Prologue
“Pare. huwag na nga! Iniwan ka na nga! Ipinagpalit ka sa iba ‘di ba? Kaya huwag mo nang habulin. Magmumukha ka lang tanga at kawawa, e!”
Sinusubukan akong pigilan ni Tj habang papasok kami sa loob ng bar pero hindi ko siya pinakinggan at tuloy-tuloy pa rin ako sa pagpasok. Nakita ko sa post ni Klarisse na nandito siya kasama ang gagong ipinagpalit niya sa akin. Wala naman akong planong manggulo. Ang akin lang ay sana makausap ko pa si Klarisse. Kahit pang closure lang. Ipaintindi man lang sana niya sa akin kung bakit siya nakipaghiwalay at ipinagpalit niya ako agad.
“Dion, pare umuwi na lang tayo. Ayaw kong makulong pare.”
“Ulol! Hindi naman tayo makukulong. Kakausapin ko lang.”
“Paano mo nga makakausap? E, nakabakod ‘yong bagong syota!”
“Manahimik ka nga! Tulungan mo na lang akong hanapin.”
Nakita kong marahas siyang bumuntonghininga bago nag angat ng tingin sa taas. “Sa second floor tayo para kitang-kita mo!”
Nagtungo kami sa second floor ng bar. Sa dami ng tao ay mahihirapan nga kaming hanapin sina Klarisse at ‘yong lalaki niya kung mananatili kami dito sa baba.
“Nandito na lang din naman tayo bakit hindi pa tayo mag inom?”
Umiling ako. “Wala akong planong maglasing.”
Nagkibit-balikat lang si Tj. Isa-isa kong tiningnan ang mga taong nagsasayawan sa dance floor. Nakakahilo man dahil sobrang dami nila, sumasayaw pa at masakit sa mata ang lights ay pinilit ko pa rin. I just wanna see her.
“Hindi ako papayag na ganun-ganun na lang. Sasabihin niya sa aking mag fo-focus lang siya sa pag aaral? Tapos kinabukasan may iba na siyang kasama? Hell! No f*****g way! Hindi ko siya hahayaang maging masaya!”
Napalingon ako sa likuran ko. Hindi ko akalaing may kapareho pala ako ng sitwasyon. Nakita kong umiiyak ‘yong babae habang tumutungga ng isang bote ng beer.
“Marah, you’re already drunk. Bakit hindi na lang kaya tayo umuwi?” sabi ng kaibigan nito habang hinhagod ang likuran niya.
“Tapos ano? Magmumukmok ako sa bahay? Uubusin ko na naman lahat ng oras ng gabi para lang isipin kung bakit? Bakit gano’n lang niya ako kadaling ipinagpalit? Kung paano niya nagawang talikuran ako sa kabila ng lahat ng isinakripisyo ko para lang makasama siya.” Humagulgol siya sa pagitan ng pagsasalita. “Ayokong isipin, Claud. Pagod na akong hanapin ‘yong dahilan kung bakit hindi niya ako nakikitang kasama sa future niya. Kung bakit hindi ako ang nakikita niyang naglalakad sa altar at hinihintay niya.”
Natulala ako habang nakatingin sa kanya. Kasi saktong-sakto ‘yong sitwasyon niya sa sitwasyon ko ngayon. Ramdam ko ‘yong sakit na nararamdaman niya.
“Pare, drinks?” Napalingon ako kay Tj na bigla na lang sumulpot sa gilid ko. May dala na siyang beer at ngayo’y inaabot sa akin ang isa. Wala akong planong uminom pero dahil para akong wala sa sarili ay tinanggap ko ‘yon at agad kong tinungga.
“Nakita mo na?” tanong niya.
Umiling ako.
“Claudine? Samarah?”
Nakita kong agad na umirap ang kaibigan no’ng babaeng umiiyak nang nakita itong grupo ng mga babaeng bagong dating.
“Nandito rin kayo? Nakita ko si August sa baba kasama ‘yong bagong girlfriend niya. Now I know the reason why naghiwalay kayo, Samarah! Ang ganda no’ng ipinagpalit,” sabay halakhak niya ng tawa na agad namang sinabayan ng tatlo niya pang mga kasama.
“b***h!” Tumayo itong si Claudine at susugurin na dapat ‘yong babae. Pero agad siyang natigilan, miski ako ay halos mapatalon sa gulat nang bumagsak ang isang bote ng beer sa harapan namin. Agad ‘yong nabasag at kumalat sa sahig.
“Oh my gosh! What the heck?!” bulyaw ng babae.
Tumayo itong si Samarah. Inayos niya ang damit niya, itinuwid ito mula sa pagkakalukot. Inalis niya rin pagkatapos ang mga luhang nagkalat sa kanyang pisngi. Saka siya naglakad papalapit sa babae at kinwelyuhan ito. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko.
“Saan mo nakita?” Kumunot ang noo ko. Ang lamig ng boses niya. Ang astig pakinggan.
Nanginginig ang kamay ng babae nang ituro ang baba.
“Lead the way,” saad pa nito. Umangat ang gilid ng labi ko. How cool! Parang hindi humagolgol ng iyak kanina.
Itinulak niya ang babae upang mauna itong maglakad.
“Samarah, anong balak mong gawin?!” Natatarantang humabol sa kanila ang kaibigan niya.
Sinundan ko sila ng tingin habang pababa sila sa hagdan.
“Tsk, tsk, tsk. Siguradong malaking gulo itong masasaksihan ko. Halatang lasing na lasing na ‘yong babae, e!” rinig kong sabi ni Tj.
Nanlaki ang mga mata ko nang nakita ko kung saang cubicle sila huminto. Nakita niya ang kanina ko pang hinahanap. Si Klarisse.
Sinampal niya ‘yong lalaking kasama ni Klarisse.
“Oh? Ex boyfriend niya ‘yong bagong syota ni Klarisse?”
“Pre, tara!” sabi ko kay Tj matapos kong makitang hinawi niya ang mga inumin at pulutang nasa lamesa at hinayaang mabasag iyon sa sahig. Nagsisisigaw na rin siya pero hindi namin marinig dahil sa lakas ng music. Pero ‘yong mga taong nasa malapit nila ay nakatingin na sa kanila.
“Ano? Anong plano mo? Makikisali ka sa gulo?”
Hindi ako sumagot dahil halos takbuhin ko na ang hagdan makalapit lang kina Klarisse. I’m afraid she’ll get hurt. Mukhang nakakatakot ‘yong babae. Galit na galit. Baka kung ano pang magawa niya kay Klarisse.
“IYONG THREE MONTH RULE, HA? HINDI NIYO BA ALAM? KAHAPON LANG TAYONG NAG BREAK! GAGO KA!”
Napahinto ako sa paglalakad nang nakitang sinuntok niya ang lalaki. Sa sobrang lakas ng suntok niya ay halos mapatumba niya ito. Agad na pumagitna sa pagitan nilang dalawa si Klarisse. Ito na ‘yong kinakatakutan ko. Na baka mapahamak siya. Anong laban niya sa babaeng nasa harap niya? Sa sobrang hinhin niya ay siguradong isang sampal lang siya ng sisiga-sigang babae na ito.
“CAN YOU PLEASE STOP?” sigaw ni Klarisse.
“Huwag kang makialam dito.”
“How can I? E, sinasaktan mo ang boyfriend ko!”
Ngumisi ang babae. Kumuha siya ng isang parihabang parte ng bote na mula sa sahig. Tinitigan niya ang talim nito saka niya itinaas ang kamay niya. Putcha! Sasaksakin niya ba si Klarisse?
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Gusto kong alisin si Klarisse pero paano ko gagawin? Makikita niya ako! E, ano naman? Iyon nga ang nais ko kanina ‘di ba? Ang makausap siya!
Suminghap at agad na nagsigawan ang mga tao nang sasaksakin na niya dapat si Klarisse. Pero buti na lang ay agad na nasalo no’ng ex boyfriend niya ang braso niya. Nakahinga ako ng maluwag.
“TUMIGIL KA NA, MARA! HINDI NA NGA KITA MAHAL! HINDI MO BA NAIINTINDIHAN ‘YON?!” bulyaw sa kanya ng ex niya na talaga namang napatitig siya dito. Kita ko kung paanong napuno ng sakit ang kanyang mga mata.
Malutong na sampal ang ginawa sa kanya ni Klarisse. “BALIW!”
Sa kabila ng malakas na sampal na iginawad sa kanya ni Klarisse ay nanatili siyang nakatitig sa ex niya.
“Pakiulit no’ng sinabi mo,” mahinang sabi niya.
Naikuyom ko ang mga kamao ko. Hindi ko na natiis at sumingit na ako. Saka ko siya basta na lang hinila paalis, palabas ng bar.