CHAPTER 6

2281 Words
“Kakai, ano ba naman ‘yang pinasuot mo kay Leeanne?! Hindi kumportable ‘yung bata. Hila nang hila sa shorts niya.” Kauuwi lang ni Ate Mimi galing sa paniningil sa mga pautang niya at ako at ang suot ko ang una niyang napansin pagkapasok pa lang niya ng parlor. Nakasuot kasi ako ng maigsing maong na shorts na tastas ang laylayan at saka kulay pula na fitted na t-shirt na lalo pang sumikip dahil sa malaki kong dibdib. Medyo nakakailang dahil hindi naman ako sanay sa ganitong klase ng pananamit. Si Kakai lang kasi ang mahihiraman ko ng damit sa kanila dahil halos magkasingtangkad lang kami. Balingkinitan din ang katawan niya at madalas itong mapagkamalang babae dahil maputi siya at maganda. Sa boses lang talaga siya sumablay na pilit niyang pinapaliit sa tuwing nagsasalita siya. Pareho namang matangkad si Ate Mimi at Tasha. Mataba rin Tasha kaya masyadong malaki ang mga damit niya sa akin. Parang naging daster nga ‘yung t-shirt na pinahiram niya sa ‘kin kagabi dahil halos umabot na ito sa tuhod ko. “Ate Mims, alam mo naman na puro labas kaluluwa ‘yung mga damit ko. ‘Yan na ‘yung pinaka-conservative na mapapahiram ko. Pati nga ‘yung bago kong biling bra at panty, binigay ko na sa kanya,” sagot ni Kakai habang pinaplantsahan ng buhok ‘yung babaeng customer niya na nagpapa-rebond. “O-okay lang po ‘to Ate Mimi. Kakai, thank you sa damit,” nahihiya kong sabi sa kanila. Sa totoo lang ay malaking tulong para sa ‘kin itong pagkupkop, at pag-aalaga nila. Hindi ko naman sila kadugo pero wala silang pagdadalawang-isip na tulungan ako. “Pupuntahan mo ba ‘yung pamilya mo?” tanong sa akin ni Tasha na may ginugupitan ng buhok. Tiningnan niya lang ako mula sa malaking salamin. Tumango ako. “Pero pupunta muna ako kay Don Santillan. ‘Yung amo ni Nanay. Hihingi ako sa kanya ng tulong kasi wala akong pera pampalibing.” Parang maiiyak na naman ako sa pag-alala sa pamilya ko. Kapag natapos na ‘yung ginagawang pag-autopsy sa kanila, kailangan may hawak na akong malaking pera para maipalibing ko sila nang maayos. Kahit singko wala ako sa bulsa. Pinag-iisipan ko na nga na ibenta ‘yung mga gamit namin para magkapera ako. Hindi ko nga lang alam kung magkano ang halaga ng mga 'yon lalo pa’t luma na ang mga gamit namin sa bahay. Baka isang kabaong lang ang mabili ko. “Pasensya na Leeanne ah. Bubong na masisilungan, pagkain at damit lang ang kaya naming ibigay sa ‘yo. Alam mo naman na mahina rin ang kita nitong parlor dahil ang daming kakumpitensya at ‘yung mga may utang sa ‘kin, ang hihirap singilin.” “Ate Mimi, huwag po kayong humingi ng pasensya. Malaki po ang utang na loob ko sa inyong tatlo dahil sa ginagawa n’yo po para sa ‘kin. Hayaan n’yo po, makakabawi rin po ako sa inyo.” “Wala kang dapat ibalik. Bukal sa loob namin ang pagtulong.” “Gusto mo bang samahan ka namin?” tanong ni Tasha. “Hindi na. Kung sasamahan n’yo 'ko, sayang ‘yung kikitain nitong parlor.” Tanda ko pa naman kung paano pumunta sa mansyon ni Don Santillan. Maglalakad ako papunta sa kanto at dalawang beses na sasakay ng jeep papunta sa exclusive subdivision kung saan nakatayo ang malaking mansyon. Sayang din sa pamasahe kung magpapasama ako sa kanila. Uutang pa nga ako sa kanila, para makaalis ako. Nang makarating ako sa gate ng subdivision, hindi ako pinapasok ng guard. Wala kasi akong maipakita na I.D., kaya kinailangan pa nilang tumawag sa mansyon ni Don Santillan, para tanungin kung papapasukin ba ako o hindi. “Hintay ka lang d’yan. May susundo raw sa ‘yo,” sabi ng guard sa 'kin. Binigyan niya ako ng upuan kaya tahimik lang ako na naghintay hanggang sa dumating ‘yung sundo na sinasabi niya. Kung tutuusin kaya ko naman na lakarin mula sa gate hanggang sa mansyon dahil gano’n ang ginawa namin ni Nanay noon. ‘Yon nga lang kilala na siya ng guard na naka-duty ng araw na ‘yon kaya kahit hindi nag-iwan ng I.D. si Nanay, pinapasok kami. May shuttle service din naman papasok ng subdivision kaya lang dahil nagtitipid kami sa pamasahe, naglakad na lang kami noon. “Nandito na ‘yung sundo mo.” Isang itim na kotse ang huminto sa may gate na itinuro sa ‘kin ng guard. Tinted ang mga bintana nito kaya hindi ko makita kung sino ang sakay nito. Naglakad ako palapit sa kotse. Nang nasa tapat na ako nito, bumaba ‘yung bintana. Nagulat ako nang makita kong si Don Santillan ang sakay nito. Nakakahiya. Siya pa mismo ang sumundo sa ‘kin. Binuksan niya ‘yung pintuan ng kotse at nahihiya akong pumasok at naupo sa tabi niya. Mukhang may lakad siya dahil naka-suit siya na kulay dark blue. Wala siyang masyadong suot na alahas ngayon pero ang mga gintong singsing naman sa mga daliri niya at ‘yung relo niya na may maraming bato, ay parang ipinagsisigawan kung gaano siya kayaman. “Paalis kasi ako dahil may meeting ako. Aksaya lang sa oras kung papupuntahin pa kita sa bahay ko. Ano bang kailangan mo sa ‘kin, hija ‘tsaka bakit hindi mo kasama si Dolor?” tanong niya habang nagmamaneho siya at patingin-tingin lang sa akin at sa kalsada. Nang banggitin niya ang pangalan ni Nanay, hindi ko napigilan na maiyak sa harapan niya. “Wala na po si Nanay.” “Ano’ng ibig mong sabihin, hija? Paanong wala? Naglayas? Iniwan kayo?” tanong niya at saka niya ‘ko inabutan ng panyo. Umiling ako habang nagpupunas ng luha. “Don Santillan, patay na po ang buong pamilya ko.” “What?!” Nakita ko ang panlalaki ng mga mata niya. Ipinarada niya sa gilid ng kalsada ‘yung kotse niya. Tinanggal niya ‘yung seatbelt niya at saka siya humarap sa ‘kin. “Paano? Bakit?” “May masasama pong lalaki na pumasok sa bahay namin. Pinatay po nila sina Nanay. Hindi ko po alam kung ano’ng kailangan nila pero parang may hinahanap po sila sa bahay namin. Don Santillan, tulungan n’yo po na mabigyan ng katarungan ‘yung pamilya ko. Kakapalan ko na rin po ‘yung mukha ko. Hihiram po ako ng pera sa inyo para maipalibing ko po sila. Wala na po akong alam na ibang malalapitan kundi kayo po.” Habang sinasabi ko ang mga ‘to sa kanya wala akong tigil sa pag-iyak at pagpunas ng mga luha ko na para bang walang kaubusan. “Calm down, hija.” Malumanay ang pagkakasabi niya habang hinihimas ang likuran ko. “Don’t worry. I’ll help you.” Kinuha niya ‘yung cellphone niya at may tinawagan siya. “Cancel my meeting with Mr. Cruz. Tell him that I’ll meet him tomorrow instead. Okay. Thank you.” “Bakit n’yo po pina-cancel ‘yung meeting n’yo? Dahil po ba sa ‘kin? Don Santillan, makakapaghintay naman po ako.” Naabala ko na nga siya, tapos hindi pa siya pupunta sa meeting niya. Nakakahiya naman sa kanya. “Don’t worry. That Mr. Cruz that I am supposed to meet today, he needs me and my money. Hindi siya makakapagreklamo kahit ilang beses ko pa i-reschedule ‘yung meeting namin.” Buti pa ‘yung mayayaman, parang ang dali ng buhay para sa kanila, samantalang kaming mahihirap, kailangan pa ng kapal ng mukha para lang magkapera. “Aasikasuhin natin ngayon lahat ng kailangan para sa libing. Kakausapin ko rin ‘yung kaibigan kong lieutenant, para mapabilis ‘yang kaso ng pamilya mo.” Sa sobrang tuwa ko, hinawakan ko ang kamay niya. “Salamat po! Sobrang salamat po! Tatanawin ko pong malaking utang na loob ‘to sa inyo. Pangako po, babayaran ko kayo unti-unti.” “Saka mo na isipin ang pagbabayad. May tinutuluyan ka ba ngayon? Bukas ang bahay ko para sa ‘yo. Pwede kang tumira sa ‘kin. Bibigyan pa kita ng trabaho.” “Salamat po sa alok n’yo, pero hindi ko po ata kaya na tumira sa mansyon n’yo. Maaalala ko lang po si Nanay.” Kapag nagamit ko na ‘yung deposito sa apartment na inuupahan namin, baka hindi na ako makapagbayad ng upa sa bahay kaya balak kong makiusap kay Ate Mimi na kung pwede ay tuluyan na akong makitira sa kanila. Bilang kabayaran, magtratrabaho ako sa parlor niya o kaya ay maghahanap ako ng ibang trabaho para makapag-abot ako ng pera sa kanila. “Okay,” patango-tango niyang sagot. “Pero kung magbago ang isip mo, puntahan mo lang ako.” “Opo. Salamat po.” Sa punerarya kami unang nagpunta. Pagbaba ko ng kotse, hinubad ni Don Santillan ang suot niyang jacket at ipinatong niya sa balikat ko. Mukha raw kasing hindi ako kumportable sa suot ko dahil habang nasa loob kami ng kotse, hatak ako nang hatak sa laylayan ng suot kong t-shirt at shorts. Ang bait at ang yaman niya, kaya napapaisip ako kung bakit hindi siya nag-asawa. Hindi kaya bakla siya? Mabilis kong iwinaksi iyon sa isip ko. Sobrang buti niya sa ‘kin kaya wala akong karapatan na kuwestiyonin ang kasarian o buhay na pinili niya. Medyo may panghihinayang nga lang ako. Kung nag-asawa siya, ang swerte siguro nito sa kanya at kung may anak siya, siguro ay proprotektahan niya rin ‘to tulad ng ginagawa niya sa ‘kin. Habang nasa punerarya kami at pinapipili niya ako ng kabaong para sa pamilya ko, narinig kong may kausap siya sa cellphone. “Lieutenant, how are you? Actually, I want to ask you about the Rivera…” Hindi ko na narinig ‘yung sumunod pa niyang sinabi dahil lumayo siya sa ‘kin. Mahina siguro ang signal sa loob ng punerarya. Pero sigurado ako na tungkol sa kaso ng pamilya ko ang pinag-uusapan nila dahil narinig ko nang banggitin niya ang apelyido namin na Rivera. Pagbalik niya, tapos na siyang makipag-usap at sinabi niya sa ‘kin na pinakiusapan niya ‘yung kaibigan niyang lieutenant na bilisan ang pagresolba ng kaso ng pamilya ko. Tama talaga ang naging desisyon ko na lumapit sa kanya para humingi ng tulong. Hindi pa nailalabas sa morgue ang mga bangkay ng pamilya ko pero bayad na lahat ni Don Santillan, mula sa kabaong, sa pagbuburulan hanggang sa pinakamaliit na detalye tulad ng mga bulaklak. Hindi ko alam kung paano ko ba siya mapapasalamatan sa lahat ng tulong na binibigay niya sa ‘kin. Sa sobrang pasasalamat ko sa kanya, nayakap ko siya. Habang yakap ko siya, naalala ko sina Nanay at Tatay. Hindi ko na mararamdaman pa ang init ng mga yakap nila at hindi ko na maririnig ang mga pangaral nila. Naiyak ako sa sobrang lungkot. Naramdaman ko ang pagyakap din sa akin ni Don Santillan. Tinapik-tapik pa niya ang likuran ko. Nang mapansin ko na nababasa ko na ng luha ‘yung suot niyang polo, bumitaw ako sa pagkakayakap ko sa kanya. “Sorry po.” “I understand, hija. Nang mamatay din ang mga magulang ko, wala rin akong tigil sa pag-iyak. Pareho pa silang namatay sa sakit, but your family…” Natigilan siya saglit bago nagsalita uli. “I don’t know how heavy your heart feels right now, lalo na’t namatay sa hindi magandang paraan ang buong pamilya mo.” “Sobrang bigat po. Sobrang sakit. Pilit ko na lang pong nilalakasan ang loob ko para sa kanila. Kapag nanghina po ako at nagpatalo sa lungkot, hindi ko po maibibigay ‘yung pinangako kong hustisya para sa kanila.” Sa public cemetery lang ililibing ang pamilya ko dahil wala naman akong pera para ibili ng lupa sa private cemetery. Sa burol at libing nila, hindi ko akalain na dadagsa ang mga tao na makikiramay. Pati ‘yung mga hindi ko kilala at napanood lang nila sa balita ang tungkol sa nangyari sa pamilya ko, dumayo pa para lang makiramay. Habang isa-isang ipinapasok sa nitso ang kabaong ng pamilya ko, hindi ko na masukat kung gaano na karami ang nailuha ko. Nasa prusisyon pa lang, humahagulgol na ako ng iyak. Hinimatay pa nga ako kanina at buti na lang ay nasa magkabila kong gilid sina Tasha at Kakai. Nang magising ako, nasa loob na kami ng kotse ni Don Santillan. Gusto ko sanang bumaba ng kotse para sumama uli sa prusisyon pero hindi nila ako pinayagan. Ilang araw na rin kasi akong puyat kakaasikaso sa burol. Nang mailibing na ang pamilya ko, nagpaiwan ako sa sementeryo. Nakatayo lang ako at nakaharap sa nitso nilang apat. Tulala akong nakatingin sa mga pangalan nilang nakaukit sa lapida. Naroon ang araw ng kapanakan nila at ang petsa ng kamatayan nila na iisa lang. Parang gusto kong tibagin ‘yung nitso nila at pumasok na lang sa loob. Masama mang hilingin, pero sana namatay na lang din ako ng gabing ‘yon kasama nila. Hindi ko alam kung bakit pa ako binuhay ng mga lalaking ‘yon. Hindi ko alam kung ano’ng espesyal sa akin. Ano bang plano ng Diyos at hindi niya ako kinuha ng araw na ‘yon? Parang wala na namang saysay na mabuhay pa dahil mag-isa na lang ako. Tahimik akong lumuluha nang mag-ring ang cellphone na bigay sa akin ni Tasha. Kabibili niya lang kasi ng bagong cellphone na buwan-buwan niyang huhulugan kaya binigay na niya sa ‘kin ‘yung luma niya. Numero ng pulis na nag-aasikaso sa kaso ng pamilya ko ang nakita ko sa screen. Sinagot ko ‘yung tawag niya nang hindi alam kung maganda ba o masama ang matatanggap kong balita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD