CHAPTER 4

1761 Words
“Gisingin mo pare! Hindi pwede ‘yan. Malalagot tayo!” “Ang gago kasi nito. Dahil sa kamanyakan mo, mapapahamak tayo! Kapag ‘yan hindi nagising, umpisahan mo nang manalangin sa lahat ng santo, dahil baka bukas, makita ka na lang namin na may takip na ng dyaryo.” “Tangina n’yo! Huwag n’yo nga akong tarantahin!” Naririnig ko sila pero hindi ko pa maimulat ang mga mata ko nang dahil sa hilo. “Hoy, gising! Gising!” Ilang tampal sa pisngi ang naramdaman ko, kaya unti-unti kong sinubukan na buksan ang mga mata ko at tingnan ang mga lalaking naririnig kong nag-uusap sa tabi ko. Iminulat ko ang mga nanlalabo kong mga mata. Hindi ko sila masyadong maaninag at hindi ko pa mabuo sa isip ko kung ano ang nangyayari. “Gising na siya! Tangina! Akala ko katapusan ko na.” Tinampal na naman niya ‘ko sa mukha. “Hoy!” Nang tuluyan ko nang buksan ang mga mata ko at malinaw ko nang nakita kung sino ang nasa harapan ko, biglang rumagasa sa isip ko ang kagimbal-gimbal na nangyari sa pamilya ko. Tinukod ko ang mga kamay ko sa sahig at sumisigaw akong umurong at lumayo sa kanya. Napahinto ako nang tumama ang likod ko sa isang pares ng mga binti. Napatingala ako at nakita ko ang isa sa kanila na nakangisi sa akin kahit na natatakpan ng mask ang buong ulo nito at mga mata at labi lang nito ang kita. Pagapang naman na sumunod sa akin ang lalaking may malaking tattoo ng ahas sa dibdib at mabilis niyang tinakpan ng palad niya ang bibig ko. “Tinanggalan na nga kita ng busal at tali, tapos aarte ka pa ng gan’yan. Manahimik ka kung ayaw mong magbago ang isip ko at tuluyan na kita,” mariin niyang pagbabanta sa ‘kin habang nakatitig sa ‘kin ang namumula niyang mga mata. “Tama na ‘yan. Itali na lang natin siya uli.” Hinawakan ako ng isa sa kanila sa kuwelyo at hinila ako hanggang sa makarating kami sa tabi ng kama. Tinutukan naman ako ng patalim ng lalaking may tattoo kaya tahimik na lang akong lumuluha habang mabagsik ang mga mata kong nakatingin sa kanya. Nang mapatingin ako sa hawak niyang patalim, nag-uunahang tumulo ang mga luha ko dahil nakita ko sa talim nito ang bakas ng dugo ni Nanay. Mga hayop sila. Pinatay nila ang pamilya ko. Sinira nila ang buhay ko. Tiim-bagang ako habang nagliliyab sa galit ang kalooban ko. “Galit na galit ‘yung kuting,” nakangising sabi ng lalaking may tattoo habang may halong pangungutya sa tono ng boses niya. Nahalata niya yata na nakatingin ako sa tattoo niya kaya hinila niya at inayos ang napunit niyang damit. “Bilisan mo nga, nang makaalis na tayo,” sabi niya habang nakatingin sa lalaking nagtatali ng mga kamay ko mula sa likuran, sa paa ng kama. “Heto na. Tapos na.” “Busalan mo uli.” Pumalatak ang kausap niya. “Kanina ka pa d’yan. Ba’t ‘di pa ikaw ang gumawa?” reklamo nito sa kanya. “Sumunod ka na lang sa utos. Ang dami po pang dada. Dali na.” “Kung makautos, akala mo boss.” Bubulong-bulong na sabi ng lalaki na nagtali ng kamay ko. “Nasaan ‘yung tape?!” inis na tanong nito sa iba pa nilang kasama. Binatuhan naman siya ng isa sa mga ito ng tape at saka niya tinakpan ang bibig ko. Walang kaingat-ingat niyang itinali palibot mula sa labi ko paikot sa batok ko ‘yung tape. “Pasensya na bata, napag-utusan lang,” sabi niya nang tingnan ko rin siya nang masama. Hindi na ako nanlaban. Hinayaan ko na lang siya dahil baka masyado pa niyang higpitan at damihan ang tape sa bibig ko. Pero habang nakatitig ako sa kanya, sinisimulan ko nang kalasin ang pagkakatali ng kamay ko na hindi nila kita dahil nasa likuran ko ito. Dahan-dahan kong iginagalaw ang mga kamay ko para hindi nila mapansin. “Ayos na ‘to. Tara na.” Nginisian muna ako ng lalaking may tattoo sa dibdib bago niya tinanggal ang hawak niyang patalim na nakatutok sa akin. Tumayo siya at lumabas sila ng kwarto namin na para bang walang nangyari. Mabagal ang lakad nila na walang halo nang pagmamadali dahil alam naman nilang wala nang laban ang mga taong tinarantado at iniwan nila rito sa loob ng kwarto. Nang mawala na sila sa paningin ko, doon ko lang buong lakas na hinila ang kamay ko para matanggal sa pagkakatali. Wala akong pakialam kahit masakit at nagsusugat na ito. Tiniis ko kahit ramdam kong nagdurugo na ito. Nang dahil sa pagdurugo ng kamay ko, bahagya itong dumulas pero nanatili pa ring nakatali. Ilang beses ko itong hinila habang impit ang sigaw na nanggagaling sa lalamunan ko. Nang matanggal ko na ang kamay ko sa pagkakatali, marahas kong hinila ang tape na nasa ibabaw ng bibig ko. Pati labi ko ata ay nagdugo na, nang dahil sa ginawa ko. Isa-isa kong tiningnan ang buong pamilya ko na nakahandusay at wala nang mga buhay. Naliligo silang lahat sa sarili nilang dugo maliban kay Jomar na namatay nang dilat. Parang gusto ko na lamang yakapin silang apat at magdamag na umiyak, pero nang narinig ko ang tawanan ng mga lalaki na nasa ibaba pa ng aming bahay, nagliyab muli ang galit sa dibdib ko. Hindi pwedeng hindi ako makaganti kahit sa isa man lang sa kanila. “Nay, Tay, Kuya, Jomar, babalikan ko kayo, pero gaganti muna ‘ko,” bulong ko bago ako lumabas ng kwarto. Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan, pero bago ako tuluyang bumaba ay sumilip muna ako para makita kung nasaan na sila. Naglalakad na palabas ng bakuran namin ang tatlo sa kanila. Wala nang suot na mga mask sa ulo ang mga ito, pero hindi ko kita ang mga mukha dahil nakatalikod sila at may suot nang mga sombrero sa ulo. Dalawa sa kanila ang naiwan sa loob ng bahay namin. Nakatayo ang mga ‘to malapit sa tapat ng nakabukas na pintuan. Hindi ko rin kita ang mga mukha nila dahil patay ang ilaw sa ibaba at madilim. Halos hindi sumayad sa bawat baitang ng hagdan ang mga paa ko dahil sa labis na pag-iingat ko. Nang marating ko ang ibaba at naramdaman ko na ang malamig na sementong sahig namin, nakatingkayad akong naglakad papunta sa kusina namin at kinuha ang malaking kutsilyo sa tauban. Mahigpit ang hawak ko sa tatangnan ng matalim na kutsilyo na kahahasa lang ni Tatay kahapon. Napansin niya kasing hirap akong maghiwa ng manok dahil mapurol na ang kutsilyo kaya kahit hindi ko sinabi sa kanya ay kusa na niyang kinuha ito sa akin at siya na ang naghasa. Napahawak ako sa bibig ko at pinilit na pigilan ang napipinto kong pag-iyak nang maalala ko kung gaano kabuting ama ang Tatay ko. Ayaw niyang nakikita kaming nahihirapan, kaya hindi ko lubos maisip kung gaano na lang ang takot na naramdaman niya kanina habang nakikita niya ang pamilya niya na nasa kamay ng mga hayop na lalaking ‘to. Kahit nanginginig ang kamay ko ay dahan-dahan akong lumapit sa kanila. “Ang tanga naman kasi. Bakit ang layo ng pinaradahan n’yo?” Kilala ko ang boses niya. Hindi ako pwedeng magkamali. Kahit nakatalikod siya ngayon sa ‘kin, alam kong siya ‘yung may tattoo sa dibdib. “May parak kanina at hindi hawak ni boss ‘yon. Nag-ingat lang kami. Kung hindi ka nag-inarte d’yan, sana sumabay na tayo sa kanila, kaysa naghihintay tayo rito.” “Ayokong magpakapagod maglakad.” “E nasa’n ba ‘yung motor mo? Bakit hindi mo dala?” “Nasa panganay ko. Nagpahatid lang ako rito.” Walanghiya siya. May pamilya rin pala siya pero parang wala siyang kaluluwa at konsensya nang patayin niya ang pamilya ko. Hindi ko napigilan ang galit ko. “Hayop ka!” sigaw ko sabay takbo nang mabilis papunta sa kanya habang hawak ng dalawang kamay ko ang kutsilyo at nakatutok ito sa kanya. Nasaksak ko siya sa tagiliran pero hindi siya natinag at sa halip ay nagawa pa niya ‘kong sampalin nang malakas gamit ang likod ng palad niya. Nabitawan ko ‘yung kutsilyo na nakatarak pa rin ata sa tagiliran niya at tumama ang ulo ko sa kahoy na lamesita na nasa sala namin. Patihaya akong napahiga sa sahig habang hinang-hina. May umagos na dugo sa kaliwang mata ko at napapikit ako kasabay ng panlalabo nito. Hilong-hilo ako habang pilit na inaaninag ang dalawang lalaking nasa harapan ko na hindi ko makita ang mga mukha dahil madilim. “Tangina. Lagot na.” “Hayop kang babae ka,“ mahina ngunit may gigil na sabi ng lalaking may tattoo. “Sibat na tayo. Mabubuhay pa ‘yan. Hayaan na lang natin,” sabi ng kasama niya at saka siya hinila nito palabas. Nagmamadali silang umalis habang pinipilit kong makatayo. “T-tulong… Tulong…” Paos ang boses na lumalabas sa bibig ko dahil sa panunuyo ng lalamunan ko. Humawak ako sa lamesita at pinilit na iangat ang sarili ko hanggang sa magawa kong makatayo at maglakad. “Tulong! Tulong!” sigaw ko habang nakahawak ako sa hamba ng pintuan namin. Nahihilo pa rin ako kaya napahawak ako sa ulo ko. Pero kahit gano’n ang nararamdaman ko’y, naglakad pa rin ako palabas hanggang sa makarating ako sa nakabukas naming gate. “Tulong!” Nakita ko ang pagbukas ng ilaw sa loob ng bahay na nasa tapat namin. Bumukas ang pintuan at nakita kong lumabas mula doon ang kapitbahay naming si Aling Sonia. Nakabalabal pa siya ng tuwalya habang naglalakad papunta sa gate nila. “Leeanne?” “Tulong!” Umiiyak ako habang nakaapak na naglalakad palapit sa kanya. “Tulungan n’yo po kami.” Sinalubong niya ako pero bago pa siya makarating sa ‘kin ay natumba na ako at napaluhod sa kalsada. “Tulungan n’yo ‘ko.” Halos pabulong ko na lang na sabi habang nakayuko ako at nakalapat ang mga palad ko sa magaspang na semento at tumutulo ang dugo mula sa ulo ko papunta sa kalsada. Lumuhod si Aling Sonia sa harapan ko at hinawakan ako sa magkabila kong braso. “Ano’ng nangyari sa ‘yo?” taranta niyang tanong. Inangat ko ang ulo ko para tingnan siya. “Tulungan n’yo po ‘yung pamilya ko. Pinatay ‘yung pamilya ko,” sabi ko at pagkatapos ay napahagulgol na ako ng iyak habang nanginginig ang buo kong katawan sa halo-halong emosyon na hindi ko na maintindihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD