CHAPTER 5

2125 Words
“Tasha, dali na! Ang kupad mo! Ninenerbiyos ako! Diyos ko!” “Binibilisan ko na nga! Natakot din ako! Bwisit na sapatos ‘to. Ang ganda sa paa pero ang sakit ilakad!” “Mamaya mo na isipin ‘yang paa mo. Kinakabahan ako. Nagkatinginan kami. Baka hanapin nila ‘tong kagandahan ko!” “Gaga ka! Hindi lang ikaw, pati ako! Ako lang naman ang may rainbow na hair dito sa ‘tin. Kulayan mo ‘ko pagdating natin sa parlor ha?” “Sinaksak kaya siya o siya ang nansaksak? Nakita mo ‘yung kutsilyong hawak niya? Ang laki no’n, beks! Hindi man lang siya nag-effort na itago.” Dahil sa narinig kong usapan nina Kakai at Tasha, kahit nanginginig pa ang mga binti ko, tumayo ako at nilapitan silang dalawa na nagmamadaling maglakad habang nakalingon sa pinanggalingan nila. “Nakita n’yo sila?!” Hinawakan ko sa braso si Kakai na ikinagulat nilang dalawa. Napapikit sa takot si Kakai habang nagsisisigaw naman si Tasha; pero natigilan siya nang mapagmasdan niya ako. Hinawakan niya ‘ko sa braso at hinawakan din niya ang pisngi ko. “Ano’ng nangyari sa ‘yo, Leeanne?! Diyos ko na-rape ka ba?!” tarantang tanong niya habang nanlalaki ang mga mata. Umiiyak akong umiling. “Pinasok ata ‘yung bahay nila. Patay na raw sina Dolor,” sagot ni Aling Sonia sa tanong ni Tasha. Ibinalabal pa niya sa ‘kin ‘yung tuwalya niya. “Tatawag na ‘ko ng pulis. Huwag n’yong iiwan si Leeanne.” “Opo. Sige po. Dadalhin namin siya sa parlor.” “Dito lang ako. Hindi ako aalis. Hindi ko sila iiwan.” “Leeanne, delikado kung nandito lang tayo sa labas. Paano kung bumalik ‘yung nanloob sa inyo?” “Tama si Kakai, Leeanne. Mas safe sa parlor, ‘tsaka maririnig naman natin ‘yung pagdating ng tulong.” Umiling ako. “Ayokong iwan sina Nanay. Dito lang ako. Magbabantay ako rito. Okay lang ako. Okay lang ako.” Niyakap ako ni Tasha kaya napahagulgol na ako ng iyak habang hinihimas niya ‘yung likod ko. “Okay lang ako… Dito lang ako. Babantayan ko sila…” Pahina nang pahina ang boses ko. Salungat ‘yung sinasabi ko sa totoong kalagayan ko. Hindi ako okay at hindi ko alam kung magiging okay pa ba ako pagkatapos ng nangyari sa pamilya ko. “Kakai, pumunta ka ngayon kay Kapitan. Ipaalam mo ‘yung nangyari, para pumunta sila rito.” “Okay sige, pero wait lang” “Ano ‘yan, beks? Ba’t ‘di ka pa umalis? Dalian mo.” Napatingin ako kay Kakai na nagtatanggal ng sapatos. “Pang-self defense. Paano kung ‘yung nakasalubong natin kanina ‘yung nanggaling kina Leeanne? Kailangan may pang-self defense ako sa sarili ko. Itutusok ko sa kanila ‘tong takong ng sapatos ko,” sabi niya habang nakataas ang isang kamay at hawak ang isang sapatos niya na ang taas at nipis ng takong “Okay. Okay. Bilisan mo lang. Natatakot rin ako.” Pagkaalis ni Kakai, inalalayan ako ni Tasha papunta sa tabi ng bakod ng bahay ni Aling Sonia. May mahabang upuan na kahoy doon kaya naupo muna kami. “Papunta na ‘yung mga pulis,” sabi ni Aling Sonia paglabas niya ng gate nila habang awak pa ‘yung cellphone niya. “Pasensya na kayo kung hindi ko kayo mapapasok ha? Maraming bata sa loob. Nandito lahat ng mga pamangkin ko ‘tsaka ‘yung mister ko, ayaw ng gulo. Ayaw nga niya ‘kong palabasin kanina, kaya lag narinig kitang humihingi ng tulong.” “Okay lang po. Salamat po,” sabi ko habang tulalang nakatingin sa itaas ng bahay namin; sa bintana ng kwarto kung nasaan ang pamilya ko. Para ‘kong nananaginip lang. Kinukwestiyon ko ang sarili ko kung totoo ba ang lahat ng ito. Hindi pwedeng sa isang iglap lang ay mawalan ako ng pamilya. Ang tagal kong tulala habang lumulutang ang isip ko. Naririnig kong nagsasalita si Tasha, pero hindi ito maproseso ng utak ko. “Hindi ko pala sila nakumutan. Baka nilalamig na sina Nanay.” Tiningnan ko si Tasha na kunot ang noo na nakatingin sa ‘kin. “Babalik ako sa bahay namin, Tasha. Nangako ako. Sabi ko babalik ako. Baka magtampo sila sa ‘kin. Baka isipin nila, iniwan ko sila. Hindi ko gagawin ‘yon sa kanila. Mahal na mahal ko sila. Mahal na mahal ko ‘yung pamilya ko. Pupuntahan ko sila.” “Leeanne, dito ka la—“ Bago pa ako mapigilan ni Tasha, tumayo na ako at tumakbo pero nadapa ako sa labas ng gate namin, nang may matapakan akong malaking bato. Pati ba naman ‘tong nananahimik na bato, pinipigilan ako? Gusto ko lang naman makasama ‘yung pamilya ko. Ramdam ko ‘yung sakit nang tumama ‘yung tuhod ko sa kalsada. Nadagdagan na naman ‘yung sugat ko, pero hindi nito kayang pantayan ‘yung sakit na nararamdaman ng puso ko. “Nay! Tay! Jomar! Kuya!” sigaw ko habang malakas akong umiiyak. Siguradong dinig na ako ng mga kapitbahay namin at naantala ko na ang payapa nilang pagtulog. Kanina’y payapa lang din kaming natutulog pero bakit kailangan bulabugin ang pananahimik namin? Mabubuti naman kaming tao. Walang inaagrabyado. Palasimba rin kami at araw-araw kami kung mag-rosaryo. Pero bakit kami ang nagkaganito? “Leeanne, tayo na d’yan.” Malumanay na sabi ni Tasha habang sinasabayan na rin ako sa pag-iyak. “Tasha! Leeanne!” Humahangos na sigaw ni Kakai sa amin habang nakasunod sa kanya si Kapitan at ang ilang tanod sa baranggay namin. Mayamaya ay narinig ko na rin ang sirena ng sasakyan ng mga pulis. “Ang bilis nilang dumating ah,” sabi ni Tasha na sa tingin ko ay ang mga pulis ang tinutukoy niya. Malapit lang naman ‘yung istasyon nila rito pero nakakagulat ‘yung bilis ng pagresponde nila. Samantalang noong isang buwan lang ay nagkaroon ng hostage-taking sa katabing baranggay namin at ang tagal nilang dumating. Tinulungan ako ni Tasha at Kakai na tumayo. Pinalayo naman kami ni Kapitan sa gate dahil dumating na ‘yung mga pulis na may kasama pang ambulansya. Dahil sa tunog ng mga sirena nila, nagsilabasan na ‘yung mga kapitbahay namin na gustong makiusyoso. Hindi pa sila nakuntento at nagkumpulan pa sila sa labas ng bahay namin. Napuno ng bulungan ang paligid at hindi nakaligtas sa mga mata nila ang ayos ko. Isang paramedic naman ang lumapit sa ‘kin. Ayokong bumitaw kay Tasha kaya sinamahan nila ‘kong dalawa ni Kakai hanggang sa makasakay ako sa ambulansya na nakaparada sa harap ng bahay namin. Pinalayo ng pulis ‘yung mga kapitbahay namin habang ang iba sa kanila ay pumasok sa loob ng bahay namin. Habang ginagamot ng paramedic ang mga sugat ko, may lumapit na pulis sa ‘kin. Nagpakilala siya at kinumusta niya ‘yung lagay ko at tinanong niya kung may kailangan ba ako na baka pwede nilang maibigay. Ang nasagot ko lang sa kanya’y, gusto ko ng katarungan para sa pamilya ko. Pagkatapos no’n ang dami pa niyang tanong sa ‘kin at sinagot ko naman ang lahat ng ito habang nagsusulat siya sa maliit na notebook niya. “Malaki po siyang tao at may tattoo siya ng ahas sa dibdib.” “Paano mo nakita?” “Nahablot ko ‘yung damit niya at napunit kaya po nakita ko.” “Oh my God!” Napatakip ng bibig niya si Kakai at nagkatinginan pa sila ni Tasha. Napatingin ako at ‘yung pulis sa kanilang dalawa. “May nalalaman ba kayo sa nangyari?” “M-may nakasalubong po kaming lalaki kanina. Punit ‘yung damit, may ahas sa dibdib,” sagot ni Kakai. “Namukhaan n’yo ba?” “Mukha pong dayo lang rito. Kilala ko po lahat ng lalaki rito, pati sa mga katabing baranggay, pero ngayon ko lang nakita ‘yung pagmumukha ng mga lalaking ‘yon,” sagot ni Tasha. “Mga? Ilan ‘yung nakita n’yo?” “Dalawa po. ‘Yung isa po may hawak na kutsilyo na may dugo. Sa itsura nila, mga mukha silang mamamatay tao.” “Kapag nakita n’yo ba sila, makikilala n’yo?” “Yes na yes, sir. Gusto n’yo po i-describe ko ngayon sa inyo?” tanong ni Kakai. Sabi ng pulis na kausap namin, isasama daw kami sa presinto para makuha ‘yung buong statement namin at para magawan ng composite sketch ‘yung mga lalaking nakita nina Tasha at Kakai. Makakatulong daw ‘yon para magkaroon sila ng lead kung sino ang pumatay sa pamilya ko at kung ano ang pakay ng mga ‘to. Hindi pa rin humuhupa ang dating ng mga tao na gustong makiusyoso sa nangyari. Mayamaya ay nakita ko, nang isa-isa nilang ilabas ang bangkay ng pamilya ko. Napatalon ako palabas ng ambulansya at tumakbo ako palapit sa kanila. Pinigilan ako ng mga pulis na lumapit. Humahagulgol ako ng iyak habang nakataas ang mga kamay ko na pilit gustong maabot ang pamilya ko na isa-isa nilang pinapasok sa loob ng ambulansya. Kahit natatakpan sila ng kumot alam kong si Tatay ang una nilang nilabas, sunod si Nanay at Kuya at huli si Jomar. Nakita ko pang bumagsak ang kamay ng bunsong kapatid ko at nakita ko ang bracelet niya na ako pa ang may bigay. Ginawa ko lang ‘yon gamit ang makakapal na sinulid ni Nanay na hindi na niya ginagamit. Si Jomar pa mismo ang pumili ng kulay na gusto niya. Naalala ko pa kung gaano siya kasaya nang matapos kong gawin ‘yon at excited siyang pumasok sa school para ipakita sa mga kaklase niya. Wala na talaga sila at ako na lang mag-isa. Unti-unti akong nanghina at muntikan nang mapaupo sa sahig, kung hindi lang ako inalalayan ng mga pulis na pumipigil sa akin. Nilapitan ako nina Tasha at Kakai at inalalayan ako hanggang sa makabalik ako sa ambulansya. Tahimik na lang akong lumuha habang nakatanaw ako sa pamilya ko, habang palayo ang mga ambulansya na sinasakyan nila. Nang malapatan na ng lunas ang mga sugat ko, sinabi ko sa pulis na gusto ko nang ibigay ‘yung buong statement ko kaya isinama kaming tatlo sa presinto. Nauna akong interview-hin kaya nakaupo na akong nakatulog habang hinihintay kong matapos sina Kakai at Tasha. Wala ‘yung gagawa ng composite sketch kaya ipapatawag na lang daw uli sila sa presinto. Hinatid kami ng pulis hanggang sa parlor ni Ate Mimi. Sa kanila muna ako makikituloy habang hindi pa pwedeng pasukin ‘yung bahay namin. Kumakalansing ang mga susi na hawak ni Tasha habang hinahanap ang tamang susi para sa pintuan na nasa likod ng parlor. Dalawang palapag itong parlor ni Ate Mimi at sa taas ‘yung mga kwarto nila. Pagbukas ni Tasha ng pinto, nakita namin si Ate Mimi na nagtitimpla ng gatas sa maliit nilang kusina. Napalingon siya sa ‘min. “Akala ko hindi na kayo uuwi. O, bakit kasama n’yo si Leeanne?” tanong niya nang makita niya akong nakasunod kay Tasha habang hawak ako sa balikat ni Kakai. “Ate Mims, dito muna si Leeanne. May ‘di magandang nangyari sa family niya,” sabi ni Kakai. “O sige. Pero saan siya matutulog? Hindi na siya kasya sa kwarto namin ni Tasha,” sabi niya habang nilalapag sa mesa ang kutsara na pinanghalo niya sa gatas. “Sa kwarto ko po,” sabi ni Kakai. “Nando’n ‘yung jowa mo,” sabi ni Ate Mimi sabay ikot ng mga mata. Ang tinutukoy nito ay ‘yung boyfriend ni Kakai na si Nicolo. Hindi ito gusto ni Ate Mimi dahil nagpapakita lang kay Kakai kapag kailangan ng pera. “Ate Mims, hanggang ngayon ba hindi mo pa rin siya bet para sa ‘kin?” “Hindi at huwag mo na ‘kong pilitin na gustuhin ‘yong boyfriend mo. Pasalamat ka nga, pinapasok ko pa rito.” “Huwag na init ang ulo, Ate Mims. Nakakabawas ng ganda.” “Tse! Magsitulog na nga kayo at mamaya n’yo na sa ‘kin ikwento ang nangyari dito kay Leeanne.” “Leeanne, ikaw nang matulog doon sa taas. Tabi kayo ni Ate Mimi. Dito na lang ako sa baba. Ayos lang naman sa ‘kin ‘yung sofa,” sabi sa ‘kin ni Tasha. Habang nakahiga ako sa kama katabi si Ate Mimi, pakiramdam ko pa rin mag-isa ako. Kahit ano’ng buti ng pinapakita nila sa ‘kin, hindi maibsan no’n ang pangungulila ko sa pamilya ko. At isa pang iniisip ko ay kung paano ko sila mabibigyan ng disenteng libing. Sa gitna ng pag-iisip ko, naalala ko si Don Santillan. Sa kanya kaya ako humingi ng tulong?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD