang dalawang magkaibigan, pagkaraan ng ilang araw ay wala na rin ang tampuhan. Akma na sana siyang magsasalita nang maputol agad ang kabilang linya. Napakunot siya ng noo. Anong nangyari? Sadya bang pinindot nito ang end call or what? Tumawag ulit siya sa telepono nito ngunit busy tone na ang sumunod na narinig niya. Sandali siyang nag-isip. Masigla naman ang boses nito ayon sa pagkakarinig niya, pero bakit ganun? Tila may kaba ulit siyang naramdaman sa kanyang dibdib. Bakit may pag-aalala pa rin siyang nararamdaman dito sa kabila ng magiliw na pagbati nito sa kanya mula sa kabilang linya? Napahugot siya ng malalim na buntong hininga, she realized how much she missed talking to her friend. How she missed being with Krystal. Nami-miss niya na makipagkulitan dito. Maging ang asaran nila palagi. Yung sa tuwing walang ginagawa ay mag-sho-show up na lang ito sa kanilang bahay at yayayain siyang mamasyal maghapon kahit na pagkain lang sa tabi tabi ang madalas nilang pagtripang kainin. Bigla siyang nakaramdam ng lungkot. Sana okay lang ang kaibigan. Isang hapon, pauwi pa lang siya ng bahay galing sa trabaho nang may tumawag sa kanyang telepono. Si Mamu iyon. Hindi niya muna sinagot ang tawag nito sa pag-aakalang hindi naman iyon importante. Tinawagan niya na lang ito pabalik ng makauwi na siya sa kanilang bahay. “Em, nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Krystal?” ito agad ang bungad nito pagkasagot na pagkasagot sa kanyang tawag. “Po? Hindi po. Bakit? Ano pong nangyari kay Krystal?” sunod sunod na tanong niya. Hindi niya malaman ngayon kung ano ang mararamdaman. Sunod sunod na malalakas na pagkabog agad ng dibdib ang naramdaman niya sa narinig mula sa kabilang linya. At sa oras na iyon ay sumambit agad siya ng panalangin na sana ay nasa mabuting kalagayan ang kaibigan, kabaligtaran sa kasalukuyang umuukopa ngayon sa kanyang isipan. “Sinugod sa ospital si Krystal. Hindi ko alam kung ano talaga ang totoong nangyari pero knowing na nasa emergency room siya ngayon I’m sure hindi maganda ang kalagayan niya,” medyo garalgal ang boses ni Mamu, kakikitaan din ng pag-aalala. Natigilan siya sandali. “May kinalaman ba dito si Gold Salazar?” may pagpupuyos ng galit niyang tanong. “Hindi ko pa alam, galing lang iyon sa isang taxi driver na nagdala sa kanya sa ospital.” “Huh? Paanong---?” naguguluhan niyang pakli. Ngunit hindi pa siya tapos magsalita nang umentra na si Mamu. “Hindi ko alam anak. Mabuti pa at sumunod ka na sa ospital para malaman natin ang totoong nangyari. Papunta na ako ngayon. Magkita na lang tayo doon,” yun lang at ibinaba na nito ang telepono. Samantalang tila natulala siya sa masamang balitang natanggap. Mixed emotions na ang kanyang nararamdaman, may awa para sa kaibigan at galit kay Gold ang nangingibabaw sa kanyang puso ngayon. Kung pinilit niya sana ang sarili na makipagkita sa kaibigan ayon na rin sa kanyang pakiramdam na nasa hindi magandang kalagayan ito, hindi sana nangyari ito dito. Pagdating sa ospital ay agad niyang hinanap ang Emergency Room na kasalukuyang pinaglalagakan ng kaibigan. Sa labas ng malaking pintuan ng ER ay naabutan niya si Mamu kasama ang lola at dalawa pang malalapit na kaibigan ni Krystal. Lahat ay naghihintay sa anumang balita galing sa sinumang lalabas mula sa loob ng malaking room na iyon ng ospital. “Hindi po ba pwedeng pumasok? Sino ba ang unang tumanggap sa kanya noong dalhin siya dito ng taxi driver,” pagdating ay nag-usyoso agad siya. “May ilang nurse kaming nakausap, duguan daw si Krystal nang dalhin ng taxi driver dito. Sabi pa ng taxi driver pinara daw siya nito, at doon na nawalan ng malay sa loob ng sasakyan. Nagkataon na may nakakilala sa kanya dito sa ospital hanggang sa tawagan nila ako. Yung tumawag sa akin isa lang din naging customer ng club natin na nakakilala kay Krystal,” paliwanag ni Mamu dito. “Nasabi ba ng taxi driver kung saang lugar siya pinara ni Krystal?” tanong niya ulit ngunit hindi na nasagot iyon ng kausap, paano’y bumukas na ang pintuan ng ER at may lumabas na na isang may kaedarang babae na tila doctor. “Kayo po ba ang kamag-anakan ng pasyente?”tanong ng nakaputing unipormeng doctor. Halos sabay sabay na nagsitanguan lang ang mga ito. “Ito po ang lola niya,” sagot ni mamu hawak hawak ang braso ng matandang babae. Tumango din ang doktor na medyo sinipat ang matandang babae. “I see. But can somebody accompany Lola?” baling nito sa lahat. Nagkatinginan sila at tila nagtataka kung bakit hindi masabi ng doctor ang kalagayan nito sa kanilang lahat ng nandoon. “I’m sorry that I couldn't tell her situation to each and everyone of you. Mas makabubuti kung ang first family muna ang makakaalam ng kalagayan ng pasyente. It's a very sensitive matter, gusto ko lang ay may aalalay kay Lola sa mga sasabihin ko sa kanya,” mahinahong sabi nito. “Ikaw po, kaano-ano po kayo ng pasyente?” itinuro nito si Mamu sa pamamagitan ng pagtutok ng paningin nito dito. “Kaibigan po ako ng pasyente pero tumatayo na rin po akong pangalawang magulang niya,” sagot ni Mamu na medyo nataranta pa. Inakay ang mga ito ng doctor papunta sa isang tabi, sa may kalayuang parte ng hallway para magkaroon ng privacy. Ipinaliwanag nito ang kalagayan ni Krystal sa dalawang kaharap. Ilang sandali pa habang nag-uusap ang mga ito ay bumuhos na ang mga luha ng matanda. Narinig nila Emerald ang pag-iyak nito dahilan ng pagbaling ng mga ito ng pansin sa tatlong nag-uusap hindi kalayuan. Naguguluhang pinakatitigan lang nila ang mga iyon lalo na ang Lola ni Krystal na yakap yakap na at alo alo na ni Mamu sa likod. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ni Emerald noong sandaling iyon. Gaano ba ka-sensitibong bagay ang sasabihin ng doktor, bakit kailangan pang isekreto iyon? Nag-aalala na tuloy siya ng lubos para sa kaibigan. Ilang minuto pa ay bumalik na sina Mamu at ang Lola ni Krystal sa pwestong kinatatayuan ng mga ito kanina. Halatang umiyak din si Mamu at mamula mula pa ang mga mata nito. Ilang oras na silang walang imikan sa loob ng pribadong kwartong pinaglipatan kay Krystal matapos gamutin ito sa ER. Umalis na rin ang ibang kaibigan nito dahil lumalalim na rin ang gabi. Nagpaalam ang mga ito na babalik kinabukasan kapag gising na ang dalaga. Mugto ang mga mata ng Lola ni Krystal habang nakaupo sa upuang katapat ng hospital bed na pinaghihigaan ng dalaga. Himbing pa ang apo sa pagkakatulog pero tila malalim ang iniisip ng matanda at halata na malungkot ito. Pinagmasdan ulit ni Emerald ang himbing pa rin sa pagkakatulog na kaibigan. Ang sabi ng doktor ay halos mapuno daw ng pasa ang buong katawan nito pwera pa sa mga galos nito sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang kaliwang mata nito ay namamaga at may malaking pasa. Ang labi nito ay putok at may galos sa pisngi. Hindi man niya alam kung anong pinagdaanan ng kaibigan, ramdam niya ang sakit na pinagdaanan nito mula sa mga galos at pasa nito. Katunayan ay naiyak siya kanina nang una niya itong makita pagkalabas nito ng ER. Wala siyang lakas ng loob na tanungin sina Mamu tungkol sa kalagayan nito dahil obvious naman na hindi okay ang kaibigan. Ilang minuto pa ang nakalipas nang mapatingin siya sa orasan na nasa dingding ng kwartong iyon. “Mamu, Lola, uuwi po muna ako. May pasok pa po ako bukas ng maaga. Pero magpapaalam po ako bukas sa boss ko para makapag-absent sa isang araw para mabantayan ko si Krystal,” paalam nito sa dalawang nakakatanda dito. Umakma itong tatayo nang hawakan ito sa kamay ni Mamu. “Sasabay na ako sa iyo para maihatid ka na rin sa bahay ninyo. Kukuha lang ako ng damit at pagkain para masamahan ko dito si Lola sa pagbabatay kay Krystal," anito na kinuha ang dala dalang maliit na shoulder bag kanina. Tumango lang siya. Bubuksan na sana nila ang pintuan para makalabas ng kwarto nang marinig nilang umungol si Krystal. Nagmulat ito ng mga mata at nagsimulang magsisigaw. Tila wala ito sa sarili na nagpupumiglas kasabay ng malakas nitong paghagulhol sa pag-iyak. May pagmamadaling agad nila itong nilapitan para patigilin mula sa ginagawa, ngunit parang hindi sila nito nakikilala. Patuloy ang paghampas nito ng mga braso at pagpadyak ng mga paa. Taranta na napalabas si Mamu at tinawag ang doktor nito na siya namang dali dali ring pumasok sa room ng dalaga. Mabilis na itinurok ang pangpakalma sa dextrose na nakakabit sa wrist nito. Maya maya lang ay tila nanghina itong tumigil sa paggalaw, napahiga sa higaang kinalalagyan at tuluyang nakatulog ulit. “She’s still in trauma. Mamaya pagkagising niya ulit tawagin ninyo ako if she acts the same,” wika ng may kaedaran babaeng doktor. “I think we need to start looking for psychologists para makatulong sa kanya kung ano man ang pinagdaraanan niyang problema. What really happened to her is not a joke. Did you ever talk to her and find out what’s the cause of all her bruises and scrapes?” tanong nito habang palipat lipat ang tingin sa kanilang tatlo kabilang na ang Lola ni Krystal. “Hindi pa po doc, nagising siyang nagwawala na lang eh,” si Mamu na ang sumagot sa katanungan nito. “Okay. Huwag ninyo muna siyang bibiglain. Kapag ayaw magsalita huwag ninyong pipilitin. For now siya ang concern natin, specially ang mental health niya. Being raped is not a simple thing,” sabi ulit ng doktor na may pagdidiin pa sa huling pangungusap na binitawan. Napalingon si Emerald kay Mamu sa narinig mula sa doctor. Rape? Tama ba ang narinig niya, na-rape si Krystal? Napamaang siya at tila hindi mawari ang reaksyong bibitawan. Bago pa lumabas ang doktor sa kuwartong iyon ay inayos muna nito ang dextrose na nakakabit sa wrist ni Krystal. Lumuwang kasi ito sa ginawang pagwawala ng babae kani-kanina lang. Pagkalabas ng doktor ay kusa na rin na lumabas mula sa bibig ni Emerald ang tanong na kanina pa gumugulo sa isipan niya. “Ninang, na-rape si Krystal?” medyo umurong pa ang kanyang dila sa pagsasabing iyon. Ang hirap ilabas sa bibig ng salitang hindi niya akalain na mararanasan ng kaibigan. “Yes Emerald, she was raped,” sagot ni Mamu sa tanong ng inaanak sa malungkot na tono ng boses. Sa pangalawang pagkakataon ay napaawang ulit ang mga labi niya sa mangha. Ilang segundong pigil rin ang ginawang paghinga. ‘Nirape ni Gold Salazar si Krystal?’ iyon ang paulit ulit na rumirehistro sa kanyang isipan. “Sabi ng doctor maaaring paulit ulit na nagahasa si Krystal. Mabuti na lang at wala namang internal bleeding na nakita sa kanya knowing na puno ng pasa ang katawan niya. Pero maraming lacerations ang nakita ng doktor sa private parts ni Krystal, at may pamamaga rin iyon, halata na may force na nangyari,” paliwanag pa nito. Napakawalan niya ang pinipigilang paghinga kasabay ng pag-iinit ng mga mata. Pinasadahan niya ulit ng tingin ang kaibigan. Ang magandang mukha nito na ngayon ay kakikitaan ng mga galos at pasa. Ang noo’y makinis na kutis ng mga braso ay napuno ng dark purple bruises. Hindi na niya napigilan ang mga luha na dumaloy mula sa mga mata. Hindi niya maubos maisip na nagtiis ng ganoon ang kaibigan mula sa pananakit ni Gold Salazar. Si Gold Salazar na siya ring dahilan ng pagkamatay ng kanyang ate Emily na halos pareho din ang sinapit sa kamay nito. Ngunit dahil sa hindi na nito kinaya ang problema ay kinitil na lang ang sariling buhay. Lahat ng pasakit na naranasan nila ay dahil sa lalaking iyon. Nagtatagis ang bagang niya at napakuyom ang palad sa nararamdamang galit. Kelan ba titigil mangbiktima ng kasakiman ang lalaking iyon? Ilang Emily at Krystal pa ang kailangang magdusa para tumigil na sa pagiging masama si Gold Salazar? Kumukulo ang dugo niya at kulang na lang ay sumabog siya sa galit dito. Sa sandaling iyon ay nakaisip siya ng isang bagay na alam niyang hindi maganda ngunit makakatulong na umimpis ang galit na nararamdaman. Nakabuo siya ng isang plano. Plano na pabagsakin si Gold, plano na ipaghiganti ang kanyang ate, nanay at ngayon ay ang kasalukuyang nagsa-suffer na kaibigan. Sisiguraduhin niya na magbabayad ito. Luluha din ito at magdurusa. Ipapalasap niya dito ang naramdamang sakit ng mga mahal sa buhay. Isang desisyon na alam niyang hindi tama ngunit dahil sa nag-uumapaw na poot na nararamdaman sa dibdib ay pursigido na siyang isakatuparan iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD