Gaya ng inaasahan ko ay hindi nga bumalik si Sir Tim. Kaya ako lang mag-isa ngayong gabi. Kanina pa ako tapos kumain at wala na akong ginagawa maliban sa pagbabasa ng libro.
“Bakit…”
Kanina ko pa paulit-ulit na binabasa ang isang pahina pero wala talaga akong maintindihan. Malalim na ang mga salita sa English ng librong binabasa ko. Sa mga normal na araw ay naiintindihan ko naman iyon kapag nagbabasa ako.
Maliban lang ngayon. Wala talaga akong maintindihan.
Kinuha ko ang phone ko na nasa tabi ko lang. Tiningnan ko ang oras at nakitang malapit nang magmadaling araw. Napasabunot ako sa buhok ko. Ano ba ang nangyayari sa akin? Gusto kong matulog pero gising na gising ang diwa ko.
Kahit pilitin kong pumikit ay hindi pa rin ako makatulog. Sinubukan ko na rin magbilang ng ilang tupa sa isipan ko pero wala pa ring nangyayari. Wala naman akong kinaing kakaiba. Hindi rin naman ako uminom ng kape para magising ng ganito.
“May multo ba rito?” tanong ko sa sarili ko.
Sabi kasi ng iba kapag hindi ka makatulog ay malamang may nagmamasid sa ‘yo. O hindi kaya ay iniisip ka ng iba. Pero sino naman ang gising ng ganitong oras para lang isipin ako? Tulog na lahat ng tao. Wala na ngang ingay sa labas. Parang ako na lang ang gising ngayong oras.
Huminga ako nang malalim. Wala sa sariling napatingin ako sa pinto. Sinarado ko iyon pero hindi ko ni-lock. Baka biglang dumating si Sir Tim tapos hindi ako magising agad.
“Hindi nga siya uuwi ngayon,” kausap ko sa sarili ko. Ano ba ang gusto kong mangyari? Hindi ko naman siya inaantay. Wala naman akong balak na hintayin siya buong magdamag.
Sa huli ay tumayo ako sa sofa na hinihigaan ko para i-lock na ang pinto.
Nagising ako sa sobrang lamig, hindi ko naman binuksan ang aircon kagabi pero bakit nakabukas na ito ngayon? Sumikat na ang araw. Tanghali na pala. Nilingon ko ang pinto, hindi na ito naka-lock pero sarado naman.
Nakabalik na siya?
Anong oras na ba? Kinapa-kapa ko ang sofa. May kumot? Hindi naman ako kumuha ng kumot kagabi. May unan din. Kaya ba maayos ang tulog ko kagabi? Tumayo ako para puntahan sana si Sir Tim sa loob. Napahinto ako nang nasa tapat na ng pinto.
Baka maulit na naman ang nangyari kahapon. Baka mas lalo lang lalala ngayon. Kahit na gusto kong pumasok ay pinabayaan ko na lang sa loob si Sir Tim. Tama nga ang hinala kong nakabalik na siya dahil nandito na ang stick na ginamit niya kagabi.
Maayos itong nakalagay sa gilid ng pinto.
“Good morning.”
Huh? Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. “You are here…”
Tumango siya sa akin. Parang kararating niya lang. Medyo panglakad pa ang damit niya. Hindi pangdagat ang suot niya. Naka-suit pa siya. “Mr. Sy wants me here,” sabi niya. Tinanggal niya ang coat na suot niya at naupo sa upuan.
Sumunod ako sa kaniya. Baka matatagalan pa si Sir Tim. Nasa loob ang lahat ng gamit ko kasama ng mga gamit niya kaya hindi ako basta-bastang makaligo. Nanlaki ang mata ko nang maalala na wala nga pala akong suot na bra.
Buti na lang mahaba ang buhok ko kaya natakpan ang dibdib ko.
“I’ll just get change,” paalam ko kay Lester.
Nakakahiya… Hindi naman siguro niya napansin.
“Okay. I will just wait for our breakfast. I already ordered. If you want something, just tell me para ipasabay ko na lang."
Umiling ako at tumayo. Kumatok muna ako bago pumasok sa loob. Nakatayo si Sir Tim malapit lang sa kama. Katatapos niya lang maligo at magbihis. Siguro si Lester ang nagbigay ng damit niya kasi nang tingnan ko ang maleta naming dalawa ay maayos naman.
“I’ll just get my clothes,” sabi ko sa kaniya.
Dito na lang siguro ako maliligo. Nakakahiya kasi na lumabas pa dahil nandoon si Lester. “Can I use the bathroom? I’ll take a bath,” paalam ko kay Sir Tim. “Nasa labas kasi si Lester and I am not dressed properly,” dagdag ko pa. “I won’t take long, I promise.”
“Clean it after you use it,” sagot niya.
Huh? Bakit naman kailangan pa na linisan? “Okay. Thanks,” sabi ko at pumasok na sa loob ng banyo. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa na linisan. Sa tingin niya ba ay madumi ako?
Maayos naman ang mga gamit ah. Hindi naman madumi sa loob. Parang nilinisan nga ito dahil sa sobrang linis. Hindi naman ako pwedeng magreklamo sa kaniya. Kahit malinis ang ang banyo ay nilinisan ko pa rin iyon.
Ilang minuto rin akong naglinis bago ako natapos. Nang matapos ay naligo na kaagad ako. Sabi ko pa naman sa kaniya na mabilis lang ako. Mas mahaba pa ang naging paglinis ko kaysa sa pagligo ko. Ginamit ko ang mga gamit ni Sir Tim.
Dalawa ang tuwalya na nandito sa loob. Alam kong ginamit ni Sir Tim ang isa dahil medyo basa pa ito. Hindi rin maayos ang pagkalagay kanina. Sa loob na ako nagbihis. Nang lumabas ako ay walang tao sa loob ng kwarto. Nasa labas na siguro si Sir Tim kasama si Lester.
Nag-ayos muna ako bago lumabas.
Masinsinang nag-uusap ang dalawa habang kumakain. "Join us. Let's eat!" si Lester nang makita niya akong lumabas ng room.
Natigil sa pag-inom ng kape si Sir Tim.
"Mamaya na," tanggi ko.
Ang totoo niyan ay gutom na talaga ako. Nakakahiya lang kumain kasama si Sir Tim baka magalit na naman siya sa akin. Lagi pa naman siyang galit sa akin.
"You sure?"
Tipid akong tumango. Saan naman ako pupunta? Lalabas na lang muna ako para magpahangin. Doon na lang muna ako sa labas kung saan tumatambay si Sir Tim dahil nandito naman siya sa loob.
"Do they still want a picture? I don't want to be close with that stupid woman. I don't even want to touch her skin," huli kong narinig na sinabi ni Sir Tim nang isarado ko ang pinto.
Sino ang tinutukoy niya? Ako ba? Mukhang sa akin lang naman siya may galit. Ako lang din ang tinatawag niyang stupid woman. Ako ba ang ayaw niyang mahawakan?
Medyo masakit na ang sikat ng araw na tumatama sa balat ko. Suot ko ay isang mahabang palda at medyo hapit sa katawan na pang-itaas.
Nakagat ko ang ibabang labi ko nang marinig ang mahinang halinghing ng sikmura ko. Kaya ko naman tiisin ang gutom ko hanggang matapos sila. Hindi naman siguro sila magtatagal.
Kape lang kasi ang nakita kong nasa harap ni Sir Tim. Mukhang hindi siya kakain ng umagahan. Si Lester naman ay kape lang din ang nakita kong hawak niya pero may mga pagkain na nasa mesa.
Typical na pagkain ng mga pinoy lang iyon tuwing agahan.
Magandang tingnan ang tubig sa pool. Ang sarap tuloy maligo kaya lang ay tapos na ako. Habang nakatingin sa pool ay hindi ko maiwasan ang nangyari noong isang gabi.
Medyo may tampo pa rin ako dahil sa nangyari.
"Did you buy the gift?"
Tapos na sila? Boses ni Sir Tim ang narinig ko. Napatayo ako nang bumukas ang salamin na pinto. Hindi ko pala naisara nang maayos kaya narinig ko ang usapan nila.
"Yes. Just like you wanted," sagot naman ni Lester sa tanong ni Sir Tim.
Parang ilegal na marinig ang ganitong uri ng pag-uusap. Parang hindi pwedeng marinig ko ito. May ideya naman ako kung sino ang tinutukoy nila. Alam kong sa girlfriend iyon ni Sir Tim.
"Hope she will love those."
"I'm sure, she will."
Makikinig pa ba ako sa usapan nila o aalis na? Nakaharang din kasi ang dalawa sa pinto. Paano naman ako papasok nang hindi nila mapapansin ? Nakakahiya gumawa ng eksena.
"Tell mom I won't join them tomorrow. Tell her I'm busy. Also tomorrow, book an international flight. We have important matters to do."
Uuwi na kami?
Mabuti naman kung ganun. Ayaw ko na magtagal pa rito kasi medyo nababagot na ako. Wala na lang akong ginawa kung hindi ang mahiya at mapahiya sa bakasyon na ito.
Wala rin namang kwenta kasi halos hindi naman kami magpansinan ni Sir Tim kung iyan ang gusto nila.
Kung ako lang naman ang tatanungin ay okay lang naman sa akin ang lahat. Okay lang naman kahit na hindi niya ako pinapansin. Ang mahalaga lang naman sa akin ay nakakatulog na ako nang mahimbing, nang hindi binabangungot dahil sa sakit ng katawan.
"Let's go? She might be waiting for me. I don't want to keep her waiting. Not even a second. She's too precious to be waiting."
Mahal niya talaga ang girlfriend niya. Ayaw niyang naghihintay ang girlfriend niya kahit ilang segundo.
Lumingon ako sa dalawa. Napansin ni Lester ang pagkilos ko kaya napalingon din ito sa akin. Sabay kaming nagtanguang dalawa. Mabuti pa ang lalaking ito.
Masungit tingnan pero kapag nakilala mo na ay alam mong may mabuting puso. Si Sir Tim kasi ay parang laging galit sa mundo. Kung katulad ako ng ibang babae na madaling masaktan sa mga salita ay baka ilang luha na rin ang naiyak ko dahil sa mga sinabi niya.
Mabuti na lang at kaya kong tiisin ang mga iyon. Wala nang mas sasakit pa sa tinuring mong pamilya pero sasaktan at sasaktan ka din pala.
Simple lang naman ang gusto ko sa buhay. Gusto ko lang nang masayang pamumuhay. Simple lang. Ang sarap siguro bumalik sa pagiging bata.
Kahit halos wala na kaming makain ni mama noon ay masaya pa rin naman dahil magkasama kami. Akala ko pang-habangbuhay iyon pero hindi pala.
Lahat nga ng bagay na masaya ay may katapusan din. Mahirap noong nawala si mama. Hindi ko kayang isipin noon ang buhay na ito nang hindi siya kasama.
Ang alam ko na lang ay nagigising na lang ako sa pangmamalupit sa akin ng tiyuhin ko. Mga pasa sa katawan na wala ng paglagyan. Mga sugat na hindi naghihilom.
Hindi mo maiwasang mapaisip kung ano ang dahilan kung bakit kailangan mong danasin lahat ng iyon. Hindi mo maiwasang isipin na bakit sa lahat ay ikaw pa?
Pinikit ko ang mata ko at huminga nang malalim. Pasalamat ko na lang talaga at nakaalis na ako sa puder ng tiyuhin ko. Pasalamat ko na lang at may isang taong kumuha sa akin papunta sa liwanag.
"Para sa akin ito?" tanong ko nang makita ang isang magandang kwentas na nasa mesa. May nakalagay na sulat doon. Pangalan ko.
Sarah Shantelle...
Bakit parang kakaiba na ang dating ng pangalan ko? Parang ako na hindi ako. Ang gulo...
Nasa katauhan ako ng ibang tao. Hindi naman nabago ang pangalan ko. Ang nabago lang sa akin ay ang katayuan ko sa buhay.
Pero bakit parang kahit na alam kong mali ay hindi ko maramdaman ang mali sa ginagawa ko? Parang tama ang lahat...
Tama ang lahat ng ginhawang nararamdaman ko... Parang sa a-akin ito...