“How was the honeymoon? Are we expecting someone months from now?”
Muntik na akong mabilaokan sa sarili kong laway. Nanlaki ang mata kong napatingin kay Sir Tim na kampante lang na nakaupo sa mesa at parang walang narinig na tanong galing sa ina niya. Pilit akong napangiti nang lumingon sa akin ang ina ni Sir Tim.
Masaya ang ngiti niya habang nakatingin sa akin.
Kauuwi lang namin ngayon at hindi ko inakala na nandito ang in ani Sir Tim. Sinabi na lang sa amin ng kasambahay na nandito ang ginang para kamustahin kaming dalawa. Sa pagkakaalam ko ay aalis din naman agad sila Sir Tim gaya ng narinig kong usapan nila.
“You looked so gorgeous, darling.”
“Salamat po,” ngiting sambit ko. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang magkabilang kamay ko.
“Bagay na bagay talaga kayo ng anak ko. I am sure you’ll have beautiful and handsome offspring. The visuals are undeniable,” sabi nito at inayos ang takas kong buhok. Nilagay niya iyon sa likod ng tenga ko. Napakapino ng galaw niya.
“Mom, I need to go.”
Tumayo si Lester kasabay ni Sir Tim. Kunot-noo naman na napalingon ang ginang sa anak. “What’s there to rush? Hindi ka bam una magpapahinga? Aren’t you tired?” usisa niyang tanong sa anak. Siguro ay alam niya na aalis ang anak niya.
Inalalayan ni Lester si Sir Tim nang muntik na tumama ang paa nito sa matulis na gilid ng mesa. “I have important matter to do.”
Sa huli ay walang nagawa ang ginang at sinamahan na lang namin sila palabas ng bahay. Medyo natalagan din kami sa labas dahil hinintay talaga namin sila na makaalis. Kumaway din ako sa kanila nang kumaway ang ginang sa anak niya.
“Medyo masungit talaga ang batang iyon,” sabi niya sa anak nang nawala na ito sa paningin namin. Lumingon siya sa akin na nanliliit ang mga mata. “Sabihin mo sa akin kung sinusungitan ka ng batang iyon.”
“Hindi naman po,” pagsisinungaling ko. Ayaw ko sabihin ang totoo dahil natatakot ako baka magsumbong siya kay Sir Tim at magalit sa akin ang panghuli.
“Huwag mong pagtakpan ang kasungitan ng lalaking iyon. I know my son but anyway, I have heard na gusto mo raw ng bookshelf. You like reading books?” Siguro ay tinanong niya ang mga kasambahay habang wala pa kami.
Hindi ko maalala na sinabi ko sa kasambahay na gusto ko ng bookshelf at mga libro. Siguro nasabi ko iyon at hindi ko lang maalala. Medyo wala kasi ako sa sariling pag-iisip matapos ang kasalang naganap. Hindi ko pa rin kasi maipasok sa utak ko na kasal na ako.
Alam ko naman na nagpapanggap lang ako pero hindi ko maiwasang isipin na ako talaga ang ikinasal kay Sir Tim kasi ako naman ang nasa kasalan at pareho rin kami ng pangalan ni Ma’am Sasha. Katauhan lang ang hindi sa akin dahil hindi naman ako ang totoo.
“Mahilig lang po.”
“Ano ka ba… You don’t need to be that respectful sa akin. Loosen up, we are family now. You now are my daughter, darling. You should call me mom.”
Tumango ako at ngumiti sa kaniya. Susubukan ko.
Akala ko talaga noong una ay mataray siya dahil iyon ang kadalasang kong nababasa sa libro na matataray sila. Iyong tipong papahirapan nila nag buhay mo kasi hindi ka nila gusto para sa anak nila. Ang swerte ni Ma’am Sasha kasi may manugang siyang mapagmahal.
Siguro kung hindi siya umatras ay magiging masaya ang buhay niya. Hindi naman sa hindi masaya ang buhay niya ngayon pero mas sasaya ang buhay niya kapag alam niyang mahal na mahal siya ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
Kamusta na kaya siya? Wala na akong balita sa kaniya. Huli naming pag-uusap ay bago pa ang kasal namin ni Sir Tim. Hindi na ulit siya tumawag sa akin. Saan na kaya siya ngayon? Saan siya nagpunta?
“I won’t disturb you anymore para naman makapagpahinga ka. I’ll come back tomorrow. We will go shopping tomorrow. I’ll help you buy books.”
“Po? You don’t need to do that po. Okay lang naman sa akin kahit wala na---”
“No, darling. I know how much spoiled you are sa ama mo kaya dapat ganun ka rin sa amin,” pilit naman niya kaya napilitan akong tumango. “Then… It’s a deal? I’ll come back tomorrow morning.”
“Sige po.”
Nagpaalam na siya na uuwi na siya kasi medyo malalim na rin ang gabi. Gaya ng ginawa namin kanina ay hinintay ko muna na tuluyang makaalis bago pumasok sa loob ng bahay ni Sir Tim. Hindi ko pa rin maiwasan na mamangha sa sobrang laki at ganda ng bahay ni Sir Tim.
Ito iyong masasabi mong mansion.
“Inayos ko na po ang room niyo kanina, Ma’am,” sabi sa akin ng kasambahay. May hawak siyang gatas na nasa kamay niya. Para kanino iyan? Para sa akin? Napansin niya siguro na nakatingin ako sa hawak niya kaya ngumiti siya sa akin.
“Paalala po sa akin ni Mrs. Sy na dalhan ko raw po kayo ng gatas,” sambit niya.
“Kumain na ba kayong lahat?” tanong ko sa kaniya. Anong oras na rin at baka mamaya ay hindi pa sila kumakain. Napansin ko kasi kanina noong dumating kami ay hindi sila nawala sa paningin namin. Nasa gilid lang sila nakatayo kanina.
“Yes, Ma’am. Bumili po si Mrs. Sy ng pagkain para sa amin.”
Mabuti naman kung ganun. Hindi na ako nagtanong pa at umakyat na sa itaas. “Let me,” sabi ko nang akma niyang bubuksan sana ang pinto. May dala siya kaya ako na. Binuksan ko ang pinto para tuluyan na siyang makapasok sa loob.
“Salamat po, Ma’am. Kapag tapos na po kayo ay tawagin niyo lang po kami gamit ang intercom o kung may gusto kayo.”
“Got it. Thanks,” sabi ko rito.
Nang umalis na siya ay nakahinga ako nang maluwag. Ganito ang pakiramdam ko kapag ako na lang mag-isa. Kailangan kong magpanggap sa harap ng karamihan dahil iyon ang trabaho ko. Kailangan kong magpanggap dahil ito ang pinili ko.
Kahit na pagod galing sa biyahe ay naligo muna ako bago humiga sa kama. Napatingin ako sa gatas na nasa maliit na table na nasa gilid ng kama ko. Pansin ko ay palaging may table na maliit sa gilid ng kama ng mga mayayaman.
Medyo malamig na ang gatas pero inubos ko pa rin.
Tatawag na sana ako para kunin nila ang ininuman ko kaya lang ay medyo nakaka-guilty naman. Isa lang naman ito at hindi naman mabigat. Kaya ko naman itong ibaba para hindi na sila mahirapan na umakyat at bumaba pa.
Napag-isipan kong ako na lang ang magbababa. Sasabihin ko na lang na iinom ako ng tubig kaya ako bumaba.
“Ang sabi-sabi ay tinakwil siya ng ama niya kaya ipinakasal kay Sir Tim. Kaya rin daw wala ang ama niya.”
Napatigil ako nang marinig iyon. Dinig na dinig sa hagdan ang usapan nila. Parang nasa may gilid ng sala sila nag-uusap. Medyo mahina ang boses nila pero rinig na rinig ko pa rin ang usapan.
“Masama raw ang ugali niya kaya itinakwil. May kinalantari rin daw na pamilyadong tao kaya ikinakahiya ng ama niya.”
Sinong tinutukoy nila? Sino ang pinag-uusapan nila?
“Mabait naman si Ma’am.”
Alam ko kung kaninong boses iyon. Siya iyong nagbigay sa akin ng gatas.
“Naku! Huwag ka magpapaloko sa mga ganiyan. May tinatago iyang baho kaya ganiyan. Maamo tingnan pero umaalingawngaw naman ang baho. Hindi rin magtatagal ang pagpapanggap niyan. Lalabas at lalabas din ang bago ng babaeng iyan,” medyo may galit na sabi ng babae. Hindi pamilyar sa akin ang boses na iyon.
Kumunot ang noo ko kung sino ang tinutukoy nila. Si Ma’am Sasha ba ang pinag-uusapan?
“At ito pa, bago raw ikinasal ang dalawa ay ang dami na agad na demand ng babae… Naku… naku talaga… Baka mamaya ay maubos ang pera ni Sir Tim dahil sa babaeng iyon.”
Hindi ko na kayang makinig pa sa pinag-uusapan nila kaya umakyat na lang ulit ako sa itaas. Dahan-dahan lang ang naging pagbukas ko ng pinto para hindi nila marinig. Binalik ko sa mesa ang hawak kong baso.
Totoo ba ang pinag-uusapan nila?
Kaya ba galit sa akin si Sir Tim? Kabit? Kabit si Ma’am Sasha? Hindi… hindi naman siguro totoo ang pinag-uusapan nila. Hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko narinig iyon mula kay Ma’am Sasha. Mabait naman si Ma’am Sasha.
Alam kong hindi niya magagawa iyon. Malabong mangyari iyon.
Bakit nga ba wala ang ama niya noong kasal? Hindi ba ay sobrang busy daw? Bakit ginagawan nila ng masamang kwento si Ma’am Sasha? Mabait naman iyong tao.
Ilang minuto rin akong nakatunganga sa kisame.
Paano kung totoo nga ang sinasabi nila?
“Come in!” sigaw ko nang marinig ang mahinang katok sa pinto.
Bumukas iyon at pumasok ang babaeng nagdala ng gatas kanina. “Sorry po… akala ko tulog na kayo. Kukunin ko lang po sana ang baso baka nakalimutan niyo.”
“It’s fine. I can’t sleep anyway.”
Hindi ako makatulog sa narinig kong pinag-usapan nila. Kanina ay antok na antok na ako pero ngayon ay gising na gising ang diwa ko.
“Okay lang po ba kayo? Baka masama po ang pakiramdam niyo. Tatawagin ko po ba ang family doctor nila Sir Tim?”
Umiling ako sa panghuli niyang tanong. “I’m completely fine. You don’t need to worry. Pagod lang.”
"Humiga na lang po kayo, Ma'am. Aalis na po ako."
Kunot noo akong nakatingin sa pinto. Pagbukas niya ay may nakita akong dalawang anino ng tao na nasa lang ng pinto. Rinig ko rin ang pagpapatahimik ng isa sa isa niyang kasama na nagsasalita. Hindi yata nito napansin na nakabukas na ang pinto. Hindi rin yata nila napansin na kita ko na ang anino nila.
"Magpahinga na po kayo, Ma'am," huling sabi sa akin ng babae bago niya sinarado ang pinto.
Sa palagay nila ay ganoon ba talaga kasama ang ugali ni Ma'am Sasha? O baka naman ay nabulag ako sa kabaitang pinapakita sa akin ni Ma'am Sasha?
Baka totoo nga ang sinasabi nila.