Ilang buwan na ang nakalilipas nang mawalan ako ng malay matapos kong mistulang makalipat sa katawan nung ibon na tinitignan ko sa kakahuyan. Ang natatandaan ko lang ay tila ba nagkatinginan kami at bigla syang nagsalita. Kasunod non ay binalot ng matinding init ang katawan ko. Nang mapadilat ako, nandoon na ako sa itaas ng puno at nasa katawan na ng ibong 'yon. Nagawa ko lang makabalik sa aking katawan nang dumating si Scott at nakita ang walang malay kong katawan. Grabe na lang ang gulat ko nang bigla nyang ilapit ang muka nya sa muka ko. Dulot na lang din siguro ng kagustuhan kong pigilan ang kung ano mang gagawin nya, nagulat ako nang biglang umikot ang paligid ko na para bang hinihigop ako ng katawan ko. Tapos ayon, nagawa kong makabalik sa katawan ko pero sobrang nanghihina ako.

