KUMURAP-KURAP si Ysay habang hindi inaalis ang tingin kay Miguel. Hindi niya sigurado kung nananaginip lang siya at aparisyon lang iyon ng binata o bunga lang iyon ng pagkasabik niya rito. Pero ang galit at selos na nakikita niya sa mga mata nito ng sandaling iyon ay alam niyang hindi guni-guni lamang. Nasisigurado niyang naroroon nga ang binata ng marinig niya ang buong-buo at seryoso nitong tinig. “Kung ganon ay talagang kinalimutan mo na ako?” mababa ang boses na tanong nito. Ang itsura nito ay mukhang makikipag-away o papatay ng tao anumang sandali. Umawang ang bibig niya. Hindi niya naintindihan ang ibig nitong sabihin. At sa dinami-rami ng araw na magkikita sila ay ngayon pa talaga. Hindi niya inaasahan ang biglang pagsulpot doon ni Miguel at talagang inabutan pa nitong magkasama

